Aralin 3-Malikhaing Pagsulat

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Aralin 3 Pagbasa at Pagsulat ng Tula

Ang pagtula ay isang napakahalagang bahagi ng tradisyon na naipamana ng ating mga ninuno. Mula sa
pagbigkas o tinatawag na oral lore ng mga tulang epiko, naipakikita at naipapasa ng ating ninuno ang kasaysayan ng
lahi. Sa pagbigkas din ng tula ay nakabuo sila ng mga dasal na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating nagagamit
katulad ng pasyon. Sa pagtula ay naipakikita rin natin ang pagpapaalaala sa mga kabataan ng kahalagahan ng
kabutihang asal, pagmamahal sa bayan, kalikasan at respeto sa kapwa-tao. Magpahanggang ngayon, ang pagtula pa
rin ang ginagamit ng mga makata upang ipaabot ang danas ng buhay mula sa kasaysayan ng bansa. Patunay dito ang
mga nagawang tula noong panahon ng Batas Militar maging ang karanasan ng bawat isa sa pagsugpo ng salot ng
COVID-19.
Maikling Tala ng Kasaysayan ng Panulaang Filipino
Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, pinaniniwalaang mayroon na tayong sariling panitikan na
tinatawag na panitikang oral. Ito ang may pinakamahabang kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas. Nanatiling matibay
ang panitikang oral sa mga sumunod na henerasyon dahil na rin sa pagsasalin nito sa pamamagitan ng pagsasadila.
Ang panitikang oral din ang sumasalamin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ating mga ninuno. Higit sa lahat may
katangian itong nagpapakita kung gaano kayaman ang ating panitikan dahil na rin sa ating mga ninuno.
Dahil dito nabuo ang mga tula sa pamamagitan ng pagbigkas at ito na rin ang naging libangan ng ating
mga ninuno. Maiiksi at simple ng mga tulang nabuo nila. Isa na rito ang tinatawag na Panugmaang-Bayan tulad ng
Tugmaan Pambata na maiksing tula na walang diwa. Tugmaan Matalinghaga naman ang may maiikling tula na
may sukat at tugma at malalim na mga paksa na humahasa sa mga kaisipan ng tao. Layunin din nito ang mangaral,
magpaalaala at magbigay ng babala. Halimbawa nito ang bugtong, kawikaan o kasabihan at salawikain. Tugmang
ganap na tula naman ang tawag sa tanaga ng katagalugan ng mga taga-Mindoro. Ito ay tula na may pitong pantig
kada taludtod at apat na taludtod kada saknong.
Awiting Bayan ay isa sa yaman ng ating mga ninuno. Ito ay naglalarawan ng kanilang pamumuhay na
mayaman sa kaugalian at tradisyon. Ito ay may sukat at tugma na kinapalolooban ng iba’t ibang damdamin na may
marikit na pananalita.
Halimbawa: Uyayi o Hele, Soliranin, Kalusan, Diona, Kundiman, Kumintang o Tikam, Hiliraw o Tagumpay, Dalit,
Dungaw, Umbay at Ditso.
Epiko naman ang tawag sa tulang pasalaysay. Ito ay nagsasalaysay ng kabayanihan ng pangunahing tauhan
na tinataguring bayani ng bayang kanyang kinabibilangan. Nakapaloob dito ang kultura ng isang lalawigan kung saan
nagmula ang epiko.
Halimbawa: “Biag ni Lam-Ang”, ang epiko ng mga Iloko, “Handiong”, ng Bicol, “Hudhud at Alim”, ng mga Ifugao,
“Hinilawod”, ng Bisaya, “Bantugan” ng Maranaw, “Indarapata at Sulayman” ng Maguindanao, “Tuwaang” ng mga
Manobo, at “Tikum Kadlum” ng mga taga-Panay.
Mga Uri ng Tula
Sa ating panitikan, ang tula ay may apat na uri at bawat isa sa mga uring ito ay may kani-kaniyang bahagi.
Ang mga uri ng tula ay ang sumusunod.

