Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 22

Aralin 4

Panitikan: May Buhay sa Looban


ni Pedro D. Dandan
Maikling Kuwento ng Taga-Bulacan
Gramatika/Retorika: Mga Panandang Anaporik at Kataporik

Inaasahang Bunga
• Naipamamalas ang pag-unawa sa maikling kuwento gayondin ang wastong
gamit ng mga panandang anaporik at kataporik ng pangngalan
• Naisasalaysay ang isang kuwento sa pamamagitan ng paggawa ng photo
essay
• Nahihinuha ang kahihinatnan ng mga pangyayari sa kuwento

Tuklasin
Pag-aralan ang mga larawan. Anong uri ng buhay kaya mayroon sa
ganitong kalagayan?

Basahin
May Buhay sa Looban
ni Pedro S. Dandan

Ibinaluktot ni Popoy ang isa niyang tuhod at inilapat ang ilalim


ng kaniyang bakya sa puno ng niyog. Nakakunot ang kaniyang noo;

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


181
namumuhi siya sa kaniyang hinihintay na trak na hahakot sa kanilang
kasangkapang pambahay. Binali niya ang kaniyang daliri nang naaayon
sa mga hugpong at narinig ang mga lagutok... isa... dalawa... tatlo...
apat. Nakalikha siya ng labintatlong lagutok. Ngayon ay ikalabintatlo
ng Agosto, ang gulang niya ay labintatlo, at labintatlo ang lagutok.
Ang labintatlo ay masamang bilang, ayon sa kaniyang impo, at inakala
niyang may kinalaman ang bilang na labintatlo sa pasiya ng kaniyang
tatay kaninang umaga na maghakot sila ngayong hapon upang lumipat
sa Dampalit.
Kinamot ni Popoy ang kaniyang ulo. Pati ang kaniyang hinlalaki ay
pinipilit niyang lumagutok upang ang labintatlong lagutok ay mapaabot
niya sa labing-apat o labinlima. Ngunit namumula na ang kaniyang
hinlalaki at wala pa siyang naririnig na pag-asam na masiraan ang trak.
Tiyak na mawawalay siya sa Looban, katulad ng katiyakang mababakli
ang kaniyang hinlalaki bago makapagparinig sa kaniya ng lagutok.
Ang Looban ay may bahagyang ganda ng isang maliit na nayon sa
lalawigan at sagana sa kapangitan ng isang "patay na pook" sa lungsod.
Ang simoy nito ay naging bahagi na ng baga ni Popoy; sinunog na ng
sikat ng araw ang kaniyang balat at ito'y kinasabikan na rin ng kaniyang
katawan. Namihasa nang dungisan ng alabok nito ang kaniyang damit
at mukha at buong paligid ay napaukit na sa kaniyang diwa at tila hindi
na maaaring pahirin ng panahon.
Ang bungad ng Looban ay humangga sa gilid ng isang maluwang
na daan. Doon ay may dalawang bahay na nakatirik sa magkabilang
panig. Ang nasa gawing timog ay luma na, yari sa kahoy at pawid at
may patahian sa silong. Ang nasa dakong hilaga ay ang silungan ng
kabayo ni Mang Pilo at ang bubong na yero niyo'y kinakalawang na. Sa


182 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
likuran ay ang kubo ni Apo na naliligid ng mga punong saging. Bagong
tambak iyon ng pinaglagarian. Doon malimit maglaro si Popoy at ang
kaniyang mga kababata.
Sa may silangan nakatirik ang bahay na pawid ni Popoy. Ang
bubong at dingding ay sunog sa sikat ng araw. Ang alulod na kawayan
sa batalan ay nakalawit sa malaking kanal. Iyon ang ginagawa nilang
paliguan kung tag-ulan. Ang ulan ay bumubuhos sa alulod na kawayan
na tulad ng malamig na tubig sa isang malaking banyo at marami
silang magkababatang nagsisigawan, nagsasabuyan, at nagtatawanan
samantalang naliligo.
Sa kalagitnaan ng Looban ay may anim na kawayang nakatirik na
paikot. Pinagtatalian ang mga iyon ng alambreng pinagsasampayan.
Hindi kalayuan ay ang mga kulahang yari sa iba-ibang sangkap na
limot na ng panahon; dalawang lumang papag na nabubulok na ang
mga sahig, isang teheras na punit na ang lona at tatlong malalapad
na yerong nakapatong sa mga lata ng gas. Hindi matiyak kung kani-
kanino ang mga sampayan at kulahan, matangi kay Aling Tecla, ang
mataray na nanay ni Pentong, na sa mga araw na marami siyang
labahin ay halos kamkamin ang lahat ng sampayan at kulahan. Ang
kaniyang mga kapitbahay, lalo na ang nanay ni Popoy na upang malayo
sa pakikipagtalakan kay Aling Tecla, ay nagsasawalang-kibo na lamang
kahit walang mapagkulahan o mapagsampayan.
Si Pentong ay maraming kagalit na kapuwa bata. Kabilang si Popoy
sa mga namumuhi kay Pentong kaya malimit niyang paiyakin ito.
Pinapahiran niya ng alkitran ang baro ni Pentong, dinidikitan niya ng
pepsin ang buhok ni Pentong o inuumit niya ang sigay at balubad nito.
Inakala ni Popoy na bago siya malayo sa Looban ay dapat niyang
isiwalat sa kaniyang mga kalaro ang hinggil sa kaniyang mga "lihim na
pasikat." Marahil, sa halip na magalit ay lalo lamang titibay ang kanilang
paniniwala na siya ay maton. "Naku, kaya pala nung nagduruyan tayo
ay nawala ang aking bakya. Ako pala ang nilagyan mo ng uling sa
mukha noong makatulog ako sa bangko ni Ingkong Fruto. Ikaw pala
ang nagkabit ng buntot sa aking kamiseta... ang napagbintangan ko ay
si Polito... talaga nga namang mabilis si Popoy, oo! Naku, maton itong
si Popoy!" Ganyan lamang marahil ang sasabihin nila.
Ngunit ang magalit sila kay Popoy ay malayong-malayo kahit sa
hinagap. Si Popoy ang kanilang matapang na prinsipeng lumaban sa

