Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 17

ISMAIL AT ISABEL

ISMAIL AT ISABEL
by: Rodolfo C. Vera, Pirata
Maikling Buod ng Dula:
Ang kabuuang tagpuan ng dula ay isang liwasan kung saan maraming mga pulubing bata ang
namamalimos. Ang mga pulubing ito na madalas nating nakikitang kumakatok sa mga kotse,
naglilinis ng mga sapatos ng pasahero sa jeep, tumutugtog, kumakanta, sumasayaw, ay galing sa
malayong isla ng Mindanao.  Isasalaysay nila ang kuwento ng dalawang bata: si Ismail (10,
Muslim)  at Isabel (8, Kristyano) na noo’y naninirahan sa tahimik na Bayan ng Dalingawen,
isang maliit na baryo malapit sa Pikit, Cotabato.  Sa pamamagitan ng pagkuwento ng mga alamat
at kuwentong bayan, isasalaysay ng mga PULUBING BATA, at sa katauhan nina Ismail at
Isabel, ang pakikipagsapalaran nila sa digmaan at kahirapan.
Kakaiba ang kalagayan sa Dalingawen. Ang mga Muslim at Kristyano ay tahimik na
naninirahan. Sa katunayan, ang mga magulang nina Ismail at Isabel ay Muslim at Kristyano.
Nagbago lamang ang kalagayan sa bayang ito nang pasukin ng mga rebeldeng MILF ang lugar
na siya namang sinundan ng mga tumutugis ng sundalo. Sa pangyayaring iyon, nahati ang bayan.
Ang mga Muslim na kalalakihan ay inakusahang mga suporter ng MILF kung kaya’t ang ilan sa
kanila’y pinarusahan, kinulong, at/o sinalvage. Isa rito ay ang ama ni Ismail. Napilitang lumikas
ang taumbayan ng Dalingawen at sa masalimuot na paglikas, nawalay sina Ismail at Isabel.
Kinailangan nilang alagaan ang isa’t isa. Sa kanilang mahabang paglalakbay, napadpad sila sa
isang Kristyanong syudad sa Mindanao. Dito namalas ni Ismail ang diskriminasyon sa mga
Muslim. Nagkahiwalay ang dalawang bata: si Isabel ay namasukang yaya sa isang mayamang
pamilyang Intsik. Pinasok naman ni Ismail  ang ilegal na negosyo ng pagtitinda ng mga pirated
DVD, at sa kalaunan, nahila bilang isa sa mga asset ng isang sindikato ng kidnapping para sa
pagsuporta sa kilusan ng mga tinaguriang “terorista.”
Muling nagkita ang magkaibigang Ismail at Isabel nang dukutin ang alaga ni Isabel. Sa eksenang
ito, ibabalik ni Isabel sa kamalayan ni Ismail ang dating “hiwaga” ng kanilang bayan sa
Dalingawen, kung saan walang poot sa kapwa, tanggap ang pagkakaiba ng ugali’t
pananampalataya. 
Mula simula hanggang katapusan, ang tapang at lakas ng loob ng mga batang ito ay nakasandig
sa mga kuwentong bayan at alamat na kanilang sinasalaysay. Subalit para kay Ismail, tila wala
nang epekto ang pagsasalaysay ng mga kuwentong ito.  Aniya, pinatay na rin ng realidad ang
kapangyarihan ng mga kuwento. Pero hindi maniniwala si Isabel. Sa huling pagkakataon,
magkukuwento silang muli. Sandaling mabubuhayan ng loob si Ismail. Tutulungan niyang
tumakas ang kaibigan at ang alaga nito. Ibabalik nila ang alaga sa kaniyang pamilya.
Hangad ng dalawang bata na mahanap ang nawalang bayan ng Dalingawen. Sa pinakahuling
tagpo, “kakatok” sila, kasama ng ibang mga pulubi, sa pintuan ng mga manonood. Nagtatanong
kung may lugar pa bang tulad ng Dalingawen.
ISMAIL AT ISABEL ni Pirata
  MGA TAUHAN:
Ang mga tauhan ng dula ay isang grupo ng mga batang pulubi. Dalawa sa kanila ay gaganap sa
papel na
ISABEL, 8 hanggang umabot ng 14 anyos ISMAIL, 10 hanggang umabot ng 16 anyos
Ang mga batang pulubi ay maaaring magpalit-palit ng mga papel an gagampanan. Ang mga
papel ay ang sumusunod:
ROGELIO, ama ni Isabel FATIMA, ina ni Isabel IBRAHIM, ama ni Ismail JOCELYN, ina ni
Ismail MGA MILF MGA SUNDALO DEBOTO SA SIMBAHAN RICH DAUGHTER
SAMIR MGA KIDNAPPER
Sa mga kuwentong bayan na isasalaysay nina Isabel at Ismail, maaari ring gampanan ng mga
Bata ang mga sumusunod na papel:
MGA ANAK NG ARAW BADDON AT MGA KAMPON MGA PULIS, SULTAN,
GOBERNADOR AT MEYOR PILANDOK AT SULTAN PRINSESANG ITIM  KASANA
SALIK MGA HAYOP AT BINATANG LALAKI, MGA HIGANTE
Pero maaari rin namang ito’y mga shadow papet lamang.
Tagpuan: Magaganap ang dula sa isang plaza o parkeng punung-puno ng mga pulubi.
Magbabago ang mga tagpuan sa pagbabago lamang ng ilaw.
UNANG TAGPO Sa simula ng palabas, bukas ang mga ilaw ng buong teatro. Papasok ang
malaking bahagi ng ensemble. Kasama rito si Ismail at si Isabel. Nakasuot sila ng mga sira-
sirang t-shirt; ang ilang mga babae ay may suot na luma at marungis na malong.  Si Isabel ay
nakasuot ng marungis na damit. Dalawa sa mga aktor na ito ay may dalang mga tambol. Lahat
sila ay mag-aabot ng mga sobre sa mga manonood.  Pagkaraang maipamahagi ang mga sobreng
ito, magsisimulang tumugtog sa improvised na tambol ang dalawang artista. Kakanta sila ng
isang awiting bayan na madalas kantahin ng mga tribong ito-- Magsasayaw naman ang mga
babae.  Importanteng marungis silang lahat. May dalang mga malalaking plastic bag ang ilan.
Ang iba naman ay magpapalimos sa ibang manonood na nakaupo. Ang buong teatro ay magiging
kalsadang puno ng mga pulubing tribo. Palakas nang palakas ang ingay ng namamalimos,
nagtatambol, kumakanta at sumasayaw. Palakas din nang palakas ang pangungulit ng mga
nangangalabit ng pulubi sa mga manonood. Pagkaraan, ang mga pulubing ito ay aabot sa
entablado. Haharap sa manonood.
LAHAT Pasensya na po! Pasensya na po sa inyo! Kahit hindi pasko… MGA MUSLIM Kahit
hindi kami nagdiriwang ng Pasko… LAHAT Kahit hindi araw ng kahit na ano! Wala kasing
araw na pinipili ang tiyan ko! Haniyo, haniyo, hindi man kami makabayad sa inyo… ISMAIL
Sagot ko ang kuwento! ISABEL Sagot ko ang alamat! LAHAT Sagot ko ang kuwento ng
kawawang bayan ko. ISMAIL Doon po sa amin! MUSLIM NA BABAE Teka, di pa sila
nagbibigay, e. ISMAIL Ay oo nga pala. Muling tatakbo ang ilang aktor para mangulit ng limos
sa ilang manonood. LAHAT Salamat po! Salamat po! Sa kaunting barya niyo po. ILANG
AKTOR Malayo pong mararating nito. ISABEL Maliit lang naman po ang tiyan namin po.
ILANG AKTOR Kaunting kanin lang, ok na.  ISMAIL Kaysa wala, kaysa wala, kahit tira tira,
madali naman kaming LAHAT …paligayahin po! Eto nga po! May sayaw pang kasama ang mga
kuwento! MUSLIM NA BABAE Oy simulan na! Ang dami pang po, e. Baka magsialisan ang
mga iyan, magbibigay pa iyan. Magbabago ang ilaw.  ISMAIL AT ISABEL Doon po sa amin.
Bayan ng Dalingawen. ISMAIL Maliit na bayang wala po sa mapa. ISABEL Maliit na bayang
wala pong nakakakilala. ISMAIL Kaya po akala ng iba.. ISABEL Walang bayang ganito, na
hindi daw ito tutoo. ISMAIL AT ISABEL Ang akala ng iba, kuwento-kuwento lang ito. ISMAIL
Pero duon po kami galing. Kaming dalawa. ISABE Ako si Isabel, isa pong Christian. ISMAIL
Ismail po ako, isa pong Muslim ISMAIL AT ISABEL At marami po kami rito Kristyano’t
Muslim. Magkasama… ROGELIO, FATIMA, IBRAHIM, JOCELYN Mag-asawa. ISMAIL AT
ISABEL Si Mama at si Papa. Magkaiba ng sinasamba. ROGELIO AT FATIMA Pero hindi bale,
dahil ang Diyos at si Allah, pareho naming kakampi. IBRAHIM AT JOCELYN Ang sinasamba
ng isa, ginagalang ng isa.  ISMAIL AT ISABEL Dahil nuong unang panahon, doon po sa amin,
kaming lahat ay iisa. Mga anak ng araw. Mga anak ng araw ng iisang lumikha. Iba iba ang kulay
ng balat, iba-iba ang pananampalataya. Magsisimulang sumayaw ang ilang mga aktor. Matitigil
si Ismail sa gitna ng pagsayaw. ISABEL Ismail, bakit ka tumigil? ISMAIL Di ko alam kung
makukuwento ko pa. ISABEL Ano ba? Alam na alam mo ang alamat ng maliit nating bayan.
ISMAIL Nasaan na kaya yun? ISABEL Ang alin? ISMAIL Ang bayan natin? ISABEL Ikuwento
mo nga.  ISMAIL Di ko alam kung andun pa yun. ISABEL (haharap sa manonood) Nuong
unang panahon, si Bathala ay nagsimulang humubog ng tao mula sa putik. Isasayaw o isasadula
sa pamamagitan ng papet na anino ang kuwentong isasalaysay. ISMAIL (sasambutin ang
kuwento kay Isabel) Pero ang hinubog niyang babae at lalake ay walang kulay. Parang kulay ng
tubig! IBANG MGA TAUHAN Walang kulay? Kulay tubig? Paano nagkakulay ang unang mga
tao ng Dalingawen? ISMAIL Itinapat niya ang dalawang tao sa bukangliwayway. Pasikat pa lang
nuon ang araw! Pagkaraan ng umaga, may kulay na sila. ISABEL Kulay pink! Maputla-putla.
