Ako ay nakaupo sa isang sulok ng apat na kwadradong silid. Nakakabagot ang
mga oras na iyon dahil wala pa ang aming guro sa Panitikan. Maingay ang paligid at lahat ay may kanya-kanyang ginagawa; may mga nagtatawanan, chismisan at kuwentuhan. Habang naghihintay sa mga oras na iyon ang aking isip ay naglakbay sa isang lugar na kay payapa, maraming mga hayop, halaman at sa di kalayuan ay may naglalakihang kabundukan. Tila ba’y isang paraiso ang aking napuntahan. Makikita rin ang mga naggagandahang bulaklak at maririnig ang mga ibon na nagkakatahan. Sa pagtapak ko sa isang batis ako ay biglang napadpad sa isang dalampasigan, maligamgam ang tubig at malamig ang hangin na dumadampi sa aking balat. Magdadapit-hapon na, habang binabaybay ko ang dalampasigan, may mga batang masayang naliligo sa saliw ng alon ng dagat at mayroon ding isang pamilyang nagsasalusalo sa di kalayuan. Lumakad lang ako ng lumakad kung saan man ako dalhin ng aking mga makakating paa hanggang sa nakarating ako sa isang bahay na napakaraming pagkain, pera, mga gintong kubyertos at may takaw pansin sa aking mga mata, napakaganda niya, mahaba ang buhok, kayumanggi ang balat, mapungay ang mga mata na hugis almendras, at ang kanyang mapupulang labing nang-aaya. Masaya ako sa mga oras na iyon hanggang sa may tumapik sa aking balikat. “Nakatulog ka na naman sa aking klase” pasigaw na sabi ni Ginang Rapacon. Nagulat ako ng nasa harapan na pala ako ng crush kong guro. Hindi ko namalayan na nakaidlip na pala ako sa mga oras na iyon at sobrang nakakahiya dahil nagtatawanan na pala ang aking mga kaklase’t guro.