Silvino - L - 11-VV - Pangwakas Na Papel

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

SILVINO 1

SILVINO, Lauren Bernice S.


Dr. Joseph T. Salazar, PhD
FILI 11
10 Disyembre 2021

Mga Kontraktwal Na Kasunduan Sa Likod Ng Produksyon Ng Saging

Noong panahon ng pananakop ng Espanya, inilipat ang pagmamay-ari ng mga lupang sinasaka ng
mga magsasaka sa mayayamang Kastila na may mataas na posisyon sa gobyerno, kung saan naiwan ang
mga katutubo bilang mga share tenants (Department of Agrarian Reform; Carranza 1). Sa mahabang
panahon, nakulong ang maliliit na magsasaka sa sistema ng paggawa na itinatag ng mga Kastila kung
saan eksklusibong grupo lamang ng mayayamang indibidwal ang nagmamay-ari ng mga lupain. Biilang
resulta, naging laganap ang kahirapan at pagsasamantala sa mga magsasaka. Lumitaw ang mga kilusan na
nanawagan para sa reporma at pagwasak ng kasalukuyang sistema ng pagmamay-ari ng lupa sa pag-asang
mawawakasan nito ang kahirapan at magbigay ng pantay na oportunidad sa kita at trabaho.

Mula noon, lumikha ang iba’t ibang mga administrasyon ng mga land reform programs, ngunit
hindi gaano ito nakatulong sa pamamahagi ng pagmamay-ari ng lupa sa mga magsasaka at sa mga
nangungupahan dito. Naglalayon ang karamihan sa mga batas na ipinakilala ng iba't ibang mga pangulo
mula noong panahon ng Commonwealth na mapabuti ang relasyon ng may-ari ng lupa at nangungupahan,
gayundin ang mga programang resettlement (Carranza 1; Department of Agrarian Reform; Fuwa 2;
Organisasyon ng Pagkain at Agrikultura). Hindi ito naging daan sa redistribution ng lupa na siyang nais
ng mga magsasaka, at nagdulot pa ng mga bagong problema, tulad ng marginalisasyon ng mga
katutubong grupo. Sa wakas, pagkaraan ng patuloy na panggigipit mula sa mga magsasakang grupo at
mga alyansa, ipinakilala ang matagal nang inaasam na repormang agraryo noong 1989 sa ilalim ng
administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino kasama ang Comprehensive Agrarian Reform Program
(CARP).

Layunin ng CARP na muling ipamahagi ang mga pampubliko at pribadong lupain, anuman ang
uri ng pananim na itinanim, sa mga magsasaka, manggagawang bukid, at nangungupahang walang lupa,
sa pag-asang maiaangat ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya at kalidad ng buhay (Republic Act No.
6657). Dagdag pa rito, layinin din ng CARP na mag-alay ng karagdagang mga serbisyo ng suporta, tulad
ng teknolohiya, mga serbisyo sa merkado, at pautang. Hangarin ng suportang ito na sagutin muna ang
mga paunang gastos na kailangan upang simulan ang pagiging produktibo ng mga lupaing ito. Sinasaklaw
SILVINO 2

nito ang mga gastos para sa kinakailangang input upang simulan ang paglinang ng mga pananim tulad ng
mga binhi, lupa, at mga pataba. Dagdag pa rito, binibigyan nito ang mga magsasaka ng mga
kinakailangang kasangkapan at teknolohiya para sa mas mabisa ang paglinang ng lupa.

Naging malaking tulong ang paglikha ng CARP dahil patuloy na ang mga rural na lugar sa
Pilipinas ang mayroong pinakamataas na antas ng kahirapan, kung saan ang mga magsasaka ang
pinakamahirap (Asian Development Bank 2). Kaya lubhang kailangan ang CARP sa pag-ahon sa mga
grupong ito mula sa kahirapan. Nakasaad sa batas na nakabubuti ang mas patas na pamamahagi ng lupa sa
kalidad ng buhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalakas ng produktibidad at pagtatanim ng
mga lupaing ipinagkaloob sa kanila (Republic Act no. 6657). Ayon kay Jacobs (5), tinitiyak ng land
redistribution na mahusay na nagagamit ang mga lupang pang-agrikultura at nananatiling produktibo, at
bilang resulta, bumababa ang antas ng kahirapan. Bilang karagdagan, humahantong ito sa mas pinabuting
seguridad sa pagkain at industriyalisasyon. Dagdag pa rito, magugulo nito ang class structure na
namayani sa lipunang agraryo (Jacobs 5). Itinutulak ng repormang agraryo ang higit na pakikilahok at
partisipasyon ng mga mahihirap na magsasaka sa mga desisyon na direktang nakakaapekto sa kanila, na
nagbibigay sa kanila ng direktang pagmamay-ari sa mga lupang kanilang binubungkal.

