Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

 

ANG PARABULA NG SAMPUNG DALAGA


“Mahalaga ang pagkakaroon ng kahandaan upang sa huli ay hindi ito  pagsisihan”

Isang malaking kasalan ang inihahanda. Tulad ng nakagawian ng mga Hudyo sa bayan ng Israel,
maringal at malaki ang kasalan. Mahaba ang panahon ng paghahanda. Nagsimula ito sa pag-uusap at
pagkakasundo ng ama ng binata at ng dalagang ikakasal na sinundan ng pagtanggap ng dalaga sa panunuyo
ng kanyang mangingibig.
Kasunod na pinag-usapan ang mga detalye ng kasalan, kung saan ito gaganapin, ano-ano ang mga
paghahandang gagawin, at kung magkano ang dote o bigay kayang ipagkakaloob sa dalaga. Nang matapos
ang kasunduan ay lumayo muna ang binata upang maihanda ang kanilang magiging tahanan. Halos isang taon
ang pagkakalayong ito na sumubok din sa katatagan ng pag-ibig ng binata at dalaga sa isa’t isa. 
Ang kasalan ng mga Hudyo ay karaniwang ginaganap sa gabi. Sa wakas, sumapit na ang gabing
pinanabikan ng lahat. Unang nagpunta ang lalaking ikakasal sa tahanan ng kanyang kasintahan upang siya’y
sunduin at saka sila tutuloy sa tahanan ng binata upang doon idaos ang maringal na kasalan.
Sa labas ng tahanan ng binatang ikakasal ay sampung dalagang may dala-dalang ilawan ang
itinalagang maghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang lima sa mga dalagang ito ay matatalino.
Inaasahan na nilang maaring maantala ang pagdating ng ikakasal kaya’t nagdala sila ng sobrang langis para sa
ganitong pangyayari. Ang lima naman ay hangal sapagkat nagdala nga sila ng ilawan ay hindi naman sila
nagbaon ng karagdagang langis. Naghintay ng naghintay ang mga dalaga subalit gabi na’y wala pa ang
ikakasal kaya’t sila’y nakatulog sa kahihintay.
Nang maghatinggabi na ay dumating ang isang tagapagbalitang nagsabing paparating na ang lalaking
ikakasal.’’Paparating na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo at maghanda upang salubungin siya!’’
Masayang nagsigawan ang mga tao. Agad na bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kani-kanilang
ilawan at humilera sa magkabilang gilid ng daan upang maging handa sa paparating na ikakasal. Subalit ang
ilawan ng limang dalagang hangal ay aandap-andap na. Dahil sa matagal na paghihintay ay naubos ang  langis
sa kanilang ilawan. ‘’Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap andap na ang aming ilawan,’’ ang
pakiusap nila sa matatalinong dalaga.
‘’Pasensiya na, subalit ang dala naming langis ay sapat lamang sa aming ilawan. Hindi ito magkakasya
sa ating lahat. Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’’ tugon naman ng
matatalino. Kaya’t dali daling lumalakad ang limang hangal na dalaga upang bumili ng langis.
Habang bumibili sila ay siya namang pagdating ng lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama
agad niyang pumasok sa kasalan at saka isinara ang pinto. Kaugalian kasi noong tanging ang mga taong nasa
labas pagdating ng ikakasal ang papasukin sapiging upang maiwasang makapasok ang mga taong hindi
naman imbitado at hindi kilala ng ikakasal.
Nang nasa loob na ang lahat ay humahangos na dumating ang limang hangal na dalaga. ‘’Panginoon,
panginoon, papasukin po ninyo kami!’’ sigaw nila . Hindi na sila pinapasok at sa halip ay tumugon ang binatang
ikakasal na siya rin nilang panginoon nang ganito;‘’Hindi ko kayo nakikilala. ‘’Walang nagawa ang mga hangal
na dalaga kundi buong panlulumong pinagsisihan ang hindi nila pag hahanda para sa pangyayaring ito. 

‘’ANG KAHARIAN NG LANGIT AY MAIHAHALINTULAD SA PARABULANG ITO. KINAKAILANGAN NATING MAGHANDA AT


MAGBANTAY SAPAGKAT HINDI NATIN ALAM ANG ARAW O ANG ORAS MAN NANG KANYANG MULING PAGPARITO.’’

You might also like