Maraming konotasyon ang salitang akit. Maaaring nangahulugan ito ng panghihikayat o
paghihimok sa mga tao. Maaari ring nangangahulugan ito ng pag-uudyok sa isang pagnanasang salungat sa kabutihang-asal. Sa negatibong kontekstong ito, ang salitang akit ay maiuugnay sa mga salitang buyo, udyok, tukso,patibong, pain at iba pa. Ngunit bukod pa sa mga karaniwang konotasyong ito, may malalim pang kahulugan ang salitang akit. Maaari rin kasing tumukoy ito sa likas na reaksyon ng isang tao sa isang bagay o tao na nagpapakita ng kahiwagaan, kagandahan, karilagan, at kung anu-ano pang mga magaganda at mabubuting katangiang taglay nito. Bakit at paano ba naaakit ang isang tao? Likas sa tao ang maakit sa kagandahan, kabutihan at katotohanan sapagkat may kakayahan siya na matukoy kung ano ang maganda at ano ang pangit, kung ano ang mabuti at ano ang masama, at kung ano ang totoo at ano ang kasinungalingan. Kaya nga salungat sa kalikasan ng tao kapag siya ay hindi naaakit sa tatlong bagay na ito. Ang mga bagay na taglay ang tatlong salik na tinutukoy sa itaas ay may sariling alindog na humahalina sa isang tao na lumapit at maibiging-masdan ito hanggang sa maging walang kalaban-laban siya sa kanyang karanasan ng paghanga sa bagay o tao na yun. May mga tao na ginagawang kaakit-akit ang kanilang sarili at may mga tao na sadyang kaakit-akit kahit payak lamang ang kanyang gayak. Kahit ang nakakubling kagandahan ay kayang matalastas ng isang tao sapagkat may likas siya kakayahang makilala ito. Ang mga bagay o tao na bago sa ating paningin at kaiba sa atin ay nagdudulot sa isang tao na maakit o mahalina na lapitan ito. Kaakibat ng pagkaalit ay ang pagkamangha. Kapag ang puso ng isang tao ay hindi na marunong mamangha, nawawalan siya ng kakayahan na maaakit kahit gaano pa kaganda ang isang bagay. Nababawasan ba ang pagiging kaakit-akit ng isang bagay o tao na likas na nakakaakit? Sa bagay o tao mismo na nakaka-akit, hindi nawawala ang angkin niyang pagka-nakaka-akit ngunit sa taong tumingin sa kanila, nababawasan ang pagka- akit. Ang bagay o tao ay nakaka-akit sapagkat ipinapakita nito ang pagiging kakaiba nito sa taong tumitingin. Ang isang bagay na may taglay na natatanging pagka-kakaiba ay nagiging karaniwang bagay na lamang ang mga ito kung nagiging pamilyar na ang mga ito sa taong tumitingin. Nawawalan ng pagkamangha sa isang bagay kapag ito ay pilit na inuungkat dahil sa kagustuhang malaman ang kaibuturan ng pagkamahiwaga nito. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon na over familiarity ang dulot ng madalas na pagdadaupang palad ng isang taong naaakit at ng tao o bagay na nakaka-akit. Maaari din kasi na ang pagka-akit sa isang bagay ay lalo pang lulalim at yumaman kapag madalas niyang nakakatagpo at nararansan ito. May mga bagay na kapag lalo mong inungkat ang kaibuturan ng kanyang pagiging nakakaakit ay nagdudulot pa ng ibayong pagkamangha sapagkat habang nasasagot na ang katanungan ukol sa bagay na pilit niyang inaalam ukol sa bagay na iyon ay may panibago na namang hiwaga na namang tatambad sa kanyang harapan na mas lalo pang magpapanibago at magpapa-igting ng kanyang pagka- mangha at pagka-akit. Ang pagka-akit ay isa din namang salik ng pag-ibig. Ito ay isang hakbang upang makilala ang isang tao at sa paglalim ng ating pang-unawa sa kahiwagaang taglay ng katuhan niya ay hahantong sa pag-ibig na matibay at totoo. Sa pag-ibig, nanariwa ang pagka-akit sapagkat lumalalim ang antas ng pagka-akit at pagka-mangha dahil sa pag-ibig. Kapag nawawala na ang pagka-mangha, nawawala na rin sa ating isip at puso ang pagka-kakaiba ng taong ating minamahal.