Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 14

IKAAPAT NA KABANATA

“KILALANIN ANG SARILI:” MAY SARILING ISINASATUPAD


Sa nakaraang mga kabanata, pinagmuni-munihan natin ang halaga at paraan ng
pagpapatupad ng buhay na pinagmumuni-munihan. Pinag-isipan natin kung papaano
ipinapatupad ng tao ang kanyang pag-iral nang mulat para maging tapat sa kanyang pagkatao.
Sinuri natin ang mga paraan ng pagbubukas at pakikisangkot sa realidad. Nakita natin kung
papaano unti-uting pinayayaman ang kakayahang making sa sariling kalooban. Sa pakikinig
na ito, natututunan na ang sarili ay isang kayamanang may kahulugan at halaga na dapat
linangin. Nakita rin natin kung bakit mahalaga ang pagbubukas ng loob at kamalayan sa
sariling ito. Namumulat ang taong nagsanay sa pagbubukas ng loob at kamalayan sa
katalagahan na posibleng ang mundong kinasasangkutan niya ay may sariling kaayusan na
kung ating makilala at masabayan maghahatid sa isang pagkabuo.
Maaari pa nating palalimin ang ating pagmumuni-muni ukol sa pagtupad ng ating
pagpapakatao. Ano ba ang tao’t kailangan niyang maging mulat at alisto sa pagpapatupad ng
pag-iral. Nagsisimula ang lahat ng ito sa ating karanasan ng buhay. Sa bawat sandali ng ating
pag-iral, nararanasan natin ang tawag ng pagpapatupad ng sarili. Hindi gaanong kalinaw
kung ano itong sariling ipinapatupad, subalit malinaw na nararanasan natin ang bawa’t
sandali bilang pagkakataong ipatupad ito.
Isipin natin ang mga payak na pang-araw-araw na gawain. Hindi ba’t pinag-iisipan natin ang
pagbibihis. Laging mahalaga ang tanong kung ano ang isusoot. Kahit hindi malay na pinag-
iisipan nang may matinding atensyon ang bagay na ito, pinag-iisipan pa rin dahil ipinapahayag
ng iyong sinusuot ang iyong atidud sa buhay o kaugalian, ang iyong mga paniniwala at
pagpapahalaga, ang iyong “tribong” kinababahagian, ang iyong kasarian at kung papaano mo
ito naisasatupad, at, sa kabuuan, ang iyong pagkatao. Kaya, kahit magbihis ka na parang wala
lang, pinag-isipan mo ito mula sa pagbili hanggang sa pagsuot. Bakit? Dahil sa ganitong
paraan mo ipinapakita at itinutupad ang iyong pag-unawa sa sarili. Sa ganitong paraan ka
nagprepresenta sa mundo—na sabay pagprepresensiya at pagpapakita ng sarili.
Ganitong-ganito rin ang iba’tibang gawaing pangaraw-araw. Ano ang iyong kinakain,
papaano, gaano karami, saan, magkano ang ginagastos, binabaon ba ang tira sa restaurant,
nagbabaon ba mula sa bahay, at komplikado ba ang paghanda ng mga kinakain mo o simple
lang? Lahat ng ito pinag-isipan mo dahil may sinasabi ito tungkol sa iyong sarili at sa
lipunang kinababahagian mo. Lahat ng maiisip mong gawaing pangkaraniwan ay ganoon din.
Paano ka maglakad, saan ka sumasakay ng dyip, paano ka magtext, paano ka magsalita,
absent ka ba ng absent—lahat ng ito pasya mo dahil sa ganitong paraan nagprepresensiya ka
sa mundo at sa iyong sarili. Totoong hindi laging matindi at malalim ang pagmumuni-muning
isinagawa para pagpasyahan ang mga bagay na ito, subalit pinag-isipan mo at nagpasya ka pa
rin. May kinalaman ito sa ating paraan ng pag-iral bilang tao.
Ano ba ang masasabi natin sa ating pag-iral bilang tao? Hindi ba’t unibersal na
karanasan ang hiwaga ng pagpapakatao? Sisirin natin ang kahulugan ng hiwagang ito. Unang-
una, malinaw na merong ako. Ano mang pagka-ako ng akong ito, merong ako. Pangalawa, at
ito ang hiwaga, meron itong akong umiiral at nagprepresensiya bilang narito, subalit hindi
natin talaga alam kung ano talaga ito. Meron nga, subalit ano ba ito? Isang umiiral na
nagprepresensiya sa mundo na malay sa sariling pag-iral subalit hindi ganoong kalinaw kung
anong talaga itong umiiral bilang ako. Bagamat alam mong meron, mas kilala pa kung ano
ito hindi sa halip na kung ano ito talaga.
Malinaw rin ukol sa sarili ang sumusunod. May kakayahan ang sariling unawain ang
