Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

Sta. Mesa, Manila

Jadeite Angela T. Barrameda


BAJ 2-1N

Kasalukuyang Kalagayan ng Pamamahayag sa Pilipinas


Ang Pilipinas ay kilala bilang bansang napabibilangan ng mga magagaling na
mamamahayag, ngunit kilala rin bilang bansang pinakadelikadong maging mamamahayag. Simula
noong panahon ng administrasyon ni dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr. at pagpapatupad ng
Batas Militar noong 1972, nagkaroon ng kapangyarihan ang gobyerno na manghimasok sa mga
iba’t ibang gawain ng mga Pilipino. Dahil dito nagkaroon ng paninikil ng rehimeng Marcos sa
mga manunulat lalo na sa midya at tila naging buwis buhay ang pagiging isang mamamahayag
noon sa ating bansa. Marami ang ipinasarang estasyon ng telebisyon, radyo, at ibang pahayagan
maliban sa iba na hawak ng pamahalaan katulad ng Manila Bulletin at iba pa.
Sa kasalukuyang panahon, tila nagsimula rin ito noong panahon ng administrasyon ni
dating pangulo Rodrigo Duterte noong taong 2020 na nagkaroon ng ABS-CBN Shutdown dahil sa
hindi pagbabayad ng prangkisa ng ABS-CBN at ang pagsampa ng kaso sa CEO ng Rappler na si
Maria Ressa. Marami rin ang mga mamamahayag ang nasangkot sa red tagging, kahit na ang mga
estudyante pa lamang na ang kurso ay journalism ay nare-red tag din.
Ngayon namang tayo’y pinamamahalaan ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
napatanong na lamang ako sa aking sarili — May patutunguhan pa ba ang buhay na aking
tinatahak bilang estudyanteng nag-aaral ng pamamahayag?
Kasagsagan pa lamang nang pangangampanya ay marami ng fake news ang lumalabas at
mga balita o impormasyon na galing sa mga hindi reliable at verified sources, nakakapanghina rin
na marami pa rin ang naniniwala sa mga ito kahit inilalabas na ang mga totoong impormasyon
tungkol dito. Nang lumabas ang resulta noong nakaraang eleksyon ay tila nawalan ako ng gana
upang magpatuloy pa sa kursong ito dahil alam ko kung ano ang dinanas ng mga mamamahayag
noon, at hindi ito malabong mangyari ulit ngayon.
Sa pamamahala ni pangulong Bongbong Marcos ay nagkaroon na ng ilan-ilang mga kaso
tungkol sa pagpatay sa mga mamamahayag katulad nina Percival Mabasa at Renato Blanco noong
nakaraang taon. Nakakaalarma ang mga nangyayari sa mga ito lalo na’t ang mga karamihan sa
mga namatay na mamamahayag ay hindi pa nareresolbahan kahit na ilang taon na ang nakakalipas.
May pag-asa pa bang maging malaya ang mga mamamahayag sa ating bansa?
Hindi mawari sa aking isipan na kailangan humantong sa ganito ang ating mga
mamamahayag. Halos hindi na napahahalagahan ang kanilang trabaho lalo na nang nasambit na
mga vloggers na raw ang papalit sa mga mamamahayag sa bansa. Ang iba ay tuwang-tuwa rito
dahil mayroon silang mga iniidolong vloggers. Ngunit lingid sa kaalaman nila na hindi naman ang
mga ito nag-aral ng katulad ng pinag-aralan ng mga mamamahayag sa ating bansa. Siguro’y hindi
nila magagawang makapag fact check sa paraang alam ng mga mga mamamahayag, hindi rin sila
ganoon kahigpit tumingin sa isang isyu, wala silang sapat na kaaalaman o pinag-aralan para
maging batayan ng mga balita o impormasyon sa napapanahong isyu sa ating bansa.
Ang mga ganitong usapin ang dapat na pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno ngunit sila
pa ang nangungunang balewalain ang mga mamamahayag sa ating bansa dahil sa ito ay
tumutuligsa sakanila.
Nakukuwestiyon na ang kalayaan ng mga mamamahayag sa atin. Marami na ang natatakot
pumasok sa industriya ng midya ngunit marami rin ang mas lalong nanggigil na pumasok sa
industriya dahil sa mga nangyayari sa lipunan. Titignan ito ng karamahin bilang magaling na
pagpili ng trabahong papasukin ngunit marami rin ang mambabatikos dahil sa walang
kasiguraduhan kung maganda ba ang mangyayari pagpinatuloy nila ito.
Hindi lang rin gobyerno o kung sinuman na nakatataas ang kadalasang kumokontra sa
pagiging mamamahayag sa Pilipinas kundi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan na
magsasabing — “Hindi naman kayo yayaman sa trabahong yan.” “Wala naman kayong
magandang kinabukasan sa ganyang trabaho.”— Siguro’y sa trabahong ito, bonus na lamang ang
pera ang mahalaga rito ay ang magampanan ang ipinangako mo sa bayan bilang isang
mamamahayag sa ating bansa.
Kung iisipin, ang ating bansa ay mayroong napakaraming magagaling na mamamahayag,
kaya’t dapat nating protektahan ang mundo ng midya. Kahit na minsan ay mayroong maririnig na
negatibo tungkol dito, ang mahalaga ay mas maraming itong magagandang naitutulong sa bansa
pagdating sa pagkakalap ng mga balita at impormasyon.
At sa kabila ng mga pangyayaring ito sa mga mamamahayag, manunulat, at iba pang
nagtatrabaho sa industriya ng midya sa ating bansa, marami pa rin ang nagpapatuloy at hindi
tumitigil upang maisagawa ng maayos at tapat ang kanilang trabaho para sakanilang kababayan.
Marami rin ang patuloy sa paghahatid ng tapat at makatotohanang balita at impormasyon na
kinakailangan ng bawat Pilipino.

You might also like