1. Tulang Liriko o Tulang Damdamin- ito ay nagpapahayag ng mga saloobin at damdamin ng makata. Ang
kataga ng tulang liriko ay karaniwang tumutukoy bilang salita sa isang kanta. Sa tulang liriko, mapapansin na
ang makata ay direktang nakikipag-usap sa mambabasa at ipinapahayag ang kanyang damdamin, iniisip, at
maging persepsyon.
Uri ng Tulang Liriko
A. Awit-uri ng tulang pasalaysay na binubuo ng tig-aapat na taludtod ang bawat saknong na ang bawat
taludtod ay may lalabindalawahing pantig at ang tradisyonal na dulong tugma ay isahan.
B. Soneto- tulang may 14 na taludtod at ang bawat taludturan o saknong ay may dalawang
taludtod.Karaniwang pumapaksa sa damdamin at kaisipan at nakikilala sa matinding kaisahan at
kasiksikan ng nilalaman.
C. Oda-tulang nagpapahayag ng paghanga o pagpuri sa isang bagay.Walang tiyak na bilang ng pantig o
bilang ng taludtod.
D. Elehiya- tulang nagpapahayag ng panimdim o pagkalumbay dahil sa isang namatay na minamahal.
E. Dalit-awit para sa mga anito/diyos-diyosan, pagsamba at paggalang ang himig nito.

2. Tulang Pasalaysay- ito ay isang uri ng tulang may balangkas. Ang tulang ito ay maaaring maikli o mahaba
tulad ng mga epiko.
Uri ng Tulang Pasalaysay
A. Epiko- Ito ay nagsasalaysay ng kabayanihan ng pangunahing tauhan na tinataguring bayani ng bayang
kanyang kinabibilangan
B. Awit at Korido
C. Karaniwang Tulang Pasalaysay

3. Tulang Patnigan- ang tulang ito ay kabilang sa uri ng duplo, karagatan, at balagtasan.
Uri ng Tulang Patnigan
A. Balagtasan-uri ng pagtatalo ng dalawang magkaibang panig ukol sa isang paksa.
B. Karagatan- isang dulang nababatay sa isang alamat tungkol sa singsing ng isang prinsesa.
C. Duplo- isang larong may kaugnayan sa kamatayan ng isang tao at may layuning aliwin ang mga naulila.
Ito ay patula ngunit hindi nangangailangan ng palagiang sukat at tugma. 

4. Tulang Pantanghalan o Padula- ito ay karaniwang itiatanghal, binibigkas ng patula ang bawat linya na kung
minsan ay sinasabayan ng melodya o ritmo ng isang awitin.

Elemento ng Tula
Ang tula ay isa sa dalawang uri ng paitikan na pinagtutuunan o pinag-uukulan ng mga ritmo at salita. Maikli
man o mahaba ang isang tula, may elemento ito upang masabing tula, tulad ng sukat, tugma, talinghaga, tono at
paksa.
Ang pagbasa at pagsulat ng tula, may tugma at sukat man o wala, mahaba man o maikli, parehong dumaraan
sa malikhaing pagsulat o proseso upang maipakita nito ang malalim at matalinghagang kaisipan na kaloob ng
damdamin ng makata. Ang babasa o makikinig ng tula ay may tungkuling unawain ang tula upang sa ganun ay
maabot nito (kahit papaano) ang naisin ng sumulat o ng isang makata upang makakuha rin ng aral mula sa isang tula.
Sa pamamagitan ng tula, nagiging bahagi tayo sa pagpapayaman ng ating kaisipan at damdamin, pagiging malay sa
ating kapwa at sa ating kapaligiran.

1. Sukat-ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod na bumubuo sa isang saknong. Karaniwang may
sukat na waluhan, labing-dalawahan, at labing-animan na pantig.
2. Tugma- Ito ay ang pagkakasingtunog ng mga salita sa huling pantig ng bawat taludtod ng tula.
3. Tono o Indayog- tumutukoy sa paraan ng pagbigkas ng bawat taludtod ng tula.Ito ay karaniwang pataas o
pababa.
4. Persona- tumutukoy sa nagsasalita sa tula.
5. Saknong- tumutukoy sa grupo ng mga taludtod ng tula. Ito ay maaaring magsimula sa dalawa o higit pang
taludtod.
6. Talinhaga- tumutukoy sa paggamit ng mga tayutay o matalinhagang pahayag upang pukawin ang damdamin
ng mambabasa.
7. Kariktan- malinaw at hindi malilimutang impresyon na tatanim sa isipan ng mga mambabasa.

Persona ng Tula
Persona ang tawag sa tauhang nagsasalita sa tula. Sa pamamagitan ng persona, ipinaaabot o ipinapahayag
ng makata ang mensahe sa kaniyang mambabasa. Ang persona ay hindi lamang isang tao na ginagamit ng makata
upang magsalita sa tula. Ang mga hayop o bagay ay maaari ring maging persona ayon na rin sa makata. Maging ang
ating karanasan, alaala, panaginip o lugar ay nabibigyan din ng pagkakataong maging persona ayon na rin sa makata
na nagbibigay buhay sa kanila upang makapagsalita sa isang tula.

You might also like