mundong kinagagalawan—at ang pagprepresensiya ng mga bagay na nakakatagpo—bilang
makahulugan. Malinaw rin sa atin na mahalaga itong makahulugang pag-unawa sa mga
nakakatagpong bagay sa mundo dahil sa pag-uunawa lamang natin natutupad ang
mabungang pakikitagpo sa mga bagay-bagay. Kung tutuusin, lalo nating nauunawaan sa
makahulugang paraan ang mga bagay-bagay, lalo tayong nakakagawa at nakakakilos sa
mundo sa paraang epektibo at malikhain. May pakialam lang tayo sa mga bagay na
makahulugan para sa atin. At ang ating pagkikibahagi sa kanila ay isinasagawa ayon sa
kahulugang ito.
Kasama ng pag-unawa sa mundo bilang makahulugan ang pag-unawa ng lahat-lahat
bilang bahagi ng isang kaauyusan. Kaya cosmos o uniberso ang tawag natin sa katalagahan.
Ang ibig nitong sabihin ay iisang kaayusan. Dahil sa pag-unawa sa kabuuan bilang
makahulugan, nagiging posible ang maayos at sistematikong paraan ng pakikisangkot sa mga
bagay-bagay. Ito ang dahilan kung bakit tayo ang nakatataas at nakapagbibigay-hugis na
species sa buong sanlibutan. Nauunawaan natin ang katalagahan bilang may dalang kaayusan
na kaya ng taong sabayan at madalas pamahalaan o linangin para sakanyang ikabubuhay.
Sabay nitong kakayahang unawain ang katalagahan bilang makahulugan at may
kaayusan, meron din tayong pagmamalay sa sarili. Totoong hindi malinaw sa atin kung ano
tayo, subalit malay tayo sa ating pagiging narito. Malay tayo na nagpepresensiya sa atin ang
mga umiiral. Kung baga, tumatalab ang kanilang pag-iral sa ating mga pandama, sa ating
kaisipan, at sa ating kalooban. Sa pagtatalabang ito, may ako na nakakaramdam, nagnanais,
nahahalina, nag-iisip at nagpapasya. Malay tayo na may natatanggap tayong pahayag mula sa
mga kapwa umiiral at malay tayong pinoproseso natin ang mga pahayag na ito gamit ang
kaisipan at kalooban. At, sabay nito, batay sa pagproprosesong ito, isinasaloob ko ang aking
dapat gawin sa mundo. Itong paggagawa ay nauunawaan ko bilang pagkilos sa mundo para
mapatuloy at mapayaman ang pag-iral. Itong pagkilos rin ang nauunawaan ko bilang
pagpapatupad ng sarili—pagpapatupad ng sariling hindi ko talaga alam kung ano pero alam
kong kailangang tuparin sa isang malay at sadyang paraan.
Ito pa ang hiwaga ng sarili. Hindi lang natin ito iniisip bilang isang ito na umiiral na
hindi ko alam kung ano pero meron. Nararanasan rin natin ito bilang isang ako. Iba ang ako
sa isang ito. Yung pinag-usapan nating bilang “kalooban” sa nakaraang kabanata ang
binibigkas bilang ako. Lahat tayo’y isang ako, isang kaloobang malay sa kanyang sarili at may
oryentasyong makipagtagpo sa labas ng sarili. Isa tayong ako na malay na nakikitagpo sa
isang mundo sa labas ng ako dahil nararanasan natin ang hindi ako bilang nagpapaabot ng
paanyayang makitagpo sa malikhaing paraan. Sa pakikitagpong ito natutupad at natutuklasan
ng ako ang pagkabukod-tangi ng sarili. Ganoon ang karanasan natin sa ating pagka-ako. May
sabay tiyak at malabong pagkilala sa aking pagka-ako dahil tiyak kong nararanasan na meron
itong nakikitagpo sa mundo, tinatalaban ng mundo, nagbubukas sa mundo, at inaanyayahang
kumilos ayon sa paraang itinatatag o ipinapakita ang bukod tanging kaakohan. May kutob
tayo na may kahulugan at pagkabukod-tangi itong akong ito na kailangang tuparin. At may
kutob tayo na natutupad ito sa malikhaing pakikitagpo sa mundong kinalalagyan. Kaya
mahalaga ang lahat ng pinag-usapan natin noong nakaraang mga kabanata ukol sa
pangingilatis sa pamamagitan ng pagmumuni-muni. Sa mulat na pakikitagpo lamang nagiging
posible ang malikhaing pagpapatupad ng sarili. Kaya naman mahalagang kilatisin ang mga
gawain ng tao. Sa mga pasya at pagtupad ng sarili, pinalilinaw natin sa sarili at sa kapwa kung
sino ako. At lumilinaw ang sarili sa bawa’t pagtupad dahil isinasakonkreto nito ang ating pag-
iral bilang ako.