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


183
dragong pito ang ulo; siya ang pumatay sa malaking higante, siya ang
nakahuli sa ibong adarna at siya ang nakaisangpalad ng magandang
prinsesa. Sa katotohanan, talagang si Popoy ang kanilang walang gulat
na pinuno sa kanilang pakikipagsagupaan laban sa mga batang taga-
Tambakan at Tabing-ilog sa giyera ng espadang patpat, sa pukulan ng
busal ng mais, sa sunod-sunod na suntukan. Ang Looban ay kinilala
ng mga taga-Looban at Tabing-ilog dahil sa kaniya. Siya ay sa Looban
at ang Looban ay sa kaniya.
Inihimpil ni Popoy ang kaniyang paningin sa baras ng palakasan
na itinayo ng kaniyang kuya sa tabi ng bakod na kawayang nakaligid
sa bahay ni Mang Tinong... at ang hinihintay niya ay tama sa kaniyang
isipan. Tumiim sa kaniya ang lungkot ng luha ng napipintong
paglayo nila sa Looban at ng nararamdaman niyang pamamaalam ng
kahalagahan ng kaniyang sarili.
Kung siya ang walang gulat na "hari" ng mga bata sa Looban,
taglayin kaya niya ang kapangyarihan hanggang doon sa Dampalit?
Siya ay bago sa Dampalit at ang Dampalit ay bago sa kaniya. Kasama
ang tatay at kuya, nakita niya kahapon ang Dampalit at ang bahay na
kanilang lilipatan. Ang mga bahay, ang mga bata, laruan, ang mga
punongkahoy, ang bukirin, ang asinan ay pawang bago sa kaniya. Ang
Dampalit ay malayo sa kaniyang paningin.
Inaliw niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pasyang lilimitan
niya ang pagdalaw sa Looban kung naninirahan na sila sa Dampalit
upang sa gayon ay hindi niya malimutan. Ngunit maaaring mangyari
sa kaniya ang nangyari kay Lupo. Si Lupo ay lumipat sa Bagong Pulo.
Malapit ang Bagong Pulo sa Dampalit. Ngunit si Lupo ay napapadalaw
sa Looban, subalit tila bago na sa kanila si Lupo. Hindi na siya dating
si Lupo na kinikilalang
pangalawa niya. Ngayon ay
hindi na dumadalaw roon
si Lupo, matangi noong
isang araw na makabilang
ito sa isa sa mga manlalaro Illus
ng Bagong Pulo sa patintero
at nakipagpaligsahan sa
kanila. Si Lupo ang masugid
na pangangantiyaw upang
matalo sila. Marahil ay


