Professional Documents
Culture Documents
FILDIS
FILDIS
FILDIS
Pagtalakay sa VMGO
Ang video ay nagtataglay ng visyon, misyon at mga tunguhin ng paaralan. Panooring mabuti at
unawain mo upang masagot ang mga gawaing nakalaan ukol dito.
Isinasaad sa Artikulo XIV Konstitusyong 1987 ang legal na batayan ng konsepto ng Filipino bilang
wikang pambansa, at ang magkarugtong na gampanin nito bilang wika ng opisyal na komunikasyon, at bilang
wikang panturo ng Pilipinas:
Seksyon 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat
payabungin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng
batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang
pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na
komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang edukasyon.
Seksyon 7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay mga
pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.
Dapat na itaguyod nang kusa at opsyonal ang Espanyol at Arabic.
Malinaw sa nasabing probisyong pangwika sa Konstitusyon na primus inter pares o nangunguna sa lahat
ng magkakapantay (first among equals) ang wikang Filipino bilang wikang pambansa sa kontekstong
multilinggwal at multikultural ng Pilipinas. Nangangahulugan ito na bagama’t pare-parehong mahalaga ang
wikang pambansa at iba pang mga wika ng Pilipinas, dapat bigyang prayoridad sa pambansang antas ang
paggamit ng wikang Filipino. Lalong dapat isagawa ang paggamit nito sa mga transaksyon ng gobyerno at sa
buong sistema ng edukasyon. Kasabay nito, dapat patuloy ring ginagamit sa iba’t ibang tiyak na konteksto ang
iba pang wika ng Pilipinas (halimbawa, bilang wikang pantulong o auxiliary languages sa mga paaralan sa iba’t
ibang rehiyon). Sa kasalukuyan, dahil sa K to12, sa mga unang taon ng elementarya, ang namamayaning
unang/inang wika (mother tongue) sa bawat rehiyon ang aktwal na ginagamit na wikang panturo, alinsunod sa
patakarang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Sa ganitong iskema, inaasahang
magiging tulay ang mga unang/inang wika sa mga rehiyon, tungo sa ganap na pagkatuto sa Filipino at Ingles, sa
mga susunod pang antas ng edukasyon. Samakatwid, tila hindi ganap na naipapatupad ang probisyong
pangwika ng Konstitusyon hinggil sa pagiging wikang panturo ng Filipino sa buong sistemang pang-edukasyon
ng bansa. Ang kahalagahan ng paggamit ng wikang pambansa sa mga paaralan ay pinatitibay ng
pangangailangan ng pagkakaisa ng mamamayan ng bansa tungo sa pagkakamit ng mga layuning para sa
kapakanang panlahat. Ipinaliwanag sa pamphlet na “Madalas Itanong sa Wikang Pambansa” (Almario, 2014) na
inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wikang pambansa sa
pamamagitan ng pagbibigay-diin sa papel ng wikang pambansa sa mabilis pagkakaunawaan at pagpapasibol ng
“damdamin ng pagkakaisa” sa mga mamamayan sa arkipelagong may humigit –kumulang 149 na “buhay” na
wika, ayon sa “Linguistic Atlas ng Filipinas (KWF, ©2015), at sa papel nito bilang isa sa mahahalagang
pambansang sagisag na sumasalamin sa pagkabansa at kaakuhan ng mga Pilipino.
Alinsunod sa Konstitusyong 1987, malinaw rin na ang Ingles ay pangalawang wikang opisyal lamang na
maaaring alisan ng gayong status ng Kongreso kung nanaisin nila. Samakatwid, habang ang Filipino ay ‘di
maaaring tibagin at alisin bilang wikang opisyal, ang Ingles ay maaaring alisin anumang panahong naisin ng
Kongreso. Ibinuod ni Atienza (1994) sa artikulong “Drafting the 1987 Constitution the Politics of Language”
ang mga praktikal na kahalagahan ng Wikang Pambansa sa isang bansang gaya ng Pilipinas na dati’y kolonya,
laban sa dominasyon ng wikang banyagang gaya ng Ingles. Aniya, “…ang paggamit ng mga wikang dayuhan,
lalo na ng Ingles, ay nagbunsod ng mabagal na pag-unlad (underdevelopment) hindi lamang ng mga wika sa
Pilipinas kundi maging ng mabagal na pag-unlad ng pambansang kultura at identidad.” Idinagdag pa niya na
“ang Ingles ay naging hadlang na naghihiwalay sa mga edukadong Pilipino at sa masang Pilipino” at “ang mga
wika sa Pilipinas at mula sa iisang pamilya ng wika; kaya’t posibleng makabuo ng isang wikang pambansa
mula sa mga wikang ito. At huli, ang wikang pambansa ay kahingian (prerequisite) sa pagkikintal ng
nasyonalismo, pagbubuo ng pambansang pagkakaisa at pagbubunsod ng pambansang paglaya, at pagtataguyod
ng demokrasya at ng partisipasyon ng sambayanan sa proseso ng pagbubuo ng at pagpapaunlad sa bansa.” Sa
pangkalahatan, nangangahulugan ito na ang pagkakaroon ng wikang pambansa ay pagkakaroon ng wikang
mabisang tinig ng ordinaryong mamamayan, wikang tulay sa komunikasyon ng iba’t ibang pangkat
etnolingguwistiko sa isang arkipelagong mayaman sa mga wika at may dibersidad sa kultura, at wikang
epektibong magagamit sa pananaliksik na makabuluhan sa karanasan at pag-unlad ng buhay ng mamamayan sa
lipunang gumagamit ng wika.