Ngunit, nabigo ang pamahalaan na matagumpay at ganap na maipatupad ang programa. Hindi
naipamahagi ang mga serbisyo ng suporta na ipinangako ng mga awtoridad at sa gayon, hindi natugunan
ang inaasahang produktibidad ng mga lupa at mga layunin ng CARP. Hindi mapanatili at mapamahalaan
ng mga magsasaka ang mga lupaing pag-aari nila dahil sa kakulangan ng mga mapagkukunan upang
simulan ito. Dahil dito, nagpakilala ito ng bagong uri sa lipunan, ang mga mahihirap na magsasakang
mayroong lupa. Upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, napilitan ang mga magsasaka na
ibenta ang kanilang lupa o pumasok sa mga kasunduan sa kontraktwal na pagsasaka.

Tinutukoy ang kontraktwal na pagsasaka bilang isang kasunduan na binubuo bago ang
produksyon ng mga pananim sa pagitan ng mga magsasaka at mga korporasyon. Inaasahang ang mga
magsasaka ang magsasasagawa ng produksyon ng isang tiyak na pananim at bibilhin naman ito ng mga
korporasyon batay sa natukoy na presyo sa kontrata. Nagtataguyod ang kasunduang ito ng iilang
benepisyo at maaaraing kapwa kapaki-pakinabang para sa mga magsasaka at mamimili. Pangunahin na
ang pagbibigay ng mga korporasyon ng mga kinakailangang materyales upang simulan ang produksyon,
tulad ng mga binhi, pataba, at teknikal na suporta at abiso. Sa kabila nito, maaaring humingi ng pinansyal
na tulong ang mga magsasaka mula sa mga komersyal na bangko at ahensya ng gobyerno gamit ang
kontrata bilang collateral. Sunod naman, karaniwang pre-determined na ang mga presyo ng pananim at
SILVINO 3

nakasaad sa kontrata upang maresolba ang posibilidad ng kawalan ng katiyakan sa pagpresyo. Ngunit, sa
iilang mga kasunduan, nakabatay ang pagpresyo ng pananim sa presyo sa merkado sa oras ng pag hatid
ng mga ani nito. Bukod pa sa mga nabanggit, nagbibigay ng isang maaasahang merkado para sa mga
exporter at magsasaka ang kasunduang ito, kung saan naninigurado ang mga magsasaka na patuloy na
mapagkakakitaan ang kanilang mga pananim at matitiyak ang mga mamimili na patuloy silang
mabibigyan ng suplay ng mga pananim. Nakikinabang din ang mga magsasaka na mapag-alaman ang
mga pinabuting teknolohiya at mga diskarte sa produksyon na maaaring mapadali ang kanilang trabaho
(Eaton at Shepherd 10-14; Bourque).

Sa kaibahan, mayroon ding mga disbentahe ang kontraktwal na pagsasaka, kabilang ang hindi
pantay na pamamahagi ng panganib sa mga magsasaka at korporasyon, pagkagambala sa kasalukuyang
sistema ng sakahan dahil sa pagpapakilala ng hindi magkatugma na teknolohiya at mga pananim,
pagmamanipula ng mga quota at pamantayan ng kalidad, monopolistikong tendensya, katiwalian, at
panganib na mawalan ng kita dahil sa mga problema sa produksyon at teknikal na suporta, hindi
inaasahang pagbabago sa merkado, at pagwawakas ng kontrata ng mga korporasyon (Eaton at Shepherd
14-17; Bourque).

