Professional Documents
Culture Documents
Si Bandoyong at Ang Natitirang Gubat
Si Bandoyong at Ang Natitirang Gubat
Si Bandoyong at Ang Natitirang Gubat
“Pero hahayaan lang ba natin sila, Tiyo, hanggang sa…hanggang sa malipol ang
kahuli-hulihang kagubatan na tanging bumubuhay sa ating tribu na nasa laylayan dahil
sa mga gahaman at bundat na mga nasa sibilisasyon?”
“Pero wala kang binatbat kung ikukumpara sa sabong o sa derbe ng kabayo laban
nitong dalawang mababangis na grupo,” payo ni Ludok sa nakababatang anak ng
kanilang panganay na kapatid. “Matutulad ka lamang sa isang manok-pansabong na
inihagis ng walang tari. Lantaran ang iyong kabiguan o kamatayan sa pagsisikap mong
lumaban, Bandoyong!”
Papalubog na ang araw ngunit, wala ni isa mang tumbador ang umakyat at mahulog sa
gahong ni Bandoyong. Kahit na bigo sa araw na iyon, subalit hindi nanlamig ang
nagliliyab na damdamin ni Bandoyong sa pagtatanggol ng kanyang pinakamamahal na
kagubatan laban sa mga tumbador. Hangga’t mayroon pa siyang mapagkukunan ng
pagkain at tubig upang labanan ang gutom at uhaw ay hinding-hindi niya tatalikdan ang
kanyang tungkulin. Doon siya magpapahinga malapit sa bunganga ng kuweba katabi ng
matandang puno ng dakit pagsapit ng gabi.
Maya-maya ay may kumasa ng baril. Ilang sandali pa, sinangag ng bala ang paligid
malapit sa gahong sa ibaba ng mga putok ng dekalibreng baril.
“May magbabayad sa inutang na buhay ng aming kasama!” may sumigaw ng
pagbabanta.
“Sa lalong madaling panahon!” ng isa pang nagngangalit na boses.
“Kung hindi sundalo, rebelde ang nahulog sa patibong!” wika ni Bandoyong habang
mahigpit na nakahawak sa kanyang sibat.
Kahahawi lang ng mga ulap na bumalot sa buong kagubatan, nang may napansin
siyang isang pangkat ng mga tao na naglalakad papunta sa kanyang pinagtataguan.
Hindi na nagawa pa ni Bandoyong na mag-init ng tubig para sa kanyang kape bago
sana siya mag-agahan. Nakatakin ng sundang ang karamihan sa grupong iyon,
samantalang ang iba ay hawak hawak ang kanilang sibat at pana. Nakasunod sila sa
isang may edad na babaye.
“Bandoyong! Bandoyong!” tinig iyon ni Anawi na narinig ni Bandoyong na nabubulol
dahil sa magkahalong takot at pag-aalala, “Nagbunga na ng poot ang iyong ninanais!”
Hindi na kailangang pahabain pa ang pahayag ng kaniyang asawa ukol sa gustong
ibalita nito. Alam na ni Bandoyong ang kahihinatnan ng kanyang ninanais sa simula pa
man.
“Akala ko ba ikaw lang ang susunod, Anawi?”
“Pinilit kasi ako ng mga ito na isama sila sa iyong kinaroroonan dahil nag-aalala sila na
sisiklab ngayon ang gulo sa pagitan ng mga tumbador na namatayan ng kasamahan
dahil sa iyong ginawang patibong!” sagot ni Anawi na kaagad yumapos sa asawa.
“Ikaw, Bandoyong,” wika ng isang binatilyong netibo, “Ang tinukoy ng mga tumbador na
bumitag sa kanilang kasamahan. Gaganti sila bago magtatakip silim ngayong araw na
to!”
Sumunod naman ang tiyo ni Bandoyong na may mga kasamang armado ng lumadnong
sandata. “Bandoyong, binali ko na ang aking paninindigan at maging ng ating mga
katribu na lubhang apektado nitong nangyayari sa ating mundo dito sa kahuli-hulihang
kagubatan,” wika ni Ludok.
“Tinatanggap ko ang inyong pakikiisa sa akin ngayon! Ngunit tibayan ninyo ang
inyong mga sarili dahil ito ay hindi birong sakripisyo, katumbas nito ang bawat patak at
pagdanak ng ating dugo!” babala ni Bandoyong.
“Sige, Anawi, bumalik ka na sa bahay at ikaw na muna ang bahala sa ating tatlong
anak,” utos ni Bandoyong sa kanyang asawa pagkatapos ng madaliang pagpupulong
para sa nagbabadyang kaguluhan.