IBANG MGA TAUHAN Mestisuhin. ISMAIL Pagkaraan, humubog muli si Bathala ng babae at
lalakeng tao mula sa putik. Pero wala rin silang kulay, kulay tubig! Dali-dali niya itong itinapat
sa araw ISABEL Tanghaling tapat na nuon! ISMAIL Kung kaya nagkakulay muli ang
pangalawang babae at lalake! ISABEL Kulay kayumanggi! IBANG MGA TAUHAN Pinoy na
pinoy! ISMAIL Palubog na ang araw nang muling humubog si Bathala ng pangatlong babae at
lalake. Itinapat niya ito sa araw sa oras ng takipsilim. Nagdilim ang paligid. At nagkakulay ang
babae at lalake. ISABEL Kulay itim. ISMAIL At nagsama-sama sila sa iisang bayan. Sa bayang
tinawag naming Dalingawen. May kulay bukang liwayliway, may kulay tanghaling tapat, at may
kulay takipsilim. ISABEL Pero wala yun sa amin. iba iba man ang kulay ng mga balat namin,
magkakaibigan kami. ISMAIL Iba-iba man ang paniniwala, iisa ang nilalaro naming mga bata!
Mainam kung makakapaglaro ng isang game ang mga tauhan na nagmula sa bayan ng Cotabato.
Magsisimula ang awit. ISMAIL/ISABEL/AT IBANG MGA TAUHAN Sa pagmulat ng mata,
iba ang unang nakita Ibang karanasan at ibang kinalakhan Bawat isip ay isa, naiiba sa iba pa
Ngunit sa kalauna’y nagkakaisa Iba-iba ang pananaw, ibang daan, ibang araw Ngunit kung
tutuusin mo ay iisa Ang ibig sabihin ng mabuhay sa ‘ting daigdig na kay raming kulay at tinig!
Iisa, iba-iba! Ang mundo’y magkabila Sa marami, nakikita ang Isa! Iba-iba, iisa! Ang libo-libo
ay Iisa! Ang mundo’y bilog, sari-saring mukha!
ROGELIO AT FATIMA Isabel! IBRAHIM AT JOCELYN Ismail! ISMAIL AT ISABEL Po!
ROGELIO Laging magdarasal, magpasalamat sa Maykapal. Sa Diyos Ama… IBRAHIM Kay
Allah na siyang pinakadakila. ISABEL Itay, Inay-- magkaiba ba ang dinadasalan niyong
panginoon? ISMAIL Bakit ang tawag ko sa Panginoon ay Allah? At ang tawag naman ni Isabel
ay God. ROGELIO Magkaiba man ang pangalan, JOCELYN Parehong nasa itaas. FATIMA
Parehong makapangyarihan IBRAHIM Parehong mapagmahal. ISMAIL, ISABEL AT IBA
PANG TAUHAN (aawit) Ang tatay ko ay Muslim,  Kristyano ang nanay ko taga-bundok , taga-
ilog, taga-patag! Parehong nagdarasal, parehong sumasamba Umiiwas sa kasalanan at masama
Parehong tumitingala, sa Diyos o kay Allah sa langit na kay lawak lawak pa nga Ang ibig
sabihi’y ang mabuhay sa ‘ting daigdig ay kay raming kulay at tinig!
Iisa, iba-iba! ang mundo’y magkabila sa marami, nakikita ang isa! iba-iba, iisa! milyon-milyon
ay iisa! ang mundo’y bilog, sari-saring mukha!
Iisa-iba-iba! Ang mundo’y malawak pa ang mundo’y itlog, sari-saring likha! ang mundo’y
sisidlan, sari-saring laman! ang mundo’y iisa, iba-iba, iisa, iba-iba! ISMAIL Gutom kami
minsan, Ale! ISABEL Pero may awa ang Diyos, Manong. ISMAIL Kahit paano, nagbibigayan,
nagtitiwala sa kaibigan. ISABEL Kapitbahay, kadamay. ISMAIL Pero isang araw. ISABEL
Isang araw. Ayun. Titigil ang tugtog. IKALAWANG TAGPO Mula sa mga bata ay may
magpapalit ng costume. Magiging mga rebelde, mga miyembro ng MILF. Mabibilis ang takbo.
Parang mga palos. Mapapalingon sina Isabel at Ismail. ISMAIL Gabi nuon. ISABEL Natutulog
na kami. Nagising si Tatay. ROGELIO May mga tao. ISMAIL Nagising si Nanay. JOCELYN
May mga baril. ISMAIL Isang putok. Magugulat ang lahat. Pati na rin ang mga
“nagpapahingang mga pulubi” sa ligid ng entablado. IBRAHIM MILF. ISABEL Ano yun?
ROGELIO Mga rebelde. ISABEL Ano nga ayun? JOCELYN Mga gerilya. ISMAIL Naririnig ko
na sila nuon. Mga taong bundok. Mga taong nabuhay sa gubat. Tinutulungan ng mga tao sa
bayan. Dinadalhan ng pagkain. Pero tumatakas dahil hinahabol ng mga sundalo. ISABEL Bakit
sila hinahabol? ISMAIL Kasi bad daw yung sundalo. ISABEL May mga baril din sila? ISMAIL
Oo. Mahahaba. ISABEL Nakita mo? ISMAIL Sa dilim. Anino lang ng mga baril.  ISABEL
Nang biglang-- May puputok. Isang malakas na putok at susundan ng ratatat ng long firearm.
Mapapadapa ang dalawang bata. ROGELIO Isabel! IBRAHIM Ismail! Magkayakap si Ismail at
Isabel. ISABEL Sabi mo sundalo masama. Bakit sila nagpasabog? ISMAIL Hindi ko alam. Baka
nariyan na ang kaaway. Matatagpuan ng dalawang pair ng magulang ang kanilang mga anak.
Magsasama silang apat. ROGELIO Pagari, ano’ng balita? IBRAHIM Mga MILF. Dito daw
muna sila. Kailangan nila ng mapagtataguan. ROGELIO Di ba galing sila sa kabilang bayan?
JOCELYN Balita nga na sumalakay na ang mga sundalo dun. ROGELIO Naku. Huwag naman
sana sila humabol dito. FATIMA Bakit? IBRAHIM Pag sumalakay ang kaaway, lalong malaking
gulo.  ROGELIO Pero bakit may pumutok? IBRAHIM Ang pulis at barangay tanod,
nagtangkang tumakas. Paparating sila. Lalapit ang mga MILF. Haharapin si Ibrahim. IBRAHIM
Asalam mulaikum.  Babati rin ang mga rebelde. Lalabas ang MGA MAGULANG, si Ibrahim,
kasama ng mga MILF. Maiiwan sina Isabel at Ismail.  ISABEL Ano daw ang gusto nila, Ismail?
ISMAIL Gusto daw nilang magtanggol sa karapatan ng mga tao para sa kalayaan ng Bangsa
Moro. ISABEL Ano yun?
ISMAIL Hindi ko rin alam. Kami daw mga Moro, dapat magkaisa. ISABEL Tayo?  ISMAIL
Kami. ISABEL Sino’ng kayo? ISMAIL Kami.. mga Muslim. Matagal na daw kasing inaapi
kaming mga Muslim. ISABEL Nino? ISMAIL Ng mga sundalo. At ng mga taga-patag. ISABEL
Kaaway ang mga sundalo. Pero si Tatay, tagapatag. E, magkaibigan ang tatay mo at tatay ko.
ISMAIL Yun nga ang sabi ko. Pero… sa karamihan daw, mga Christian daw nanggulo. Mga
Muslim lang naman daw ang andito nun. Bakit daw kayo tumira dito? ISABEL Pinanganak din
naman ako dito. Gaya mo. ISMAIL E, saan daw kayo galing? Hindi naman tubong Mindanao
ang tatay mo. Taga-saan daw siya? ISABEL Bakit? Importante ba yun?  ISMAIL Magiging
importante daw. Sa darating na mga araw. ISABEL Ano daw mangyayari? ISMAIL Baka daw
may mas malaking gulo, pagdating ng mga sundalo. ISABEL Ano’ng klaseng gulo? Natatakot
naman ako. ISMAIL Kinuha nila si Tatay.  ISABEL Kailangan siguro natin ang tulong ng mga
tonong. ISMAIL Mga tonong? Tutugtog ang mga “pulubi” sa ligid ng entablado. MGA BATA
Ang mga tonong! Diwata ng gubat. Nakatira sa pagitan ng wasiwas ng mga dahon, sa ilalim ng
natutulog na lupa, sa bulong ng hangin, sa kislap ng langit. Pag ika’y nalingat at sa dulo ng
paningin, may mabilis na tumawid sa kabilang dingding, bahagyang puslit, biglang nawawala sa
paningin. Hindi mo maabutan.. ISABEL Biglang nagtatago. Muntik mong masilip.
ISMAIL Mga tonong na kung minsan, nagpipitik bulag sa iyong panaginip! ISABEL Sila ang
magliligaw sa mga kaaway.  ISMAIL Para walang away. Para walang putok. ISABEL Natatakot
ako sa putok. ISMAIL Puntahan natin. ISABEL Sa gitna ng gabi. ISMAIL Sige. Baka makausap
natin, pakiusapan natin. MGA BATA Magtanong sa mga tonong. Magbabago ang ilaw. Iikot
sina Isabel at Ismail. Nasa gitna sila ng gubat. Madilim. ISABEL Ang kati. ang daming langgam.
ISMAIL Shh! Baka magtampo ang mga diwata, di na magpakita. ISABEL (mapapalingon sa
paligid.) Naalala mo, Ismail, nung gusto nating hulihin sa ating bunganga ang dagta ng puso ng
saging.  ISMAIL Para maging malakas tayo. Matuto tayong lumipad! ISABEL Ako magiging
Darna. ISMAIL Ako naman Batman. ISABEL Di naman lumilipad yun. ISMAIL Lumilipad yun.
ISABEL Hindi. ISMAIL Lumilipad yun. MGA BATA Shht. Ayan na’ng mga tonong!
Magkukubli si ISMAIL at ISABEL. Tatayo si Ibrahim, akbay akbay siya ng mga Rebelde. MILF
1 Kailangan nating magsama-sama. Pagdating ng mga sundalo, di na namin magagarantiya. Mga
Muslim dapat magkaisa. IBRAHIM Alam niyo, tahimik kami dito. Maliit lang ang bayang ito.
Di kami kasama sa gulo. MILF 2 Kapatid, wala nang hindi kasali sa gulo. Andito na kami. Nasa
panig ka ba ng mapagpalayang hukbo o ng mga sundalong kaaway? IBRAHIM Wala kaming
gustong kaaway. MILF 3 Sa ayaw niyo’t gusto, kasangkot na kayo. Kung diyan kayo sa gitna,
maiipit kayo. IBRAHIM Ang asawa ko Christian. MILF 1 Bakit hindi siya magbalik-Islam?
