Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Ang Araw at ang Hangin

Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang
ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.
Isang araw, sinabi ng hangin, “O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa
iyo?”
Ngumiti ang araw. “Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalaking
dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang
kikilalaning mas malakas.”
“Payag ako. Ngayon din, magkakasubukan tayo,” malakas na sagot ng hangin.
“Ako ang uuna,” dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan.
Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip
ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.
Nilakasan ng hangin ang pag-ihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng
kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa pag-ihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng
mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya.
Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa pag-ihip niya ay talagang hindi niya makuhang
mapaalis ang damit ng lalaki.
“Sige,” sigaw niya sa araw, “tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin naman
mapapahubad ang taong iyon.”
Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalaki.
Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang
butones sa baro. Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at
tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula noon, di na
nagyabang uli ang hangin.

Aral:
Iwasan ang pagiging mayabang. Kadalasan ay wala itong mabuting naidudulot kanino man. Mas
mainam sa tao ang may kababaang loob at hindi nagmamalaki. Higit siyang kapuri-puri kaysa
taong maraming sinasabi ngunit kulang sa gawa at wala namang silbi. Maging matalino sa bawat
desisyong gagawin. Pag-isipan muna ng mabuti at makailang beses bago gumawa ng desisyon
upang hindi ka magsisi.
Ang Punong Kawayan

Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na may kanya-kanyang katangian. Mabunga ang
Santol, mayabong ang Mangga, mabulaklak ang Kabalyero, tuwid at mabunga ang Niyog.
Ngunit sa isang tabi ng bakuran ay naroroon ang payat na Kawayan.

Minsan, napaligsahan ang mga punungkahoy.

“Tingnan ninyo ako,” wika ni Santol. “Hitik sa bunga kaya mahal ako ng mga bata.”

“Daig kita,” wika ni Mangga. “Mayabong ang aking mga dahon at hitik pa sa bunga kaya
maraming ibon sa aking mga sanga.”

“Higit akong maganda,” wika ni Kabalyero. “Bulaklak ko’y marami at pulang-pula. Kahit
malayo, ako ay kitang-kita na.”
“Ako ang tingnan ninyo. Tuwid ang puno, malapad ang mga dahon at mabunga,” wika ni Niyog.

“Tekayo, kaawa-awa naman si Kawayan. Payat na at wala pang bulaklak at bunga. Tingnan
ninyo. Wala siyang kakibu-kibo. Lalo na siyang nagmumukhang kaawa-awa.”

Nagtawanan ang mga punungkahoy. Pinagtawanan nila ang Punong Kawayan.

Nagalit si Hangin sa narinig na usapan ng mga punungkahoy. Pinalakas niya nang pinalakas ang
kanyang paghiip. At isang oras niyang pagkagalit ay nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga
bunga at nangabuwal ang puno ng mayayabang na punungkahoy. Tanging ang mababang-loob
na si Kawayan ang sumunud-sunod sa hilip ng malakas na hangin ang nakatayo at di nasalanta.

Aral:
Ang kayabangan ay nagpapababa sa dangal ng tao. Kaya huwag maging mayabang.
Maging tulad ng kawayan na mapagpakumbaba. Bagaman hindi siya kasing gaganda at kasing-
tikas ng ibang mga puno, siya naman ay higit na matatag sa oras ng pagsubok.

You might also like