Basahin mo at unawain:
Kaugnay nito, dapat isabalikat ang lubusang paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng opisyal na
komunikasyon ng gobyerno, alinsunod sa Konstitusyong 1987. Masasabing ganap na ang pagiging wikang
opisyal ng Filipino kapag dumating ang panahon na lahat ng mga panukalang batas sa Kongreso at Senado,
lahat ng mga desisyon ng Korte Suprema, at lahat ng dokumento at talakayan ng gobyerno ay nasa wikang
pambansa na. Kapag naabot na ang panahong iyon, tiyak na lalong lalakas ang kapangyarihang politikal ng mga
mamamayan. Mas makakasali na ang mga ordinaryong mamamayan sa proseso ng pagbabalangkas ng mga
batas at patakaran ng gobyerno, gayundin sa iba pang mga prosesong kaugnay ng paggana ng isang
demokratikong sistemang gaya ng estruktura ng gobyerno sa ating bansa. Filipino ang wika ng 99% ng
populasyon ng bansa, habang ni wala pang 1% ang gumagamit sa Ingles bilang wika sa tahanan. Samakatwid,
malinaw na ang Filipinisasyon ng mga transaksyon ng gobyerno ay tiyak na magpapalakas sa kapangyarihang
politikal ng mga ordinaryong mamamayan. Ayon nga kay Gimenez Maceda (1997) ang wikang pambansa ang
wikang higit na makapagbibigay-tinig at kapangyarihan sa mga tagawalis, drayber, tindero at tindera, at iba
pang ordinaryong mamamayan ng bansa na gumagamit nito, at kaugnay nito, ang paggamit ng Filipino bilang
wika ng pananaliksik at akademikong diskurso ay makapagpapalawak sa kaalaman at makapag-aalis sa agwat
na namamagitan sa mga intelekwal at sa masa.
Sa ganitong diwa, binigyang-diin naman ni Constantino (2015) na “ang wikang Filipino ay wikang
mapagpalaya. Ito ang magiging wika ng tunay na Pilipino,” wikang lilikha at huhubog ng mga Pilipinong may
tiwala sa sariling kakayahan, wikang makapagpapaunlad sa sariling paraan ng pag-iisip, hindi gaya ng wikang
dayuhan na kapag ipinilit at binigyang-prayoridad ay nagiging “sagabal sa pag-iisip,” kaya’t “ang pag-iisip ay
nababansot o nababaog at magbubunga naman ng kulturang bansot.” Gaya ng iba pang nagtataguyod ng
makabayang edukasyon, hangad ni Constantino na pukawin ang “malikhain, mapanuri, at mapagbuod na
kaisipan” ng mga Pilipino, alinsunod sa karanasan ng Hapon, Taiwan, South Korea at iba pang bansang
“umunlad nang husto” sa pamamagitan ng paggamit ng wikang sarili sa edukasyon at iba pang larangan.
Sa panahon ng globalisasyon – ng pandaigdigang sistema ng malayang kalakalan o free trade na
isinasagawa sa pamamagitan ng pag-alis ng taripa (buwis sa imported na produkto.) – nananatiling mahalagang
panangga sa daluyong ng kultural na homogenisasyon (ang paglamon ng kulturang Kanluranin sa lokal na
kultura, ang wika ng bayan, ang sariling atin.) Madalas na sinasabi ng mga promotor ng globalisasyon gaya ng
mga multinasyunal na institusyon tulad ng World Bank at World Trade Organization na “daigdig na walang
hangganan” o borderless world ang layunin ng pandaigdigang sistemang ito. Ayon sa kanila, layunin ng
globalisasyon na buuin ang isang daigdig ng mga bansang malayang nagpapalitan ng produkto, kultura, at tao.