MILF 2 Ikaw ang lalaki. Ikaw ang magpasya. IBRAHIM (Magkakamot ng ulo.) Hindi naman
naging problema ang aming pananampalataya. MILF 1 Ngayon, problema na.  Magbabago muli
ang ilaw. Tatayo ang mga bata. Haharap sa manonood. MGA BATA Ngayon problema na. Dati
hindi naman. ISABEL Dati, kung saan ka panatag. Basta mabait ka sa kapwa. ISMAIL Basta
walang nagagalit. Magalang ang isa sa iba.
MGA BATA Wala namang problema.
ISABEL E, sino ba’ang nagsimula, Tatay? ROGELIO E, sino nga ba? IBRAHIM Ang ninuno
namin tubo talaga dito.  ROGELIO E magkaibigan naman tayo, nang dumating kami rito. 
IBRAHIM Kung ganoon, hindi kayo. ROGELIO Kung ganoon hindi kami. ISABEL Ang mga
rebelde, Tatay? Sila’ng unang nagpaputok sa bayan natin. Sila’ng unang nagdala ng baril. 
ISMAIL E kasi hinahabol sila. ROGELIO Ng mga sundalo nilang kaaway. IBRAHIM Parang si
Baddon. ISMAIL Si Baddon! Oo nga! MGA BATA Ikuwento mo, Ismail. Ang kagila-gilalas na
aksyon ni Baddon! Magsisimula ang tugtugan. Isang kanta, at ang kuwento. Parang cowboy/a la
Fred Panopio. Na hinaluan ng mala-Yoyoy na estilo. ISMAIL (awit) Nagsimula ang away, sa
walang kuwentang bagay Isang prinsipeng mayaman, umutang sa pobre! ISANG BATA
(magiging Prinsipe) Kailangan ko lang ng sako. ISMAIL (bilang Baddon) Sako?  PRINSIPE
Para sa pagkadami-daming palay na inani ko. ISMAIL Ikaw may palay, ako may sako.
PRINSIPE Ano’ng gusto mo? ISMAIL Ipasok natin sa sako ko ang palay mo. Tapos penge lang
ako ng isa. PRINSIPE Isa lang? Mahigit sandaan ito. ISMAIL Isa lang, mahal na prinsipe.
Aanhin ko ba’ng madami?(aawit)  Sakong walang laman, pinuno niya ng palay Mahigit isang
daan, Walang mapaglagyan. Itong magsasakang, sako’y walang laman Humingi lang ng isa, sa
prinsipeng mayaman PRINSIPE Isang daan at limampu! Ok na!  ISMAIL Anteka, anteka! Yung
pangako mong isa. Sa akin na, di ba? PRINSIPE May pinag-usapan ba tayong ganyan? ISMAIL
Aba, oy, sandali. Mga sako ko’ng pinaglagyan ng palay mo. Pumasok ang palay mo sa sako ko.
Kung tutuusin, ang anumang pumasok sa sako ng iba, kanya na. PRINSIPE Bastos ka. Di mo ‘ko
kilala? Ako’ng prinsipe ng kahariang ito. Pag di ka umayos, ipakukulong kita. (Hahambalusin si
Ismail.) ISMAIL (aawit)  Naglabas ng baril, tinutukan ang pobre Nangatog ang pobre, umuwing
umiiyak Prinsipe ay natawa, sumakay sa kabayo niya Ito palang Mindanao, wild wild west ang
itsura!
At dito nagsimula ang barilan at gera! Umuwi ang magsasaka, nagalit sa sarili niya Bakit daw
naduwag siya, balikan ang sako niya Naghubad ng kamiseta, sinuot ang sumbrero niya Kuwintas
na mga bala, Binalot pa sa dibdib niya At itong magsasaka, sa madla’y nagpakilala:
Ako! si Baddon! Isang bandidong Cimarron May kabayong matapang, mabilis sa takbuhan!
Bang bang bang, Ping ping ping Huwag niyo kong gagaguhin! Pag ako’y nagalit Walang hindi
maliligpit! MGA BATA Si Baddon! Ang bandidong Cimarron! Pumasok sa’ ming barrio, sakay
ng kanyang kabayo! At nagbang-bang bang, ping ping ping Takbuhan ang mga duling!
Tumawag ng pulis ang Prinsipeng nainis! Papasok ang mga pulis. Mga Bata din ito. MGA
BATA (MGA PULIS) Kaya kami dumating, para patahimikin Itong Mindanao, na ginugulo ng
bandido Bandidong Cimarron, may kabayo at baril Sinisira ang kapayapaan, ang peace en order.
ISMAIL Kaya itong si Baddon, naghanap ng kakampon Kumampi si Sabbtal, lupa niya’y inagaw
At ito pang si Lakibol, utang di mabayaran Sumanib pa si Damnang, inapi ng mayaman. At
silang apat, pumasok sa bayan Parang mga Robin Hood, bayani ng bayan! MGA PULIS Tigidig-
tigidig, kung sila’y magkakampi, Kaming pulis ay binayaran, meyor at gobernador Kami’y
inutusan, mga malalaking tao At naging malaking laban. Maghaharap ang dalawang panig.
Pwedeng mukhang eksena sa tipikal na pelikulang cowboy (hal., mga sakang kung maglakad,
may mga cowboy hat at iba pang stereotype ng pelikula ni Lito Lapid.) ISMAIL At sila’y
nagharapan. Mga matang nanlilisik Mga lumolobong ilong, mga nagtitiim bagang Mga kamaong
asero, mga yodelehihung katapangan itong apat na bandido, Cimarron ng Mindanao Kalaban ang
may kapangyarihan. Magbabarilan. Ang mga bandido, gamit ang mga “rebolber”, a la Fernando
Poe, Jr, iisa-isahin ang mga pulis na pawang namamatay at muling tumatayo. Hindi maubos-
ubos. ISABEL Apat lang sila! Pero di sila matalo. Kaya’t ilang batalyon pa ang pinadalang
sundalo! ISMAIL Hanggang sa naipit ang apat sa Kuwebang Sagrado Pinaligiran ng PC,
Metrocom, pulis, army at marino Lumaki, naging giyera. Naging giyerang pambansa Dahil sa
isang sakong palay na ayaw pang ipaubaya. MGA BATA Si Baddon! Ang bandidong Cimarron!
Pumasok sa’ ming barrio, sakay ng kanyang kabayo! At nagbang-bang bang, ping ping ping 
Takbuhan ang mga duling! Ang apat na bandido’y tinadtad ng baril. Si Ismail at ang Tatlong
Bandido ay magsasayaw na parang tinatadtad ng baril.  ISABEL Tinamaan ang apat, ngunit
laking himala! Nang kanilang lapitan, naglahong bigla. Tinago daw ng mga tonong, tinakas ng
taumbayan. Kaya hanggang ngayon, ang laban dito sa Mindanao Ayaw tumigil, kumakalat, at
umabot na dito Sa munti nating Dilangawen. ISMAIL Kung kaya nga ang alamat ni Baddon ,
ang bandidong Cimarron, patuloy pa rin hanggang-- Hindi matatapos ang sasabihin ni Ismail
dahil puputulin ito ng mas malaking mga putok ng baril at/o kanyon. ISABEL AT ISMAIL At
isang gabi nga… Ang gulong binabala ng mga bagong saltang gerilya ay dumating.
IKATLONG TAGPO
ISABEL Mahimbing ang tulog ko nang gabing iyon, ikalima ng Hunyo. Tandang tanda ko ang
panaginip ko! Isa akong prinsesang tinaboy mula sa mataas na lamin. Ang lamin yung mataas na
tore, malapit sa araw! Kung kaya ako’y pumuti, nagliwanag at kuminang ang mukha. At tuwing
binubuksan ko ang mga mata, lalong nagliliwanag ang paligid. At nang ako’y tinaboy ng
masungit kong madrasta, nagpalabuy-laboy sa iba’t ibang bayan. at saan man ako pumunta, isa
na akong diwata na ang taglay ay walang kasing kinang na liwanag! At ang sinumang malapitan
ng liwanag na iyan ay nagliliwanag din ang isipan. nagliliwanag din ang damdamin, ngumingiti.
Ang lungkot napapawi. At isang bayan na aking pinuntahan, ay talagang kuinang! Nagkislapang
parang ginto! Ginto! Pagkaganda-gandang kinang! ROGELIO Isabel! Isabel, anak! Gising!
ISABEL (maalimpungatan.) Itay! ROGELIO Dali! Dali, baba. Takbo! ISABEL Napalingon ako
sa bintana! Ang panaginip ko, nagkakatutoo! Sa gitna ng gabi, ang liwa-liwanag ng aming
bayan! Pagkaganda-gandang liwanag… ng nagliliyab na apoy! Apoy! Nagliliyab na apoy! Ang
kubo ng kapitbahay namin, nasusunog! FATIMA Kargahin mo itong bigas! Dalian mo! ISABEL
Napalingon ako’t nakita ko ang manikang kaisa-isang laruan. Aabutin ko na sana. Biglang may
puputok. Mapapasigaw ang lahat. Hindi na makukuha ni Isabel ang kanyang manika. Muntik
madapa si ISABEL. Sa labas ay magtatagpo sila ni ISMAIL, may dala ring isang sako ng mga
ari-arian. Kasunod niya sina Ibrahim at Jocelyn. Magtatagpo ang dalawang pair ng magulang.
ROGELIO Ibrahim, saan tayo pupunta? IBRAHIM Palayo sa apoy! Duon sa gubat! ROGELIO
Takbo, mga bata. IBRAHIM Takbo, sa pinakamalayong mararating niyo. JOCELYN AT
FATIMA At kayo? ROGELIO AT IBRAHIM Takbo na! Huwag nang magtanong pa! Hindi
kami dapat maabutan. ISMAIL AT ISABEL Itay! Itay! ROGELIO AT IBRAHIM AT MGA
BATA Takbo! Muling maririnig ang mga putukan. Tatakbo ang mga ina at ang mga batang si
Isabel at Ismail.  ISABEL AT ISMAIL (sa mga manonood)  Kayo, mga bata, mga masuwerteng
bata-batuta naranasan niyo bang tumakbo sa mabatong lupa? ISABEL Sa likod niyo, may
kanyon at apoy, papalapit, papalapit ISMAIL Sa harap niyo pawang kadiliman, madilim at
pusikit. ISABEL Karga-karga niyo isang sakong bigas
ISMAIL At isang sakong alaala ng pira-pirasong buhay. ISABEL AT ISMAIL Mga
masuwerteng bata, mga batang maginhawa. naimagine niyo ba ang bilis ng karipas na singbilis
ng kabog ng aking dibdib? JOCELYN Huwag nang lilingon. FATIMA Hanggang di na marinig
ang maingay na putok! Sa saliw ng tugtugan ng MGA BATA sa gilid ng tanghalan, tatakbo
hanggang tumigil dahan-dahan ang mga tauhan. ISABEL Umaga.  ISMAIL Mausok.  ISABEL
Tahimik. ISMAIL Parang libingan. ISABEL Para kaming mga pusa, mga langaw, ISMAIL
Dahan-dahang bumalik.