Kaugnay ng mga nabanggit na negatibong epekto ng contract farming, maraming magsasaka ang
hindi namamalayang napipilitang pumasok sa mga kasunduan kung saan madaling mapagsamantalahan at
madalas pabor sa mga korporasyon. Nagbigay daan ang CARP sa pamamahagi ng mga lupaing
agrikultural sa mga walang lupang magsasaka at manggagawang bukid na nilinang ang mga lupain ito
(Republic Act no. 6657). Nilalayon nitong wakasan ang mga hindi makatarungang pagmamay-ari ng lupa
at bigyan ng kapangyarihan ang mga manggagawang pang-agrikultura. Bunga nito, pinahintulutan ang
mga Agribusiness Venture Agreements (AVA) na nagbibigay daan sa pagkakaroon ng partnership sa
pagitan ng mga korporasyon at mga magsasakang nabigyan ng mga titulo ng lupa (Limbo).

Gayunpaman, sa konteksto ng mga magsasaka ng saging sa Pilipinas, hindi nagtagumpay ang


mga kasunduang ito na tulungan sila at sa halip, inilagay sila sa mga hindi makatarungang kasunduan
(Oxfam, 3). Sa isang pag-aaral na isinigawa ng Oxfam/IDEALS (sinipi Oxfam 6), kinapanayam nila ang
isang magsasaka ng saging tungkol sa kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa Sumifru Philippines, isang
tagaluwas ng mga prutas, na pinasukan nila ng sampung taong kontrata. Ayon sa kanila, upang maihanda
ang lupa para sa paggawa ng mga saging, kinailangan nilang maglabas ng pera na walang katiyakang
muling kikitain ang nagastos para sa pagpapahanda. Ipinagbabawal din ng kontrata ang pagbili ng mga
materyales pang produksyon mula sa iba pang mapagkukunan maliban sa Sumifru. Dagdag pa sa mga
SILVINO 4

kasunduan sa kontrata ang pagpresyo ng mga pananim batay sa kalidad ng mga saing, sa halip na sundin
ang pagpresyo batay sa market value ng mga ito.

Kahit na ang pagpapakilala ng CARP ay naglalayong pigilan ang mahirap na manatiling mahirap,
ang mga hindi makatarungang sugnay na namamayani sa mga kontrata sa pagitan ng mga magsasaka at
korporasyon ay nagiging daan sa patuloy na pagsasamantala ng mga magsasaka ng saging sa Pilipinas.
Naglalayon ang papel na ito na suriin ang mga sugnay sa mga kontrata ng contractual farming na
nag-iiwan sa mga Pilipinong magsasaka ng saging na bulnerable sa pagsasamantala ng malalaking
korporasyon, at ang mga epekto nito sa mga magsasaka.

Gamit ang Literature Review, susuriin ng mananaliksik ang nagaganap na pagsasamantala sa mga
magsasaka ng saging sa Pilipinas. Layunin ng mananaliksik na alamin kung anong mga hindi
pagkakapantay-pantay o imbalances ang naroroon sa pagitan ng mga magsasaka at korporasyon sa
kanilang mga kontrata, anong mga sugnay sa mga kontrata ang nag-iiwan sa mga magsasaka na
bulnerable sa pagsasamantala. Upang makatulong sa pagsusuri, gagamitin ang pananaliksik nina de la
Cruz at Jansen na nakatuon na alamin kung paano hinahati ang risk at pasanain ng Panama disease sa
pagitan ng mga magsasaka at korporasyon, at kung ano ang sinasabi ng kontrata ukol sa kung sino ang
may pananagutan. Isinuri ng naturang pag-aaral ang mga kontratang pinapasukan ng mga magasasaka ng
saging at nagsagawa ng mga panayam at mga focus group discussion sa pagitan ng magkabilang partido.
Bagamat hindi susuriin ng papel ang kaso ng Panama disease sa mga sakahan ng Pilipinas, mahalaga ang
pag-aaral nina de la Cruz at Jansen upang malaman ang mga hindi pagkakapantay-pantay na namamayani
sa mga kontrata ukol sa pag-aasikaso ng mga problema sa produksyon ng saging, tulad ng nabanggit na
sakit. Gagamitin din bilang sanggunian ang case study na isinagawa ng Oxfam at IDEALS noong 2018
kung saan ibinunyag ang mga karanasan ng mga magsasaka ng saging sa ilalim ng mga kontraktwal na
kasunduan at inilantad ang mga partikular na sugnay na naroroon sa mga kontrata na naging pabor sa mga
korporasyon. Tulad ng unang nabanggit na papel, isinagawa ng Oxfam at IDEALS ang case study na ito
sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga kontrata sa pagitan ng limang pares ng kooperatiba ng magsasaka at
mga multinasyonal na korporasyon.
SILVINO 5

