ROSE ANN G. CORTEZ JERWIN VALENZUELA RYAN DAVE R. BALUETA Culture Bearer: WILLIE DELA CRUZ GERRY CASTRO MARICHU VALENTIN REBECA G. HILA Si Kapitan Oliman
Sa liblib at tahimik na sitio ng Mainit ay naninirahan ang pamilya ni Oliman.
Kabilang ang pamilya ni Oliman sa tribo ng Dumaget Kabullowan. Bata pa lamang siya ay kinakitaan na siya ng mga katangian tulad ng kasipagan, pagiging masunurin, matulungin, mapagmalasakit sa kapwa, at kakayahang mamuno. Ang mga katangiang ito ang pangunahing batayan sa pagpili ng namumuno sa tribo ng Dumaget Kabullowan. Habang nagpapahinga sa kanilang tahanan matapos mangaso si Oliman kasama ang iba pang kalalakihan ay nilipatan siya ng isa sa mga nakatatandang miyembro ng kanilang tribo. “Oliman, nais kong ipabatid sa’yo na ikaw ay isa sa napipisil ng mga nakatatanda na maging susunod na pinuno ng ating tribo,” pahayag ni lake Garse. Nabigla man siya sa kanyang napakinggan ngunit malugod niyang tinanggap ang napagpasyahan ng kaniyang tribo. Ang bawat kasapi ng kanilang tribo ay may karapatang mamili ng susunod na kapitan ng kanilang tribo para sa susunod na pamamahala. Sila ay nagkakaroon ng botohan gamit ang paglalagay ng bato sa isang lalagyan na katapat ng kanilang napiling pinuno. Ang dalawang pagpipiliang mamuno ay pinipiringan upang hindi nila malaman kung sino sa kanilang kasapi ang pumili sa kanila. Si kapitan Oliman nga ang pinalad na magwagi sa ginawang pagpili dahil na rin sa kanyang mga kahanga-hangang katangian. Matapos ang nasabing botohan ay nagkaroon ng simpleng salo-salo upang ipagdiwang ang pagkapanalo ni kapitan Oliman. “Bilang bagong pinuno ng ating tribo nais kong ipaabot sa inyo ang pasasalamat at tiwala na inyong ipinagkaloob sa akin. Ipinapangako ko sa inyo na aking gagampanan ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya,” pahayag ni kapitan Oliman. Iba sa karanasan ng kanyang mga magulang na lumaki na palipat-lipat ng tirahan upang humanap ng makakain at ikabubuhay, layunin ni Oliman bilang bagong pinuno ng kanilang tribo na mas paunlarin ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagpapalago ng kanilang kabuhayan sa kanilang sitio. Maliban sa pangangaso sila rin ay nagtatanim ng iba’t-ibang klase ng mga gulay at prutas. Isang araw habang nag-iikot sa kagubatan ang kalalakihan upang mangaso ay may naabutan silang ibang grupo mula sa ibang tribo na nangangaso rin sa kanilang nasasakupang lupain. Nilapitan ni kapitan Oliman ang mga kalalakihan upang kausapin. “Mga kaibigan nalalaman ba ninyo na ang lugar na ito ay ‘di na sakop ng inyong lupain kung maaari ay lisanin na ninyo ang aming lupain” wika ni kapitan Oliman. Agad rin namang umalis ang kabilang grupo. Pagkatapos ng pangyayaring ito ay nakipag-ugnayan si kapitan Oliman sa pinuno ng kabilang grupo. Nilinaw niya ang kasunduan ng mga tribo tungkol sa kanilang mga lupaing nasasakupan upang mapanatili ang kapayapaan sapagkat mayroong mga hangganan ang bawat lupaing nasasakupan ng ibat-ibang mga tribo. Bilang kapitan siya ay kumakatawan sa kanilang tribo upang ipabatid sa ibang tribo ang kanilang mga pananaw at paniniwala. Kabilang na rito ang kanilang pagnanais na panatilihin ang kanilang kaugalian pagdating sa pagrespeto sa kulturang kinagisnan ng kanilang tribo. Kabilang sa kanilang kulturang kinagisnan ay ang paraan upang panatilihin ang kalayaan pagdating sa lupaing kanilang nasasakupan ay ang paglalagay ng hangganan at pagrespeto sa nasasakupan ng iba, halimbawa nito ay ang pangangaso lamang sa lupaing kanilang nasasakupan at ang pangangaso sa labas ng kanilang lupain ay nagpapakita ng kawalan ng respeto sa ibang tribo. Hangga’t maaari ay ayaw ni kapitan Oliman na magkaroon ng alitan ang bawat tribo na maaaring humantong sa paggamit ng dahas. Kung mayroon mang hidwaan o ‘di pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang magkaibang tribo si kapitan Oliman ang nakikipag-uusap sa pinuno ng kabilang tribo upang malutas ang problema sa maayos na paraan. Sa malawak na lupain na mayroon ang kanilang tribo, nakikita ni kapitan Oliman ang kahalagahan ng pagtatanim upang mas mapaunlad ang antas ng kanilang pamumuhay. Bilang pinuno ng kanilang tribo, hinihikayat niya ang bawat isa na pagyamanin ang kanilang mga lupain at magtanim. Sa pagdating ng anihan, ang mga pananim na palay, mais, kamote, gabi, at sitaw ay handa ng anihin. Pagkatapos ng pag-aani ay nag-atang ang tribo ni kapitan Oliman sa mga engkanto bilang pasasalamat para sa masaganang ani. Naniniwala sila na may mga mabuti at masamang engkanto na nagbabantay sa mga kagubatan. Mayroon silang mga lugar na itinuturing na sagrado at maaaring kapahamakan ang naghihintay sa mga magtatangkang pumasok rito. Base sa huni ng ibon ay natutukoy nila kung mayroong paparating na mga tao o masamang mangyayari. Kabilang sa mga lugar na itinuturing nilang sagrado at ang mga kagubatang kanilang tinitirahan ay protektado ng batas na nagpapatunay na ang mga ito ay kanilang pagmamay-ari at sila ay may kalayaang kumuha ng ikabubuhay nila rito. Lumipas ang panahon at patuloy pa rin sa pagpapalaganap at pagpapatupad ng mga pinaniniwalaan ng kanilang tribo tungkol sa kalayaan si kapitan Oliman sa kaniyang mga katribo at higit niyang binibigyang pansin ang mga kabataan.