Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 24

TALAAN NG NILALAMAN

Kabanata I
a. Introduksyon ……………………………………………………………. 1
Kabanata II
a. Layunin ng Pag-aaral ………………………………………………….. 3
Kabanata III
a. Katawan ………………………………………………………………….. 3
Kabanata IV
a. Lagom ……………………………………………………………………..
b. Kongklusyon ……………………………………………………………..
c. Rekomendasyon …………………………………………………………
Kabanata V
a. Listahan ng Sanggunian ……………………………………………….
PAGKILALA/PAGPAPASALAMAT

Buong puso naming inaalay ang pamanahong papel na ito sa Diyos

na siyang nagbigay sa amin ng buhay, kalakasan, talino, talento at

kakayahan upang matapos ito nang maayos at sa tamang panahon.

Ipinaaabot din namin ang aming pasasalamat sa mga taong

naniwalang magagawa namin ito sa kabila ng kakulangan ng oras.

Nais din naming bigyang-pagkilala ang aming guro sa

asignaturang Filipino 102, Ms. Janen D. Lumibao, sa pagtuturo kung

papaano namin epektibong magagawa ang pamanahong papel na ito.

Maraming salamat os a inyong paggabay – alay po namin ito sa inyo.

Justinne
Arvin
Angela
Albert
Clarisse Ann
Aleli
KABANATA I

a. Introduksyon

“Nakita ko si _________. Nangongopya siya kaninang nag-eexam

tayo.”

Kung isa kang mag-aaral, hindi na bago para sa iyo ang linyang

ito, at para sa mga guro, malimit nang isyu ang pahayag na ito.

Maraming beses ko ng nadinig ang katulad niyan, sa iba’t ibang bersyon,

sa iba’t ibang pamamaraan, para sa iba’t ibang dahilan.

Inilarawan ng mga eksperto ang pangongopya at pandaraya

bilang isang krimeng walang biktima, mangyari kasing ang epekto nito

ay diretso sa nagsagawa nito – sa kanyang moral, sa kanyang buong

pagkatao.

Hindi napapansin ng marami sa atin na ang isyung ito ng

pangongopya at pandaraya ay isa sa mga tunay na madilim na bahagi ng

edukasyon, mula pa noon hanggang sa kasalukuyan - isang lumalaking

pagsubok na dapat na hinaharap.

Ayon sa mga pag-aaral, mas ninanais pa ng mga tao na tingnan sa

ibang paraan ang isang problema, kaysa solusyunan ito – basta’t hindi

sila naaapektuhan dito. Ngunit, labis na nakakabahala ang ganoong

gawain, lalo na kung bata ang nagsasagawa nito, maituturing na

pagnanakaw na rin kasi ang pangongopya at pandaraya sa paaralan.


Sakit kasi ito at kapag hindi naagapan ay maaaring kanser na na

lubhang napakahirap ng ihiwalay at alisin sa katawan.

Nakahanay ang nasabing gawain sa mga problemang tulad ng

kakulangan sa silid-aralan, pasilidad at magagaling na guro, mali-maling

nilalaman ng mga libro, drop-out rate, at iba pa. Sa paglipas ng ilan

pang mga taon ng pagsasawalang-bahala, hindi malayong maging tama

na ito sa tingin ng mga mag-aaral, makasanayan at maging isang normal

na gawain na lamang upang mairaos ang pag-aaral o makataas sa

maling paraan.

Sa mabilis at patuloy na pag-unlad, modernisasyon at

globalisasyon, mahalaga ang nakatapos ka ng pag-aaral. Kalakip rin dito

ang magandang mga marka, hindi lang basta diploma. Sa hangaring

makasabay sa mundo, nagagawa ng ilan ang mandaya. Nakakalungkot

isipin na tila baga ito na lang natatanging paraang naiisip ng ilan, para

sa pangarap na magandang bukas. Alam namang mali, ginagawa pa din,

integridad na ang nakataya, kinakalimutan na din. Nanggaling na mismo

sa isang estudyante na, “Cheating in high school is for grades, cheating in

college is for career.” Ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal

na mismo ang nagsabi, “Ang tagumpay ay anak ng paghihirap.” Tunay

namang higit na masarap ipagmalaki ang mataas na markang

pinagpuyatan, ang pasadong markang pinaghirapan, kaysa markang

kamala-malaki nga, hindi naman bunga ng anumang pagsisikap.