PROSESO SA PAGPIRMA NG KONTRATA

Inilalarawan ang kontrata bilang isang contractually binding agreement sa pagitan ng dalawang
partido. Ipinapahiwatig nito ang obligasyon ng parehong sangkot na partido na may layuning linawin ang
kani-kanilang responsibilidad. Bukod dito, nagsisilbi ang mga kontrata na protektahan ang mga karapatan
ng magkabilang panig at may hangad na isagawa ng parehong partido ang kanilang mga obligasyon. Sa
anumang kaso ng paglabag sa kontrata, maaaring tumungo sa batas ang mga sangkot na grupo upang
masolusyonan ang mga paglabag na ito dahil legally binding ang kasunduang ito (Legal Information
Institute).

Sa kaso ng kontraktwal na pagsasaka, pinalalakas at ginagawang pormal ng mga kontrata ang


kasunduan sa pagitan ng mga magsasaka at korporasyon. Sumasang-ayon ang mga magsasaka na lumikha
ng mga pananim, habang ipinapangako naman ng korporasyon na bilhin ang mga ito. Bukod dito, umiiral
ang mga kontratang ito upang tiyakin ang kalidad ng mga pananim na lilinangin ng mga magsasaka. Sa
kalahatan, umiiral ang mga ito upang maganap ang isang matagumpay na kasunduan. Subalit, karaniwang
namamayani sa mga kontratang ito ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa mga yugto ng pagpirma ng
kasunduan, pati na rin ang mga kontrata mismo na naglalantad ng mga kawalan para sa mga magsasaka.

Sa mga kontrata, maaaring maging problema ang mga language barriers. Bagama't Ingles ang
kinikilalang wikang pandaigdig, mas nakatuon ang mga indibidwal sa kanayunan sa pagsasalita ng wika
na kinalakihan nila. Kaya maaaring hindi kasinghusay ang kanilang pag-unawa at pagsasalita ng wikang
ingles. Napag-alaman na karaniwang nakasulat ang mga kontratang nililikha para sa mga kasunduan ng
kontraktwal na pagsasaka sa wikang Ingles, hindi sa lokal na diyalekto na ginagamit ng mga magsasaka
(Jansen & de la Cruz 10; Hassanah 71). Napagalaman na kapag nakasulat ang mga kontrata sa Ingles,
hindi naiintindihan ng mga magsasaka ang kanilang mga obligasyon at mga panganib kaugnay nito dahil
nakasulat ito sa isang wikang hindi lubos na pamilyar sa kanila. Bilang resulta, patuloy na pinaiiral nito
ang mga di-kanais-nais at hindi pantay na mga kasunduan sa mga kontratang pinapasukan ng mga
magsasaka.

Natuklasan din ni Hassanah ang kawalan ng transparency sa yugto ng pagpirma ng mga kontrata.
Sa mga kasunduan sa pagitan ng Nader & Ebrahim S/O Hassan Phils, Inc (NEH) at ng iba’t-ibang grupo
ng mga magsasaka mula sa rehiyon ng Davao, natuklasan na isa-isang nilapitan ng isang kinatawan mula
sa NEH ang mga magsasakang grupo na may kontratang nakahanda para kanilang pirmahan. Ipinakikita
nito na walang wastong pagtalakay sa mga tuntunin ng pakikipag-ugnayan ang naganap at walang
SILVINO 6

pagkakaton ang ibinigay para sa negosasyon. Dagdag pa rito, walang legal na kinatawan o kinatawan ng
korporasyon ang nagpaliwanag sa mga tuntunin ng kontrata sa mga magsasaka. Nangangahulugan ito na
kulang ang impormasyon ng mga magsasaka ukol sa kanilang mga karapatan at obligasyon sa ilalim ng
kontrata. Pinakikita nito ang malinaw na layunin ng korporasyon na samantalahin at abusuhin ang
pakikipag ugnayan sa mga magsasaka. Higit pa rito, dahil inihanda ng korporasyon ang kontrata, nasa sa
kanila ang kalamangan dahil kumpleto ang kanilang mga mapagkukunan at impormasyon sa paggawa ng
isang kasunduan na pabor sa kanila. Dahil walang sapat na pag-unawa sa panig ng mga magsasaka,
nailalagay sila sa isang hindi inaasahang posisyon kung saan higit ang kapangyarihan at kontrol ng mga
korporasyon sa kanila.

