Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 7

Landas sa Bahaghari

Unang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1964-1965

Naririnig na naman niya ang kantahing Intsik sa radyo, ngayo'y sa tinig-babae, mga notang
walang kawawaan, walang damdamin sapagkat hindi niya maintindihan, at inisip niya kung
paano iyon pinakikinggan ni Chua: maaaring nakaupo sa tumba-tumba si Chua, sa kabila ng
palarindingan na humahati sa tindahan at sa salas ng bahay, nakasandal, nakataas ang isang
paa, ang isip ay tangay ng kantahing iyon na araw-araw ay hindi nila maiwasang pakinggan.
Sila ni Ana ay tindera lamang sa tindahang iyon-tinderang-utusan. Hindi nila mahiling kay Ah
Pe, tiyo ni Chua, na paminsan-minsa'y ilipat ang estasyon ng radyo sa programang Tagalog.

Maraming kumakain sa oras na iyon ng umaga, mga manggagawa sa kalapit na pagawaan ng


tansan, mga trabahador sa di-kalayuang tablerya at talyer. Ngunit pag- katapos, sa pagsisimula
ng gawain, magiging madalang na ang kakain. Hindi na magiging haplitan ang pagkilos nila ni
Ana. Maaari na silang makapag-usap. May sasabihin siya kay Anna.

Kagabi, ginawa na naman ni Chua sa kaniya ang minsa'y ginawa na nito: hinipo siya sa kamay.
Nangyari iyon kagabing nagsasara na siya ng tindahan at inilalapat niya ang huling dahon ng
pinto: Sa kamay niya'y lumapat ang palad ni Chua, lumapat lamang, hindi mahigpit, walang
pagnanasa, manapa'y pagpaparamdam lamang ng niloloob nito sa sandaling iyong sila'y
nag-iisa sa dilim. At gaya ng (132) unang hipuin siya ni Chua sa kamay, sinabi nitong sila'y
pakasal na.

"Ano pa ikaw ibik, Salud? Ako wala asawa. Melon naman ako pela. Sike na, papakasal tayo
agad." Wala sa tinig ni Chua ang pagpapakababa at pagsamong maaaring taglayin ng isang
nagtatapat ng pag-ibig; ang naroo'y ang pawalang- bahala, pautos na pagsasalita ng isang
panginoon sa kaniyang alipin.

Nahila agad niya ang kaniyang kamay nang dantayan ng palad ni Chua, at ngayon, matapos na
marinig ang sinabi ng Intsik at sa takot na hindi lamang siya sa kamay hawakan ni Chua,
patakbo siyang pumanhik at hindi na nagpalit ng bihisan at nagtuloy na sa nakahanda nang
higaan nila ni Ana. Sumiksik siya kay Ana.

Inihudyat sa pagawaan ng tansan ang pagsisimula ng trabaho at patungo na roong


nagmamadali ang mga manggagawa; paalis na rin ang mga trabahador sa tablerya at sa talyer.
Iniimis na ni Ana ang mga puswelong wala nang laman, mga platito at baso, na dinadala nito sa
lababo. Tinulungan niya si Ana sa paghuhugas. Sa tindahan, dalawa na lamang ang kumakain.

"Kagabi, Ana," sabi niya sa kasama, "magsabi uli si Chua sa akon, magapakasal kami."

Tumingin sa kaniya si Ana. Tumawa ang mga mata nito. "Malaki siguro'ng gusto sa iyo ni Chua.
Ano'ng sabi mo?" "Dili ako magsabi ng kahit ano lang."
"Kung ako naman ikaw e tatanggapin ko na. Binata naman iyon, at bata pa naman. Mga treinta
lang iyon siguro. Sige na, para pagdating ng araw, ikaw na'ng may-ari nito!" Ang tindahan ang
tinutukoy ni Ana.

(133)

"Siya magahipo uli sa kamay ko." Iminuwestra niya ang pagdantay ng palad ni Chua sa
kaniyang kamao. "Ganiyan." Humagikgik si Ana, pigil upang hindi marinig sa loob.