Mobilidad (kalayaang magpalipat-lipat ng teritoryo o bansa) ng tao, produkto, at kapital (puhunan) ang
pangunahing doktrina ng globalisasyon. Sa pagsusuri naman ng mga kritiko, negatibo ang epekto ng
globalisasyon sa mga wika at kultura ng marami-raming bansang hindi maimpluwensya sa arenang global
Ayon nga kay Lumbera (2003) sa espasyo ng sariling wika at panitikan maaaring harapin at labanan ang
kultura ng globalisasyon upang kalusin ang negatibong bisa nito sa lipunang Filipino. Hindi dapat magbunga
ang globalisasyon ng panibagong pagkaalipin para sa sambayanan. Nakalangkap sa wika at panitikang katutubo
ang pinagdaanang kasaysayan ng sambayanang lumaban sa pananalakay at pang-aalipin ng kolonyalismong
Espanol at Amerikano. Sa tuwing pinagyayaman ang wika at panitikang katutubo, may lakas na pinakikilos sa
kalooban ng Filipino, na magagamit na panlaban sa pang-aakit ng globalisasyon. Narito ang kahalagahan at
adhikain ng mga naunang henerasyon na hindi kayang burahin ng Utopiang pangako ng “borderless world.”
Nasa pagtayo natin at paggigiit sa makabayang pagtangkilik sa ating wika at kultura ang lakas na maibabangga
natin sa globalisasyon, na naglalayong patagin ang landas patungo sa walang-sagwil na pagpasok ng
kapitalismong global sa ating ekonomiya at politika.
Sa panahong pinipilit tayong Ingles lamang ang pahalagahan, dapat nating alalahanin na ang Filipino
ang wika ng ating pagkatao, ng ating kaluluwa – ang wikang higit na makapagpapahayag ng ating mga saloobin
at hinaing. Para kay Lumbera na isa ring tagapagtaguyod ng makabayang edukasyon ang wika at panitikan natin
ay buhay na katibayan ng ating kultura at kasaysayan. Ipinapagunita nito na mayroon tayong mga karanasan at
kabatirang natamo sa ating pagdanas ng kolonisasyon at sa ating ginawang paglaban sa paghahari ng mga
dayuhan. Hindi natin tinatanggihan ang paghatak ng hinaharap kung iyon ay magdadala sa atin sa tunay na pag-
unlad. Subalit ang identidad ng isang sambayanan ay hindi naisusuko nang gayon-gayon lamang. Nakatatak ito
sa kamalayan hindi ng iisang tao lamang kundi sa kamalayan ng buong sambayanan.Kung hinihimok tayo ng
globalisasyon na magbagongbihis, itinuturo naman ng ating kasaysayan na ang pinagdaanan natin bilang
sambayanan ay laging nagpapagunita na may sariling bayan tayo, may minanang kultura at may banal na
kapakanang dapat pangalagaan at ipagtanggol kung kinakailangan. Sandatahin natin ang ganyang kamalayan
tungo sa ikaluluwalhati ng Filipino bilang nagsasariling bayan.
Mahalagang bahagi ng makabayang edukasyon ang pag-aaral ng sariling wika at panitikan sapagkat ang
wikang sarili ang magbibigay-daan sa edukasyong nakatuon sa paglutas ng mga problema ng bansa. Tulay rin
ito sa malapit na ugnayan at pakikipagtulungan ng mga guro, estudyante, mananaliksik, at intelektwal sa
pagsusuri at pagpapabuti sa sitwasyon ng mga komunidad ng mga ordinaryong mga Pilipino. Sa pamamagitan
ng sistema ng edukasyong nakasentro sa paghuhubog ng mga mamamayang may mataas na antas ng kasanayan
na makapag-aambag sa pambansang kaunlaran. Matitiyak ang magandang kinabukasan ng bansa. Nagsisimula
sa pagpapahalaga natin sa sarili nating wika at kultura, at sa pag-aaral ng ating sariling kasaysayan, ng mga
suliranin sa ating lipunan, ang pagbubuo ng mahahalagang adyenda sa pananaliksik.
A. Layunin ng Pananaliksik
Ilan sa mga naitala nina CALDERON AT GONZALES (1993) mga layunin ng isang pananaliksik:
1. Upang makadiskubre ng mga bagong kaalaman hinggil sa mga batid ng penomena.
2. Upang makakita ng mga sagot sa mga suliraning hindi pa ganap na nalulutas ng mga umiiral na
metodo at impormasyon.
3. Mapagbuti ang mga umiiral na teknik at makadebelop ng mga bagong instrumento o produkto.
4. Makatuklas ng hindi pa nakikilalang substances at elements.
5. Upang maunawaan ang kalikasan ng mga dati nang kilalang substances at elements.
6. Makalikha ng mga batayan ng pagpapasya sa kalakalan, industriya, edukasyon, pamahalaan at iba
pang larangan.