ISABEL Sa nasira naming bayan. ISMAIL Ang tanging nakatayo. ISABEL Ay ang aming
eskuwelahan. ISMAIL Pumasok kaming lahat. ISABEL Mga isang daan kami. ISMAIL Nakita
ko ang mga laruang nagkalat sa isang silid. ISABEL Nakita mo ito? ISMAIL Trumpo. Tutugtog
ang MGA BATA sa gilid. Sayaw ng mga Trumpo. MGA BATA Trumpong paikot-ikot. Walang
patutunguhan, paligid-ligid, walang pupuntahan. Trumpong paligid-ligid, naghihintay ng
katapusan Paikot -ikot, walang kahulugan. ISABEL Itapon mo sa sahig, tatayo at titindig Pero
iikot-ikot lang, nakakahilong ligid-ligid ISMAIL Parang taong walang isip, na pag umikot
naduduling Walang kahulugan ang buhay niyang maikli MGA BATA Walang kahulugan ang
buhay niyang maikli Pag natapos nang umikot, babagsak lang muli Walang malay, walang imik,
tulad namin tulad naming paikot-ikot ang buhay, takbo rito, takbo roon, babalik din sa hukay.
Magpapalakpakan ang MGA BATA pagkatapos ng kantahan. Gayundin sina ISMAIL at
ISABEL. Pero pagkaraan ng ilang saglit, mapapansin nila nag-iiyakan ang kanilang mga ina. 
ISMAIL Bakit nag-iiyakan? ISABEL Hindi mo ba napapansin, Ismail? ISMAIL Tayo lang ang
andito. Isandaang tao: puro bata at babae. ISABEL Walang mga binata. Walang mga lalaki.
ISMAIL Wala ang mga itay. ISABEL Nasaan nga ba ang ating mga ama? Papasok sina Rogelio
sa isang panig. Nakahilera. Maya-maya ay papasok naman sina Ibrahim sa kabilang panig.
Nakahilera. MGA BATA din ito na mabilis na magbabago ng tauhan: Mga MILF sa isnag panig,
mga sundalo sa kabila. MILF 1 (kina Rogelio) May asset sa inyo, sigurado ako. Tantya namin
mga isang linggo pa bago nila kami matiktikan. Pero andito na sila agad. Ang bilis naman. Isa
lang ang ibig sabihin nun. May nagsumbong sa inyo. SUNDALO 1 (kina Ibrahim) Mga espiya
kayo, sigurado ako. Tantya namin hindi nila alam na parating na agad kami. Pero pagdating
namin, handa na sila agad! Ang bilis naman. Isan lang ang ibig sbihin nun. May nagsumbong sa
inyo. Bagamat hindi ito talaga nakikita nina ISMAIL at ISABEL, mag-uusap sila sa gitna.
Habang sila’y nag-uusap, ipapakit ang ilang pagpapahirap na ginagawa sa kanilang mga ama.
ISMAIL Sigurado ako, dinukot nila si Tatay. Yung mga sundalo. Mga Christian yun sila, di ba?
ISABEL Christian sila, oo. Pero dinukot din naman ng Muslim na rebelde si Tatay. ISMAIL
Pero hindi nila aanuhin ang tatay mo. Mas masahol ang mga sundalong Christian. Wala silang
awa. ISABEL Sundalo ang masama, hindi ang tatay ko. ISMAIL Pare-pareho lang sila.  ISABEL
Hindi ganyan ang tatay ko! Sino ba’ng unang nagdala ng gulo sa atin, di ba ang mga Muslim na
gerilyang kaibigan ng tatay mo? ISMAIL Hindi sila kaibigan ng tatay ko.  ISABEL Christian ang
nanay mo. ISMAIL Iba ang nanay. ISABEL Iba ang tatay. Pero pareho silang Christian!
ISMAIL Pero ang nanay ko hindi kumakain ng baboy! Mga Christian kumakain ng baboy kaya
kung umasta sila para na ring baboy! JOCELYN (tatampalin sa bibig si Ismail) Hindi tutoo
iyan!  FATIMA (kakabigin si Isabel) Hindi ito away ng Christian at Muslim. JOCELYN Away
sila ng sundalo at rebelde. FATIMA At naiipit tayo.  JOCELYN Ang gusto nila, akalain natin,
away ito ng Christian at Muslim FATIMA Kaya ang dami nilang sinasabi tungkol sa ating mga
Muslim. JOCELYN At marami naman sa Muslim, maraming nasasabi sa ating mga Christian. 
FATIMA Pero hindi yun ang tutoong away. JOCELYN Kailangan niyong maniwala. Dito sa
Dilangawen, tayo’y magkakaibigan, magkakamag-anak, magkakapatid. Christian at Muslim.
FATIMA Dumating sila, at ngayon nag-away-away na tayo. Payag ba kayo? JOCELYN Maging
singtalino kayo ni Pilandok. FATIMA Alam ni Pilandok kung sino ang kaaway. Muling tutugtog
ang MGA BATA. Magbabago ang ilaw. ISMAIL (sa manonood) Mga ladies, mga gentleman!
Pakinggan ako. Kaunting limos, kaunti lang, pahingi. At pag kayo’y nagbigay, ikukuwento ko
sandali kung paano naging sultan ang taong si Pilandok.  ISABEL (sa manonood) Nakakatawang
tao itong si Pilandok. Kaya kauting barya lang po. di pa kami nanananghalian. Dami na kaming
kuwento, nakaupo lang kayo riyan. Kaunti lang limos, pang-cheesburger lang… ay kahit fishball.
Maibsan lang ang gutom namin. ISMAIL Dahil nung una, kaparehas lang namin si Pilandok.
ISABEL Sunog ang balat, dahil laging nasa ilalim ng araw. ISMAIL Dahil itong sultan, o
gubernador ISABEL Muslim ba o Christian? ISMAIL Hindi na mahalaga. ang importante
marami siyang sundalo. Marami siyang bodyguard. ISABEL Bodyguard at sundalo. May mga
baril, matatalas ang ngipin. ISMAIL Pinagbintangan si Pilandok na isang kriminal. ISABEL
Ano’ng kasalanan?  ISMAIL Trespassing yata, o illegal squatting. o kaya naman, pangit lang
daw ang mukha, nakakasira sa turismo.  ISABEL Tulad natin. Kasama na ang sidewalk vendor.
ISMAIL Kasama natin, refugeeng nagugutom. ISABEL O di pagkatapos? ISMAIL Ay dahil nga
kriminal, kailangang bitayin. ISABEL Kailangan daw bitayin sabi ng makapangyarihang Datu
Usman!  ISMAIL Ipatatapon sa gitna ng lawa, lulunurin sa pamamagitan ng paglubog sa
kanyang hawla! ISABEL Pero kung minsan ang mahihirap ay sinusuwerte. Minsan lang naman.
At itong si Pilandok, napansin niyang maluwag ang tali ng hawla.  ISMAIL Kung kaya’t nang
ilubog siya, siya’y sumisid at umahon sa gilid. ISABEL At pagdaka’y umarkila ng nagarang
damit. Damit ng isang sultan! Biglang mapuputol ang kuwento dahil maririnig ang tunog ng
loudspeaker alarm na siya namang kasunod na anunsyo ng mga sundalo sa bayan ng Dilangawen
SUNDALO (V.O) (maririnig muna ang loudspeaker alarm) Mga teroristang rebelde! Sumuko na
kayo! Hawak namin ang mga kasama niyo! Kapag hindi kayo sumuko, isa-isa namin silang
papatayin! Mapapahiyaw si JOCELYN. Aawatin siya ni FATIMA. Papasok si IBRAHIM, dala-
dala ng 2 SUNDALO. Maaaring nakakulong sa isang hawla na hindi nalalayo sa hawlang
kinukuwento nina ISABEL at ISMAIL. ISMAIL Itay! IBRAHIM Wala akong kakampi. Hindi
ako espiya. Huwag niyo akong parusahan. Ako’y hamak na magsasaka lang. SUNDALO 1
Kunwari pa kayo. Kilala namin kayo. Kayo ang nagbibigay ng pagkain, nagkukubli ng kaaway.
Hindi niyo ba alam, ang tumulong sa kriminal ay kriminal na rin? IBRAHIM Hindi ako kriminal,
ser. Wala akong ginagawang masama. SUNDALO (V.O.) Bibigyan namin kayo ng tatlong oras.
Kundi, isa-isa na itong totodasin. At kayong mga kapatid naming Christian! tulungan niyo kami.
Hindi niyo ba nakikita? Niloloko kayo ng mga balasubas na Muslim na iyan? JOCELYN
Ibrahim! Ilalabas muli si Ibrahim. ISABEL Ismail! dalian mo ang pagkuwento! Baka masagip pa
natin ang tatay mo! ISMAIL Paano? ISABEL Pag naikuwento mo ang happy ending, baka yun
din ang mangyari sa tatay mo. Bibilis ang tugtog ng MGA BATA, bilang score sa kuwento nina
ISmail at Isabel. Mula ngayon, mas mabilis ang kuwento ng dalawa. ISMAIL Nasaan na ba ako?
ISABEL Nakahiram ng damit mayaman ang nakatakas na si Pilandok. ISMAIL Ayun!
(natataranta) At dali-daling humarap si Pilandok sa sultan. Nagulat ang sultan, sa magarang
damit ni Pilandok! ISABEL Ang una niyang tanong, “Buhay ka pa? at mukhang mayaman na!
Ano’ng nangyari?” ISMAIL Sumagot si Pilandok, “Handa na akong mamatay noon, mahal na
Sultan! pero paglubog ng hawla sa ilalim ng lawa, may nagbukas ng aking hawla at mga kawal
na nagdala sa akin sa isang pagkalaki-laki at pagkaganda-gandang kaharian sa ilalim ng tubig!
sila ang nagbigay sa akin ng magandang damit na ‘ito.” May maririnig na putukan. May
tatakbong isang binata, humahangos, humihingal. BINATA Hinostage ang pari! Kasama ang
ibang Christian na Lalaki! Ubusan na daw ito ng hostage. Kapag pinatay ng sundalo ang mga
bihag nila, isa-isa rin nilang papatayin ang kanilang bihag. Ngayon naman ay si FATIMA ang
mapapahiyaw sa pangamba.  FATIMA Maawa kayo sa aking asawa. Muslim ako. Magkakapatid
tayo, pag sinaktan niyo siya, sinaktan niyo rin ako! ISABEL Ismail! Ang happy ending, dalian
mo! ang tatay ko, mapeperhuwisyo! Mas mabilis ang tugtog ng MGA BATA. Mas may urgency.
