PAGBASA (Kapistahan NG Mahal Na Birhen NG Guadalupe)

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe,

Makalangit na Patrona ng Pilipinas (Puti)

UNANG PAGBASA (Zecarias 2: 14-17)

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias

Sinabi ng Panginoon,
“Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion,
pagkat maninirahan na ako sa piling mo.”
Sa araw na yaon,
maraming bansa ang sama-samang magpupuri sa Panginoon
at pasasakop sa kanya.
Siya’y maninirahan sa gitna ninyo.
Sa gayun, malalaman ninyong sinugo ako ng Panginoon.
Muli niyang kukupkupin, ituturing na kanyang sarili,
at itatangi ang Jerusalem.
Manahimik sa harapan ng Panginoon ang lahat ng nilalang,
pagkat siya’y tumindig mula sa kanyang templo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN (Judith 13: 18bkde, 19)

Pinupuri kang lubusan


ng lahat sa ating bayan.

Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan.


Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.

Pinupuri kang lubusan


ng lahat sa ating bayan.

Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo


ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.

Pinupuri kang lubusan


ng lahat sa ating bayan.
ALELUYA (Lucas 1: 28)

Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA (Lucas 1: 39-47)

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas.

Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda.


Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet.
Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria,
naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan.
Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet,
at buong galak na sinabi,
“Pinagpala ka sa mga babae,
at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!
Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?
Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati
ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.
Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad
ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”
At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking Espiritu
dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PANALANGIN NG BAYAN
Lunes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento

Sa ating pananalangin, dumulog tayo ngayon sa Diyos Ama


na siyang may lakas at kapangyarihan sa lahat ng mga bagay
upang maibsan ang mga pasaning nagpapahirap sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

o kaya

Ama naming makapangyarihan, dinggin mo kami.

Ang mga nanunungkulan sa Simbahan nawa’y mapuspos ng kabutihang-loob,


pagpapakumbaba, at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon. (R.)

Ang mga maykapangyarihan nawa’y magkaroon ng tamang gabay


sa kanilang pagpapasya ng karunungang nakabatay sa pag-ibig,
katarungan, at katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon. (R.)

Ang mga magulang, sa pamamagitan ng kanilang ginagampanang responsibilidad


sa tahanan, nawa’y higit na hangaring magmahal at mahalin,
sa halip na magpairal ng pangingilag at takot, manalangin tayo sa Panginoon. (R.)

Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kagalingan


at kaginhawaan ng loob sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at mga sakramento,
manalangin tayo sa Panginoon. (R.)

Ang mga yumao nawa’y matiwasay na makarating sa kanilang tahanan sa Langit,


manalangin tayo sa Panginoon. (R.)

Ama naming nasa Langit,


nagagalak kami sa nag-uumapaw mong pag-ibig sa amin;
itatag mo ang iyong kapangyarihan sa aming piling
at maging kasama ka nawa namin sa daan ng buhay.
Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen.

You might also like