184 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
sumama ang loob, sapagkat nawala na ang dating pagtingin nila kay
Lupo. Talagang hindi nga malayong mangyari sa kaniya ang nangyari
kay Lupo—ang pagkalimot ng Looban sa isa sa mga batang isinilang at
sumibol sa kaniyang lupa at paligid.
Ang tatay niya ang may kasalanan ng lahat. Kinagat niya ang
kaniyang labi upang pigilin ang hinanakit na kinukuyom niya sa
dibdib. Ang tatay lamang niya ang may ibig na bumago sila ng pook.
Ang nanay niya ay hindi na ibig lumayo sa mga dating kapitbahay,
lalo na sa kaniyang Kumareng Beryang at Kumareng Tinay na tapat at
pinangangatawanan kung dumamay.
Ano nga ba ang sanhi at lilipat pa sila sa Dampalit? Hindi niya
maunawaan ang kaniyang tatay. Gayon yatang talaga ang mga
manunulat, mahirap maunawaan. Marahil ang nanay lamang niya ang
nakauunawa sa kaniyang tatay, sapagkat kahit labag sa kalooban nito
ay pinaki-usapan silang magkapatid na huwag nang tumutol sa pasya
ng kanilang tatay na lumipat sa Dampalit.
Ang tatay nga niya ay isang manunulat at maraming sinasabi ito.
Kung magsalita ay malakas na tila nagtatalumpati o nakikipagtalo.
Ang ibig sabihin ng mga salitang naririnig ni Popoy ay halos hindi
niya masakyan. Wala nang binabanggit ang tatay niya matangi sa
kapangitan ng Looban at kaniyang panitik.
Noong una, ay hindi niya nabatid kung ano ang ibig sabihin ng
panitik. At minsan ay nakagalitan siya ng kaniyang tatay nang usisain
niya ang hinggil ng panitik. "Itay, ano ho ba ang panitik? Iyon ho
bang lapis o pluma?" Natatandaan niyang ibig matawang–magalit ang
kaniyang tatay. "Gunggong! Hindi mo kasi binabasa ang aking nobela,
tula, at kuwento... kay laki-laki mo na ay hindi ka pa kasi mag-aral
bumasa ng Tagalog," sabi ng ama.
Kahapon naman, samantalang nakaharap sa makinilya ang
kaniyang tatay at hindi maituloy ang isang kuwentong nasimulan
na, sanhi sa ingay ng malaking pisong nagyayaot dito (kasalukuyang
ginagawa noon ang isang sirang bahagi ng daan), ay narinig na naman
niya ang hinggil sa panitik. "Tinamaan ng... ang sigaw ng kaniyang
tatay. Paano ka ba naman makakasulat nito... Naku! Walanghiyang
pison yan, a! Talagang kailangan lumipat tayo sa Dampalit, Tinang!"
At hihimukin ng nanay niyang sadyang mabait, na lubayan na muna
ang isinusulat ng kaniyang tatay upang makapagpahinga at mapawi
ang init ng ulo.
Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
 185
Kinagabihan ng araw na iyon ay nakagalitan din siya ng kaniyang
tatay. Samantalang naghahapunan sila ay nasabi niya sa kaniyang tatay
na sa isang linggo na sila lumipat sa Dampalit. Ang ulam nila noon
ay tapang prito sa mantika, na ang sawsawan ay hinog na kamatis
na pinisa sa patis–Malabon. Mabilis kumain ang kaniyang tatay; ang
mga subo ay malalaki at abot-abot. Hindi pa nauubos ang laman
ng bibig nang simulan nito ang mahabang "sermon." "Tinamaan ka
ng... Ano ang malay mo sa aking iniisip; paslit na paslit ka ay ibig
mong manghimasok! Kayo... kayo, ano pa ang itututol ninyo... mga
walanghiya kayo! Hindi ba ninyo alam na isasali ako sa timpalak ng
Commonwealth... ano ang maisusulat mo rito... Ano! Wala! Maliban
sa mga kalapating mababa ang lipad na ari ni Mang Lino, maliban sa
dagundong ng mga bola ng boling at bilyar hanggang sa madaling araw
sa palaruan ni Mang Tino, maliban sa mga sabungerong nagkakahig ng
kanilang mga tinali sa harapan ng pagupitan ni Mang Tote, maliban sa
mga kasibulang maghapong nakatayo sa panukulan sa may tindahan
ni Beho, maliban sa mga manginginom ng alak na sa tuwina'y
mapupula ang mga mukha at walang patumangga ang mga bibig. Ano
nga ang makukuha mong paksa sa mga kapangitang iyan? Anong pag-
ibig, anong kagandahan... anong buhay?" Upang matigil ang bibig ng
kaniyang tatay at tumikhin ang kaniyang kuya, at nang mapansin ng
tatay niya na tila siya ay nawala sa kaniyang sarili, winakasan na ang
kaniyang "maaapoy na talumpati."
Walang kagandahan... walang pag-ibig... walang buhay na nakikita
sa Looban! Hindi nga malirip
ni Popoy kung ano ang ibig
sabihin ng kaniyang tatay.
Hindi ba't ang anak na dalaga
ni Aling Lilay ay maganda?
Samantalang ang sanggol ni
Aling Temang na manggugulay,
bagama't pangit sapagkat
pilas ang nguso at pingkit ang
isang mata ay natitiyak niyang Illus
buhay, malusog... umiiyak?
Ang panitik ng kaniyang tatay ang dahilan kung bakit hindi niya
ito maunawaan. Gayon din, ang panitik na ito ang may kasalanan
kaya siya ay malalayo sa Looban. Naisip niya na kung nagkatotoo ang


186 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
kaniyang akala na ang panitik ay walang iba kundi ang lapis o pluma
na ginagamit ng kaniyang tatay, tiyak na hindi na sila matutuloy sa
paglipat sa Dampalit sapagkat uumitin niya upang itapon sa kanal.
Ngalay na ang tuhod ni Popoy sa pakakabaluktot. Iniunat niya
yaon at naramdaman niya ang pamimintig ng kaniyang paa. Buhat
sa malayo ay rinig niya ang pagkakaingay ng mga batang nag-uuwian
buhat sa paaralan. Ikaapat noon ng hapon at papalamig na ang sikat
ng araw. Kabilang sa mga batang naglisaw sa lansangan ang mga kalaro
ni Popoy.
Sa balikat ni Aryong ay nakasakbat ang isang karpetang kayo na
kulay lupa, marumi, at may bahid ng tinta ang kaliwang sulok. Si
Kanor ay kaagapay ni Aryong. Umiindayog ang kaniyang mga aklat
na nakabigkis sa isang lumang sinturong nakapulupot ang dulo sa isa
niyang kamay. Bitbit nina Lina at Siniong ang kanilang mga basket at
kasunod nila sina Goryo at Polito, samantalang sina Pentong at Tiyo
ay nasa kabilang panig ng kalsada, magkaakbay habang sinasanay ang
bagong kantahing itinuro ng kanilang guro.
Ikinapit ni Popoy ang kaniyang kaliwang kamay sa puno ng niyog
at sinalubong niya ng tanaw ang kaniyang mga kalaro. Namataan niya
kaagad si Lina. Ikinaway ni Popoy ang kaniyang isang kamay at tinugon
iyon ni Lina ng wasiwas ng
kaniyang panyolito. Iniwan
ni Lina si Siniong at tumakbo
upang maunahan sina Goryo
at Polito, kaya hinabol niya
yaon. Tinulinan naman ni
Siniong ang kaniyang lakad
at sumigaw, "Hintayin ninyo
ako! Hintayin ninyo ako!"
Napalingon si Lina at nakita
niya sina Goryo at Polito na
malapit na at tumakbo siya hanggang makakaya ng kaniyang paa.
Humingal si Lina at namula ang kaniyang mga pisngi dahil sa
matinding pagod at katuwaan. "Nauna ako! Nauna ako! Nauna ako!"
ang kaniyang bulalas, at humawak siya sa isang kamay ni Popoy.
Nang dumating sina Goryo at Polito ay akay na ni Lina si Popoy
patungo sa baras na palakasan.