Halimbawa nito ang isang kasunduan sa pagitan ng Sumifru at isang grupo ng mga magsasaka
mula sa Compostela Valley. Napagalaman ni Hassanah na sa mga unang yugto ng talakayan sa pagitan ng
mga korporasyon at magsasaka, napagkasunduan na ang Sumifru ang magbabayad ng 60% ng amilyar,
habang babayaran naman ng mga magsasaka ang natitirang 40%. Subalit, binago ito sa huling kontrata,
kung saan inilipat ang obligasyon ng pagbabayad ng 100% ng amilyar sa mga magsasaka (Hassanah 75).
Bunga ito ng hindi pagtatalakay ng kontrata sa mga magsasaka at ang pagsulat nito sa Ingles, kung saan
hindi nila naunawaan ang buong implikasyon ng mga kasunduang nakasaad dito.

Hindi masisisi ang mga magsasaka dahil kulang sila sa kaalaman sa mga legal na proseso at
implikasyon ng mga kontratang ito. Dito, namamayani ang mga power imbalances at nakikita natin kung
paano pinipigilan ng mga korporasyon ang access sa impormasyon upang makalamang. Sa pamamagitan
nito, nakukuha ng korporasyon ang mga magsasaka na sumang-ayon sa hindi patas at hindi kanais-nais na
mga tuntunin at obligasyon.

ANG MGA KASUNDUAN NG KONTRATA AT ANG MGA IPINAPATAW NITO

Umiiral ang kontraktwal na pagsasaka upang pantay ang panganib ng kasunduan sa magkabilang
panig. Subalit, patuloy itong ginagamit ng mga korporasyon upang kontrolin ang mga magsasaka at
ilantad sila sa mga hindi kanais-nais na sitwasyon. Isang halimbawa nito ang pagtupad ng modernisasyon
ng mga input at teknolohiya na ginagamit ng mga magsasaka sa paglinang ng mga pananim. Legal na
nakatali sa kontrata ang karamihan sa mga magsasaka ng contractual farming na bilhin at gamitin ang
mga materyales na inindorso ng korporasyonng kasunduan nila, kabilang ang mga makina, pataba, at
kemikal na ginagamit sa pagsasaka (Jansen at de la Cruz 12; Hasanah 77; Oxfam at IDEALS 5 ). Madalas
SILVINO 7

na nanggaling ang mga materyales na ito sa mga korporasyon mismo, kaya sila din mismo ang
nakikinabang. Nakasaad sa kontrata na ang mga magsasaka ang gagastos para sa mga input na ito.
Maaaring maging kapaki-pakinabang ang kasunduang ito sa mga grower dahil tinitiyak nito na
natutugunan ang kalidad na kinakailangan ng korporasyon dahil kontrolado nila ang proseso ng
produksyon. Sa gayon, nababawasan ang pagkakataon ng mga magsasaka na magkamali. Bukod dito,
pinadadali nito ang trabaho ng mga magsasaka, lalo na sa pagpapakilala ng mga bagong teknolohiya at
kaalaman ukol sa pagsasaka. Ngunit walang nakalagay na limitasyon ang kontrata sa uri ng mga input at
ang dami na kakailanganin. Kung kaya’t malaya ang korporasyon na magpataw ng mga materyales na
gagamitin ng mga magsasaka at magtaas presyo ayon sa naaangkop sa kanila. Sa akumulasyon ng mga
gastos na ito, maaaring lubusang mabawasan ang kita ng mga magsasaka, o kaya mabaon sa utang.

Halimbawa, isang panayam ang isinagawa ng Oxfam at IDEALS sa isang magsasaka mula sa
Davao Fruits Corporation Agrarian Reform Beneficiaries Association (DFC-ARBA) sa hangarin na
maunawaan ang umiiral na relasyon nila sa Sumifru. Tila naaayon ang karanasan ng magsasaka sa mga
obserbasyon na nabanggit kanina. Ipinaliwanag ng kinapanayam na nabaon sa utang ang kooperatiba
dahil nakasaad sa kanilang kontrata na sasagutin nila ang mga gastos sa input at para sa paghahanda sa
pagtatanim ng lupa. Dagdag pa rito, hinihiling ng kontrata sa mga magsasaka na gamitin ang mga
teknolohiya at materyales na ibinahagi ng korporasyon. Bilang resulta ng kasunduang ito, nauwi ang mga
magsasaka sa pagkakautang sa korporasyon. Pinakikita nito kung paano nagbibigay daan ang mga
kasunduang ito sa pagsasamantala ng mga magsasaka (Oxfam at IDEALS 8).

