Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Pananaw

Ang pagkatuto ay walang katapusan. Ika nga ni Neil Armstrong, “Ang pananaliksik ay

paglikha ng bagong kaalaman”. Ako bilang isang guro, ay sabik sa pagpapayabong ng

aking kaalaman nang sa gayon ay may maibabahagi ako sa aking mga mag-aaral.

Naniniwala ako na hindi natatapos ang pagkatuto sa pagkamit ng diploma bagkus

patuloy ito hanggat tayo ay humihinga pa. Ang kagustuhang mapayabong ang

kaalaman ang nag-udyok sa akin upang magsagawa ng pananaliksik. Hindi naging

madali ang aking naging pag-aaral sapagkat marami pa akong mga bagay na

kailangang malaman tungkol sa pananaliksik. Ang kwalitatibong pag-aaral ay bago sa

akin kaya maraming pagbabasa ang aking ginawa upang maintindihan ko nang lubusan

ang proseso ng ganitong pag-aaral. Isa rin sa naging hamon sa akin ang pagiging guro

sapagkat nahahati ang aking panahon sa pagiging guro at pagiging mananaliksik. Kaya,

labis ang aking pasasalamat sa paggabay na ibinigay ng mga taong mas maalam sa

pananaliksik gaya ng aking thesis adviser at mga panellist dahil sila ang naging tulay

upang maisagawa ko nang tama ang aking pag-aaral.

Bilang isang mananaliksik, malaki ang naitulong ng pag-aaral na ito upang mas

makilala ko ang kultura ng mga Hiligaynon. Nabigyan ako ng pagkakataong masilayan

ang mayamang kultura ng lahing ito. Napukaw ang aking pagka-Hiligaynon habang

pinapanood ang mga dulang naging bahagi ng aking pag-aaral at aking napagtantong

nararapat ding bigyang-pansin ang mga ganitong klase ng panitikan sapagkat

sumasalamin ito sa ating pagka-Pilipino.

Bilang isang guro naman, malaki ang maitutulong ng pag-aaral na ito dahil maaari ko

itong gamitin bilang kagamitan sa aking pagtuturo. Maipapakilala ko sa aking mga mag-
aaral ang kultura ng Hiligaynon, ang kultura ng karamihan sa aking mga mag-aaral at

mas magiging madali sa kanila ang pag-intindi ng aralin dahil localized na ito.

Ang pag-aaral ng panitikan ng ibang lahi ay hindi masama. Ngunit, lagi nating isaisip na

kinakailangan muna nating kilalaning mabuti at pag-aralan ang sariling panitikan

sapagkat ito ang sumasalamin sa ating pagka-Pilipino. Maging maalam sa kultura nang

sa gayon, lumipas man ang panahon ay mananatili pa ring buhay sa puso at isipan ang

pagka-Pilipino.

Implikasyon Para sa Kasanayan sa Edukasyon

Ang pagtuturo ng panitikan ay bahagi na ng asignaturang Filipino at kakambal na ng

panitikan ang maraming pagbabasa na siyang nakakabagot para sa mga mag-aaral.

Ang pagtuturo nito ay hindi madali. Masasabing isang hamon para sa isang guro ang

mapanatili ang atensyon ng mga mag-aaral sa binabasa hanggang matapos ang oras

na nakalaan sa asignatura. Kung kaya, iminungkahi ng iilang eksperto ang paggamit ng

contextualized, localized, at indiginized IMs sa pagtuturo. Ito ay kagamitang

pampagtuturo na binuo upang mapadali ang pag-intindi ng mga mag-aaral sa konsepto

na itinuturo dahil ito ay kanilang personal na nararanasan gaya na lamang ng paggamit

ng mga panitikan ng Hiligaynon sa pagtuturo ng kultura ng Pilipino. Ang paaralan na

may malaking bilang ng mga mag-aaral na Hiligaynon ay nararapat lamang na gamitan

ng panitikang Hiligaynon nang sa gayon ay mas maintindihan nila ang kanilang sariling

kultura at mas madali nilang matutuhan ang konsepto dahil personal nila itong

nararanasan.
Ang pag-aaral na ito ay maaaring gamitin bilang IMs ng isang gurong nagtuturo ng

Filipino. Kung mangyari hindi nakakaintindi ng Hiligaynon ang guro ay maaari pa rin

itong gamitin sapagkat isinalin na ang dula sa Wikang Filipino.

Implikasyon Para sa mga Pananaliksik sa Hinaharap

Ang pananaliksik at pagsusuri ay walang katapusan. Ang usapin tungkol sa panitikan at

kultura ay mananatiling buhay hanggat pinahahalagahan. Marami na ang naging pag-

aaral tungkol sa pagsusuri ng mga panitikan at natitiyak kong mas dadami pa ang

susunod na pagsusuri ng panitikan hanggat may mga Pilipinong magbabahagi ng

kanyang kaalaman at pagmamahal sa sining at kultura. Sa pag-aaral na ito, lumabas

ang kasiningan at malawak na imahinasyon ng mga manunulat sa pagpapakita ng mga

kultura ng Hiligaynon sa pamamagitan ng mga tauhan. Naipakita rin ang kagalingan ng

mga manunulat sa paggamit ng mga imahe upang mas mabigyang-kulay ang mga

isinulat na dula.

Ang pag-aaral at pagsusuri ng panitikan ay napakaganda at nakahuhumaling kaya

nawa ay magkaroon pa ng mas maraming pag-aaral tungkol dito. Maiging pag-aralan

din ang panitikan ng ibang grupo gaya ng Cebuano, Waray o kaya ng mga Indigenous

Group nang sa gayon ay maisalin din ang kanilang panitikan at magamit sa pagtuturo

sa mga kabataan. Sa paraang ito, mapapanatili nating buhay at mayaman ang ating

kultura.

Pangwakas na Pahayag
Ang paksa sa aking pag-aaral ay napakalapit sa aking puso sapagkat ito ay tungkol sa

panitikang Hiligaynon, panitikan ng aking lahi. Sa panahon ngayon na nahuhumaling na

ang mga kabataan sa panitikan ng dayuhan, mas naengganyo ako na ituro sa kanila

ang panitikan ng Pilipino partikular na ang panitikan ng Hiligaynon upang maipakita sa

kanila na mayaman din ang ating panitikan at ang ating kultura. Ako, bilang isang

Ilonggo, aminado ako na hindi ako gaanong maalam sa panitikan ng Hiligaynon kung

kaya ako mismo habang isinasagawa ang pananaliksik ay nabubusog sa mga bagong

kaalaman na aking nasasaliksik. Mas nakilala ko ang aking pagkakakilanlan at napukaw

ang aking kamalayan sa kulturang dahan-dahang nababaon na sa limot ng karamihan.

Habang ginagawa ko ang pagsusuri, mas sumidhi ang aking kagustuhan na ituro ito sa

aking mga mag-aaral upang makita rin nila ang ganda na aking nakita sa mga dramang

Hiligaynon.

You might also like