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


 187
"Bakit?" ang usisa ni Polito.
"Namanhid daw ang kaniyang paa, e," ang tugon ni Lina.
"Halika, papasanin kita," ang
alok ni Goryo. Si Goryo ay mataas
ng dalawang dali kay Popoy,
mataba at malaki ang tiyan. Si
Goryo ay mabait at matapat na
tagasunod ni Popoy.
Sapagkat ibig din ni Linang
akayin si Popoy sa baras ng
palakasan, siya ang tumugon.
"Huwag na, Goryo."
Ipinikit ni Popoy ang isa niyang mata kay Lina at ito ay sumang-
ayon nang papasan si Popoy kay Goryo.
Si Sioning ay naroon na rin. Nakikita nila ni Lina na nagpapabigat
si Popoy sa malapad na likod ni Goryo. Tatapunan muna nila ng tingin
si Popoy, saka mamumulas sa kanilang mga labi ang impit na tawa.
Ibinaba ni Goryo si Popoy sa tabi ng baras. Pinahid niya ang
manggas ng kaniyang kamisadentro ang pawis niya sa noo, ay nag-
anyong hirap na hirap dahil sa matinding pagod. Si Popoy ay napatawa
na rin sa ayos ni Goryo.
Pagsapit ni Lucio sa maluwang na lagusan ng Looban ay natanaw
niya sina Popoy. Tinutukso niya si Kiko ng "bobo" at "payatsoy" mula sa
paglabas sa paaralan at hindi siya nilulubayan ng tugis ni Kiko. Hawak
ni Kiko ang kaniyang panukat at kahit na siya nagkakandakahog
sa mga dala niyang aklat ay pinipilit din niyang maabutan si Lucio.
Babahagya na ang layo ni Kiko kay Lucio, ngunit bago sumayad ang
kaniyang panukat sa likod nito ay nakapangubli na ito sa likuran ni
Popoy. Si Popoy ay humadlang naman at pinagmasdan niya si Kiko.
Hindi na ginantihan ni Kiko si Lucio.
"Hindi naman tsip... mangyari e, tinutukso ako," ang sabi ni Kiko
kay Popoy.
Dumating na din sina Pentong, Tibo, Kanor, at Aryong. Tumalon si
Pentong sa likod ni Goryo—ang kaniyang mga kamay ay ikinapit nito
sa leeg at sa mga paa at sa ibaba ng baywang—at nagkahagikgikan sila.


188 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
"Huwag na, Pentong," ang saway ni Popoy, at bumaba na si Pentong.
Nakasandal si Popoy sa kahoy na panapo sa baras, katabi niya si Lina
at naliligid sila ng kanilang mga kababata. Hindi pa nila inililigpit ang
kanilang mga aklat, bagama't naririnig na nila ang tinig ni Aling Tale.
"Mga bata kayo, hindi muna ninyo iuwi ang inyong mga libro bago
kayo maglaro, a! Polito... huuuu... Polito... halika nga, bumili ka ng
tuyo."
Hindi nila pinansin ang hiyaw ni Aling Tale. Hindi magkamayaw
ang kanilang sasabihin hinggil sa paglisan ni Popoy at ito ay walang
malamang itugon sa kanila.
"Sinabi ko sa titser na maglilipat kayo, kaya hindi ka pumasok," ang
wika ni Lucio.
"Tatalunin na tayo ng mga taga-Tambakan at Tabing-ilog, mawawala
na ang maton," ang pahayag ni Tibo.
"Popoy, magpasikat ka nga sa baras... aalis ka na naman, e."
"Sige na, iyong numero otso... iyon kayang plantsa," ang mungkahi
ni Kanor.
Hinipo ni Aryong ang isang bisig ni Popoy, "ang laki ng masel mo.
Sige na, magpasikat ka na!"
Pinagalaw ni Popoy ang kalamnan ng kaniyang isang bisig. Si
Popoy ay malaki sa karaniwang bata sa kaniyang taglay na gulang. Ang
katawan niya ay matipuno, sapagkat batak sa iba't ibang uri ng laro at
palakasan.
"May daga sa loob!" ang bulalas ni Lucio.
Tinanaw ni Popoy si Lina at ito ay napatawa. Hinipo rin ni Lina ang
kalamnan ng bisig ni Popoy. Iniiwas ni Popoy ang kaniyang bisig, tila
siya nakikiliti sa hipo ng mga daliri ni Lina.
"Sige na, magpasikat ka na," ang utos ni Lina.
Nawala na ang pamimitig ng paa ni Popoy.
Inalis ni Popoy ang kaniyang bakya at binigyan siya ng puwang ng
kaniyang mga kalaro. Umurong siya ng ilang hakbang at tumayo nang
matuwid at paharap sa baras. Binitbit ni Lina ang bakya ni Popoy, at
ngumiti si Popoy kay Lina.
Nakatikom ang mga daliri ng paa ni Popoy na tila nagtitipon ng
lakas, sumikad siya, sabay kapit ng kaniyang mga kamay sa baras,