"Gusto ko mag-alis na, Ana. Kon makuha ko ang suweldo ko sa katapusan, magabalik na ako
sa amin sa Samar."

"Sabi mo, wala ka nang ama't ina at tiya mo na lang ang uuwian mo doon. Bakit ka pa babalik?
Dito ka na lang sa Kalookan magpirme. Tanggapin mo na si Chua. Binata naman iyon. Gusto ka
naman."

Iyon ang isang bagay na hindi niya maunawaan kay Chua: kung siya'y gusto nito. Bakit siya ang
napili ni Chua? Bakit hindi ibang babae, ibang tindera, o bakit hindi dalagang Tsina? Hindi siya
maaaring tawaging maganda. Pandak siya, hindi nga maitim ngunit hindi naman masasabing
maputi, walang hubog ang katawang unti-unti nang pinapapangit ng kumakalat niyang taba,
malalaki ang binti, mababa na ang malaking dibdib, at walang maituturong ganda sa mukha.
Ang mga kamay niya'y malalaki at makakapal. Ni hindi siya nakapag-aral, at alam ni Chua iyon
pagkat kung siya'y nakaabot ng mataas-taas na pinag-aralan ay hindi siya tindera sa tindahang
iyon. Ano ang gusto sa kaniya ni Chua?

Patuloy na ipinaririnig sa radyo ang kantahing Intsik,

sinasaliwan na ng mataginting na tunog ng wari'y pako o bakal na ipinupukpok sa maninipis na


metal. "Masakit na'ng tainga ko sa tugtog na iyon," sabi ni Ana.

GABI. Nakahiga siya-siya lamang mag-isa-sa higaan nila ni Ana, binubulay-bulay sa sarili ang
mga kakatwang pangyayaring naganap nang araw na iyon. Nang dakong kainitan pa ang
hapon, dalawang may kagulangan nang Intsik (134) ang dumating, na dati na niyang
napagkikita roon kung nagmamadyong, at ang mga ito at si Chua at ang matandang Ah Pe ay
nag-usap sa salas. Waring mahalaga ang pinag- usapan ng apat, sa wikang Intsik, at waring
ang dalawang panauhin ay may iginigiit kay Chua na sinususugan naman ni Ah Pe. Ang
kakatwang bagay na naganap, at ngayo'y inihahanap niya ng kasagutan, ay kung bakit ang
apat, sa kainitan ng pagsasagutan, ay madalas na maghagis sa kaniya ng tingin.

Ngayon, napatuon ang kaniyang kamalayan kay Chua. Mag-aapat na taon na siyang nagsisilbi
sa bahay na iyon bilang tindera-utusan, at noong una, noong hindi pa ito roon nakatira, ay
padalaw-dalaw lamang ito sa matandang Ah Pe. Malabo ang nalalaman niya sa pagkatao at
pinagmulan ni Chua. Umano, sa dinig-dinig niya, galing ito sa Tsina, doon isinilang. Namatay
ang mga magulang ni Chua at kinuha ito ng iba pang kapatid ni Ah Pe na sa Filipinas naka- tira.
At nitong nakaraang dalawang taon, sa di-malamang sanhi, lumipat ito sa matandang Ah Pe.
lisa ang anak ni Ah Pe, lalaki, at umano, ito at si Chua ang nangangasiwa sa tindahan ng
hardware na ari ng mga kapatid ni Ah Pe.

Pangit si Chua. Hindi mapadapa ng pomada ang matigas at nag-igkas na buhok nito at ang
marami nitong gintong ngipin, malalaki at nakausli ang isa, ay hindi magandang tingnan sa bibig
nito kung nakatawa. Lalong pangit kung kumain si Chua: nakasampa sa upuan ang dalawang
paa, at hawak ng isang kamay ang mangkok ng nilugaw na ang labi ay nakadikit sa bibig,
tinutulungan ng maingay na paghigop ang parang kinakalahig na pagkain.