ISMAIL Kaya naman ang sultan-- SUNDALO (V.O.) Isang oras na lang ang pagitan! Lalo pang
bibilis ang tugtog ng MGA BATA. ISMAIL Ang sultan! Ang sultan! ISABEL (mapapasigaw na
rin) ANG SULTAN! Namangha ang sultan sa kuwento ni Pilandok! ISMAIL Ang sabi niya kay
Pilandok, “Samahan mo ako sa ilalim ng lawa! Gusto kong makita ang marangyang kaharian!”
ISABEL Sabi ni Pilandok, “Paano ang kaharian niyo? Sino’ng mag-aalaga pag nawala kayo?”
ISMAIL Nag-isip ang sultan. ISABEL (nagmamadali) Hay naku naman, nag-isip pa! Dalian mo
na! Magdesisyon na ang sultan! SUNDALO (V.O.) Sampung minuto na lang! Lalong bibilis ang
tugtog ng MGA BATA! ISMAIL (halos mautal, halos maiyak!) Ang sultan! Ang sultan!
Nagdesisyon na si Pilandok muna ang mag-alaga ng kaharian.  ISABEL Ngunit nagbabala si
Pilandok, na dapat ilihim ito sa iba, dahil pag nalaman ng iba na may kahrian sa ilalim ng lawa,
magsusunuran ang mga iyun! ISMAIL Umoo ang matakaw na sultan at pinag-utos sa mga kawal
na si Pilandok ang magsisilbing Sultan habang siya’y wala! ISABEL Kaya’t nang araw ding
iyun, pumasok si Sultan Usman sa hawla at nilubog siya sa ilalim ng lawa! ISMAIL At
pagkaraan ng ilang sandali, maraming bula ang nakitang lumitaw mula sa ilalim ng lawa.
ISABEL At magmula noon… ISMAIL Magmula noon! Si Pilandok, ang kriminal! Ang siyang
naging sultan!  ISABEL Si Pilandok! Lumaya! ISMAIL Ang kriminal! ISABEL Ang tatay!
Titigil ang tugtog ng MGA BATA. Sandaling tensyon/ katahimikan. Nakikiramdamn ang mga
tauhan. Magyayakapan sina FATIMA at JOCELYN. Biglang papasok ang ilang kalalakihan,
kasama si Rogelio.  ISABEL Itay! ROGELIO Pinalaya kami. Naiwan ang pari. Mapapaluha sa
tuwa si FATIMA. Si ISMAIL naman ay balisang-balisang tumatanaw sa malayo. ISMAIL Si
Itay. Nasaan si Itay? May maririnig na sunud-sunod na putukan. Magyayakapan si ISMAIL at si
JOCELYN. ISMAIL Itay! Lalapit si ISABEL kay ISMAIL. Hahawak sa kanyang balikat. Ngunit
may pait ang sasabihin ni ISMAIL.  ISMAIL Paglaki ko, ipaghihiganti ko si Itay sa mga
Christiang katulad ng tatay mo. Lalakas ang mga putukan. Tutugtog muli ang MGA BATA.
MGA BATA Walang katapusan ang putukan!  Walang katapusan ang barilan! Walang
katapusang ingay!  At pag natapos, walang katapusang iyakan. Takbo! Takbo! Takbo kayong
lahat!  Parang trumpo! Ikot-ikot Libot-libot!  Saan kayo dadalhin ng maiikli niyong buhay? Saan
kayo dadalhin ng mabilis niyong buhay? Sa tindi ng putukan, kakalat ang mga tauhan. Magiging
mga pulubi uli sila. MGA PULUBI Pambili ng hapunan! Pambili ng kaunting hapunan. --
Kapatid ko lima-- wala na akong ama-- pinatay sa giyera-- nilamon ng baha-- ako’y nawawala--
mabilis ang pangyayari!-- nagtakbuhan ang mga tao-- nakitakbo rin ako--naglabo-labo ang mga
tao-- mga paang tumatalilis-- kumalas sa hawak ni nanay-- nawala si tatay-- pambili lang ng
hapunan! pambili lang ng dugtong buhay. IKAAPAT NA TAGPO Mapapagitna si ISABEL.
Tutugtog muli ang mga bata at sasayaw si ISABEL.  ISABEL Ako ang itim na prinsesa! Uligba
at uling, sing-itim ng dilim. Laging tinutukso, laging kinukutya. Bakit daw ba ako pinaglihi sa
gabi. O duhat o burak o putik. Baka raw iba ang aking ama, baka raw ako’y ampon lamang ng
ama kong sultan! MGA BATA Uligba at uling, sing-itim ng dilim!Bunso ka sa siyam na
magkakapatid!Uligba at uling, sing-dilim ng kuwebaang matalinong negrang prinsesa! ISABEL
Ang Prinsesang Maitim, dahil siya’y matapang din, ay naglakas loob maglakbay palayo sa
kaharian. At dahil delikado, nagpanggap siyang lalaki. At dahil sa talino niya’t galing, natakasan
niya’ng panganib. Nilibot niyang lahat at tinanghal siyang matapang at makapangyarihan. 
ISMAIL Ako naman si Kasana. Pitong taon akong tulog, at kapag natapos iyun, pitong taon
namang gising. Aking sinasamantala ang maglakbay kahit saan. Habang ako’y gising pa.  MGA
BATA Ito kasing si Kasana, napupuyat pitong taonTapos tulog na mantika, sa susunod na
panahonItong dal’wa, ang prinsesa, at ang puyat na KasanaNagsama sa isang lakbay na puno ng
disgrasya. ISABEL Kung saan saan kami nagsuot at nagtago. ISMAIL Basta sabi ni Nanay ay
tumakbo papalayo. ISABEL Papalayo sa putukan, sa sabog ng kanyonQ ISMAIL Basta sabi ni
Nanay, wala na si Tatay. ISABEL Kaya nagtago sa dilim, tulad ng prinsesang itim. ISMAIL
Magdamag na walang tulog, parang naglamay sa ‘king tatay. ISABEL AT ISMAIL (tatakbo
pareho) At sa takbuhan at gulo, sa gubat na walang daan, napalayo kaming pareho sa aming mga
magulang. ISABEL Sila ba ang nag-iwan? ISMAIL O kami ang pinauna? ISABEL Hindi ko na
alam. ISMAIL Paggising ko, tayong dal’wa na lang. ISABEL Inay! Itay! ISMAIL Wala na
akong itay. ISABEL Nasaan na sila?  ISMAIL Hindi ko rin alam. Magsisimulang umiyak si
Isabel. ISMAIL Huwag ka nang umiyak. ISABEL Gusto ko nang umuwi. ISMAIL Wala na
tayong uuwian. Lalong ngangawa si ISABEL. ISMAIL Tumahan ka na, huy! Ikaw ang matapang
na Prinsesang Maitim! Hindi umiiyak, laging may tapang! Mapapatigil sandali si ISABEL.
Tapos ay lalong iiyak. ISABEL Hindi naman tutoo iyan.  ISMAIL Ano bang hindi? Sa dami ng
kuwento natin, hindi tayo mawawalan ng tapang. Lagi tayong may magiging mga lumilipad na
bayani, mahiwaga’t magagaling. Ikaw si Initulon Sabal, ang Prinsesang sing-dilim ng gabi!
ISABEL Hindi na yata umeepekto ang mga kuwento,Ismail. ISMAIL Ako si Kasana! Pitong
taong gising! Ipagtatanggol kita! ISABEL Dati rati, pag nagkuwento si Itay… O kaya si Inay,
pag nagkuwento ka o ako, o kahit sino sa atin. Kahit ano’ng kuwento natin-- bumabalik ang
tapang natin. Bumabalik ang hinahon natin. Nakakatulog tayo nang mahimbing. ISMAIL Si
Kasana’y walang tulog, walang himbing! Matulog ka na, Prinsesang itim. ISABEL Kasana.
(mapapatawa) Ikaw si Kasana. ISMAIL (Mangingiti rin.) Matulog ka na, ako’ng bahala. Hihikab
si ISABEL at makakatulog. Gagawa ng mga ingay ng mga hayop sa gubat kapag gabi ang MGA
BATA sa gilid. Tatayo si ISMAIL, may dalang “itak”, sasayaw at ipagtatanggol ang kanyang
Prinsesang Itim. ISMAIL Sige na tulog na! Ulila na tayong dal’wa.  Tumapang ka, hwag mag-
alala, ako’ng bantay, ako’ng kuya.Sige na, huminahon ka, Kahit walang ama’t inaTumapang ka,
matulog na, ipagtatanggol kita. Maaring mauwi sa “martial Arts” o kuntao, na sasamahan ng
koryo ng ilang MGA BATA. MGA BATA Lakad nang lakad, takbo nang takbo. Sumakay sa
ibabaw ng bubong ng jeep. Ang Prinsesang Maitim at ang puyat na Bayani-- naglakbay nang
mahaba. Nagdaan sa maraming baryo, nagpalimos sa maraming plaza, hanggang isang araw,
pagkagising nila, ang dalawa’y nasa isang malaki, malawak, magulo at maingay na lungsod.
Maririnig ang samu’t saring mga tunog: 1. maiingay na busina ng mga kotse at jeep 2. tunog ng
radyo at/o TV, palipat-lipat ng channel 3. nangangampanyang kandidato 4. kanta sa wowowee 5.
Misa sa simbahan Ang MGA BATA ay magiging mga pulubi muli. Habang palinga-linga ang
dalawang ISABEL at ISMAIL. ISABEL Ismail. ISMAIL O. ISABEL Nagugutom na ako.
ISMAIL Akala mo lang yun. ISABEL Kahapon, di tayo kumain. Sabi ko kasi sa iyo hindi trak
ng gulay yung sinakyan natin, e.  ISMAIL E, dito maraming tao. Baka may makakatulong.
ISABEL Nagugutom na talaga ako.  ISMAIL Wala akong pera. Wala tayong kakilala.  ISABEL
(magsisimulang umiyak) Nagugutom na talaga ako! ISMAIL O, o, iiyak ka na naman. ISABEL
Hindi ko na matiis. May dadaang babae. Mag-aabot ng limang piso. Matatahimik ang dalawa.
Titingnan nila ang pera. Tapos mapapangiti si Isabel. ISABEL Ganito pala dito. Mula sa kaliwa
ng entalbado, isa sa MGA BATA ang tutugtog, kunwa’y bulag. Kakanta pa ito. ISMAIL Ano
bang kanta ang alam mo? ISABEL Huwag na ang tayo kumanta. Umiyak na lang tayo. Mas
magaling ako drumama. ISMAIL E, hindi ako basta basta nakakaluha, e. ISABEL Hindi na nila
siguro mapapansin yun, takpan mo na lang ng kamay mo ang mga mata mo. Iiyak sila nang
sabay. May dadaang lalaki. Bubunoit ito sa kanyang bulsa. Magbibigay ng sampung piso. Lalo
nilang lalaksan ang kanilang iyak. Ang susunod na dadaan naman ay maiinis. Susutsutan silang
huwag masyadong maingay. ISABEL Napasobra yata. ISMAIL Halatang halata na siguro.