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


189
at umindayog ang kaniyang
katawan sa papawirin. Lalong
nagkahugis ang kalamnan
ng kaniyang bisig napuno ng
matitigas na laman ang itaas ng
kaniyang tagiliran at lumapad
ang kaniyang balikat at dibdib.
Itinanghal niya ang ilang
bilang na kaniyang nalalaman.
Tahimik na tahimik ang naka-
paligid na bata... lalo na si Lina.
Pawisan si Popoy nang lumapag sa lupa. Nakalaylay ang kaniyang
buhok sa may noo at halos umabot sa kilay. Natipon ang dugo sa
kaniyang mukha at mababakas ang ugat sa kaniyang pilipisan.
Namumula pati ang kaniyang dibdib na nakabilad nang bahagya sa
kaniyang kamisetang walang manggas. Lumapit si Aryong kay Popoy
at muling hinipo ang kalamnan ng bisig nito na sa palagay niya ay
lumaki ngayon ng may ilang dali at tumigas na gaya ng bakal.
"Biyen! Biyen!" ang sigaw ni Pentong at ipinagupak niya ang
kaniyang mga palad. Pumalakpak din sina Goryo, Tibo, Kanor... silang
lahat matangi kay Lina.
Lumapit si Lina kay Popoy. Inilapag niya ang mga bakya nito at
isinuot naman ni Popoy. Naino ni Popoy na ang tingin ni Pentong ay
may ibig sabihin. Ngumiti ito kay Goryo, dinukot sa kaniyang karpeta
ang kaputol na tisang puti at itinitik niya sa panapo ng baras: POPOY
AND LINA.
Kunwari ay hindi napansin iyon ni Lina. At ibinulong ni Popoy kay
Lina, "Tinutukso tayo, Lina."
Lumingon si Lina. Silang lahat ay nagtatawanan, matangi kina Lina
at Popoy.
"Salbahe!" ang sabi ni Lina kay Pentong, ngunit lalo lamang
nagtawanan ang kaniyang mga kalaro.
Sinuntok ni Popoy si Pentong, ngunit hindi katulad ng dating
malakas na suntok ni Popoy kay Pentong...
Nahinto ang kanilang pagkakatuwaan. Narinig nila ang busina ng
trak na hinihintay ni Popoy.


190 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
"Popoy, ayan na ang trak," ang sabi ni Kiko.
"Oo nga, e. Sige iuwi na ninyo ang inyong libro at tumulong kayo sa
amin," ang tugon ni Popoy.
Siyanga, ang magkapanabay na sang-ayon ng mga kalaro ni Popoy,
at pagkatapos ay naghiwa-hiwalay.
Nailulan nang lahat sa trak ang mga kasangkapang pambahay nina
Popoy. Ang mag-anak ay nakasakay na rin. Si Popoy ay nasa tabi ng
tsuper at nagpapaalam sa kaniyang mga kalaro.
"Diyan na kayo," ang kaniyang wika. Basag ang kaniyang tinig at
narinig niya ang makina ng trak. Minsan pang inilibot ang kaniyang
paningin sa kaniyang mga kalaro at sa buong paligid ng Looban, saka
sumipol nang matagal kay Lina.
Lumakad na ang trak at unti-unting nawala sa likuran ang kaniyang
kapuwa mga bata. Ngunit nahabilin sa kaniyang balintataw ang
malulungkot na anyo ng mga mukha at ang mga kamay na ikinakaway.
Naramdaman ni Popoy sa kaniyang pisngi ang pag-agos ng maiinit
na butil ng luha at nalasap ang kaniyang bibig, sa kauna-unahang
pagkakataon, sapul nang mamulat siya sa kahalagahan ng kaniyang
sarili, ay noon lamang siya napaiyak. Hindi niya madalumat kung
paano nakakilala ng luha ang walang gulat na "hari" ng Looban.

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


 191
Talas-Salita

Piliin sa Hanay B ang kasingkahulugan ng mga salitang may


salungguhit sa Hanay A. Titik lamang ang isulat sa linya.

Hanay A Hanay B
1. Humimpil ang paningin a. dadalasan
sa ibayo.
2. Lilimitan ang pagdalaw b. ngawit
3. Ngalay na sa pagkakaluhod c. huminto
4. Hindi lulubayan ang d. ibunyag
paghabol e. maisip
5. Hindi madalumat f. titigilan

Pag-unawa sa Binasa

Sagutin ang sumusunod na mga tanong.

1. Ilarawan ang Looban. Bakit itinuturing itong "patay na pook" sa


lungsod?

2. Ibigay ang pagkakaiba ng pananaw ni Popoy at ng kaniyang ama sa


pag-alis sa Dampalit.
Ayaw lumipat ni Popoy sa Dampalit dahil

Ibig lumipat ng ama ni Popoy sa Dampalit dahil

 192 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


3. Bakit mahalaga sa buhay ni Popoy ang Looban?

4. Sang-ayon ka ba sa pasya ng ama ni Popoy na iwan na ang Looban?


Bakit?

