Ang permanenteng paninirahan ay naitatag lamang noong 1565
nang makarating ang ekspedisyon na pinamunuan ni Miguel Lopez de Legazpi sa Cebu mula sa Mexico. Ang pamumuno ng mga Espanyol ay naitatag sa mga maliliit na malayang pamayanan na walang alam sa pamahalaang sentralisado. Matapos ang anim na taon, nang matalo ang isang Muslim na datu, itinatag ni Legazpi ang isang lungsod sa Maynila, na nagbigay ng pangunahing daungan sa Look ng Maynila, isang malaking populasyon at malapit sa mga kapatagan ng Gitnang Luzon. Naging sentro ng pamahalaang kolonyal ang Maynila, pati na rin ang aktibidad na pang-militar, panrelihiyon at pangkalakalan (commercial). Naglayag ang mga bantog na galyon sa pagitan ng Maynila at Acapulco, Mexico. Dinala nila ang pilak at ilang mahahalagang metal mula sa Bagong Mundo sa Maynila upang bumili ng mga pampalasa mula sa Moluccas at ang porselana, ivory, lacquerware at sutla/seda mula sa Tsina at Timog-silangang Asya. Bagama't ginamit ang mga ito sa Mexico, karamihan sa mga kalakal ang dinala sa Espanya, upang ipagbili sa Europa. Ang Pilipinas ay naging lalawigan ng Nueva Espanya hanggang 1821, nang makamit ng Mexico ang kalayaan. Ang pananakop sa kapuluan ay nagtagumpay na walang pakikipaglaban (maliban sa mga Muslim). Naging problema ng mga Kastila ang pakikipaglaban ng mga Muslim sa Mindanao at Sulu. Bilang sagot sa paglusob ng mga Espanyol sa mga Muslim at kanilang mga kakampi, sinalakay nila ang mga lugar sa Luzon at Bisayas na nasa ilalim ng pamamahala ng Espanyol. Naglunsad ang mga Kastila ng mga kampanya laban sa mga Muslim, ngunit wala itong naging tiyak na resulta hanggang sa gitna ng ika-19 siglo. Magkaugnay ang Simbahan at Estado noong panahon ng Kastila. Naging responsibilidad ng estado ang mga institusyong panrelihiyon. Isa sa mga naging layunin ng Espanya sa kolonyalisasyon ng Pilipinas ay ang pagbibinyag ng mga tribu sa Kristiyanismo. Ang pagpapalit ng relihiyon ay naganap dahil sa kawalan ng ibang maayos na relihiyon, maliban sa Islam, na laganap sa Timog. Ang mga seremonya ng simbahan ay naging bantog, na naging dahilan upang mapasama ang iba't ibang pista sa tradisyong Pilipino. Naging sanhi nito ang pagdami ng mga Katoliko sa bansa, na tinutulan ng mga Muslim sa Mindanao at mga tribu sa Hilagang Luzon (tulad ng mga Ifugao ng Kordilyera) at ang mga Mangyan ng Mindoro. Ang mga Kastila ay nagtatag ng tradisyonal na organisasyon ng barangay sa pamamagitan ng mga pinunong lokal sa mababang antas ng pamamahala. Ang istilong ito na di-direktang pamamahala ang nagdulot ng pagbubuo ng mataas na antas ng mga Pilipino na tinatawag na principalia, na naging mayaman, mataas ang respeto at iba pang mga prihibelyo. Ito ay nagpakita ng isang sistemang oligarkiya sa lokal na pamamahala. Ilan sa mga pagbabago sa ilalim ng pamamahala ng Espanya ang pagpapalit ng ideya ng pagmamay-ari ng lupa sa konsepto ng pribadong pagmamay- ari at ang pagbibigay ng titulo sa mga kasapi ng principalia. Hindi kumita ang Espanya sa Pilipinas bilang isang kolonya, at malapit nang maubos ang salapi ng pamahalaan dahil sa digmaan laban sa mga Dutch at sa pakikipag-laban sa mga Muslim. Ang kita ng pamahalaang kolonyal ay nanggaling sa kalakalang galyon. MGA AMERIKANO AT HAPON NOONG PANANAKOP Ang pananakop ng Amerikano sa Pilipinas, na nangangahulugang ang Pilipinas ay itinuring na isang teritoryo ng Estados Unidos ay magmula 1898 hanggang 1946. Bukod sa ilang mga retensiyonista o mga tao na nais panatilihin ang Pilipinas bilang isang nasasakupan ng Estados Unidos, ang balak ng mga naging Pangulo ng Estados at ng mga kinatawan (representatibo) ng Estados Unidos hinggil sa kanilang misyon ng pangongolonya ay ang pag-iiwi (tutelahe, o pangangasiwa ng kapuluan ng Pilipinas hanggang sa maabot na nito ang ganap na gulang o tamang panahon ng pagpapalaya), na naaayon sa kung kailan at sa anong mga katayuan at mga kasunduan. Ang Pananakop ng mga Hapones ay ang panahon sa Kasaysayan ng Pilipinas mula 1942 hanggang 1945, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan nilusob ng Imperyo ng Hapon ang Pilipinas na dating tinatabanan o nasa ilalim ng kapangyarihan ng Estados Unidos. Habang nagaganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binomba ng hukbo ng mga sundalong Hapones ang Pilipinas noong Disyembre 8, 1941. Naganap ito isang araw pagkaraang bombahin ng mga Hapones ang Pearl Harbor, Hawaii, at Estados Unidos. Pagkaraan ng ilang mga linggo, umatras sina Heneral Douglas MacArthur na kasama ang pamahalaan ni Manuel L. Quezon na noon ay nanunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas. Pinasok ng militar ng Hapon ang Maynila noong Enero 2 1942. Sumuko