Maikling Kuwento sa Filipino, Araling Panlipunan at Edukasyon sa Pagpapakatao sa Unang Baitang
Mga Kasanayan sa Pagkatuto
F1KP-IVd-8 • Natutukoy ang mga salitang magkatugma AP1PAM-IIa-2 • Nailalarawan ang bawat kasapi ng sariling pamilya sa pamamagitan ng likhang sining EsP1PPP-IIIf-h-4 • Nakatutulong sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa loob ng tahanan at paaralan para sa mabuting kalusugan Maaga akong nagising ngunit mas maaga pa sina Tatay, si Kuya at Ate, pati mga kapitbahay. Lahat ay nananabik sa dalang bisita ni Nanay. Teka nga at malibot ang bahay, nang malaman ko kung sino itong bisitang hinihintay. Sa silid-kainan ako ay namangha. Aba! Ang mantel ay nag-iba, makintab, mabango, at bagong laba. Maging ang sala ay inayos na kasinglapad ng plasa. Puwede kaming sumayaw ng Tango at Cha-cha. Ang mga bintana ay parang piyesta, napapalamutian ng mga bagong kurtina. Mayroon pang paso na magaganda. Natatamnan ng mga bulaklak na kasingganda ng umaga. Sa kusina naman, lahat ay abala. Nagluluto sila ng masarap na tinola. Si Lola ay napapangiti at napapasayaw pa, habang bitbit niya ang sandok at kutsara. “Lola, ano po ang nangyayari?” tanong kong nagtataka. Ngumiti lang si Lola, saka tumungo sa mesa. Sumandok ng kaning mainit- init pa, sabay sabing “Abby, may darating tayong bisita.” Ang mga kapit-bahay ay naglilinis ng bakuran. Tinanong ko pa nga si Aling Bebang, “Bakit po abala kayo sa paglilinis diyan?” “Abby, kami ay naglilinis para lamok ay maiwasan, upang kumportable ang darating niyong bisita diyan. Oo, may parating kayong bisita, hindi mo ba alam?” Si Tiya Gemma ay may pinagkakaabalahan. Mga halaman sa harding ay kanyang dinidiligan. Binubunot din niya ang mga damong nagtataasan, para daw maayos ang pagpapasyalan ng bisita naming inaabangan. “Hali ka Abby at ako’y iyong tulungan. Tanggalin natin itong mga batong naglalakihan para ang iyong Inay ay hindi mahirapan sa pagtulak at paghila ng espesyal na sasakyan ng ating bisitang pinakakaabangan. Lumapit ako kay Tatay, sabay hawak sa kamay. “Tatay, anong mayroon at kayo ay abala?” Tugon niya “Hindi mo ba alam na tayo ay may darating na bisita? Maligo ka na at parating na sila.” Si Tatay ay may kawayang dala, ang sabi niya ay may ginagawa siya. Para daw iyon sa higaan ng darating na bisita, na siguradong makatutulog nang makapagpahinga. Si Kuya naman ay nasa bagong silid. Pinipinturahan ang dingding ng makukulay na mga guhit. Parang nasa outer space dahil may mga rocket. Nais kong sumakay doon nang makapagliwaliw saglit. Si Ate naman ay nasa kuwarto nina Tatay, at para bang may pinagkakaabalahang gawain. Tinutupi niya ang mumunting damit na tinahi ni Nanay. Masukat nga at baka magkasya din sa akin. “Teka Abby, ingatan mo iyan, hindi para sa iyo ang maliliit na damit na ganiyan. Halika at suriin mo ang nakasulat na pangalan, na ibinurda noon ni Nanay upang siya ay malibang. “Mico,” basa ko sa nakaburdang pangalan. Kulay asul at puti na magandang tingnan. Sana ako ay gawan din nito ni Nanay sa mga damit kong may iba’t ibang kulay. Biglang may bumusina sa labas ng bahay, “Naku, narito na ang bisitang pinakahihintay,” sabi ni Ate sabay takbo sa labas ng bahay. Maging ang iba ay naroon na at sa bisita ay kumakaway. Lahat sila ay nagtipon-tipon sa bisita, may tawanan, halakhakan, maging pagkamangha. May nagsabing si Nanay ang kamukha, at ang mga ngiti niya ay kay Tatay kinuha. “Tara Abby,” sabi ni Nanay. “Iyong yakapin ang bagong kasama natin sa bahay. Ipinakikilala ko sa iyo ang pinakamamahal nating si Mico, ang pinakahinihintay mong bunso.” Biglang tumalon ang aking puso sa tuwa at pagkamangha, ngayon ay aking napagtanto: “Ate na pala ako, hindi ko inakala.” Ngayon, kaming mag-anak ay kompleto na. Dumating na sa wakas ang pinakahihintay naming bisita. Ang May-akda at Tagaguhit Conrad Ladislee B. Tua III Si Sir Conrad ay takot sa kanyang mga bisita noong bata pa siya. Kapag may mga bisita ang kanyang mga magulang ay nagkukulong siya sa kanilang kuwarto at magbabasa ng mga kuwentong madalas nagdadala sa kanya sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahan. Ngayong titser na siya, ang mga kuwentong nabubuo niya naman ang nagdadala sa kanya sa mga lugar na gusto niyang puntahan. Noong nakaraan lang ay may mga bisitang dumating sa buhay niya. Hindi na siya natakot sa kanila sapagkat sila ang higit na nagpaligaya sa kanya at naging dahilan ng pagbuo ng kuwentong Ang Aming Bisita. Isang araw ay nagising si Abby na may pagkamangha dahil sa mga nangyayari sa loob at labas ng kanilang bahay. Ang lahat ay tila abala sa kani-kanilang mga gawain. “May bisita tayo,” ang sabi ng lahat. Sino kaya itong bisita na pinakahihintay at pinananabikang makita ng pamilya ni Abby? Tara! Basahin natin ang kuwento.