5. Ano ang mensaheng nais iparating ng kuwentong binasa?

Pagpapalalim

Kaligiran ng Maikling Kuwento

Masining na anyo ng panitikan na nagsasalaysay at nag-iiwan


na kakintalan sa isipan at damdamin ng mambabasa ang maikling
kuwento. Ang pagsasalaysay ng isang maikling kuwento ay maaaring
hango sa tunay na buhay, may isa o ilang tauhan lamang, at sumasaklaw
ng maikling panahon.
Ang maikling kuwento ay may iisang suliraning nararanasan ng
pangunahing tauhan ng kuwento. Ang suliraning ito ay maaaring
panloob (sarili laban sa sarili) o panlabas (sarili laban sa ibang tao
o lipunang ginagalawan) ang suliraning nararanasan ng tauhan
ay maaaring mabigyan ng kalutasan o manatili sa pagwawakas ng
akda.
Higit na nagbibigay-sining sa isang maikling kuwento ang mga
elemento nito. Ito ang sumusunod:
1. Tagpuan – Tumutukoy ito sa pook o lugar na pinangyarihan
ng kuwento. Inilalarawan nito ang kapaligiran ng akda na
maaaring humubog sa katangian ng mga tauhan.
Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
193
2. Tauhan – Sila ang gumaganap at nagbibigay-buhay sa kuwento;
may angking katangian sa kanilang pisikal na kaanyuan,
pananamit, at pagkilos na naglalarawan ng kanilang pag-uugali
at pagkatao.
3. Banghay – Ito ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa
akda. Nahahati ito sa iba’t ibang bahagi.
a. Panimula – Ito ang introduksiyon ng akda sa mga tauhan
at tagpuan ng maikling kuwento. Ito ang bahagi ng banghay
na pupukaw sa interes ng mambabasa.
b. Saglit na Kasiglahan – Naglalahad ito ng panandaliang
pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.
c. Suliranin/Tunggalian – Ito ang problemang haharapin
ng tauhan. Mayroon itong apat na uri: tao laban sa tao, tao
laban sa sarili, tao laban sa lipunan, tao laban sa kapaligiran
o kalikasan.
d. Kasukdulan – Sa bahaging ito, makakamtan ng pangunahing
tauhan ang katuparan o kasawian ng kaniyang ipinaglalaban.
e. Kakalasan – Ito ang tulay patungo sa wakas.
f. Wakas – Ito ang resolusyon o ang kahihinatnan ng kuwento.
4. Tema – Ito ang pangunahing ideya sa loob ng kuwento; ang
mahalagang kaisipan ng akda.

Dagdag Kabatiran

Basahin at unawain ang kuwento.

Ang Magic Medyas ni Popoy


ni Roel Cyrus Magpantay

Unang araw ng eskwela. Punong-puno na naman ang paaralan


ng iba't ibang uri ng mga mag-aaral—may mga nagkukuwentuhan
sa ilalim ng puno ng mangga, may nagtatakbuhan at naghahabulan
sa damuhan, may nagtatawanan at nagbabahagian ng mga lugar na
napasyalan nang nagdaang bakasyon. Ngunit, sa isang sulok ng silid,
mag-isang naghihintay sa pagsisimula ng klase si Popoy.


194 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
"Huwag kang mag-alala, Popoy," wika ng kaniyang ina habang
sinusuklay ang buhok ng panganay na anak. "Makakahanap ka rin ng
mga bagong kaibigan sa bago mong paaralan." Napabuntong-hininga
na lamang si Popoy habang binabalikan ang mga sinambit ng kaniyang
ina bago siya pumasok sa eskwela ng umagang iyon.
"Kriiiiiiing!" Sa wakas ay tumunog na ang munting batingaw.
Umalingawngaw sa buong paaralan ang hudyat ng pagsisimula ng
klase kasabay ng pagtatakbuhan ng mga bata patungo sa kani-kanilang
mga silid. Sa isang iglap, napuno ng bagong mukha ang silid na
kinaroroonan ni Popoy. Tila bigla ring napuno ng daga ang kaniyang
dibdib.
"Aba, may bago pala tayong
klasmeyt!" pasigaw na sambit
ng isang bata upang iparinig
sa buong klase ang tila isang
malaking lihim na kaniyang
natuklasan. Agad na napatingin
ang lahat sa kaniyang direksyon.
Sunod-sunod na pagtatanong
ang sumalubong sa kanina'y
tahimik lamang na si Popoy.
"Saan ka nakatira?" tanong ng
isa. "Saang iskul ka galing?" pag-uusisa naman ng isa. Masaya namang
sinagot ni Popoy ang lahat ng tanong ng kaniyang mga kamag-aral na
nakapalibot na sa kaniya. Nadama niyang unti-unting nawawala ang
kaba sa kaniyang dibdib. "Tama nga si Nanay," bulong niya sa kaniyang
sarili.
"Teka, bakit ganiyan ang medyas mo?" tila tumigil ang lahat sa
pagsasalita habang tinitignan ang medyas niyang abot sa tuhod.
Natahimik ang lahat, tila naghihintay sa isasagot niya. Hindi alam ni
Popoy ang kaniyang isasagot. Napayuko na lamang siya.
"Magandang umaga, klase!" bati ng kanilang guro na kanina pa
pala nasa harap ng klasrum. Nagmadali naman ang lahat sa pagbalik
sa kani-kanilang mga upuan. Naiwan si Popoy na nakayuko at mabigat
ang dibdib.
"Kamusta ang unang araw mo sa eskwela, Popoy?" sabik na tanong
ng kaniyang ina nang makauwi siya sa bahay. "Ah, mabuti naman po,

