na kahit nakakulong sa loob ng maliit na iskrin ng aking telepono ay kaya akong hilahin pabalik sa imbakan ng aking mga alaala. Alaalang minsan nating pinagsaluhan tulad noong tayo ay nasa ilalim ng punong narra habang inuukit ang ating pangalan sa makapal na balat nito, at naghihintay sa isang paglusob ng aking labi upang sakupin ang iyo, upang maging isa ang ating laman at dugo, upang maging isa tayong dalawa. Ang sarap ulit-ulitin na ikaw at ako. Ikaw at ako, ako at ikaw, tayong dalawa ang magkasama sa hirap at ginhawa, sa lumbay at saya. Ngunit paano kung, ikaw at siya talaga ang magkasama, at ako, para sa sarili ko at sa bayan kong sinilangan.
“Ano bang ambag mo sa lipunan? Parang alam mo na ang lahat ah.”
Tanong sa akin ng isang matandang nasa loob ng isang hugis-taong balikabayan box. “Inaalam at aalamin ko pa lamang po ang mga bagay na dapat kong malaman na hindi ninyo nalaman marahil ay pinili ninyong hindi alamin.” Ang sagot ko naman. Wala akong natanggap na tugon mula sa kaniya, parang sa chat, sineen lamang ako, in-ignore, at inihanay sa mga restricted account. Noong minsan mong tinuran sa akin, naisingit mo pa nga habang tayo ay nag-uusap sa ilang mga bagay, wika mo, “Vince, mag-aral ka nang mabuti. Kapag titser ka na, bisitahin mo ako rito sa Caloocan, at kailangan ng mga mag-aaral na Pilipino ang isang katulad mo. Akala ko, sasabihin mo, kailangan kong mag-aral nang mabuti para sa kinabukasan nating dalawa. Akala ko, sasabihin mo, kailangan ng iyong puso ang isang katulad kong guro. Akala ko pa nga, sasabihin mo, “heto pamasahe punta ka rito.” Akala ko, sasabihin mo, susulat tayong dalawa ng isang mahabang nobela na may higit isandaang kabanata na nilalaman ng libo-libong pahina. Akala ko, sasabihin mo, nais mong lumikha ng tula habang ako ang iyong kasama sa paghahabi ng mga tugma at talinhaga na kahit tayong dalawa ay inuumaga, mga puso naman ay maligaya sa nabubuong mga tanaga. Tila isang onomatopeya kung paanong paulit-ulit; sirang-plakang inaawit ng puso ko ang inisyal ng iyong pangalan. Tila isa akong metapora kahit ito ay simili sa kung paanong direkta akong nagpadausdos sa iyo pababa nang walang preno. Tila isang anadiplosis ang pagmamahal ko sa bayan Bayang pinagmulan ng aking dugo at laman Laman na humulma sa kung sino at anong klaseng tao ako Ako, na mananatiling ako para sa sarili ko. Tila isang anapora ang pagtatawag ng maya sa kaniyang ina, Ina ng bayan na tahanan ng aking mga pangarap Ina na aking sandigan hanggang maabot ang alapaap Ina na aking tutulaan sa pag-alala na rin kay Lualhati Bautista Ina ko, ina mo, ina ng bawat Pilipino.
Sa katunayan, nang kumawala sa iyong bibig ang mga kataga
na kailangan ng mga mag-aaral na Pilipino ang isang katulad ko, nahilo ako. Nahilo ako dahil tinamaan ako ng pana ni Kupido ngunit sa pagkakataong yaon nahulog ako sa aking bayan. Noong una, nais kong tumawid sa linya ng hangganan ng bansa at magturo ng ibang wika at kultura ngunit dahil din sa iyo nakita ko ang aking ambag at magiging ambag sa lipunan. Marahil iniisip ng ilan sa inyo na isa akong martir dahil kahit patuloy na inookupa ng mga uod ang sistemang malansa at umaalingasaw ang baho ay pinipili kong manatili rito. Hindi ako katipunero sa panahon ni Bonifacio. Hindi ako gerero noong panahon ni haring Arturo. Isa akong Pilipino. Kung ang ilan ay hindi na nagpapaka-Pilipino, bakit ako magiging isa sa kanila?
Wika at kultura ay iisa.
Dugo at laman ko ay magkasama. Ikaw at ako, hindi ganap na magkatugma, walang sukat, at nababali ang kumbensiyon, ngunit malaya. Isa mga aral na natutuhan ko sa ating pagtatagpo, sa mga libro na ibinigay mo, sa mga katha mong binabasa ko ay kung paanong maging isang Pilipino, at kung paanong maging ako, at kung paanong magkakaroon ng ikaw sa aking mga tula. BISWAL NA TULA KONGKRETONG TULA
GASERA: Wika ay Laya, Mga tula nina R. B. ABIVA, JOSHUA DIOKNO, ALLIAH MARGARITA BORJA, ROSSITE RAMILO, CRISTOBAL FULGENCIO ALIPIO, JOSHUA MARI LUMBERA, GLEN SALES, ED TIGULO, PRINCESS SUPNET, NEIL CIRILO, at JOSHUA MENDOZA