Hapon na nang umalis ang dalawang panauhing Intsik, at ang isa pang kataka-takang bagay ay
kasama ng mga ito si Ana.

(135)

"Isinasama ako, may ipakukuha raw sa akin sa bahay ng kapatid ni Ah Pe," sabi sa kaniya ni
Ana nang magbihis. At ngayon, nakapagsara na siya ng tindahan at magha- hatinggabi na, ay
wala pa si Ana.

Sinabi niya sa sarili, hindi siya matutulog hangga't wala si Ana. Pipilitin niyang huwag
makatulog. At ginunita niya ang ilang magandang bagay na naganap sa kaniyang buhay: ang
paglalaro nila sa Samar ng anak na lalaki ng kaniyang Tiya Paula noong sila'y maliliit pa. (Kung
umaambon at may bahaghari, natatandaan niya, ay uupo sila ni Gabriel at tatanawin iyon, at
itatanong niya: "Bakit may bahaghari, Gabriel?" At sasabihin ni Gabriel: "Ewan. Pag nakarating
ka raw sa paanan niyan, makakakuha ka ng gusi ng kayamanan. At hindi ka raw malulungkot
dahil sa naroon ang paraiso." At tatakbo sila ni Gabriel sa bahaghari, na waring palayo nang
palayo, at hihinto sila, at tatawa, at sasabihin niya, "Ayoko na, Gabriel. Mahirap palang
puntahan ang bahaghari.") Ginunita rin niya ang mama- kalawa-mamakaitlong panonood nila ng
sine ni Ana, ang minsang pamamasyal nila, ni Ana rin, sa Manila Zoo. Ngunit ang kaniyang
katawang pinagod ng maghapong paggawa ay sumuko rin sa antok at siya'y naidlip.
Naalimpungatan siya nang maramdaman niyang may nagtataas ng kaniyang kulambo, at sa
dilim, nabanaagan niya si Chua. Dadalawang kataga ang binibigkas ni Chua habang ipinapasok
ang sarili sa kulambo: "Huwak ka, ingay, Salud! Huwak ka ingay!" At naramdaman niya sa
kaniyang katawang pinanginginig ng sindak at takot ang matitigas, malulupit na kamay ni Chua.

Mabait na mabait sa kaniya ang sambahayang Intsik kinabukasan. Sa higaan siya dinalhan ni
Chua ng almusal: pritong itlog, longganisa, pandesal, tsokolate, mga pagkaing (136) hindi niya
dating natitikman sa tindahan. Sinabi sa kaniya ni Ah Pe na hindi na siya magtitinda, hindi na
siya tindera- utusan. Sinabi rin sa kaniya na kung gusto niya, padadalhan ng pera ang Tiya
Paula niya sa Samar, sabihin lamang niya ang halagang kailangan. Sa kinahapunan na
dumating si Ana.

Pagkaraan ng dalawang linggo, ikinasal sila ni Chua-sa huwes.


SA araw ng kasal, ang kaniyang Tiya Paula na sinulatan niya-isinama niya sa sulat ang
limandaang piso na padala ni Chua-ay hindi dumating. Simple ang kasal (naisip nga niya
pagkatapos na para lamang silang nanood ng sine) at walang handa, bagama't naiba sa
karaniwan ang pagkain sa bahay. Naroon ang mga kapatid ni Ah Pe at ang asa- asawa at mga
anak ng mga ito, at naroon ang dalawang Intsik na madalas nilang maging panauhin, Waring
masasaya ang mga ito sa pakikipag-usap kay Chua, Waring may bagay na ipinagbubunyi at
ipinagsasaya, na hindi naman ang kanilang kasal pagkat walang bumabati sa kaniya. Ipinakita
pa ni Chua sa kalalakihan ang kasulatan sa kasal, at nasisiyahang tumango-tango ang mga ito.

Si Chua ang nagtago ng kasulatan.

