Professional Documents
Culture Documents
Aralin 1
Aralin 1
Aralin 1
KABANATA I
ARALIN 1
Ang tekstong impormatibo ay isang uri ng babasahing di piksiyon. Ito ay naglalayong magbigay ng
impormasyon o magpaliwanag nang malinaw at walang pagkiling tungkol sa iba't ibang paksa tulad ng sa
mga hayop, isports, agham o siyensiya, kasaysayan, gawain, paglalakbay, heograpiya, kalawakan,
panahon, at iba pa.
Di tulad ng ibang uri ng teksto, ang mga impormasyon o kabatirang inilahad ng may-akda ay hindi
nakabase sa kanyang sariling opinyon kundi sa katotohanan at mga datos kaya't hindi nito masasalamin
ang kanyang pagpabor o pagkontra sa paksa. Karaniwang may malawak na kaalaman tungkol sa paksa
ang manunulat o kaya'y nagsasagawa siya ng pananaliksik at pag-aaral ukol dito. Ang mga tekstong
impormatibo ay karaniwang makikita sa mga pahayagan o balita, sa mga magasin, textbook, sa mga
pangkalahatang sanggunian tulad ng encyclopedia, gayundin sa iba't ibang web site sa Internet.
Dahil sa mga katangiang ito ng tekstong impormatibo, laging may nadadagdag na bagong kaalaman o
kaya'y napagyayaman ang dating kaalaman ng taong nagbabasa nito.
Kung ang tekstong naratibo ay may mga elementong kinabibilangan ng tauhan, tagpuan, suliranin, at
mahahalagang pangyayaring tulad ng simula, kasukdulan. kakalasan, at wakas, ang tekstong
impormatibo ay mayroon ding mga elemento. Ang mga ito'y ang sumusunod:
Layunin ng may-akda- Maaaring magkaiba-iba ang layunin ng may- akda sa pagsulat niya ng
isang tekstong impormatibo. Maaaring layunin niyang mapalawak pa ang kaalaman ukol sa isang
paksa; maunawaan ang mga pangyayaring mahirap ipaliwanag: matuto ng maraming bagay ukol
sa ating mundo; magsaliksik; at mailahad ang mga yugto sa buhay ng iba't ibang uri ng insekto,
hayop, at iba pang nabubuhay; at iba pa. Gayumpaman, anuman ang layunin ay mapapansing
kaugnay ito lagi ng pagbibigay o paglalahad ng impormasyon.
Pangunahing Ideya- Di tulad ng tekstong naratibo na hindi agad inihahayag ng manunulat ang
mga mangyayari upang mapaabot ang interes ng mambabasa sa kasukdulan ng akda, sa
tekstong impormatibo naman ay dagliang inilalahad ang mga pangunahing ideya sa mambabasa.
Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng pamagat sa bawat bahagi-tinatawag din itong
organizational markers na nakatutulong upang agad makita at malaman ng mambabasa ang
pangunahing ideya ng babasahin.
Pantulong na Kaisipan- Mahalaga rin ang paglalagay ng angkop na mga pantulong na kaisipan o
mga detalye upang makatulong mabuo sa isipan ng mambabasa ang pangunahing ideyang nais
niyang matanim o maiwan sa kanila.
Mga estilo sa pagsulat, kagamitan/sangguniang magtatampok sa mga bagay na binibigyang-
diin-Makatutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mas malawak na pag-unawa sa
binabasang tekstong impormatibo ang paggamit ng mga estilo o kagamitan sangguniang
magbibigay-diin sa mahahalagang bahagi tulad ng sumusunod:
- Paggamit ng mga nakalarawang representasyon- makatutulong ang paggamit ng mga
larawan, guhit, dayagram, tsart, talahanayan, timeline, at iba pa upang higit na mapalalim
ang pag-unawa ng mga mambabasa sa mga tekstong impormatibo.
- Pagbibigay-diin sa mahahalagang salita sa teksto- nagagamit dito ang mga estilong tulad ng
pagsulat nang nakadiin, nakahilis, nakasalungguhit, o nalagyan ng panipi upang higit na
madaling makita o mapansin ang mga salitang binibigyang-diin sa babasahin.
- Pagsulat ng mga talasanggunian- karaniwang inilalagay ng mga manunulat ng tekstong
impormatibo ang mga aklat, kagamitan, at iba pang sangguniang ginamit upang higit na
mabigyang-diin ang katotohanang naging basehan sa mga impormasyong taglay nito.