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


195
Inay," halos pabulong na sagot ni
Popoy. "Inay, ano pong ulam natin
ngayon?" agad niyang tanong.
Naunawaan naman ng kaniyang
ina ang pag-iwas ng anak. Natunaw
ang puso nito ngunit wala itong
magawa kundi yakapin ang anak.
"Hayaan mo, anak," wika nito.
"Mauunawaan ka rin nila," bulong
nito habang halos patakas na ang
luha sa mga mata.
Grade 1 pa lamang si Popoy ngunit pangatlong paaralan na niya
ang Mababang Paaralan ng A. Mabini. Nakailang lipat na siya ng
paaralan dahil sa mga nagiging mapait na karanasan niya dahil sa
kaniyang kalagayan.
"Nandiyan na pala si Popoy Medyas!" sigaw ng isa sa kaniyang
kamag-aral. Ilang buwan na rin ang nakalilipas matapos ng unang
araw ng eskwela ngunit tila lalo pang lumalala ang panunukso ng mga
ito sa kaniya. Palagi nilang pinagtatawanan ang pagsusuot niya ng
medyas na abot sa kaniyang tuhod. "Bakit nga ang taas ng medyas mo,
Popoy?" pag-uusisa na naman ng isa niyang kamag-aral. "Alam ko na,
may magic siguro ang medyas ni Popoy!" sabay nagtawanan ang buong
klase.
"Oo, may magic ang medyas ko!" sigaw ni Popoy. Hindi na niya
napigilan pa ang kaniyang sarili dahil sa palaging pang-aasar ng mga
ito sa kaniya. Ngunit lalo pang umigting ang panunukso ng mga ito.
"Weh, hindi nga?" pagbubuska ng isa. "Sige nga, patunayan mo nga,"
panghahamon naman ng isa pa.
Tamang-tama namang dumating ang guro sa klasrum kaya
natigilan muli ang lahat at nagsibalikan sa kani-kanilang mga upuan.
"Klase, magkakaroon tayo ng patimpalak sa pagtakbo sa susunod na
araw," pag-anunsyo ng gurong tagapayo ng klase ni Popoy. "Kailangan
ng ating klase ng kinatawan para dito. Sino ang nais na sumali?"
pagtatanong pa nito. "Si Popoy po!" sigaw ng isa niyang kamag-aral na
sinang-ayunan naman ng marami. Nais nilang mabigo si Popoy upang
lalo itong mapahiya. "Sinabi po kasi niya, may kapangyarihan po ang
kaniyang medyas eh!" nagtawanan na naman ang buong klase. "Sinabi


196 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
ko na sa inyong huwag nang asarin si Popoy, hindi ba?" paalala ng guro.
"Sige po, sasali po ako sa paligsahan," agad namang sambit ni Popoy.
Nang araw na iyon, unti-unting nabuo sa puso niya ang pagnanais na
patunayan ang sarili sa kaniyang mga kamag-aral at guro.
Araw ng paligsahan. Suot pa rin ni Popoy ang kaniyang medyas na
hanggang tuhod habang naghahanda sa kaniyang pagtakbo. Naririnig
pa niya ang tawanan ng kaniyang mga kamag-aral sa pulutong ng mga
manonood. "Go Popoy!" hiyaw ng isa. "Gamitin mo ang kapangyarihan
ng magic medyas mo!" sabay
hagikgikan ng mga tao.
"Ready, Set, Go!" hudyat
ng pagsisimula ng patimpalak.
Kidlat sa bilis ang pagtakbo
ng mga mag-aaral. Lahat ay
nais na mauna sa finish line.
Palibhasa'y ganoon na lamang
ang pagnanais ni Popoy na
mapatunayan ang sarili,
ibinuhos niya ang lahat ng
kaniyang lakas sa kaniyang
pagtakbo. Dahil dito, nanguna
siya sa pagtakbo, palapit nang palapit sa finish line. "Yes! Siguradong
ako na ang mananalo!" bulong ni Popoy sa kaniyang sarili.
"Nadapa si Popoy!" sigaw ng isa sa kaniyang kamag-aral.
Naramdaman ni Popoy ang sakit ng kaniyang kanang paa. Agad siyang
binuhat ng kanilang guro at dinala sa klinika ng paaralan. Sumunod sa
kaniya ang kaniyang mga kamag-aral. "Kailangan nating tanggalin ang
iyong medyas upang masuri natin ang iyong mga paa," agad na sabi ng
doktor pagkarating nila sa klinika.
Natigilan si Popoy. Masakit na masakit ang kaniyang binti. Ngunit
paano niya ipaliliwanag ang mabubunyag na lihim sa kaniyang mga
kamag-aral? Paano kung pagtawanan siya lalo ng mga ito? Paano kung
lalo siyang asarin kapag nalaman nila ang totoo? "Huwag po!" sigaw ni
Popoy. "Huwag po ninyong tanggalin ang aking medyas!"
"Ngunit kailangang masuri ang iyong binti," paliwanag ng kaniyang
guro. Hinawakan ng doktor ang nananakit niyang binti. "Maaaring
nagkaroon ka ng pilay dahil sa iyong pagtakbo," wika ng doktor.

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


197
"Hindi ko makikita ang nangyari
sa iyong binti kung hindi natin
tatanggalin ang iyong medyas,"
dagdag pa nito. Unti-unting
tinanggal ng doktor ang medyas
ni Popoy. Nagulat ang lahat sa
kanilang nakita.
Kulubot na kulubot ang balat
sa binti ni Popoy. Maitim rin ito
kung ihahambing sa kulay ng
balat sa ibang bahagi ng kaniyang
katawan. Natahimik ang lahat, maging ang mga mag-aaral na kanina pa
nakasilip mula sa pintuan at bintana ng klinika. Ang tanging maririnig
sa loob ng silid ay ang mga hikbi ni Popoy. Hindi na niya suot ang
kaniyang mahiwagang medyas. Natuklasan na ng lahat ang kaniyang
lihim.
Hindi nagtagal, dumating sa clinic ang nanay ni Popoy. Nakita
nito ang anak na nakahiga sa isang maliit na kama. Napansin niyang
nakahubad na ang mga medyas nito. Agad niya itong nilapitan at
niyakap. "Ano po ang nangyari sa binti ni Popoy?" tanong ng guro.
"Iyan po ba ang dahilan kung bakit lagi niyang suot ang kaniyang
medyas?" wika naman ng isa sa kaniyang kamag-aral.
Ipinaliwanag ng ina ni Popoy ang dahilan ng kalagayan ng kaniyang
anak. Ilang buwan lamang ang nakalipas nang masunog ang kanilang
tahanan. Naging mabilis ang mga pangyayari kaya nagtakbuhan agad
sina Popoy at ang kaniyang
ina palabas ng bahay.
Ngunit, naiwan sa loob
ng nagliliyab na silid ang
nakababatang kapatid ni
Popoy. Nagulat na lamang
ang ina ni Popoy nang
tumakbong muli pabalik
ng bahay ang kaniyang
panganay na anak. Hindi
nito ininda ang noon
ay nagliliyab nang mga
dingding at kagamitan sa