ang Bataan sa puwersa ng mga Hapones noong Abril 9, 1942. Ang mga bilanggo ng digmaan ay pinaglakad ng mga Hapones (ang tinatawag na Martsa ng Kamatayan) papunta sa isang kampo ng konsentrasyon sa Capas sa lalawigan ng Tarlac. Pagkaraan ng pagbagsak ng Bataan sa kamay ng Hapon, nagpunta si MacArthur sa Australia. Pinalitan siya sa Corregidor ni Heneral Jonathan Wainwright, upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban, hanggang sa mapilitang sumuko ang mga Pilipino at Amerikano pagkalipas ng 27 mga araw. Nagtagal nang tatlong mga taon ang pananakop o okupasyon ng mga Hapones sa Pilipinas. Nagtatag ang mga Hapones ng isang pamahalaang tau-tauhan lamang nila, na ang nagsisilbing pangulo ay si Jose P. Laurel. Noong Oktubre 1944, nagsimula ang digmaan ng pagpapalaya sa Pilipinas mula sa mga Hapones nang lumapag ang mga puwersa ni Douglas MacArthur sa Tangway ng Leyte. Naproklama bilang bagong pangulo ng Pilipinas si Sergio Osmeña nang mamatay si Manuel Quezon. Malakas na nabomba ng mga sundalo ng Estados Unidos ang Maynila noong Pebrero 1945. Nasukol ng mga Amerikano ang mga puwersang militar ni Heneral Homma sa Lalawigang Bulubundukin (Mountain Province), na napilitang sumuko noong mabigo ang mga ito sa tinatangka nilang pagtakas. MESTIZONG PILIPINO Ang mga mestisong Pilipino (Kastila: mestizo filipino; Inggles: Filipino mestizo) ay mga Pilipinong may pinagmulang iba’t ibang lahi. Naipakita ng makabagong pananaliksik sa henetika na ang uring panlahi ng populasyong Pilipino, na bumubuo ng pinakakaramihang bahagi ng bansa, ay naitatag noong pre- kasaysayan ng mga katutubong Taywanes na nagsasalita ng inang-wikang Awstronesyo, na sunod-sunurang dumayo sa Pilipinas noong mga 3000 BK, ang karamihan na nakipaghalo rin sa mga manaka-nakang dayo mula sa mainland o kontinenteng Asya (ngayo’y timog Tsina). Gayumpaman, madalas tumutukoy ang mestisong Pilipino sa mga partikular na kakaunting pamayanang may pinaghalong kanunununuan ng mga katutubong Pilipino at mga banyaga, kolonisador, o settler sa kakaraan lamang na kasaysayan, tulad ng mga Intsik at Arabong mangangalakal at settler, mga Kastila noong panahong kolonyal, mga Amerikano at Hapon noong pananakop, at pati na rin ng mga indibidwal na dumayo o tumakas sa Pilipinas (mga Britaniko, Koreano, Vietnamese, atbp.) Tangi ang mga pamayanang mestiso ito sa karaniwang populasyon pagdating sa pagkakakilanlang etniko, katayuang panlipunan, mga kaugaliang pangkultura, at madalas sa pamanang pangwika, bagaman tinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga tunay na Pilipino. Buhat ng nakasulat sa itaas, karamihan sa mga kasalukuyang Pilipino ay nagdadala ng mga southern Chinese genetic marker, bagaman hindi maituturing ang puspos na pinakakaramihang bahagi bilang mga “Intsik-Pilipino” sapagkat naipagkaloob ang mga marker na ito noong pre- kasaysayan pa noong pagbubuo ng karaniwang populasyong “katutubong Pilipino”. Mga apat sa bawat 100 Pilipino, o 3.6% ng populasyon, ang nagtataglay ng kanunununuang Yuropeo, bagaman hindi nabanggit kung gaano kalaki ang karaniwang pagkahalong Yuropeo sa kanila. Itong mga Pilipino ay matatawag na mestiso sapagkat: 1. naiambag ang pagka-Yuropeong ito sa kamakailan lamang na kasaysayang pantao ng kapuluan, 2. hindi ito isang karaniwang pangyayari sa pangkalahatang populasyon, at 3. ang pamayanang bumunga mula sa paghahalong ito ay kapansin-pansing naging tangi pagdating sa pagkakakilanlang etniko, katayuang panlipunan, mga kaugaliang pangkultura, at madalas sa pamanang pangwika. Karamihan sa kanila, kasama ng mga di-Awstronesyong Pilipino, ay nagpapanatili ng mga pamantayan at ugaliing pangkulturang tangi sa pangkalahatang populsayon; kapansin-pansin din ang kanilang pagsasarili pagdating sa pagkakakilanlang etniko, pananaw sa daigdig, katayuang panlipunan, at pamanang pangwika. Hindi dapat ipagkamali ang mestisong Pilipino sa Tisoy, na kolokyal na tumutukoy sa sinumang Pilipinong may maputing balat mapaanuman ang lahi. ANG TINUTURO NG KRISTIYANISMO Ang naging layunin ng Espanya sa pananakop ng Pilipinas ay pampulitika, pangkabuhayan at pangrelihiyon. Sa layuning pangrelihiyon nagtagumpay ang Espanya. Naging Kristiyano ang nakararaming Pilipino. Ang naging epekto ng Kristiyanismo sa buhay ng mga Pilipino maliban sa mga Muslim ay mahalaga at panghabambuhay. Sa modyul na ito, inaasahang masasabi mo ang bahaging ginampanan ng simbahan sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Nakapaloob sa modyul na ito ang mga kaalaman at gawain para maintindihan mo ang aralin. Basahing mabuti ang mga teksto at sundin ang mga panuto. Sana’y matatapos mo ang aralin nang buong kasiyahan.