Suportado din ito ng isang katulad na sitwasyon na natuklasan ni Hasanah sa panayam ng isang
magsasaka mula sa Compostela Valley. Iginiit niya na halos walang kinikita ang mga magsasaka mula sa
kanilang mga pananim. Ayon sa kaniya, "she harvests 40 branches, and it will sell around 30,000, but
after deduction, the farmers will get 3,000" (77). Inaani ang mga plantasyon makalipas ang dalawang
linggo at nagtatrabaho ang mga magsasaka sa loob ng labindalwang araw, na dapat mayroong katumbas
na kompensasyon na PHP 8,480. Alinsunod ito sa patakaran ng DOLE para sa minimum wage na PHP
320 kada araw. Pansinin na mas mababa ang kanilang kinikita sa itinakda na minimum wage.

Isang bagay na hindi natagpuan nina Oxfam at IDEALS at Hasanah sa kanilang pag-aaral ang
assumption of risk kaugnay ng mga materyales na handog ng korporasyon.. Sa pagitan ng DFC-ARBA at
Sumifru, napagalaman nina Jansen at dela Cruz na kung sakaling humantong ang mga materyales na ito sa
pagkasira ng mga pananim, sinasaad ng kontrata na hindi mananagot ang korporasyon para sa anumang
pinsalang dulot ng mga ito, kahit sila mismo ang nag-endorse nito (12). Hindi ito patas dahil sumusunod
SILVINO 8

lamang ang mga magsasaka sa mga patakaran at kasunduan na ipinapataw ng korporasyon. Bukod dito,
sinusunod nila ang proseso ng produksyon na ipinapataw sa kanila sa pag-aakalang makatutulong ito sa
paglinang ng mga tanim at sa pagpapanatili ng kalidad nito.

Dagdag pa rito, natuklasan nina Jansen at de la Cruz na kung sakaling lumihis ang mga
magsasaka sa mga itinakdang materyales at proseso ng korporasyon, o mabigong sundin ang kalidad ng
pananim ng pandaigdigang pamilihan, o mabigo sa matagumpay na paglinang ng mga pananim, malaya
ang korporasyon na pumalit sa pamamahala at operasyon ng sakahan. Sa takeover clause na ito, malaya
ang korporasyon na magdala ng bagong kagamitan, magpakilala ng mga bagong proseso, at kumuha ng
karagdagang manggagawa mula sa labas ng mga partido upang ipagpatuloy ang paglinang ng mga
pananim. Subalit, ayon sa kontrata, ang mga magsasaka ang nakatakdang magbayad sa mga gastos na
ipapataw ng korporasyon. Tatagal ang takeover na ito ng hindi bababa sa sampung taon o hanggang
mapatutunayan ng mga magsasaka na kaya nilang suportahan muli ang sakahan at hanggang mabayaran
nila ang anumang utang na naipon.

Bilang karagdagan, malaya ang korporasyon na magpasya sa kung anong mga batayan at
sitwasyon maaari nilang ipataw ang takeover clause dahil sa paggamit ng hindi malinaw na mga salita sa
isang bahagi ng kontrata -- "or other similar situations" (Jansen at de la Cruz 12). Iniiwan nito ang
desisyon ng pagpapataw ng takeover sa korporasyon. Walang maaaring gawin ang mga magsasaka sa
sitwasyong ito kundi sumunod at sumang ayon sa desisyon ng kabilang partido.

Naglalaman din ang kontrata sa pagitan ng Hijo Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative
(HARBCO) at Lapanday Foods Corporation ng parehong takeover clause. Kung matukoy ng korporasyon
na nanganganib ang mga pananim, may karapatan silang pangasiwaan ang mga operasyon ng sakahan
(Jansen at de la Cruz 11). Inaako ng korporasyon ang kontrol sa lupa at sa mga operasyon nito hanggang
sa mabayaran ng mga magsasaka ang anumang utang na kanilang natamo. Ipinataw ng Lapanday ang
takeover clause na ito sa kadahilanan na nakararanas ang HARBCO ng problemang pinansyal na maaaring
maging panganib sa produksyon ng mga pananim. Iniulat na nagkakahalaga ang utang ng PHP
114,963,256.55 ang utang ng HARBCO sa Lapanday. Nanatili ang operasyon ng lupa sa ilalim ng
Lapanday sa loob ng apat na taon.