Ang kailangan ng ating lipunan ay mga mamamayang

marurunong at matatapat, na siyang lilikha ng pagbabago at mag-aangat

sa bayan sa tama, malinis at magandang paraan bunga ng lahat ng

kanyang napag-aralan at natutunan sa buhay.


KABANATA II

a. Layunin ng Pag-aaral

Ang pamanahong papel na ito ay nagbibigay ng impormasyon hinggil sa

pangongopya at pandaraya at naglalayong matugunan ang mga

sumusunod na tanong:

1. Sino ang mga karaniwang gumagawa ng pangongopya at/o

pandaraya sa paaralan?

2. Anu-ano ang mga anyo ng pandaraya sa paaralan?

3. Bakit nagagawa ng mga mag-aaral na mangopya o mandaya?

4. Ano ang mga posibleng aksyon para maiwasan ang pangongopya

at pandaraya sa mga paaralan?


KABANATA III

a. Katawan

“Pangongopya saka pandaraya? Lahat naman ginawa yo’n”.

Halos lahat na nga yata ng taong nakapag-aral, nagtapos man o

hindi ay naranasang mangopya, magpakopya, mandaya at/o mag-

plagiarize sa paaralan – isang beses man ito, dalawa, o maraming beses

mang ginawa.

Isang seryosong usapin talaga ang “student cheating,” ang higit

pang nakakaalarma rito ay elementarya pa lamang, mayroon ng mga

ganitong gawain, hanggang pagtungtong nila ng hayskul, at dala nila

hanggang kolehiyo. Masasabing “minor cheating” ang ginagawa ng mga

bata sa elementarya, ngunit habang tumataas ang kanilang antas,

humihirap ang mga gawain na nagiging dahilan para matukso silang

gawin ito sa madaliang paraan, mandaya, mangopya o mag-plagiarize.

“Hindi ang mga mag-aaral na mahihina sa pag-aaral ang

karaniwang nakakabit sa ganitong mga gawain, ang mga mag-aaral na

under pressure sa pagpapanatili ng kanilang marka at academic standing

sa paaralan, silang nagnanais na makapasok sa magagandang kolehiyo

at magkaroon ng magandang trabaho. Sila yung mga mag-aaral na sapat

na ang katalinuhan para mandaya ng hindi sila mahuhuli.” (Cheating in

School: What We Know and What We Can Do, 2009) Maibibilang din sa

kanila ay silang mga hindi nakapaghanda ng maigi sa kanilang


pagsusulit, silang ayaw bumagsak, silang ayaw mapahiya sa buong klase

dahil mababa o bagsak ang kanilang iskor at silang mga walang tiyagang

gawin ang isang aktibiti na dapat ay gawin nila gamit ang sarili nilang

talino at kakayahan.

Hindi nababawasan ang mga paraan na ginagamit ng mga mag-

aaral, makaraos lang sa kanilang pag-aaral (ng walang gaanong

pagsisikap): (a) mangopya sa katabi niya, (b) paggamit ng kodigo, (c)

pakikipagkasundo sa mga kaklase o student collusion, (d) paggamit ng

mga gadgets, pagtetext ng mga sagot at pagpapasa-pasahan dito, (e) pag-

plagiarize, (f) pagbabago sa mga sagot sa pagsusulit, (g) paggamit ng

gawa ng iba, at marami pang iba na marahil ay hindi pa natutuklasan.

Bakit nagagawa ng mga mag-aaral ito? Ang pinaka-karaniwang

sagot ng mga tao at maging ng mga estudyante man kung bakit

nagagawang mangopya, mandaya at mag-plagiarize ng mga estudyante

ay sa kadahilanang ayaw nilang bumagsak o di kaya’y nais nila ng

mataas na marka. Ang dalawang dahilang ito ang nagsisilbing “drive” ng

mga estudyante para pasukin ang mga gawaing nabanggit.

