Aralin 56 61 Ikaapat Na MarkahanNoli PDF

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

Grade 9

Ikaapat na Markahan
Noli Me Tangere

Aralin 56 - Ang mga Sabi-Sabi


Buod ng Aralin
Kinabukasan, takot ang namayani sa buong bayan dahil sa kaguluhang naganap nang
nagdaang gabi. Iba’t ibang sabi-sabi mula sa mga taumbayan ang naglabasan tungkol sa paglusob
sa kuwartel. Ang araw ay nagtapos sa pagkakatuklas sa isang bangkay na nakabitin at inakalang
nagbigti. Subalit isang tauhang nakakubli sa malapad na sombrero na walang iba kundi si Elias, ang
nakakita ng ilang palatandaang hindi nagpakamatay kundi sadyang pinatay ang nakitang bangkay-
--ang bangkay ni Lucas.

Aralin 57 - Silang Mga Nalupig


Buod ng Aralin
Makikita ang labis na parusa at kalupitan sa kalalakihang nahuling lumusob sa kuwartel.
Nakakulong sila sa isang silid na napakadilim at nakasusulasok ang amoy. Dalawa sa mga bilanggo
ang nakapangaw o nakakadena nang magkalayo nang halos isang dipa ang mga paa. Sa araw na
iyon, silang dalawa ang imbestigahan. Isa sa kanila, ang lalaking nagngangalang Tarsilo ang
makararanas nang labis na kalupitan. Pinipilit siyang magsalita at idiin si Don Crisostomo Ibarra
bilang pasimuno at nagbayad sa kanila upang gawin ang paglusob subalit nanindigan siyang ni hindi
niya kilala at hindi nakakausap si Crisostomo. Sinabi niyang ang dahilan sa kanilang paglusob ay
upang ipaghiganti ang ginawang pagpatay sa kanilang ama. Dahil sa paninindigang iyon ni Tarsilo
ay ipinatikim sa kanya ang sukdulang pananakit na humangga sa pagtitimba o pagbibitin nang
patiwarik at paghuhulog sa kanya nang una ang ulo sa isang madulas, marumi at nangangamoy na
balon. Pinatagal ng ilang minuto ang gayong kalupitan subalit kahit sa harap ng kamatayan ay hindi
binago ni Tarsilo ang unang sinabi kaya’t namatay siya sa isang malupit at karumal-dumal na
paraan.

Aralin 58 - Siya na Dapat Sisihin


Buod ng Aralin
Agad na kumalat sa bayan ang balitang ililipat ng kulungan ang mga bilanggo kaya’t ang
mga kamag-anak ng mga bilanggo ay nagpalipat-lipat sa kumbento, sa kuwartel, at sa munisipyo
nang nananangis habang nagmamakaawa at umaasang mapipigilan ang pagkakalipat. Subalit
anumang pananangis at pakikiusap nila ay walang nagawa dahil inilipat din ang mga bilanggo sakay
ng isang kariton. Dahil dito, ang galit ng mga kamag-anak ay nabunton kay Ibarra. Sinisi siya,
pinagbabato, at pinagsisigawan nang masasakit na salita dahil sa bintang na siya ang nagpasimuno
sa paglusob na nagpahamak sa mga bilanggo. Wala ni isa mang kaibigan o mahal sa buhay ang
nagpakita o nagtanggol kay Ibarra. Nakita rin niya ang usok sa labi ng kanyang nasunog na bahay.
Labis ang kanyang kalungkutan dahil ngayo’y naniniwalang wala na siyang bayan, ni tahanan,
walang nagmamahal, walang kaibigan, ni kinabukasan.