Isa pang paraan ng pagpapataw ng mga korporasyon ng kanilang kontrol at kapangyarihan ang
araw-araw na pagsubaybay at monitor ng mga operasyon ng sakahan. Natuklasan ni Hasanah na
araw-araw binibisita ng NEH ang mga plantasyon upang siyasatin at suriin ang anumang mga problema
SILVINO 9

na maaaring lumitaw sa proseso ng produksyon. Maaari ito maging kapaki-pakinabang sa pagtiyak na


walang mga pagkakamali sa produksyon at sa pagpapanatili ng kalidad ng mga saging. Ngunit, isa rin
itong paraan ng pag-ako ng kabuuang kontrol sa kanilang mga pang-araw-araw na gawi at produksyon
(Hassanah 78).

Sa kabila ng pagiging hindi patas ng mga kontratang ito, patuloy na sumasang-ayon ang mga
magsasaka sa mga ito dahil sa panggigipit mula sa mga korporasyong kasunduan nila. Isang halimbawa
ang sitwasyon ng Lapanday Foods Corporation at HARBCO. Nakatakdang matapos ang kontrata ng mga
nabanggit na grupo noong Disyembre ng 2008 at napagplanuhang pumasok muli sa bagong kasunduan na
pinangalang General Framework on Farm Handling (GFFH). Upang pilit na tanggapin ng mga
magsasaka ang mga kasunduan ng bagong kontrata, hindi inilabas ng kumpaya ang kanilang mga suweldo
hanggang sa pinirmahan nila ito (Jansen at de la Cruz 11).

Dito, nakikita natin ang isang pattern ng hindi pagkakapantay-pantay sa mga kontraktwal na
pagsasaka. Itinatakda ng mga kontratang ito ang mga obligasyon ng mga magsasaka batay sa mga
kinakailangan ng korporasyon. Ngunit, pinapatunay ng mga probisyong ito na kahit sumunod ang mga
magsasaka sa mga kasunduan, hindi ito nangangahulugan na natutugunan nila ang mga pamantayan at
kalidad na hinahanap at ipinapataw ng korporasyon (Clapp 80-81). Gamit ang mga kontrata, iginigiit ng
mga korporasyon ang kanilang kapangyarihan at tinatangkang kontrolin ang mga kasunduan sa
pamamagitan ng mga proseso ng produksyon, paggawa, at pagpapanatili ng mga sakahan. Bukod pa rito,
ipinapataw din nila ang kanilang kontrol sa mga pinansyal na sitwasyon ng mga magsasaka dahil sa
kakayahan nilang taasan ang presyo ng mga materyales at dagdagan ang kanilang mga gastusin. Kung
kaya’t mayroong sapat na kapangyarihan ang mga korporasyon na itulak ang mga magsasaka sa higit na
kahirapan.

KONKLUSYON
Tinitingnan ng sanaysay na ito ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa likod ng produksyon ng
saging sa konteksto ng contract farming. Nagbigay ito ng maikling kaalaman sa kasaysayan ng repormang
agraryo sa Pilipinas at ang kasalukuyang sitwasyon nito ngayon. Mula rito, ipinakilala ang contract
farming bilang resulta ng hindi maayos na pagpapatupad ng CARP. Pagkatapos, sinuri ang mga
kasunduang ito upang makapagbigay ng konteksto sa mga sitwasyon ng mga magsasaka ng saging sa
ilalim ng mga kasunduan kasama ang mga multinasyunal na korporasyon.
SILVINO 10

Hindi likas na masama ang contractual farming basta’t patas ang pagbabahagi ng panganib sa
mga sangkot na partido. Sa maayos at pantay na kasunduan, pinalalawak nito ang nasasakop na merkado
ng mga magsasaka at sinisigurado na mayroong tuloy-tuloy na suplay ng pananim ang mga korporasyon.
Ngunit, ipinakikita ng ilang mga sanggunian na ipinapataw ng karamihan ng mga korporasyon ang mga
risk sa mga magsasaka, kung saan mas malaki ang nagiging kawalan nila. Natukasan na bago pa man
maganap ang mga kasunduan, mayroon nang mga hindi pagkakapantay-pantay na namamayani. Mula sa
pagbabalangkas ng kontrata, hanggang sa aktwal na pagpapatupad, at hanggang sa kanilang
pang-araw-araw na gawi. Sadyang inilalagay ng mga korporasyong nakikibahagi sa contract farming ang
mga magsasaka sa mga hindi inaasahang posisyon at minamanipula ang mga kasunduan upang mas pabor
ito sa kanila.