At isang umaga, siya at si Chua at ang dalawang Intsik na palagiang panauhin sa kanila,
kasama ng isang abogadong Filipino, ay nagtungo sa husgado sa isang malaking gusali sa
Maynila. Dala nila ang kasulatan sa kasal, na iniharap ng abogado sa piskal. Pinapirma siya sa
ilang kasulatang nasusulat sa Ingles, na hindi na niya pinagkunwariang basahin pagkat ayaw
niyang mahalata lamang ni Chua na hindi siya marunong bumasa ng Ingles. Tinanong niya si
Chua kung ano ang ginawa nila roon.

(137)

"Lalakad amin pala ako magi-Filipino sitisen."

Noon lamang niya nalamang si Chua ay hindi pa mamamayang Filipino. At kung bakit naman
gusto ni Chua na maging mamamayang Filipino, hindi niya alam. Sa simula, mabait si Chua,
Totoong ang kinikita ni Chua

ay hindi ibinibigay sa kaniya-binibigyan lamang siya nito ng pera kung sinasabi niyang
kailangan niya-ngunit bata pa siya'y alam na niyang ang di pagbibigay ng pera sa asawa ay
ugali talaga ng mga Intsik. Sa tindahan, kumuha si Chua ng bagong kapalit niya at hindi na nga
siya pinagtinda, bagama't sinabi sa kaniya ni Chua na tutulong din siya sa tindahan. Si Chua
ang bumibili ng mga telang ipinagagawa niyang damit. Si Chua ang bumibili ng kaniyang iba
pang gamit. Si Chua rin, kung abala ang matandang Ah Pe, ang namimili. Noong una'y inisip
niyang sinesenyora siya ni Chưa.

Nang magtagal, unti-unti, nakaramdam siya ng maliliit na paghihimagsik, maliliit na titis na sa


kaniyang pag-iisa ay nagdiringas at lumilikha ng apoy sa kaniyang dibdib. Kung nagpupunta si
Chua sa mga kasayahan ng mga Intsik o tiyuhin, hindi siya isinasama. Nababalitaan na lamang
niyang si Chua pala ay nagtungo sa ganoo't ganitong kasayahan o nanood ng sine. Kailanman,
hindi siya kinausap ni Chua tungkol sa kalakaran ng negosyo nito. Datna't panawan siya sa
bahay nang hindi nagsasalita kung saan galing o saan pupunta. Parang asawa lamang siya ni
Chua sa gabi at sa araw ay hindi.

Noo'y kagampan na siya. Nang isilang niya ang bata-isang malusog na babae na maputi at may
tsinitang mga mata-ay lalong naging masigasig si Chua at ang abogadong Filipino sa paglakad-
(138) lakad sa husgado. At isang hapon, dala ang ilang papeles, masayang-masayang
dumating si Chua. "Ako Filipino sitisen na, Salud!" ang sabi. "Ako Filipino sitisen na!"

MULA nang maging mamamayang Filipino si Chua, naging madalas ang hindi nito pag-uwi ng
bahay. Kung tinatanong niya, sinasabi ni Chua na sa bahay ng mga tiyuhin ito napi- pilitang
matulog dahil sa negosyo. Nang magtagal, ang naging bahay nito ay ang bahay ng mga tiyuhin
at pasulpot- sulpot na lamang sa tindahan upang madalaw si Ah Pe at upang makita ang anak.
Noo'y wala na si Ana sa tindahan at siya na naman ang isa sa dalawang palagiang nagtitinda.
Hindi na kumuha si Chua at naging si Ah Pe ang kapalit ni Ana.

Maganda ang bata, na ang pangalan ay Amelita (hindi tinanggap sa simbahan, nang
pabinyagan ang bata, ang pangalang Intsik na ibinigay ni Chua). Kung minsa'y nagtataka siya
kung bakit nagkaroon siya ng ganoon kagandang anak pagkat hindi naman siya maganda at
lalong hindi maganda si Chua. May magandang biloy ang bata sa magkabilang pisnging
namumurok, ang kutis nito'y hindi puting-Intsik kundi puting mamula-mula, at ang buhok nito'y
pino at malambot at ang tsinitang mga mata ay maiitim at kumikislap kapag tumatawa. Sa bata
nabuhos ang kaniyang panahon, damdamin, at isipan; ang kaligayahang hinanap- hanap niya
sa daigdig ng tao, sa sanggol niya natagpuan. Kung siya'y nakatao sa tindahan ay wala na
siyang hinihintay hintay kundi ang sandaling makapamahinga, at tatakbuhin niya ang bata sa
duyan at kakargahin at lalaruin at kakan- tahan. At sa gabi, sa kanilang pagkakahiga na wala si
Chua, sisiilin niya ng halik ang namumurok na pisngi ng bata.