198 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
loob ng kanilang tahanan. Inalalayan nito palabas ng bahay ang noon ay
naliliyo nang kapatid dahil sa kapal ng usok. Dahil doon, lagi na siyang
nagsusuot ng medyas na abot sa kaniyang tuhod upang matakpan ang
sunog niyang binti.
Naluha ang mga kamag-aral na noon ay palaging nang-aasar sa
kaniya dahil sa kaniyang kalagayan. Ngayon ay naunawaan na ng
lahat ang kabayanihan sa likod ng mga medyas ni Popoy. Mula noon,
hindi na sila nanunukso. Sa halip, hinangaan na ng lahat si Popoy, ang
kanilang kamag-aral na may suot ng mga mahiwagang medyas.

Pagtibayin

Ilahad ang elemento ng mga kuwentong binasa.

May Buhay sa Ang Magic Medyas


Elemento
Looban ni Popoy

Tagpuan

Tauhan

Banghay
• Panimula

• Saglit na
Kasiglahan
• Suliranin/
Tunggalian
• Kasukdulan

• Kalakasan

• Wakas

Tema

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


199
Gramatika/Retorika

Mga Panandang Anaporik at Kataporik

Ang anaporik ay reperensiyang kalimitan ay panghalip na


tumutukoy sa mga pangngalang nabanggit na sa unahan ng teksto o
pangungusap.
Halimbawa
Ang mga Pilipino ay kilala bilang matatapang at lumalaban sa
karapatan. Sila ay hinahangaan dahil sa mga katangiang ito.

Pansinin na ginamit sa unahan ang pangngalang mga Pilipino. Ang


reperensiya na ginamit sa halimbawa ay sila na tumutukoy sa mga
Pilipino.

Ang kataporik ay reperensiyang kalimitan ay panghalip na


tumutukoy sa pangngalang nasa hulihan pa ng teksto o pangungusap.
Halimbawa
Ang kaniyang kahusayan sa panggagamot ay kinilala sa buong
Mundo. Taglay ni Dr. Andres ang kakaibang galing at kakayahan
sa larangan ng medisina.

Gawaing Komunikatibo

A. Sabihin kung ang may salungguhit ay anaporik o kataporik.

1. Nag-aaral siya, ang batang mahirap.


2. Laging nakayuko at tahimik ang bago kong kaklase. Siya ang batang
galing sa Mindanao.
3. Ang kaniyang kalungkutan ay napalitan ng saya. Nabuhayan ng
loob ang bata.
4. Ang panunukso ng mga kaklase kay Martin ay hindi natapos sa
pagpuna nila sa kaniyang damit.
5. Isang linggo siyang hindi pumasok. Dinapuan ng matinding
karamdaman si Ruben.


200 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon
B. Salungguhitan ang panghalip at pagkatapos isulat kung ito ay
anaporik o kataporik.

1. Mahalaga sa nanay ni Popoy ang pag-aaral, kaya


nagsisikap siyang maging mabuting mag-aaral.
2. Tinutukso nila si Popoy. Ang mga kaklase ni Popoy
at mahilig mang-inis.
3. Suot pa rin ni Popoy ang kaniyang hanggang tuhod
na medyas.
4. Naluha ang mga kamag-aral ni Popoy nang malaman
nila ang tunay na dahilan sa likod ng mahiwagang
medyas.
5. Sila ay humingi ng tawad at nangako ang mga bata
na hindi na mang-aasar.
C. Magtala ng ilan pang pangungusap mula sa mga binasang
kuwentong nagtataglay ng mga panandang anaporik at kataporik ng
pangngalan. Sabihin kung anaporik o kataporik ang pangungusap.

Panandang Gamit
Pangungusap
(Anaporik o Kataporik)

1.

2.

3.

4.

5.

Gawaing Pasulat

Subukin ang iyong pagkamalikhain sa tulong ng iyong natutuhan


ukol sa mga binasang kuwento at ang kaalaman sa paggamit ng mga
panandang anaporik at kataporik.

Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon


 201
Ano ba ang photo essay (sanaysay ng larawan)?
Ang photo essay o sanaysay ng larawan ay isang koleksiyon ng mga
imaheng iniayos nang sunod-sunod upang ipahayag ang pag-unlad ng
mga kaganapan, mga damdamin, at mga konsepto sa pinakapayak na
pahayag.
Gumawa ng isang photo essay (sanaysay ng larawan) sa paksang
"Anti Bullying Paano Wawakasan?"
Isaalang-alang sa pagbuo ng photo essay ang mga sumusunod na
pamantayan.

1. Orihinalidad ..............................................20%
2. Organisasyon ..............................................35%
- Mga kasangkapan, ang nilalaman ng larawan
- May kawili-wiling panimula, gitna, at pangwakas
na bahagi
- May kaakibat na maikling estilo ng pagsulat
- May kasangkapan sa tema, edad, at interes ng target
na mambabasa.
3. Mekaniks .....................................................25 %
- Gumamit ng wastong bantas
- Gumamit ng wasto at angkop na mga salita
- Isinaalang-alang sa pagsulat ang gamit na wika ng
kabataan sa kasalukuyan
- Gumamit ng matatalinghagang pahayag, pahiwatig,
at iba pang elemento ng isang maikling akda.
4. Mensahe.......................................................20 %
Kabuuan 100 %


202 Gintong Biyaya 7, Ikalawang Edisyon

You might also like