Mula sa ebidensya ng mga pag-aaral na itinalakay, madaming magsasaka ang nababaon sa utang
at nananatiling mahirap bilang resulta ng mga hindi pantay na kasunduan na ito. Nagtutulak ang patuloy
na pag-iral ng mga ganitong kontrata sa pagbuo ng bagong uri sa lipunan ng mga mahihirap na magsasaka
na nagmamay-ari ng lupa. Sa gayon, hindi natutupad ang pinaka layunin ng CARP at hindi umuunlad ang
agrikultura. Umaasa kami na matutugunan ng mga awtoridad ang isyu ng hindi pagkakapantay-pantay sa
contractual farming at magpapakilala ng mga bagong polisiya na makatutulong sa pagwawakas ng
agrarian disputes. Sinisikap ng sanaysay na ito na makamit ang mas magagandang oportunidad para sa
mga magsasaka sa kanayunan sa pamamagitan ng mas mahusay na mga patakaran na mayroong layunin
na protektahan sila.
SILVINO 11

Sanggunian
Asian Development Bank. “Land Reform in the Philippines.” 2012, p. 2. Case Study.

Bourque, Jean-François. “Contract farming: Opportunities and risks.” International Trade Center, 2011,

https://www.intracen.org/Contract-farming-Opportunities-and-risks/. Binisista 28 Oktubre 2021.

Carranza, Danilo. “Agrarian reform and the difficult road to peace in the Philippine countryside.” NOREF

Norwegian Peacebuilding and Resource Center, 2015, pp. 1-11.

de la Cruz, Jaye, and Kees Jansen. “Panama disease and contract farming in the Philippines: Towards a

political ecology of risk.” Journal of Agrarian Change, vol. 18, no. 2, 2018, pp. 249-266.

Department of Agrarian Reform. “Agrarian Reform History.”

https://www.dar.gov.ph/about-us/agrarian-reform-history/. Binisita 8 Desyembre 2021.

Fuwa, Nobuhiko. “Politics and Economics of Land Reform in the Philippines: a survey∗.” Chiba

University, 2000, p. 2.

Eaton, Charles, and Andrew Shepherd. Contract Farming: Partnerships for Growth. Food and

Agriculture Organization of the United Nations, 2001.

Harvard TH Chan. “Bananas.” https://www.hsph.harvard.edu/nutritionsource/food-features/bananas/.

Binisita 28 Oktubre 2021.

Harvard TH Chan. “The Nutrition Source.”

https://www.hsph.harvard.edu/nutritionsource/what-should-you-eat/vegetables-and-fruits/.

Binisita 28 October 2021.

Hasanah, Mahesti. “Between the domination of transnational companies and its discourse on business and

human rights Contract farming and banana small farmers in the Davao Region (The Philippines).”

Global Campus Asia-Pacific, 2019, p. 106.

Jacobs, Susie. “Agrarian Reforms.” Current Sociology, vol. 61, no. 5–6, Sept. 2013, pp. 862–885,

doi:10.1177/0011392113486660.
SILVINO 12

Limbo, Ruel. “Agribusiness Venture Agreements (AVAs) in Agrarian Reform Areas in the Philippines:

Identifying Alternative Schemes.” FFTC Agricultural Policy Platform, 2017,

https://ap.fftc.org.tw/article/1226. Binisita 28 Oktubre 2021.

Observatory of Economic Complexity. “Bananas in Philippines.” OEC,

https://oec.world/en/profile/bilateral-product/bananas/reporter/phl. Binisita 28 Oktubre 2021.

Oxfam. “Land, but no freedom: Debt, poverty and human suffering in the Philippine banana trade.”

Oxfam Philippines, 2018, pp. 1-9.

Oxfam, at Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services, Inc. “A Destiny

of Debts: Unmasking the prejudicial contracts in the Philippine banana industry.” 2014.

Philippine Statistics Authority. “Major Fruit Crops Quarterly Bulletin.” vol. 15, no. 2, 2021, p. 2.

You might also like