(139)

"Mahalin mo sa akon, ha?" sasabihin niyang naglalambing. "Pag malaki na sa imo, mamahalin
mo sa akon."

Minsan, may sinabi si Chua, nang pagalit, kay Ah Pe, at sinabi sa kaniya ni Ah Pe ang sinabi ni
Chua. "Sasabi sa Chua, huwak mo tutulo sa bata kanta Takalok."

"Gusto ba kay Chua, kantahon ko sa Intsik? Dili ako

marunong magkanta sa Intsik." "Basta huwak ka kanta sa Takalok, sasabi sa Chua." Ngayo'y
nagiging madalas na naman si Chua sa tindahan,

sa pagdalaw-dalaw sa bata, at nang si Amelita ay maging tatlong taon, bibihisan ito ni Chua at
may pagmamalaking isasama sa mga kaibigan, sa pamamasyal, sa bahay ng mga tiyuhin.
Kung minsa'y isasama ni Chua ang bata nang ilang araw, isang linggo, at sa mga gabing ito'y
hindi siya makakatulog sa pag-aalala kung ano na ang nangyayari sa kaniyang anak o kung
saan ito dinala ni Chua. Minsa'y hindi siya nakatiis at pinuntahan niya ang mag-ama sa bahay
ng kapatid ni Ah Pe. Doon, dinatnan niya ang bata na kalaro- laro ng mga anak na Intsik ng
kapatid ni Ah Pe. Pagalit na

hinarap siya ni Chua. "Sike, ikaw uwi na. Kami balik na."
Minsang dumating ang mag-ama, mula sa isang linggong pagkakalayo, sumalubong ng yakap
sa kaniya ang bata at nagsalita sa wikang Intsik. Natitigan niya ang bata. Ang nakikita niya'y
hindi bahagi ng kaniyang buto at laman kundi isang tao-tauhan, isang murang kawayan, na
hinuhutok sa bagong anyo, hinahasikan ng bagong kaisipan, sa isang kapaligirang hindi siya
magkakaroon ng ano mang bahagi pagkat siya'y isang inang inaayawan. Nayakap niya nang
mahigpit ang bata at siya'y napaiyak.

(140)

Minsan, nang si Amelita ay anim na taon na, sinabi sa kaniya ni Chua:

"Salud, buti pa, tira atin si Lita sa Sya Na." Ito ang pangalan ng isa sa mga kapatid ni Ah Pe.

"Dapat siya alal na. Siya anim taon na. Puwele na siya

"Bakit?"

Dapat siya alal na. Siya anim tao na. Puwele na siya alal."

"Saan man siya mag-aral?"

"Sa eskuwela Intsik." Sinabi ni Chua ang pangalan ng paaralang Intsik at kung saan iyon
naroon sa Maynila. Naragdagan ang kaniyang panlulumo. Ang habol na lamang niya ngayo'y
huwag malayo sa kaniya ang bata.

"Mag-aral siya, oo, dili ako magreklamo," sabi niya, "piro bakit magtira siya kay Sya Na? Maaari
man siya magtira dito. Ako na maghatid sa kaniya sa eskuwela araw-araw."

