Si Teresa ay labinpitong taong gulang at pangatlo sa sampung magkakapatid. Lumaki siyang masipag at matalino, ngunit sa kabila ng kanyang pagpupursige na makatapos ay hindi maitaguyod ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral. Sa halip, maagang inagaw ng kahirapan ang kanyang kamusmusan. Sa murang edad ay saksi siya sa kung papaano iasa ng kanyang mga kabaryo ang kapalaran sa Diyos. Sa loob ng kanilang kubo ay saksi si Teresa kung papaano mag-away ang kanyang magulang dahil sa magkaiba nilang pinaniniwalaan. Ang kanyang amang si Tonio ay deboto ng katoliko samantalang ang kanyang inang si Ester ay malakas ang paniniwala sa mga Tawo o ang mga espiritung naninirahan at tagapangalaga ng kalikasan. Saksi rin si Teresa kung paanong gumamit ng dahas ang kanyang magulang at panaigin ang kanilang paniniwala. Habang siya'y naglalakad sa kalsada ay hindi niya maiwasang bitawan ang hawak niyang patpat na kanyang iwinawasiwas dahil na rin sa kasukalan ng lugar na ito. Ngunit noong hapong iyon ay hindi niya nagamit ang patpat na kanyang hawak. Nakipagtitigan siya sa malaking cobra na nasa kanyang harapan. Naninikip ang kanyang kalamnan. Ngunit habang papalapit ang cobra na nakapayapay ang kanyang ulunan at bukang-buka ay naisip niya ang bilin ng kanyang ina. Maya-maya'y kusang lumabas ang mga salita mula sa kanyang dila. O Tawo, Taga-ataman kan tubig, paros, dangan daga. O Tawo, bantay ng kagubatan Kasihan mo itong tao sa iyong harapan. At ako'y ipag-adya sa nakaabang na kapahamakan. Paulit-ulit niya itong sinambit. Ilang saglit pa'y lumambot ang kalamnan ni Teresa. Tumulo ang kanyang pawis dahil na rin sa dala ng takot. Napapikit na lamang siya at hinihintay ang susunod na mangyari. Nang muli niyang dinilat ang kanyang mata'y nakatikom na rin ang cobra na tila ito'y nagpapaalam. Nalilito si Teresa at pilit inaalala kung kailan siya tinuruan ng kanyang ina. Lalo pang nalito si Teresa nang banggitin ng kanyang ina ang mga katagang "nakasabat ka ti tawo?" niyakap nang mahigpit ni Ester ang kanyang anak dahil walang nangyaring masama sa kanya. Pangatlo sa magkakapatid si Teresa kung hindi nakunan ang kanyang ina. Tulad ng mga bata sa kanilang lugar, unang natutuhan ni Teresa ang mga gawaing bukid kaysa magsulat ng kanyang pangalan. Maraming naranasang paghihirap si Teresa. Nagtrabaho siya ng kung ano-ano upang matustusan ang kanilang pangangailangan lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Madalas silang mapagalitan ng kanilang ama tuwing linggo ng umaga kung ayaw pa nilang gumising upang magsimba sa kapilya sa sentro ng Buenavista. Habang siya'y nakaupo sa lilim ng puno'y napagawi ang kanyang tingin sa papasok sa sentro ng Buenavista ay natanaw ang guhong gusaling dati nilang pinagsisimbahan. Wala na itong bubong. Nang makita ni Teresa ang nangingitim na bahagi ng dingding at altar ay bumalik ang kanyang mga alaala dalawang linggo bago ang kanilang pagtatapos. Tulong-tulong sila sa pagpapaganda at pag-aayos dahil doon nakatakdang idaos ang misa ng pasasalamat para sa mga nagsipagtapos. Masayang-masaya at hindi magkamayaw sa tawanan at tuksuhan ang mga grupo ng magtatapos nang mapansin nilang walang kibo si Teresa sa sulok. Ilang sandali pa'y biglang nagsisisigaw si Teresa at nanlaki ang kanyang mata. Ilang saglit pa'y tumigil sa kakasigaw si Teresa ngunit napalitan naman ito ng malalim na boses. Umiiyak ang grupo ng mga magsisipagtapos dahil na rin sa kanilang nasaksihan. Ang iba'y tinawag ang kanilang guro samantalang ang iba nama'y