Galing sa isang blog ni Jonah Lehrer na Everybody cheats,

lumabas sa isang komprehensibong pag-aaral na ginawa noong 1920s

ng mga psychologists na “nakukuhang mandaya ng mga bata batay lang

sa ilang kondisyon. Ang ibang bata ay nandadaya lang sa kanilang

spelling test, ang iba sa kanilang math test. Ang iba ay tuwing Biyernes
lang at ang iba naman ay kapag wala lang ang kanilang guro”.

Mahihinuha natin sa talata na hindi naman sa lahat ng pagkakataon

ginagawa ito ng mga mag-aaral, magkaganu’n pa man, mali pa din ito.

Sa isang isinagawang pag-aaral noong 1969, kung saan 1,500

mag-aaral sa hayskul ang tinanong tungkol sa mga dahilan ng

pandaraya nila at ang naging pangunahing dahilan ay ang takot na

bumagsak at pumapangalawa dito ang parental pressure at demands.

Hindi nais uwian ng mga estudyante ang kanilang mga magulang

mababang marka, bilang isang estudyante at naging estudyante, alam

na alam natin ang kakaibang pressure na dala ng mga ekspektasyon sa

atin ng mga magulang natin.

Ayon kay Denise Pope (2001), “Ang mga paaralan ay nabibigong

parangalan, sa halip ay hindi binibigyang-diin, ang mga mabuting study

habits sa parte ng mga mag-aaral. Kapag sobra-sobrang emphasis ang

inilagay sa marka at sa mga individual achievements, ang sistemang ito

ay maaaring magdulot ng baluktot na pananaw sa mga mag-aaral.

Matutunan nilang magtagumpay gamit ang lahat ng posibleng paraang

kanilang makikita, kahit na nangangahulugan itong tatalikuran ang

kanilang integridad – kapalit ng mataas na marka.”

Ipinababatid nina Stephen Davis, et. al. (2009), na ang

napakadaling proseso ng pangongopya at pandaraya, kapag isinama sa


mataas na pressure ng pag-aaral ay isang salik sa mga mag-aaral na

yakapin ang gawain ng “academic dishonesty.”

Ibinunyag ng isang risertser sa katauhan ni W. W. Ludeman, ang

iba pang salik upang mandaya ang estudyante sa kanyang course work.

Nagagwa niyang mandaya kung nakikita niya ang aktibiti na: (a) walang

saysay o walang kabuluhan, (b) sobrang hirap nitong gawin, o (c)

lubhang madali ito.

Pansinin natin ang iba’t ibang sentimyento ng mga mag-aaral sa

gawaing ito, ang kanilang pagtatanggol at depensa (Cheating in School:

What We Know And What We Can Do, 2009):

 “Hindi nakatakip ang mga sagutang-papel ng mga kaklase ko,

hindi ako nakapaghanda sa pagsusulit na ‘yon, wala akong

magawa kung hindi mangopya.”

 “Ang hirap intindihin ng sinasabi sa libro, kailangan kong

mangopya.”

 “Wala namang kwenta ‘yung sinasabi sa libro, hindi ko naman

‘yon mapapakinabangan. Bakit ko pa ‘yon pag-aaksayahan ng oras

para intindihin?”

 “Kailangan ko talagang mangopya, nanganganib mawala ‘yung

scholarship ko.”

 “Napakadaming ibinigay na pag-aaralan ng mga guro ko, wala

akong oras para pag-aralan ‘yon.”


 “Natatandaan mo ba nu’ng bigla na lang umalis yung instructor

natin habang kumukuha tayo ng pagsusulit? Wala naman talaga

siyang pakialam kung magkopyahan at mandaya tayo.”

 “Pinakokopya ako ng kaibigan ko, hindi ako makatanggi.”

 “Wala naman talaga silang pakialam kung natututunan ko nga ba

yu’ng nakalagay sa libro.”