Aralin 59-60 - Pagkamakabayan at Kapakanang Pansarili


Buod ng Aralin
Nalaman na sa Maynila ang paglusob na naganap sa bayan ng San Diego. Nalathala ito sa
mga pahayagan bagama’t iba’t ibang bersyon at kintay na sa sensor ang mga lumabas na balitang
may kalakip na pagbabanta na labis na ikinatakot ng mga Pilipinong nakabasa. Naging malaking
usap-usapan ang nangyari. Labis na napulaan si Ibarra samantalang papuri naman ang natanggap
ni Padre Salvi at inaakala pa ng iba ng pari na baka masungkit niya ang mitra ng Obispo o maging
isa siyang Obispo dahil sa naging papel niya sa naudlot na pag-aalsa. Labis na nabagabag ang mga
taong nagkaroon ng kaugnayan kay Ibarra dahil sa takot na madamay sila ngayon at inuusig na ang
binata. Katulad ng pamilya ni Kapitang Tinong na labis na nabagabag dahil sa minsa’y pag-imbita
sa binata sa pananghalian at pakikipag-usap rito kapag nakikita siya sa mga kasayahan. Pinayuhan
sila ng kamag-anak na si Don Primitivo na magregalo ng mamahaling singsing sa gobernador
heneral upang makakuha ng pabor at makaiwas sa pag-aresto sa kanya. Subalit nakasama pa pala
ito dahil nang malaman ng iba ang ginawa nilang pagbibigay ng mamahaling bagay ay lalo silang
pinagdudahan at naging sanhi pa ng pagkakaimbita sa kanya upang magpaliwanag at
“magbakasyon” sa tanggapan ng pamahalaan.

Aralin 61 - Ang Kasal Ni Maria Clara


Buod ng Aralin
Masayang-masaya si Kapitan Tiyago sapagkat sa kabila ng naging kaugnayan niya at ng
kanyang pamilya kay Ibarra ay hindi siya nadakip o nakulong di tulad ng sinapit ng ilan niyang mga
kakilalang gaya ni Kapitan Tinong na umuwing maysakit pagkatapos ng ilang araw na
“pagbabakasyon” sa gusali ng pamahalaan. Kinikilala ni Kapitan Tiyago na ang nangyari sa kanya
ay himala ng birhen subalit inisip din niyang may kinalaman dito ang impluwensiya ni Linares na
ipakakasal niya kay Maria Clara. Dumating sina Linares, Donya Victorina, at Don Tiburcio para
mapag-usapan ang kasal. Kinabukasa’y isang marangyang handaan ang naganap sa tahanan ni
Kapitan Tiyago. Doo’y napag-usapan ng mga panauhin ang sinapit ni Ibarra. Sinabi ni Tenyente
Guevarra na dapat sana’y napawalang-sala si Ibarra kung hindi sa liham ng isang dalaga (na walang
iba kundi si Maria Clara) na nagdiin sa kanya sapagkat inamin ni Ibarra na siya nga ang sumulat ng
mga liham na ito.
Nang natapos ang kasiyahan ay palihim na nagtagpo sa balkonahe sina Maria Clara at
Ibarra. Sinabi ni Ibarra na dumaan siya para ipaalam sa dalaga na pinatatawad niya ito. Subalit
ipinagtapat naman ni Maria Clara ang tunay na dahilan kung bakit niya nagawang ibigay ang mga
liham ni Ibarra sa kanya. Isang nilalang ang nagbanta sa kanyang ibigay ang mga liham ni Ibarra
kapalit ng dalawang liham na sinulat ng kanyang ina at nagtataglay ng isang napakalaking lihim
tungkol sa kanyang pagkatao, na si Padre Damaso ang kanyang tunay na ama. Nagawa niya ang
bagay na nagpahamak kay Ibarra para mailigtas sa kahihiyan ang kanyang tunay na ama., ang
kinikilalang ama, gayundin ang alaala ng namayapang ina.

Sagutin Mo!

1. Kung ikaw si Maria Clara, isusuko mo rin ba ang liham na magpapahamak sa iyong iniibig
para mailigtas sa kahihiyan ang iyong tunay na ama, ang kinikilalang ama, gayundin ang
alaala ng namayapang ina?
2. Bakit naging madali kay Ibarra na unawain at patawarin ang kanyang kasintahan?
3. Bakit mahalaga sa isang relasyon ang pagiging matapat at pagsasabi ng katotohanan?
4. Bakit nga ba kapag sa panahon ng ligaya at tagumpay ay marami kang kaibigan subali’t
sila’y naglalaho sa panahong ikaw’y bigo at talunan?
5. Bakit mahalagang piliing mabuti ang iyong mga kaibigan?

You might also like