A. Katangian ng Pananaliksik
1. Sistematiko. May sinusunod itong proseso o magkakasunod na mga hakbang tungo sa pagtuklas ng
katotohanan, solusyon ng suliranin, o ano pa mang nilalayon sa pananaliksik.
2. Kontrolado. Lahat ng mga baryabol na sinusuri ay kailangang mapanatiling konstant. Sa madaling salita,
hindi mo dapat baguhin, anomang pagbabagong magaganap sa asignatura na pinag-aaralan ay maiuugnay sa
eksperimental na baryabol. Ito ay kailangan lalo na sa mga eksperimental na pananaliksik.
3. Empirikal. Kailangan ang mga pamamaraang ginamit ng mananaliksik ay katanggap-tanggap sa
pamamagitan ng mga ilalahad na mga datos na nakalap.
4. Mapanuri. Ang mga datos na nakalap ay kailangang suriin ng kritikal upang hindi magkamali ang
mananaliksik sa paglalapat ng interpretasyon sa mga datos na kanyang nakalap.
5. Obhetibo, Lohikal at Walang Pagkiling. Lahat ng tuklas o findings at mga kongklusyon ay kailangang
lohikal na nakabatay sa mga empirikal na datos at walang pagtatangkang ginawa upang baguhin ang resulta ng
pananaliksik. Walang puwang dito ang mga pansariling pagkiling.
6. Gumagamit ng mga Kwantetibo at Estadistikal na Datos. Ang mga datos ay dapat mailahad sa
pamamaraang numerikal at masuri sa pamamagitan ng mga estadistikal na tritment upang matukoy ang kanilang
gamit at kahalagahan.
7. Orihinal na Akda. Maliban sa historikal na pananaliksik, ang mga datos na nakalap ng mga mananaliksik
ay sarili niyang tuklas at hindi mula sa panulat, tuklas o lathala ng ibang mananaliksik.
8. Isang Akyureyt na Imbestigasyon, Obserbasyon at Deskripsyon. Bawat aktibidad na pananaliksik ay
kailangang maisagawa ng tumpak o akyureyt nang ang tuklas ay humantong sa pormulasyon ng mga
siyentipikong paglalahat.
9. Matiyaga at Hindi Minamadali. Ang pananaliksik na minadali at ginawa nang walang pag-iingat ay
kadalasang humahantong sa mga hindi matitibay na kongklusyon at paglalahat.
10. Pinagsisikapan. Walang pananaliksik na naisagawa nang walang pagsisikap. Kailangan itong paglaanan ng
panahon, talino at sipag upang maging matagumpay.
11. Nangangailangan ng Tapang. Kailangan ng tapang ng isang mananaliksik sapagkat maaaring
makaranas siya ng hazards at discomforts sa kanyang pananaliksik.
12. Maingat na Pagtatala at Pag-uulat. Lahat ng datos na nakalap ay kailangang maingat na maitala. Ang
maliit na pagkakamali ay maaaring makaapekto sa mga tuklas ng pananaliksik.
Aralin 2 – Plagyarismo
Basahin mo at unawain:
Ang plagyarismo ay pangongopya ng datos, mga ideya, mga pangungusap, buod at balangkas ng isang
akda, programa, himig at iba pa, na hindi kinikilala ang pinagmulan o kinopyahan. Ito ay isang uri ng
pagnanakaw at pagsisinungaling dahil inaaangkin mo ang hindi iyo (Atienza,et al., 1996).
Isa itong seryosong paglabag sa Republic Act No.8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).
A. Akademikong Publikasyon
Tumutukoy ito sa proseso ng paglalathala ng buod ng pananaliksik, pinaikling bersyon. o isang bahagi nito
sa pahayagan o pamahayagang pangkampus, mconference proceeding, monograph, aklat o sa mga refereed
research journal. Tulad sa presentasyon ng pananaliksik nilalayon nito na mahikayat ang lahat ng mananaliksik
na maglathala ng mga pag-aaral sa iba’t ibang paraan upang maipalaganap o maibahagi ang resulta ng pag-
aaral. Sa akademikong publikasyon ang pananaliksik ay kailangang dumaan sa Peer Review. Ang Peer
review ay isang proseso kung saan ang manuskrito o artikulo ay dumaan sa screening o serye ng ebalwasyon
bago mailimbag sa mga jornal. Ang pinakatanggap at balidong paraan sa akademikong publikasyon ay
mapasama ang pananaliksik sa isang refereed research journal sapagkat ito ay dumadaan sa tinatawag na peer
review. Ang peer review ay isang proseso ng paglalathala ng journal.