"Buti siya tila sa Sya Na, pala madali siya toto. Kasama siya alal anak sa Sya Na iyan."
Tumingin si Chua sa kaniyang mukha na kasasalaminan ng kaniyang windang na dibdib, at
nakita roon ang kaniyang pagkaina. "Puwele naman ikaw dalaw sa Lita iyan. Dalaw mo si Lita
isa beses isa linggo." Nagsasalita ang isip niya:

Ang dugo ng aking dugo, dadalawin ko-na lamang? Magiging bisita na lamang ako ng aking
anak-na sa katagalan, sa kalaunan, e maaaring ipagtanong niya kung sino ako? Ako na
kaniyang ina? Maaaring ang kalahati niya'y Intsik pero ang kalahati niya'y Filipino, at ang
pagka-Filipino at pagka-Intsik ay kapuwa anak ko. Ina ako ang kaniyang bahaging Filipino at
bahaging Intsik. Hindi! kaniyang Hindi niya masabi, sa sandali ng sukdulang kaapihan, ang
daluyong ng mga salitang ibinuga ng kaniyang isip. Hindi (141) nakaiintindi ng Waray si Chua,
at hindi niya masasabi nang tuwid ang mga salitang iyon sa Tagalog. "Bukas, akin dala si Lita
sa Sya Na," sabi ni Chua.
NANG umaga ring iyon, nagbalot si Chua. Ang kataka-takang bagay, hindi lamang ang lahat ng
damit ni Amelita ang inilagay nito sa isang maleta. Sa isa pang maleta, inilagay rin ni Chua ang
lahat ng damit nito. Tapos na ang kaniyang pagkaina, naisip niya, at tapos na rin ang kaniyang
pagka- asawa. Siya, sa ikalawang pagkakataon, ay isa na namang alipin sa tindahang iyon,
maghihintay ng bagong Chua na maghahangad na maging mamamayang Filipino, na dudungis
sa kaniyang dangal, kukuha sa kaniyang supling sapagkat siya'y ikinahihiyang ina.

At umalis si Chua matapos siyang pagbilinan na bukas ay kukunin ang bata.

Noo'y araw ng Lunes, at natandaan niya na minsa'y nasabi ng isang nakausap na kababayan
na tuwing Lunes at Miyerkules ay may tumutulak na ferryboat patungong Samar mula sa North
Harbor, na siyang nilunsaran niya at ng dalawang kababayan may walong taon na ang
nakararaan. Nang hapong iyon, samantalang ang matandang Ah Pe ay nahihimbing sa
tumba-tumba matapos ipaghele ng kantahing Intsik sa radyo, kumuha siya ng sanlibong piso sa
kita ng tindahan, sinabi sa kasamang utusan-tindera na ipapasyal niya ang bata, at kasama si
Amelita, sumakay sila sa dyip. Mainit pa ang araw, bagama't papalamig na, nang dumating sila
sa North Harbor, at naupo sila sa likod ng isang giray na tindahan, nagtatago sa maaaring
makakitang kakilala, nananalanging sana'y gumabi na, gumabi na.

(142)

At lumatag ang gabi, at sumakay sila sa ferryboat. Sa sa pagkakatalungko sa kamarote, sa


kandungan niya nakatulog ang bata. Ang malalaki niyang bisig ay nakayakap katawan ng bata,
binibigyang-init ang kalamnan nitong nakabuyangyang sa lamig ng gabi, at maya't maya'y
ilalapit niya ang kaniyang mukha sa anak at hahagkan ito sa pisngi at sasabihin, sa isip lamang:
Walang maaaring maglayo sa iyo sa akin, anak. Magbubungkal ako ng lupa dahil sa iyo,
magpapaalila ako dahil sa iyo, pero ako ang tatawagin mong ina. At humatinggabi, at
nag-umaga, at siya'y nakatingin pa rin sa katimugang tinutungo ng ferryboat. Sapagkat hindi
maglalaon, matatanaw niya sa dako roon ang anino ng malaking pulo, nayuyungyungan ng
pagkaganda-gandang bahaghari-oo, ang bahaghari nila noon ni Gabriel-at ituturo niya ang mga
iyon kay Amelita at sasabihin niya, Doon tayo titira, anak. Ikaw at ako. Tayong dalawa lamang!

You might also like