 “Wala akong oras mag-aral, kailangan kong magtrabaho para may

pambayad ako sa tuition ko saka sa mga libro.”

 “Teachers call it cheating, we call it teamwork.”

Iba’t-iba ang dahilan ng mga estudyante kaugnay ng kanilang

pangongopya’t pandaraya, subalit sa anu pa mang dahilan, walang

dilemma sa pag-aaral na kumopya o bumagsak/bumaba, kung may

sipag at tiyaga lamang ang mga estudyante.

Sinaliksik ng mga risertser ang posibilidad ng pagkakaroon ng

“cheating personality.” Kaugnay nito, inilista nina Stephen Davis, et. al.

(2009), ang ilan sa mga “elusive characteristics”:

1. Male-female differences

2. Antas ng karunungan; katalinuhan

- Ayon sa isang pag-aaral noong 1970s sa mga hayskul at kolehiyo, ang

mga estudyanteng matatalino ay may mas mababang posibilidad na

gumawa ng pandaraya kaysa sa mga estudyanteng may mas mababang

IQ.
3. Work ethic at moral development

- Sinasabing ang mga mag-aaral na marunong at may kakayahang iayos

ang kanilang oras sa lahat ng bagay ay may mas mababang tsansang

mandaya, ang mga taong mataas ang work ethic ay mas matitiyaga at

nag-aalay ng mas mahabang oras para sa isang gawaing

nangangailangan ng mas higit na atensyon, kaysa sa mga may

mababang work ethic.

4. Motibasyon

- Mula sa motibasyon ay maaaring matukoy ang mga estudyanteng

maaaring gumagawa ng pandaraya. Itinuturing ng mga ekspertong good

predictor ang motibasyon, kung ang mga estudyante ay nag-aaral para

matutunan ang asignaturang iyon o para lamang sa mataas na marka.

Kung ang motibasyon ng mag-aaral ay para sa mataas na marka, mas

higit ang posibilidad na siya ay mandaya.

5. Pangangailangan ng pagtanggap o pagsang-ayon

6. Pananaw ng mga estudyante

7. Risk

8. Procrastination at responsibility
KABANATA IV

a. Lagom

Ang pandaraya, lalo sa pag-aaral ay hindi katanggap-tanggap.

Mababaw man o malala, ito ay malinaw na pandaraya pa rin. Isa dapat

ang problemang ito sa tinututukan ng mga paaralan, gayundin ng mga

magulang, dahil hindi makabubuting makasanayan ang mga gawaing

tulad nito na maaaring madala nila hanggang sa kanilang pagtanda at

maging mas malaking suliranin sa kanilang pinagtatrabahuhan at sa

lipunang kanilang kinabibilangan.


Kung pakalilimiin at hihimay-himayin, sadyang napakalawak at

napakahabang isyu ng pangongopya at pandaraya, hindi ito simpleng

isyu na maaaring balewalain. Ang ilan sa mga naitala dito ay napakaliit

na bahagi pa lamang ng lumalaking problemang ito. Ang ilang proponent

ng suliraning ito ay maingat na pinag-aralan ng higit 20 taon ang lahat

ng sulok nito. Nakakadagdag pa sa pagsubok ay ang mabilis na

pagbabago ng panahon, at kaalinsabay nito ang pagdami ng mga paraan

at ganu’n din ang mga dahilan para gawin ito.

Iba-iba ang naging resulta ng mga eksperto sa tanong na, “sino

nga ba ang karaniwang nangongopya at/o nandaraya sa paaralan?”,

subalit posible naman talagang gawin ito ng mga:

 Mag-aaral na under pressure sa pagpapanatili ng kanilang marka

at academic standing sa klase.

 Mag-aaral na natatakot bumagsak.

 Mag-aaral na may mga magulang na may mataas na ekspektasyon

sa kanila.

 Mag-aaral na hindi nakapaghanda ng mabuti sa kanilang

pagsusulit.

 Mag-aaral na natatakot mapahiya sa klase dahil bagsak o mababa

ang kanilang nakuha.

