REFLECTIVE ESSAY BABAE AKO, HINDI BABAE LANG Ang kasaysayan at isyu ng pagkababae ay nagsimula bago pa man dumating ang mga mananakop. Sa sinaunang lipunan, makikita natin na may lugar at pwersa ang mga kababaihan dahil maaari silang magkaroon ng oportunidad na maging isa sa pinakamalakas na tao sa lipunan gaya ng datu ganoon din sa iba pang mga tungkulin gaya ng paggagamot at pagiging babaylan. Hindi maikakaila na sa kabila ng mga esteryotipo sa mga babae bilang mahina kumpara sa mga lalaki ay nagawa nilang talunin ang pananw na iyon. Subalit sa pagdaan ng panahon, nabago ang sistema sa lipunan dahil sa impluwensya ng mga kanluraning mananakop kung kaya at marahil nabago rin ang pananaw at posisyon ng/sa mga babae sa lipunan at maging sa kanilang tahanan. Ang mga pagbabagong ito sa kalagayan ng mga kababaihan ang nagluwal sa mga organisasyon o feministang pakikibaka. Hindi maitatanggi na malaki ang epekto ng pagtataas sa karapatan ng mga babae na ginampanan ng feminismo. Bilang isang babae, hindi lingid sa aking kaalaman ang maraming diskriminasyon, esteryotipo at paglalahat na pumapalibot sa katauhan ng isang babae at masakit ito sa aking kalooban. Ang ipinaglalaban ng feminismo na puksahin ang hindi makatarunagang ideya at pagtrato sa mga babae ay siya ring ipinaglalaban ng aking puso at isipan. Pilit kong inilalaban na hindi dapat husgahan ang isang tao base sa kasarian nito. Ang lakas ng loob at pisikal na kakanyahan ay hindi magdedepina sa kung anong kayang gawin ng isang tao. Ang babae ay hindi lamang babae dahil sa kanyang panlabas na kaanyuan. Ang babae ay hindi lamang pang- kama, pang-kusina o pambahay bagkus sila ang mga hinugot sa tadyang ng Maykapal kung kaya’t hindi dapat minamaliit ang kanilang kakanyahan. Kung ating pagninilayan, ang pagiging nanay ang pinakamahirap na gampanin sa buhay na hindi kayang gampanan ng lalaki. Dito mahihinuha ang kongklusyon na lahat tayo ay may nakaatang na tungkulin na tayo lamang ang may kakayahan na gampanan at may mga gawain din na hindi natin magagawa nang tayo lamang. Ibig sabihin, para sa pag-unlad at pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan, pagkakapantay-pantay ang dapat manaig. Higit sa lahat, walang magbabago kung tayong mga babae mismo ay walang bilib sa ating sarili. Kung kaya’t nararapat na simulan natin ang pagbabago sa ating isipan at ideolohiya. Ating itanim sa ating isip at puso na babae tayo at may kakayahan tayong mabago ang kapalaran ng kinabukasan sa ating sariling pamamaraan. Babae tayo pero hindi natin hahayaang maliitin ang ating pagkatao. Babae tayo pero dapat handa tayong lumaban hanggang kamatayan kung ang pag-uusapan ay ang paghahamak sa ating karapatan at dignidad. Babae tayo pero hindi tayo magpapaalipin sa bulok na pananaw at pagtrato sa mga kababaihan. Babae tayo at marami tayong kayang gawin. Babae tayo, hindi babae lang.