Niyakap ni Anawi ang asawa. At hinalikan nang mariin ang mga labi ni Bandoyong na
ngayon ay puno na ng balbas. “Mag-iingat ka, Ban, ha?”
“Manalig ka sa akin at sa ating mga diwata!”
“Kung gayon, maghanda tayong lahat. Higpitan ng sinturon na ito, ha? Tipakloy,
puntahan mo ang pinagtataguan ng mga matatanda, babaye at mga bata upang kahit
na anong mangyari ay hindi sila magkakahiwalay at madali silang maililigtas at
maipagtatanggol sa sinong mandirigmang matitira sa atin!” utos ng lalong
determinadong Bandoyong sa pagtatanggol ng kanilang lumiliit na mundo.
“Oo, Bandoyong,” sagot ng may edad na Tipakloy, “pupuntahan ko sila ngayon din.”
Gumagapang ang mga sandali sa maulap na tanghali.
“Araaay! Araaayy…” Hayag na palatandaan iyon ng may nahulog sa ginawang gahong
sa ibaba laban sa mga tumbador ng kahoy.
“Dumapa tayo nang mabuti… pagkatapos ganti kung may pagkakataon!” utos ni
Bandoyong sa gitna ng walang tigil na putukan mula sa ibaba.
Hindi nagtagal, inutos ni Bandoyong ang kakaibang parusa laban sa mga mananalakay
ng kanilang lugar kung saan sila namumuhay. Kinabukasan, sa pagsikat ng araw,
nabahiran na ng dugo ng mga kaaway ang palibot sa ibabang bahagi. Ngunit ilan sa
mga mandirigmang lumad ay nagbuwis din ng kanilang buhay.
Pagkatapos ng oras ng agahan, isang maliit na ayroplano na kulay patig ang naghulog
ng ohas bolitas na may nakasulat: “Bandoyong, malaking kaaway ng gobyerno,
inuutusan ka ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sumuko. Gagamitan kayo ng
ayroplano at helikopter pagkalipas ng hinihinging palugit. Hanggang alas 11 na lang ng
umaga sa araw ding ito ang inyong kaligtasan!”
“Hindi ba mas maganda kung puntahan na lang natin si Kapitan Gadungan sa ibaba?”
may nagbato ng panukala sa hangin kahit na nag-uumpugan na ang kanilang mga
puwit sa pagkadapa sa harap ng umuulan na mga bala.
“Para saan pa?” may sumalo
“Upang pumagitna sana sa labanang ito ng mga mananalakay sa atin,” sagot ng may-
ari ng panukala, isang may edad na Matigsalog na malapit nang dapuan ng takot sa
nararanasang hindi patas na giyera.
“Hindi na kailangan. Wala nang oras. Higit sa lahat, matagal nang nabihag ang kapitan
del baryong Bagobo-Bisaya ng kabila,” ni Bandoyong sa pakikipagpalitan ng opinyon sa
gitna ng krisis. At muling nagsalita: “Pangalawa nabulag na ang mata ng mga matataas
na opisyal kaugnay sa ating nararanasan ngayon sa mga kampon ni Satanas!”
Kung hindi lang dumating si Anawi, ang kanilang mga anak at ang buong liping
Matigsalog na natira, hayan tinuluyan na ng mga paakyat na mga sundalo si
Bandoyong.
“Tama na! Tama na,” sigaw ni Anawi, “Nakahandusay na kami!”
Napatigil ang mga sundalo.
“Bandoyong! May mga tama ka, Bandoyong!” umiiyak na sabi nito sa asawa at ng
kanilang dalawang anak.
Maya’t maya pa, tiningala niya ang kanyang panganay na anak, at nagbilin:
“Ambang, ipagpatuloy mo ang aking ipinaglalaban, Anak! Huwag mong hayaan na
mawasak ang kahuli-hulihang lasang upang hindi tumigil sa pag-agos ang mga bukal at
nang hindi matuyo ang tubig na pinagmumulan ng ating buhay. Isaisip mo na kapag
nabuwal ang lasang, wala ka nang makikitang lumilipad na Agila. Sa kalaunan ay
tuluyang mabubura ang ating tribu!”
Hindi tuminag ang mukha ni Ambang. Tigib ng tapang, at wala ni isa mang patak ng
luha. Marahan nitong dinampot at mahigpit na hinawakan ang sibat na nasa tagiliran ng
kanyang nakahandusay na ama.