Maibibilang na rin sa mga dahilang nabanggit ang takot na

mawala ng kanilang scholarships at hindi na matustusan ang kanilang


pag-aaral. Kung minsan naman, nagagawa ito ng mga mag-aaral sa ilang

pagkakataon lamang at hindi palagian.

Ilang mga dahilang nakita kung bakit nagagawang mandaya ng

mga mag-aaral ay ang mga sususunod:

 Ayaw nilang bumagsak.

 Dahil sa parental pressure at demands.

 Hindi nakapaghanda sa pagsusulit.

 Dala ng peer pressure o hindi makatanggi sa kaibigan.

 Para mapanatili ang marka.

 Hindi naintindihan ang pinag-aralan.

 Ayaw sa guro.

 Maling motibasyon.

Maisasama na rin natin dito ang katamaran, paglalaan ng oras sa

ibang mga bagay asa halip na ibigay ang oras sa pagbabasa, kakulangan

sa time management at ang maraming tukso sa paligid tulad ng

computer, cellphone at telebisyon. “Mas madaling mangopya kaysa

magrebyu”, wika nga ng isang mag-aaral.

Ginagampanan ng mga magulang at ng mga guro ang

pinakamahalagang role sa pagkontrol sa “student cheating”. Ang

pagtutulungan ng mga magulang at guro, at ang pakikiisa ng kanilang


mga anak/estudyante, ay ang pormyula para unti-unti, maialis ito sa

mga negatibong bahagi ng edukasyon.

Ang pagpapaliwanag sa panganib na maaaring idulot nito, bakit

hindi nila ito dapat gawin at ang kahalagahan ng katapatan, respeto, sa

sarili at maging sa ibang tao, at integridad ay isang epektibong paraan

kung pakikinggan at ilalagay sa puso’t isipan ng mga mag-aaral.

Sa takbo ng mundo natin ngayon, lalong humihirap matukoy ang

mga gumagawa nito – dahil sa teknolohiya, ganu’n din namang mahirap

na itong pigilan. Naging kultura na ito para sa ilan. Maihihiwalay pa ba

ito sa mga estudyante? Ano nga ba ang maaari nating gawin sa bagay na

ito?

Hindi madaling masawata ang gawaing ito, habang may mga nag-

aaral, palagi na ngang magkakaroon ng mga ganitong isyu. Lahat ng

problema ay sinasabing may solusyon, tulad ng lahat ng padlock ay

ginawang may kasamang susi. Posible namang mapagtagumpayan ang

problemang ito kung pagtutulung-tulungan, at magkakaroon tayo ng

pakialam dito. Ang pinagsama-samang aksyon ng mga magulang, dahil

sa tahanan nagsisimula ang konsepto ng respeto sa sarili at sa ibang

tao, pagtatama sa kanilang mga mali at hubugin sila bilang mga

mabubuting tao; at ng mga guro, dahil sila ang nagsisilbing gabay ng

mga bata, magtuturo ng tama habang nasa paaralan at sa kanila

ipinagkakatiwala ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga oras


na hindi nila ito kapiling. Pero isaisip nating mangyayari lamang ang

pagbabago kung makikisama at makikipagtulungan ang mga mag-aaral

dito. Ikintal sa kanilang isipan na ito ay para sa kanilang kabutihan at

higit sa anu pa mang dahilan ay dahil sa ito ang tama. Bukod sa mga

nabanggit ay kumbinsihin ang mga mag-aaral na kaya nilang makakuha

ng mataas na marka sa pagsusumikap, sa pakikinig ng mabuti at sa

pagsasapuso ng mga pinag-aaralan.

Dapat hindi lang basta sinasabi ng mga guro na wag silang

magkopyahan bago magsimula ang kanilang pagsusulit, hindi rin dapat

namamahiya ang isang guro kung makita man niya ang kanyang

estudyante na nandadaya, hindi natin maaaring masabi at masiguro ang

magiging epekto nito sa bata, may posibilidad kasing hindi niya ito

makita bilang concern at magdulot ng negatibo at destructive na resulta.