ISABEL Siguro linggo ngayon. ISMAIL Bakit mo alam? ISABEL Maraming tao dun sa
simbahan, e. ISMAIL Simbahan? Nasa lugar tayo ng mga Christian? ISABEL Ayun, o. Pasok
tayo. ISMAIL Ano’ng meron dun? ISABEL Halika, pasok tayo. Magbabago ang ilaw. Ang
MGA BATA ay poporma ng isang grupo sa likod,sa gitna at aawit/huni na parang gregorian
chant. May dalawa o tatlong deboto na naglalakad nang paluhod. Makikita ito ni Ismail. ISMAIL
Ano’ng ginagawa nila? ISABEL Nagdadasal. ISMAIL Ba’t naglalakad sila nang paluhod?
ISABEL Nobena ang tawag diyan. Siyempre kasi-- gusto nilang patunayan ang pagmamahal nila
kay Lord. Magsasakripisyo sila. Panata nila iyan, e. Lilinga-linga. Makikita sa harapan, bandang
itaas ang isang kalapating puti. (Hindi ito kailangang ipakita, kundi pag-uusapan na lang.)
ISMAIL E, yun? ano yun? ISABEL Alin? DEBOTO Ssshhht!  Hihinaan nang kaunti ng
dalawang bata ang kanilang boses. ISABEL Yung kalapating puti? Iyan ang Holy spirit. ISMAIL
Ano yun? ISABEL Si God yun. ISMAIL God niyo, ibon? ISABEL E tatlong personas iyun.
ISMAIL Tatlong personas? ISABEL Tatlong personas ni God. Sa ngalan ng ama, dito sa noo. sa
ngalang ng anak,dito sa dibdib, at espiritu santo-- dito sa dalawang balikat-- mga pakpak.
ISMAIL Tatlo ang God niyo? ISABEL Isa lang. ISMAIL Sabi mo tatlo. ISABEL Tatlong
ngalan, isang god. (naiinis na, kaunti) Tres personas nga, e. ISMAIL Di ko maintindihan. Sa
amin iisa lang ang God. si Allah lang. At hindi siya tao, wala siyang hugis, at lalong hindi siya
ibon. si Allah, walang iba!  DEBOTO Muslim ka? Iniinsulto mo ba ang relihyon dito? Bakit ka
nandito? ISMAIL Po? DEBOTO Muslim! Isa kang muslim! Magkakagulo sa loob ng simbahan.
Ang MGA BATA na dating Koro sa simbahan ay lalapit at paliligiran sina Isabel at Ismail.
DEBOTO Kapkapan niyo iyan, baka may dalang masamang bagay iyan! ISABEL Hindi po! Oy!
Kuya Ismail! DEBOTO Muslim ka din? ISABEL Hindi po. DEBOTO Kasama mo ba siya?
ISABEL Kaibigan ko siya. DEBOTO Sinasabi ko na, dapat pati simbahan palagyan na ng mga
guwardya! (kay Ismail) Asan ang lider niyo? ISMAIL Ano’ng lider? DEBOTO Kayong mga
Muslim! Salot talaga! Nanggugulo kayo, tahimik kaming nagdadasal dito! ISMAIL Hindi ko
naman kayo ginugulo. Hindi naman ikaw kausap ko. DEBOTO (sasampalin si ISMAIL) Bastos!
Kampon ka talaga ni Satanas!  ISMAIL Hindi ako saytan! Bawiin mo’ng sinabi mo! ISABEL
Ismail, halika na! DEBOTO Terorist! Terorist! Pagtutulungang kargahin ng MGA BATA si
ISMAIL “papalabas” ng simbahan habang siya’y pilit na umaalpas. Makakawala si ISMAIL.
Susundan siya ni ISABEL. Tahimik silang dalawa. Magtitinginan. ISMAIL Nakapasok ka na ba
sa isang Masjid? ISABEL Dinala ako ni nanay isang beses. ISMAIL Tinakwil ka ba nila doon sa
loob? Nahihiyang iiling si Isabel. ISABEL Pero hindi lahat ng Christian ganun. ISMAIL Yung
pumatay sa tatay. Yung nagsunog ng mga bahay. Yung sumampal sa akin-- marami sila.
ISABEL Hindi ko rin maipaliwanag, Kuya… ISMAIL Mukhang nakita mo na ang mundo mo. 
ISABEL Ano’ng sinasabi mo? ISMAIL Baka kailangan tayong maghiwalay. Hahanapin ko’ng
mundo ko. ISABEL Bakit ganun? Bakit kailangan magkaiba pa tayo ng mundo? Ayokong
magkalayo tayo, Ismail. ISMAIL Malapit na gumabi. Maiiwan si ISMAIL. Magbabago ang ilaw.
Gabi. ISMAIL Ito ang kuwento ng maawaing si Salik.  Mula sa MGA BATA ay lalabas ang
gaganap kay Salik. ISMAIL Madaling maawa itong si Salik. Kakaunti niyang pera, ibinibigay pa
sa iba. Dahil… SALIK Kawawa naman sila, biruin mo, nagugutom na’ng anak niya. ano’ng
ipakakain niya? Papasok naman ang babaeng gaganap sa asawa ni Salik. ASAWA NI SALIK E,
tinamaan ka ng 1-2-3 kang lintik ka! Naawa ka sa batang nagugutom, e ako? Ano’ng iluluto ko
sa palayok na ito, gago? Yung kakarampot mong suweldo, ibinigay mo pa sa charity! ISMAIL
Charity? ASAWA NI SALIK Kawanggawa. ISMAIL Ah! SALIK Di na bale. Makakaahon din
tayo. Maghahanap ako ng pera. ASAWA NI SALIK Maghanap ka na rin ng bagong asawa!
Hindi na kita matitiis pa. Iresponsable! SALIK Darling! Aalis ang ASAWA. ISMAIL Kahit sa
pagnenegosyo, nagiging maawain si Salik. Maging ang kapital na binibigay sa kanya ng mga
negosyante ay napupunta sa… MGA BATA (kay Salik) Ser, palimos po. ser, kaunting pagkain
lang po. SALIK O ayan, mas kailangan niyo iyan. O ito, ipambili mo ng kakainin mo. ISMAIL
Kahit na siya’y niloloko na kung minsan, binibigay pa rin.  SALIK (kamot ulo) E, ano bang
magagawa ko? sobrang bait nitong puso ko. Hindi ko mapigilan. ISMAIL Hanggang isang araw.
siya na mismo ang walang makain. Palaboy laboy sa daan. Napadaan siya sa isang bukid. SALIK
Manong! Papasok ang isang magsasaka MAGSASAKA O, amang, parang pagod na pagod ka?
SALIK Painom naman kaunting tubig. Puwedeng ako muna ang mag-aararo ng lupa mo.
MAGSASAKA O sige. Ikaw ang magbungkal nito. Ikukuha kita ng makakain at maiinom.
ISMAIL Naging mabait siAllah kay Salik. dahil pagbungkal niya ng lupa… SALIK Ano yung
makintab? Isang singsing! ISMAIL Mahiwagang singsing. at nakarinig siya ng tinig. BOSES
Ang singsing na ito, galing kay Allah. Ibinibigay sa iyo dahil mabait ka. kahit na anong hilingin
mo, lilitaw pag kiniskis mo’ng singsing na ‘to. ISMAIL At magmula noon, anumang ihiling ni
Salik binibigay ng singsing. Kung kaya hindi naubos-ubos ang ipinamimigay ni Salik sa
sinumang humingi. Masaya ang mga pulubi. Masaya ang buong bayan. Masaya ang buong
mundo, dahil hindi nauubos ang binibigay ng mahiwagang singsing! Ang saya-saya! Ang ganda-
ganda! Hahahaha! (mapapatigil) Tama ka, Isabel. Wala nang epekto ang mga kuwentong bayan
natin sa Dalingawen. Wala akong singsing. Walang singsing na magibigay ng kahit ano.
kailangan itong hanapin. Magtatago si ISMAIL. Makikita niyang natutulog si ISABEL. May
lalapit na Babae. Gigisingin si Isabel. BABAE Huy, bata… kawawa ka naman. Halika.
Pagkakitaan ka natin. ISABEL Po? BABAE Ang sabi ko, sama ka sa akin. ISABEL May kasama
ako. BABAE (lilingon) Asan? ISABEL (lilinga din) Andiyan lang yun. BABAE Palagay ko,
iniwan ka na niya. ISABEL Ismail! BABAE Ssshhh. alam mo ba ang bawal ang magpalimos
dito sa syudad? Pag nahuli ka ng pulis, ikukulong ka nila. Mas mabuti pa kung sumama ka na sa
akin. ISABEL Ismail! BABAE Iniwan ka na niya. halika na sabi. Hihilahin ng babae si Isabel.
Hihingi ng tulong sa dalawang Lalaki. Papasok ang dalawang Lalaki. Hihilahin siya. BABAE
Huwag kang mag-alala. Kikita ka. Mas malaki pa. Lalayo ang Babae, kasama si Isabel. ISMAIL
Duon ka… (lilingon sa kaliwa, palayo kina Isabel) dito ako. Magdidilim.
IKALIMANG TAGPO Muling papasok ang MGA BATA mula sa mga aisle ng tanghalan, sa
bahagi ng mga manonood. Nagpapalimos uli sila.  MGA BATA Sino? Si Isabel? Ay wala na yun
dito. Binigyan na yun ng trabaho. Duon sa subdivision. Duon sa malaking bahay. May isang
pamilyang mayaman. May malaki silang asyenda. At malaking asukarera. Pag nakita niyo si
Isabel, maninibago kayo sa kanya. Napakaputi at napakatigas ng ginawgaw niyang uniporme.
Papasok si Isabel. Nakaputing uniform. May isang batang babae, spoiled. English-speaking.
RICH DAUGHTER Yaya, is it going to rain today? ISABEL I don’t know. The clouds are blue.
RICH DAUGHTER The clouds are white, yaya. ISABEL E, look. Up above. It’s blue. RICH
DAUGHTER That’s the sky, bla-haw! The sky is blue. The clouds are white. And you are
buangit! (tatawa) ISABEL Hoy psssht. Jennifer, you can’t say that! RICH DAUGHTER And
why not? ISABEL Your mother said speak in English. If she hears you she will think I teach
them to you.  RICH DAUGHTER But it’s true! I heard that from you. ISABEL Not from me!  
RICH DAUGHTER That’s right. You came from Muslim province. So you don’t speak that.
What language do you speak there ba? Yikes. I don’t know why my mother got you still. She
was afraid of you at first, you know. ISABEL Why naman? RICH DAUGHTER Because you
might have Muslim friends. And then you will help them hurt us. ISABEL Hindi, a.  RICH
DAUGHTER Is that why you are always buang-buang ka gid ya? ISABEL I said, speak in
english! RICH DAUGHTER Stupid fool! I learned that from you. ISABEL I don’t speak
Ilonggo. RICH DAUGHTER Are you saying I learned it from my mother, then? ISABEL
Naku… Jennifer…  RICH DAUGHTER I also learned pyaw-si. My father loves saying that. I
wonder what it means. ISABEL I don’t know.  RICH DAUGHTER Isabel, let’s make a deal. I
will speak in English. ISABEL Yes, speak English-- RICH DAUGHTER If you go with me to
the mall after school today.
