Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Pag-ibig o Pangarap?

Ang “Hello, Love Goodbye” ay isang pelikulang idinerehe ng award-winning director na si


Cathy Garcia Molina. Naganap ang “unboxing” ng official poster noong June 15, 2019 at
ipinalabas sa sinehan noong July 31, 2019 (Starmometer) Sa kasalukuyan, ang pelikulang ito ang
highest-grossing Filipino film of all time. Ito ay umiikot sa kwento ng mga OFW sa Hong Kong
at sa love story nina Joy (Kathryn Bernardo), isang OFW na nangangarap mag-migrate sa
Canada at Ethan (Alden Richards), isang bartender na inaantay ang kanyang pagiging isang
Hong Kong resident. Bukod sa kanila, naging mainit din sa mata ng madla ang iba pang mga
aktor at aktres na gumanap tulad na lamang nina Maymay Entrata (bilang Mary Dale Fabregas),
Kakai Bautista (bilang Sally), Maricel Laxa-Pangilinan (bilang Lita), Joross Gamboa (bilang
Jhim) at Jameson Blake (bilang Edward). Tumabo ng P880 million sa takilya ang unang
pagtatambal ng KathDen, at nagtala rin ng iba’t ibang record, gaya na lang ng pagiging unang
pelikula na naipalabas sa Jeddah, Saudi Arabia at pagiging highest-grossing Filipino film sa
Middle East, Australia, New Zealand, at United Kingdom (Inquirer.net).

Maraming manonood sa Pilipinas at sa ibang bansa ang napukaw ng “Hello, Love, Goodbye,”
dahil sa magaling na pagganap ng mga bida nito, at pati na rin sa makatotohanang pagpapakita
nito ng totoong kalagayan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang mga
pangunahing tauhan sa pelikula ay may kaniya-kaniyang angking galing sa pagpapalabas ng
emosyon na naaangkop sa bawat eksena. Ayon sa Star Cinema (2019), tinuran ng mga cast at ng
direktor na si Cathy Garcia-Molina ang pagsisikap ng mga artista na maganapan nang ayos ang
kanilang karakter, lalong lalo na si Kathryn Bernardo. Kaya naman, sa pagnanais na makita si
Joy Fabregas sa artista ay pinagbawalan niya itong makipag-usap at makisalamuha sa ibang tao
upang tunay na maipakita ang mahirap na kalagayan.

Makikita naman sa pelikula na talagang naihulma ng pangyayaring ito si Kathryn at lubusang


nasalamin ang hirap ng buhay sa ibang bansa. Sa kabilang banda, mahusay din ang pagganap ni
Alden bilang Ethan. Siya ang nagbigay ng kakaibang timpla sa pelikula. Epekibo niyang
naipakita ang nakakubling responsibilidad sa pamilya sa kabila ng kaniyang mahaharot na ngiti
at banat. Mabisa niyang nabalanse ang madramang tono ng palabas. Kapag nagsama na ang
dalawang karakter ay nababawasan ang bigat at nagiging light ang mga tagpo. Dahil dito ay
nabuo ang magandang chemistry nila Joy at Ethan na talaga namang nakapukaw sa interes ng
mga manonood. Magaling din ang pagkakaganap ng mga supporting cast. Mabisa nilang nagawa
ang kanilang trabaho na suportahan ang pangunahing artista at hindi inovershadow. Dahil sa
kanila, naging magaan ang mga eksena at nagbigay ng ngiti sa madla. Natural na natural ang
pagiging makulit at masayahin nila, na bumalanse sa matinding drama sa buhay nina Ethan at
Joy.
“Ang choice para lang sa may pera.” Ito ang linyang naglagom sa buong kwento ng pelikula. Si
Joy ay nagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong upang makaipon ng pera papuntang
Canada. Una pa lamang ay pangarap niya nang pumunta roon, dalhin ang kaniyang pamilya at
magtrabaho bilang nurse. Hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan upang makaipon ng
pera at makatulong sa pamilya lalo na’t batas sa Hong Kong na wala kang ibang pwedeng
pasukan na trabaho kundi bilang domestic helper lamang. Ngunit, kahit bawal ay ipinagpatuloy
ni Joy upang may maipadalang pera sa pamilya niyang nasa Pilipinas. Ang kaniyang buhay ay
unti-unting nabigyan ng kulay nang makilala niya ang isang binata. Si Ethan ay isang playboy
bartender na ilang taon na lang ay magiging residente na ng Hong Kong. Plano na niyang
manatili sa naturang bansa at buuin ang kaniyang sarili nang sa gayon ay makabawi naman siya
sa kaniyang pamilya mula sa pag-iwan niya sa kanila nang minsan siyang mabulag sa pag-ibig.
Isang gabi’y nagkurus ang kanilang mga landas, at kalauna’y naging bahagi sila ng buhay ng
isa’t isa. Ngunit, dumating ang araw kung saan kinakailangan nang umalis ni Joy patungong
Canada. Sa kabila ng kanilang pagmamahalan at mga plano ni Ethan para sa kanilang dalawa,
pinili ni Joy na tuparin muna ang kaniyang mga pangarap. Ang pelikulang ito ay binusog ang
mga puso natin sa kilig. Pero higit sa kilig, nagpamalas din ito ng ibang mukha ng pag-ibig. Ang
pag-ibig na may pagkabigo, pag-ibig na may sakripisyo, pag-ibig na marunong magsabi ng hindi
at ‘di puro oo, pag-ibig na nagpapakumbaba at pag-ibig na tumatanggap ng pagkakamali.