Maaari niyang komprontahin ang mag-aaral na ito ng silang dalawa

lamang upang lubusan niyang maintindihan ang kanyang pagkakamali

at gayundin naman, hindi siya malagay sa nakakahiyang sitwasyon.

Hindi natin malalaman kung kailan magwawakas ang

impluwensya ng isang guro sa mga naging estudyante niya, at dahil sa

paaralan nagaganap ang mga ganitong bagay, balikat nila ang mga

batang ito.

Hindi rin natin maisasantabi ang napakahalagang ginagampanan

ng mga magulang sa problemang ito, mali ang ipressure ang mga bata na
kumuha ng mataas na marka, pilitin silang manguna sa klase at

magdala ng karangalan sa pamilya. Bilang anak, napakasarap marinig

sa mga magulang na unahin ang kalusugan kaysa sa pag-aaral, huwag

masyadong pilitin ang sarili kung hindi na talaga kaya, dahil hindi nila

kailangan ng mataas na marka, ang kailangan nila ay ang kanilang mga

anak.

Ang simpleng suporta at atensyon tulad ng pagtatanong kung

kumusta ang kanyang pag-aaral, kailangan niya ba ng tulong, may

nagiging problema ba siya sa paaralan, ay malaking bagay para sa

kanilang mga anak.

Kung minsa’y nahihirapang magsabi ng totoo ang kanilang mga

anak dahil sa takot na mapagalitan o pagsabihan sila, sa mga ganitong

mga pagkakataon, mas dapat ipinapakita ng mga magulang ang

kanilang pag-unawa at pagkilala sa mga pagsisikap ng kanilang mga

anak. Napakahalagang maramdaman nila na magkagano’n pa man ang

nangyari, kasama pa rin nila ang kanilang mga magulang.

b. Kongklusyon

Matapos ang lahat ng nalaman at nakalap naming impormasyon

mula sa aming mga sanggunian, napatunayan naming hindi talaga biro

ang isyung ito. Ang mga kaugnay kasi rito ay mga batang menor de edad

na nangangailangan ng paggabay. Ginagawa ng mga mag-aaral ito para

sa kanilang mga sari-sariling dahilan at kinatatakutang pangyayari,


tulad ng mga nabanggit na sa mga unang bahagi, yu’n nga lang, maling

paraan ang napili nilang gamitin. May mga paraan namang pwedeng

gawin, yu’n nga lang mas mahirap ito, at nangangailangan ng maraming

disiplina sa sarili, sipag at tiyaga.

c. Rekomendasyon

Bilang mga mag-aaral, may mga responsibilidad tayong dapat

nating gawin, at isa dito ay mag-aral ng mabuti. Dapat nating isaisip na

hindi tayo pumupunta ng paaralan para makipagkita sa mga kaibigan,

kundi para matuto at para unti-unting buuin ang ating kinabukasan,

pagsikapan ito at paghirapan. Tunay na masalimuot ang proseso ng pag-

aaral, pero kapag napagtagumpayan natin ito, magiging tunay na

matamis ang tagumpay na ito.

Narito ang ilang payo para sa mga mag-aaral para maiwasan ang

pangongopya o pandaraya:

1. Makinig, makiisa at makibahagi sa oras ng klase. Sa pakikinig ay

marami tayong pwedeng matutunan at malaman, mayroong pumapasok

sa ating isipan.

2. Ugaliing mag-advance study sa mga bakanteng oras. Sa halip na ilaan

sa ibang mga bagay ang inyong oras, sanayin ang sarili na ibuhos sa

pag-aaral ang mga ito at gawing isa sa inyong prayoridad.


3. Gumawa ng time table ng mga gagawin lalo na kung marami ito.

Napakahalagang mayroong disiplina sa oras at dibisyon ng mga gawain

ang isang mag-aaral. Dapat may oras sa lahat ng bagay.

4. Dagdagan ang sipag at tiyaga, gawing inspirasyon ang mga pangarap

at ang lahat ng pagpapakahirap ng mga magulang.