ISABEL Ay linti. RICH DAUGHTER Linti! You see, you learned that from my mother, too!
Lilililililililinti!  ISABEL Ssssh! RICH DAUGHTER So is it a deal? ISABEL I… I… I don’t
know what to do. RICH DAUGHTER Ako’ng bahala. ISABEL Ako’ng kawawa. MGA BATA
Maganda sa mall. Malamig. Pero bawal kami. Nakatsinelas kasi.-- E yung turistang Hapon, may
akbay na taching! Tingnan mo, nakatsinelas din! -- Oo nga, pero tingnan mo’ng mga paa.
Mapuputi, at ang lambot tingnan. Parang leche flan! Hahaha, ang paa parang leche flan. Yung
paa mo parang chicharong bulaklak! Na nilublob sa dinuguan at binuhusan ng sukang
paombong! (tatawa ang lahat)-- malamig sa mall, pero bawal kami. Ayun si Isabel, karag-karag
ng alaga niyang suwail-- Hoy Isabel! Papasok sina Isabel, kasama si Jennifer. Lilingon si Isabel.
Makikilala niya mula sa malayo ang kumakaway na MGA BATA. MGA BATA Kilala mo pa
kami? Lalapit sana pero maaalalang kasama niya si Jennifer. Kung kaya aalis din agad. MGA
BATA Si Ismail! Di mo na hinahanap? Mapapatigil si Isabel. Lilinga at titingin sa paligid. MGA
BATA Wala siya diyan. Wala siya doon. Wala siya dito sa malamig na mall.  Lalabas nang
tuluyan si Isabel. MGA BATA Duon ka! Dito naman siya! Natutong tumigas ang mga masel
niya! Pati damdamin naging bato. Si Ismail naging siga ng mahabang avenida dito sa syudad ng
mga pirata. Kakalas ang ilang MGA BATA. Kasama na si Ismail. MGA BATA AT ISMAIL Ay
DVD Ay DVD! Ay DVD! Ay DVD! O mga miss, o pagari, ay tingnan mo, Ay DVD! May bago
diri, clear copy, galing orig, ay DVD! o pagari, bili na bili, blue ray ini, ay DVD! Ang hanap mo,
ay DVD, kahit ano, ay DVD! may MTV, mayrong Indie, may tripul eks, Ay DVD! Ay mura
lang, o pagari, kung may sira, balik diri Palitan natin, ay DVD, kahit ano, ano , bili na bili!
Ay DVD! Ay DVD! Ay DVD! Ay DVD! O mga miss, o pagari, ay tingnan mo, Ay DVD!
Malinaw ini, o pagari, kitang-kita pati tutuli o miss huwag nang mag-inarte, ay murang-mura na
ini Hindi ka na kailangan pa, manood sa malaking sine May 10 in 1, may Season 3, huwag nang
manood pa ng TV Ay mura lang, o pagari, kung may sira, balik diri May libre pang isang copy,
kahit ano, ano, bili na bili hoy! SAMIR (kay Ismail) Mael, nagtityaga kang masyado diyan.
Maliit lang kita diyan.  ISMAIL Tubong lugaw naman. SAMIR Tubong lugaw ba iyan?
Maghapon kang naglalako-- suwerte na kung may bumili ng isang basyo. Pamura pa nang
pamura ang mga DVD ngayon. ISMAIL (kukuha ng kaunting pera mula sa bulsa, iaabot kay
Samir.) Ganun na nga, aki, kaso naman eto ka pa, naniningil ng porsyento. SAMIR For a cause.
ISMAIL Ano yung por a cause? SAMIR Binabalik lang natin sa kanila ang kagaghan ng mga
iyan. ISMAIL Di ko maintindihan. SAMIR Yang mga Christian baboy na iyan. Mahilig sa
Hollywood at mga Ingles na palabas sa TV. May mga maaarte pa na naghahanap ng mga classic.
Kaya ang ginagawa natin, Mael, ay binibigay natin ang gusto nila. Pero ang hindi nila alam, sa
bawat sandaang pisong binibigay nila para manood ng mga pelikula ng mga kababuyan nila, may
pisong napupunta sa ating taga-salba. ISMAIL Tagasalba? SAMIR Ang mga tinawag nilang
rebelde, criminal, terorista, bandido. Ang kanilang tinarantado, Ang kanilang di binibigyan ng
trabaho dahil lang Muslim tayo. Ang kanilang kinatatakutan, sinasarhan ng pintuan. Ang di nila
tinatanggap, ang tinawag nilang Moro, bastos, at marumi. Kahit hindi nila tayo matiis, sa atin pa
rin sila bumibili ng DVD. Hahaha. Kaya hindi nila alam, yung binili nila, ay donasyon naman
nila sa kilusang kinatatakutan nila. ISMAIL Ibig sabihin? SAMIR Ibig sabihin, umiikot lang ang
pera. Pero, Mael, sinasabi ko sa iyo, bata ka. Kailangan mo nang grumadweyt diyan.  ISMAIL
Ayokong magtinda ng shabu. SAMIR Sino’ng nagtitinda ng shabu? Hindi ako. Mga sundalo
yun. Ang sinasabi ko, mas mabuti kung ikaw maging asset. ISMAIL Asset?
SAMIR Sinabi mo sa akin, galit ka sa mga christian baboy, di ba? ISMAIL Pinatay nila ang ama
ko. Tapos tinaboy pa nila ako sa kanilang simbahan. SAMIR At marami sa kanila yumaman
dahil sa pag-agaw sa lupa nating mga kapatid na Muslim. dito sa Mindanao. ISMAIL Oo.
SAMIR e di ibalik natin ang malas na binigay nila sa atin. ISMAIL Ano’ng gagawin, aki?
SAMIR Kidnaping. ISMAIL (kakabahan) Naku, Samir. Hindi ako ganyan. SAMIR Ano’ng
hindi? ISMAIL Napakabata ko naman para dumukot. SAMIR E, hindi naman ikaw. ISMAIL E,
ano pala? SAMIR Ikaw lang ang magmamasid, magsasara ng pintuan ng kotse pag naipasok na.
Ikaw lang ang taga-tiktik kung ok na o hindi. Ikaw lang ang mata. Hindi ikaw ang kamay.
ISMAIL Parang nakakatakot. SAMIR Hindi ka nag-iisa. Tatlo kayo. susunod ka lang. Walang
mangyayari. subukan mo. Para sa tatay mo. ISMAIL (matatahimik sandali.) Mukhang delikado.
SAMIR At ang bayad sa iyo’y dalawang libo. Nakahawak ka na ba ng dalawang libo, bata ka?
ISMAIL (matatahimik muli. Nag-iisip) Sige.
IKAANIM NA TAGPO Sesentro muli ang MGA BATA. Tutugtog. Habang ipinapakita kung
ano ang strategy ng mga asset sa pangingidnap. MGA BATA Mga bata, huwag niyo itong gawin
sa bahay. Delikado, maselan ang larong ito! Mga totoy, ang pagdukot ay mabilis lamang But
kung pumapalpak, baka ikaw ay mapatay. Mga bata, kailangan kang maging alisto Pag may
problema, dapat karipas ang takbo ‘sang sitsit lamang, o kindat ng iyong kasama para makapasok
ang tropa sa eksena. Mga bata, pagbilang ko ay simulan niyo Tatlong minuto, importante’ng
bawat segundo At kilalanin kung sino’ng ating dudukutin Pag ito’y nakita, kumindat, sumitsit, 
kumaway, magkamot ng ulo! Parating na ang tropang kidnapper na ito! Habang kinakanta ito:
makikitang naghahanda sina ISMAIL, SAMIR at isa pang bata. ito ang mga susunoid na aksyon:
1. Kumakain ng ice cream si ISMAIL. Nagmamatyag. 2. Biglang kikiriring ang school bell.
Maaaring marinig nag voice-over ng mga bata na nagsasabing, “Goobye, My teacher Goodbye,”
3. Mula sa kabilang bahagi ng entablado ay papasok naman si ISABEL. Nakatalikod siya kay
Ismail. Nakatingin naman si ISMAIL sa batang RICH DAUGHTER. 4. Kakaway si Samir,
pahiwatig na lumabas na ang kanilang tinitiktikan. 5. Magkakamot ng ulo si Ismail. Mula sa koro
ng MGA BATA (by this time, tapos na ang kanta pero patuloy pa rin ang tugtog) ,lalabas ang
mga kidnapper. 6. Tamang-tamang tatakbo si RICH DAUGHTER papunta kay Isabel. Aabutin
ni ISABEL ang kamay ni RICH DAUGHTER. 7. siya namang pagdukot sa RICH DAUGHTER.
Mahihila din si ISABEL. Mapapasigaw si ISABEL. At dahil kailangan mabilis ang mga
pangyayari, idadamay na rin nila si ISABEL. Pareho silang bubusalan ng bibig. At dagli silang
mawawala. Susunod nanag mabilis sina SAMIR at ISMAIL. Patuloy pa rin ang tugtog,
magbabago ang ilaw at makikitang nasa safehouse tayo. Nakaupo na roon sina ISMAIL at
SAMIR, kausap ang isang lalaki. SAMIR (sa lalaki) Kulang ito, aki. Usapan natin dalawa.
LALAKI Di pa nga nagbabayad ng ransom, mabuti nga may down payment na.  ISMAIL E,
paano ako, ser? LALAKI Hati muna kayo diyan. SAMIR Ha? 500 lang matitira sa akin. Wala
pang fifty percent. LALAKI Wala pa ngang ransom. Ano ba? ISMAIL Samir? SAMIR (kukuha
ng dalawang daan, ibibigay sa kanya) O eto na muna. Pag natapos na ito… ISMAIL 200 lang?
Ang sabi mo 2,000. SAMIR Pag natapos na nga.  ISMAIL Alis na ko. LALAKI Sandali.
Kelangan niyong bantayan ang bata. ISMAIL Kasama pa ba iyun? LALAKI Napaka-reklamador
mo, a. Saan mo ba kinuha ito, Samir? SAMIR Sensya na, aki. (kay Ismail) Huwag ka na
masyadong magrereklamo. Andito na tayo, wala nang urungan. May maririnig na malakas na
hiyaw ng bata. Si RICH DAUGHTER. Kasunod naman ay si ISABEL. Hindi siya makikilala ni
ISMAIL. Nakayuko ito. Kasunod nila ay ang dalawang KIDNAPPER LALAKI Bakit pati yaya,
sinama niyo? KIDNAPPER Nagpumilit, e. LALAKI Wala namang silbi iyan. Dagdag pa sa
pagkain. KIDNAPPER Dispatsahin na? ISABEL Huwag po! Alaga ko po siya. Kahit kaunti lang
pong kain. Makikilala ni ISMAIL ang boses ni ISABEL. Lalapit siya, pero hindi magpapahalata.