pinuntahan ang matandang parabulong. Mabilis na kumalat sa Buenavista ang nangyari kay Teresa at isa lamang ang kanilang pinaniniwalaan: sinapian ng Tawo si Teresa. Lumipas pa ang mga araw, nalimutan na ng mga taga-Buenavista ang nangyari kay Teresa. Ngunit para kay Teresa, parang uka sa dalisdis ng bulkang mayon ang kanyang naranasang sakit sa kanyang pagkatao bago pa man naganap ang pagsabi ng tawo sa kanya. Nangyari iyon nang minsang inutusan siya ng kanyang ama na pumunta sa kumbento, dalawang araw bago ang pangyayari sa kapilya. Ipinakuha niya ang ang mga dokumento para sa mga scholarship ng mga magsisipagtapos. Isinambit na lamang ng kanyang ama na huwag siyang mag-alala sa pagkat mabait si Padre Albert. Nang nasa kombento na siya'y pilit na lamang winawaksi ni Teresa ang halpos ng pari sa kanyang balikat. Ngunit nag-iba ito nang nagsimulang sambitin ni Padre Albert ang mga katagang "Ang ganda-ganda mo. Kawangis mo ang mukha ng mahal na Ina. Magsing-edad lang kayo nang ipinagbuntis niya ang anak ng Diyos. Magmahalan tayo." Nagmamakaawa si Teresa sa ginagawa ni Padre Albert sa kanya. Naramdaman na lamang niya ang paglamas ng pare sa kanyang dibdib. Habang patuloy na minomolestya ni Padre Albert si Teresa ay sinimulan na niya ulit pumikit at magdasal. Muli, naramdaman niya ang pagsikip ng kanyang kalamnan at panghina ng kanyang katawan. Walang ano-ano ay tila hindi na niya maramdaman ang halik at kamay ng pare sa kanyang katawan. Nakarinig siya ng bulong "ingatan mo ang Tawo sa iyong puso at iingatan ka rin niya." Idinilat ni Teresa ang kanyang mata at nakita niya ang Cobra sa kanilang harapan, katabi nito ang bote ng alak na hindi pa nabubuksan. Hindi nagdalawang isip si Teresa na kunin ang bote ng alak at ipokpok sa ulo ng pare. Humandosay sa baldosa si Padre albert at nakita niya ang pagpatak ng dugo mula sa kanyang ulo. Tumakbo si Teresa papunta sa pintuan. Noong gabing iyon ay bumalik si Teresa sa kumbento bitbit ang lata ng gaas at mga tuyong dayami. Binuhasan niya ng gaas ang mga palamuti at ikinalat ang mga tuyong dayami. Pinanood niya ang paglamon ng apoy sa mga altar, rebulto at tuyong dayami. Hindi na nakapagpatuloy ng high school si Teresa nang mawalang kasama ni Fr. Albert ang inaasam niyang scholarship. Hindi na rin niya inasahang pagsusumikapan ng amang pag-aralin siya kahit pa valedictorian siyang nagtapos ng elementarya. Habang naghuhugas si Teresa ay napag-usapan nila ang pag-aaral nito. "Nakapagtapos ka naman na ng Elementarya, mabubuhay ka na niyan. May awa ang Diyos" sambit ng kanyang ama." May awa ang Diyos? Sigurado ka ba pa? Kung totoong may awa ang Diyos, bakit hindi niya ako naisalba sa kahalayan na ginawa sa akin ni Padre Albert. Kung may awa ang Diyos, bakit ganito ang kalagayan na 'tin?" Sambit nito sa kanyang utak. Tulad ng inaasahan ni Teresa'y hindi na siya nakatuntong pa ng high school. Pagkatapos ng elementarya ay iba-ibang trabaho ang pinasukan niya sa banwa, pilit pinagkakasya ang kakarampot na sahod sa pangangailangan sa pag-aaral ng dalawang nakababatang kapatid. Hindi na rin siya nagtanong pang muli sa ina ng anuman tungkol sa kanyang pag-aaral dahil palagi lamang nauuwi sa pag-aaway ng kanyang mga magulang ang kanyang pang-uusisa. Kapag siya'y napag-iisa, palaging sumasagi sa isip ni Teresa ang mga sinabi sa kanya ng ina noong sila ay nasa koprasan. Umalis ka ng Buenavista. Ikaw lang ang nakakaalam kung kailan. Huwag kang matakot. Tutulungan ka ng tawo sa iyong puso. Hindi na rin niya naitanong pang muli sa ina