5. Mahalin ang pag-aaral, ituring mo itong isang masayang libangan.

Masarap matuto at masarap ang maraming alam.

6. Pagtuunan ng pansin ang mga asignaturang nahihirapan, paglaanan

ito ng oras at;

7. Maniwala sa sariling kakayahan at talino. Isiping kung kaya ng iba ay

mas lalong kaya mo rin. Napakamakapangyarihan ng isip ng tao.

8. Huwag kalimutang bigyan ang sarili ng pahinga at gantimpalaan ang

sarili sa isang magandang performance.

Nakasalalay sa paraan ng mga guro kung madidisiplina nila ng kanilang

mga estudyante. Hindi estudyante ang makikisabay sa guro, ang guro

ang dapat bumaba para sa mga estudyante kung kinakailangan. Kung

minsan, kakulangan din ng mga guro kung bakit nakakalusot pa rin ang

mga ganitong gawain.

Para sa mga guro:

1. Ipaunawa ang kahalagahan ng katapatan, ipaliwanag kung bakit

hindi sila dapat mangopya o mandaya.


2. Gumawa ng mga pagsusulit na iba-iba (mayroong set 1 at set 2, etc.)

ang mga tanong.

3. Maging mapagmatyag, mag-obserba, lumakad-lakad habang

kumukuha ng pagsusulit ang mga mag-aaral.

4. Ipababa ang mga gamit nila, maliban sa kanilang mga sagutang papel

at panulat.

5. Maaari ring kunin pansamantala ang mga cellphones o kaya’y

ipapatay muna ito habang nagsasagot.

6. Paghiwa-hiwalayin ng upuan ang mga mag-aaral, kung maliit ang

kwarto, palabasin ang ibang estudyante, mas madali kasing

makakapagkopyahan kapag maliit ang kwarto.

7. Kung isang sulatin ang gagawin, mas makabubuting iparecite ang

mga nilalamang kaisipan nito sa mag-aaral upang matiyak na siya

mismo ang gumawa nito.

Bilang mga magulang na nakatakdang umalalay sa lahat ng oras,

tandaang nariyan kayo upang tulungang umunlad ang inyong mga anak

at hindi upang pwersahin sila sa isang bagay na hindi nila kaya.

Para sa mga magulang:

1. Palaging magpakita ng interes sa takbo ng pag-aaral ng anak.

2. Suportahan sila sa mga bagay na nakakakitaan ng potensyal.


3. Hayaan silang gumawa ng sa sarili lang nila at kilalanin ang bawat

gawaing nagawa ng mag-isa.

4. Tulungan ang mga ito kung saan sila nahihirapan at palakasin ang

loob nito na magagawa rin niya ang bagay na iyon.

5. Bigyan ng sapat na atensyon at oras.

6. Ikintal sa isipan habang bata pa ang konsepto ng integridad, respeto

at kalinisang moral.

7. Huwag silang pilitin at hayaang gawin ng mga ito ang kanilang lahat

na makakaya.
KABANATA V

a. Listahan ng Sanggunian

Maunawang Pagbasa at Akademikong Pagsulat: Introduksyon sa


Pananaliksik nina Rolando A. Bernales, et. al. (2009)
Cheating in School: What We Know And What We Can Do nina Stephen
Davis, et. al. (2009)
Pangongopya at Pandaraya sa Loob ng Paaralan: Paano Mapipigilan?

Isang Panahong-Papel na Iniharap kay Bb. Janen D. Lumibao ng


Institute of Higher Studies, College of the
Immaculate Conception

Bilang Pagtupad sa Isa sa mga Pangangailangan ng


Asignaturang Filipino 102, Pagbasa at
Pagsulat Tungo sa Pananaliksik

Ng
BEED
BSED

CRUZ, Justinne O.
BOFILL, Angela V.
BENOZA, Aleli A.
BELGAR, Arvin C.
CRUZ, Clarisse J.
BONDOC, Albert C.

Pebrero 2013

You might also like