LALAKI Tumahimik ka. Samir, sumama ka sa akin. Ikaw, Ismail. Bantay ka dito. Kailangan
kong itanong kung kailan sila dadalhin sa kampo. Pag umangil iyan, isumbong mo. Maiiwan si
ISMAIL, ISABEL at RICH DAUGHTER. Pahikbi-hikbi ang bata. Katahimikan. Hindi
lumilingon si ISABEL kay ISMAIL. RICH DAUGHTER Yaya, take me home na. ISABEL
Don’t worry. We will go home.  ISMAIL Marunong ka na mag-Ingles. ISABEL (lilingon kay
Ismail.) Ikaw! RICH DAUGHTER (titigl sa pag-iyak) You know him? ISMAIL (sisigaw)
Tumahimik ka! Iiyak uli nang malakas si RICH DAUGHTER. ISABEL Stop na. Stop na. don’t
worry, we will go home. RICH DAUGHTER You are one of them, yaya? ISABEL No, of course
not. RICH DAUGHTER Why do you know this bad boy? ISABEL I don’t know him… I don’t
know him na, Jennifer.
ISMAIL Ano’ng sinasabi mo? ISABEL Hindi na kita kilala. Hindi sasagot si Ismail. ISABEL
Noon matapang ka. ISMAIL Matapang ako!  ISABEL Kung matapang ka, hindi ko magagawa
ito. Dati nagtatanggol ka. ISMAIL Pinagtatanggol ko ang mabait sa akin. ISABEL Ano ba ang
ginawa ng batang ito sa iyo?  RICH DAUGHTER Ya, what did I do to you? I don’t even know
you. ISMAIL You! You! Pinalayas mo kami sa tirahan namin. Pinatay mo ang magulang ko.
Inubos mo ang pagkain ko. At wala kang pakialam. ISABEL Hindi siya iyun! Alam mo iyan.
ISMAIL Sila! Siya! Hindi pa lang niya alam. Paglaki niya, magiging tulad siya ng mga kabagang
niya. Lalaki siyang malakas ang boses, mataas ang noo, nakapamaywang, turo nang turo. Paglaki
niya mamanahin niya ang yaman ng magulang niya. At kukuha siya ng maraming lupa, Paalisin
niya ang mga batang tulad ko. At ipasusunog niya ang bahay nila sa mga sundalo. ISABEL Sino
ang nagsabi niyan sa iyo? ISMAIL Dahil lahat ng Kristyano galit sa amin. ISABEL Christian din
ako, Ismail. Naging mabait ako sa iyo. RICH DAUGHTER You see? You see! I am right! Your
friends are Muslim. Your friends are bad! ISABEL AT ISMAIL Tumahimik ka diyan!
Magugulat si RICH DAUGHTER. ISABEL You do not understand. Duon sa amin, hindi kami
Muslim, hindi kami Christian. Mga anak lang kami ng araw. Magkakapareho, magkakaibigan. 
ISMAIL Wala nang ganun. Ito na ang tutoong buhay. Wala nang paraiso. Mga bata tayo noon.
ISABEL Hindi. Ang tutoong buhay ay yung bayan sa Dalingawen. Kung saan hindi pumapatay
ang mga takot sa Diyos o kay Allah. Dumating lang sila. Sinira nila lahat. Hindi dahil Christian,
hindi dahil Muslim.  ISMAIL Wala nang Dalingawen. Wala nang tao doon. Sunog na ang mga
bahay.  ISABEL Dala pa natin ang mga kuwento. ISMAIL Kahit ang mga kuwento, wala nang
epekto. ISABEL Yun ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob, Ismail. (to RICH DAUGHTER)
Naalala mo? You remember? RICH DAUGHTER What? ISABEL That kuwento I told you
about how fire came to man. RICH DAUGHTER I… I… ISABEL Dat kuwento when it was
very cold. Because there was no fire. And the only fire is come from the giant. The giant is live
in the mountain, is live in the big cave. RICH DAUGHTER And so the young man went up the
mountain. ISABEL But bepor that, he talk to the horsie, he talk to the doggie, and then the
pussycat, and the piggy, and froggie. ISMAIL Ano’ng sinasabi mo? ISABEL Ang kuwento.
kung paano nila tinakas ang apoy sa kamay ng mga higante. ISMAIL Nagkaisa sila. RICH
DAUGHTER And when the young man faced the giant. ISABEL There are two giants. RICH
DAUGHTER I only remember one giant. ISMAIL Dalawa sabi, e. ISABEL The young man
faced the two giants. And he raised his hand. ISMAIL At nag-ingay ang mga hayop. RICH
DAUGHTER The horsie neighed. Liligiran ng MGA BATA ang tatlo. Gagawa sila ng tunog ng
kabayo. ISABEL And the doggie bow wow! MGA BATA kakahol na parang aso. At sa mga
susunod pang linya, gagawin nila ang tunog ng mga hayop. ISMAIL Ang pusa ngumiyaw.
RICH DAUGHTER And the piggy oinked. ISABEL And the froggie kokak kokak. ISMAIL
Nang sabay sabay! ISABEL And so the giants were surprised. They thought the world is ending
na! RICH DAUGHTER And the young man quickly grabbed an ember from the fire. and he ran!
ISMAIL Tumakbo siya! ISABEL The giants, they run after him! RICH DAUGHTER But before
the young man got tired, he passed the ember to the horsie and the horsie ran! MGA BATA
Tigidig Tigidig! ISMAIL At pinasa sa aso! ISABEL And pass to the pussycat! RICH
DAUGHTER Who passed it to the piggy! ISMAIL At pinasa sa palaka. ISABEL The giants
stepped on the froggies tail but the froggie jumped. RICH DAUGHTER And the ember fell into
the hands of the people.  ISABEL The good people, who passed the fire around. Magtitinginan si
ISMAIL at ISABEL. Kukunin ni Ismail ang kamay ni Isabel. Hihilahin na niya ito at akmang
itatakas. Pero bibitiw si ISABEL at lalapit sa RICH DAUGHTER. ISMAIL Halika na. ISABEL
Itakas rin natin siya. ISMAIL Ikaw lang. ISABEL Siya ang apoy, Ismail.  Matitigilan si ISMAIL.
Mag-iisip sandali. Lilinga at titingnan kung wala tao. ISMAIL Dali. (kay RICH DAUGHTER)
Hoy! you keep quiet ha! Akma silang tatakas, bigla silang makikita ni SAMIR. SAMIR Hoy!
Saan mo dadalhin yan? ISMAIL Takbo! (biglang susugod kay SAMIR)  Magkakagulo. Ang
MGA BATA ay gagawa uli ng tunog na mabilis ang ritmo. Kung magagawan ng paraan,
maaring ipasa-pasa ang RICH DAUGHTER sa mga manonood, hanggang bumalik muli sa
entablado, kung saan wala na ang mga kriminal. ISMAIL Ayan na ang bahay niyo. ISABEL (kay
RICH DAUGHTER) You go na. ISMAIL Sabihin mo sa kanila. Sa mga magulang mong
mayayaman, sa mga kaklase mong mayayabang, hindi Muslim ang kanilang kalaban. Tao ang
dumukot sa iyo, tao din ang sumagip. RICH DAUGHTER Opo. Yaya, come na. ISABEL No,
you go. ISMAIL Bakit? ISABEL Gusto ko nang umuwi.
ISMAIL Saan? ISABEL Kung saan tahimik ang buhay. RICH DAUGHTER come na, Yaya.
ISABEL You go in na. You find another yaya.  Yayakap si RICH DAUGHTER kay ISABEL.
Yayakap din si ISABEL. Maiiwan silang dalawa ni ISMAIL. ISMAIL Wala na tayong uuwian.
ISABEL Mayroon pa. Maniwala ka. ISMAIL May lugar pa bang katulad ng Dalingawen?
ISABEL Katukin natin ang bawat bahay. Kakatok si Isabel sa harap ng manonood. ISABEL Tao
po! Tao po! Magpapapasok ba kayo ng tulad namin? Isang Muslim. ISMAIL Isang Christian.
ISABEL Isang mahirap. ISMAIL Isang sinugatan. ISABEL Isang natatakot. ISMAIL Isang
nalulungkot. ISABEL Isang ulila. ISMAIL Isang napariwara.  Sasali na ang MGA BATA. MGA
BATA Tao po! Tao po!— May alam ba kayong lugar  kung saan pantay-pantay  at
nagmamahalan ang mga tao? Tao po! Tao po! May alam ba kayong bayan Kung saan ang
relihyon ay hindi nangmamata ng ibang tao? Tao po! Tao po! May alam ba kayong sitio Kung
saan ang bawat tao Ay gumagalang, hindi nang-aapi? Tao po! Tao po! May alam ba kayong
baryo Kung saan bulag ang tao Sa pagkakaiba ng lahi’t ugali?
Kung may alam kayo Kami’y patuluyin ninyo At ang baryong ito Ang siyang bahay namin At
lilinisin natin Ang paligid hanggang kumalat,  hanggang lumigid Sa buong mundo!
Tao po! Tao po! May alam ba kayong mundo Na pantay-pantay lahat At walang nangmamata ng
ibang lahi? Tao po! Tao po! May alam ba kayong mundo Kung saan ang relihyon Ay hindi
nagpapataasan ng ihi? Tao po! Tao po! May alam ba kayong mundo Kung saan ang bawat tao
Ay ligtas sa digmaan at silakbo? Tao po! Tao po! May alam ba kayong mundo Kung saan tayong
lahat Ay hindi na kailangang magutom!
Kung may alam kayo Kami’y patuluyin ninyo At ang baryong ito Ang siyang bahay namin At
lilinisin natin Ang paligid hanggang kumalat,  hanggang lumigid Sa buong mundo! Biglang
matatapos ang kanta. Nakahilera ang buong cast-- na ngayo’y pawang mga pulubi. Sa gitna sina
ISMAIL at ISABEL. ISMAIL Walang nagbubukas ng pinto. Nanonood lang sila. ISABEL Hindi
sila gumagalaw. Parang walang pakialam. ISMAIL Gusto lang nila manood, walang gustong
kumilos. ISABEL Baka nag-iisip. ISMAIL Kailangang magpatuloy ang mga kuwento. ISABEL
Dahil kung walang kuwento, wala nang pag-asang maibalik ang bayan ng Dalingawen. ISMAIL
Sana… ISABEL Sana ano? ISMAIL Sana nag-iisip. MGA BATA Sana nag-iisip. Tahimik na
tatayo ang MGA BATA. Kadiliman. WAKAS

You might also like