kung ano ang ibig sabihin ng habiling iyon. Isang araw ay tumigil na lamang sa pagsasalita si Ester, Hindi nila masabi kung ano ang dahilan. Makaraan ang isang linggong pananahimik ay natagpuan si Ester sa pusod ng kagubatan. May malaking tuklaw ng ahas sa kanyang dibdib. Nagkaroon ng maraming bulong-bulungan sa baryo. Sinisisi nila ang mga tawo sa nangyari ngunit sinabi ni Lola Arsenia na alam ang pakisamahan ni Ester ang mga Tawo. Nang marinig ang tinuran ng ina ay ibinaling ni Teresa ang atensyon sa kabaong ng ina. Yari sa tabla mula sa niyog at pininturahan na lamang ng puting kalburo ang kabaong na pinagtulongang gawin ng mga kapitbahay. Alam ni Teresa na may malalim na deklarasyon ang matandang parabulong patungkol sa kanyang ina. Maliit lang ang kubo nina Teresa, anahaw ang bubong at sawali ang mga dingding. Sawali rin lang ang dingding na namamagitan sa kuwarto ng magkakapatid at kuwarto ng mag-asawa. Ayaw man niya ay madalas marinig ni Teresa ang mahinag pag-aaway sa kabilang kuwarto sa gabing inaakala ng mag- asawang tulog na ang mga anak. Marami silang pinag-aawayan at pinagtatalunan, tungkol sa pera, sa pagkain, sa pag-aaral nilang magkakapatid, sa paglalasing ng kanyang ama. Pero ang pinakahuling pag-aaway ng mag-asawa ang higit na nagpabalisa kay Teresa. Umiiyak ang kanyang ina dahil sa impit na pagtutol pangagagahasa ng kanyang ama. Dinig ng ina ang hagulgul nito dahil sa ginagawa ng kanyang ama. Impit na ungol din ang narinig ni Teresa mula sa ama-ungol ng nakaraos. Napapikit na lamang si Teresa. "Kapag ako nabuntis, ipapalaglag ko ito" sambit ng kanyang ina. Bigla na ring tumahimik ang paligid. Dumilat siya at tumambad ang kadilimang bumabalot sa kubo. Nagkita-kita silang magkakapatid sa burol ng ina. Pinagtalunan din nila kung sino ang kukupkop sa dalawang nakababatang kapatid. Nagising sa mahabang pagkakaidlip si Teresa, Pagmulat ng mga mata'y nasilaw siya ng matinding hagupit ng sikat ng araw. Nakaupo pa rin siya sa ilalim ng puno ng pili, mahigpit ang hawak ng mga kamay sa nakausling mga ugat ng matandang puno, halos bumaon ang kanyang mga kuko sa makapal na balat nito. Iniangat niya ang mga kamay at sinapo ang kanyang mukha. Sa hula niya'y malapit ng mag-alas tres ng hapon. Minasahe niya ang kanyang sentido. Hindi agad maihakbang ni Teresa ang kanyang mga paa nang makita niya ang Cobrang nakatitig sa kanya. Singkit at lumalabas ang kanyang dila. Agad nagsalita si Teresa " Ikaw. Tutuklawin mo ba ako? Ilang beses nang nagsanga ang ating landas. Hahayaan mo na ba akong umalis?" "Nasa sinapupunan ka pa lamang ni Ester ay itinuro niya na sayo kung papaano pangalagaan ang sarili. Walang pumipigil sa iyong umalis" sagot ng Cobra. Tinanong ni Ester ang Cobra kung tutulungan niya ba ito kahit wala na siya sa Buenavista. "Ikaw lang ang makasasagot niyan. Pumikit ka at pakinggan mo ang iyong puso" sambit nito. Pumikit si Teresa at pinakinggan niya ang kanyang puso. Wala siyang narinig nang walang ano-ano'y naramdaman niya ang cobra na pumupulupot sa kanyang binti. Halos tumayo ang balahibo ni Teresa sa pagkakataong iyon. Hindi na nakaramdam ng takot si Teresa. Malumanay ang tibok ng kanyang puso. Taglay mo ang tawo. Sambit ng kanyang ina bago siya namatay. Iminulat niya ang mata. Sinilip ang ahas sa kanyang paanan ngunit wala ito. Tinignan niya ang kanyang paligid sa pag-aakalang makikita niya ang ahas doon ngunit kahit buntot ay wala siyang nakita. Inihakbang ni Teresa ang mga paa at sinimulan ang mahabang paglalakbay paalis sa Buenavista.