Ang sinematograpiya ng pelikula ay talaga namang namumukod-tangi. Walang tapon ang iba’t
ibang camera shots na ginamit dahil epektibo itong nagamit upang ipakita ang emosyon ng mga
karakter, at pati na rin ang mga magagandang tanawin sa Hong Kong. Ang script naman ay
nakakamangha rin sapagkat pinahagulgol, pinatawa at pinakilig ang mga madla nang sabay-
sabay. Subalit, nabanggit sa pelikula na nagmula si Joy sa Marinduque. Mas epektibo sana kung
naipakita ang punto mula sa lugar na ito lalo na kapag kausap ni Joy ang pamilya, gayong ibang
variant lamang naman ito ng Tagalog. Ang gamit ng background music ay nakatulong din sa
pagbibigay-diin sa emosyon na nais ipabatid ng pelikula. Masasabi kong magaling ang pagpili
nila sa kanta sapagkat umayon ito malungkot man o masaya ang eksena. Dagdag pa rito, natural
ang lahat ng interaksyon ng mga pangunahing tauhan sa isa’t isa kung saang epektibo ang
pagkakabigay nito ng representasyon ukol sa tunay na nangyayari sa buhay ng mga Pilipino sa
ibang bansa.

Natumbok ng Hello, Love, Goodbye ang mga bagay na sa isang pelikula na mainit sa mata ng
madla. Magandang istorya, magagaling na bida, malalim na mga karakter, maayos na conflict,
soundtrack na bumagay sa pelikula, directing at cinematography na pasado na para sa standards
ng maraming tao. Nakakamangha ang batuhan ng linya, malinaw ang character development
kaya naman hindi nakakaumay panoorin at pakinggan ang diskurso nila sa bawat eksena. Dahil
dito, napakalapit sa puso ng kwento dahil halos lahat ng Pilipino ay may kapamilya, kamag-anak
o kakilalang OFW. Hatid ng pelikula ang kirot ng pagkawalay at tamis ng tagumpay.
Bibliograpiya

“‘Hello, Love, Goodbye’ Official Poster Released!” Starmometer, 16 June 2019.

“Hello, Love, Goodbye (2019).” IMDb,

Hallare, Katrina. “‘Hello, Love, Goodbye’ Is Highest-grossing PH Film.” INQUIRER.net,

4 Sept. 2019.

Star Cinema Admin. “Direk Cathy, ‘Pinagbawalan’ Ang ‘Hello, Love, Goodbye’ Cast Na

Kausapin Si Kathryn Sa Set?” Star Cinema.

You might also like