Isinasakonkreto ang Sarili


Ano ba itong pagsasakonkreto? Kung ang sarili ay parang hamog, ang bawa’t
pagpapatupad nito ng sarili ay pag-iipon ng sarili sa isang tiyak at matatag na
pagprepresensiya hanggang nakikilala ito ng lahat—pati na rin ng sariling
pagpapakakonkreto—bilang tiyak at hindi mapagdudahang dumirito. Buong buhay natin, sa
ating trabaho, pagbibihis, pakikipagkaibigan, pag-aaral, at kung ano mang karaniwang
gawain—maliit man o malaki—lahat ng ito’y malay at malaya kong tinutupad para
matuklasan at maisakonkreto ang sarili sa mundo. Higit ko itong natutupad na ngayon sa
aking pagpapasya, lalong nagiging malinaw sa akin kung sino at kung ano ang aking
makahulugang pag-iral sa mundong ito.
Subalit ano ba itong sariling tinutupad? Ito mismo ang tanong ng ating buong buhay.
Dahil batay sa alam kong tiyak—na ako’yumiiral, na ako’y umiiral bilang nakikitagpo sa mga
umiiral sa mundo, na ako’y may pagmamalay sa mundo at may pagmamalay na ako’y
tinatalaban ng mundo at hinahalinang makibahagi sa mundo—kailangan kong tuparin ang
hindi tiyak. Ito ang nais ng tao, tuparin ang nararanasan kong mahiwagang sarili sa isang
paraan na makahulugan, na may bigat sa mundo, na matupad ang pag-iral nang ayon sa
nararapat. At ito ang madalas na problema natin. Ano nga ba ang nararapat? Meron ba
nitong tunay na sukat ng aking sarili na dapat tuparin? At ano ang batayan nito?

Ang Sukat ng Pagpapakatao


Ito nga ang hiwaga ng ating pag-iral bilang tao. Lagi’t lagi nating nararanasan ang
tawag na mabuhay sa isang paraang malikhain—sabay malikhain sa mundo at nililikha ang
sarili. Mayroon tayong kutob na may nararapat na sukat o paraan ng pagtupad nito. Bagaman
mahirap para sa ating makita itong sukat ng nararapat (lalo na sa ating panahon kung kailan
pinagdududahan ang mga unibersal, mga esensiya, at ang intrinsikong kaayusan ng mundo),
may pakiramdam tayo na may tapat na pagtupad ng sarili. Bunga ito ng karanasan na may
mga pagtupad ng sarili na mapangwasak. Halimbawa, alam natin na mahirap na trabaho ang
prostitusyon dahil kinakasangkapan ang tao nito. Tinatrato ang tao na para bagang bagay o
kasangakapan sa kagawiang ganito. Sa kasalukyan, marami na ring nagtataka kung ang
kontemporaryong buhay na umiikot sa konsumismo ay nakakabuo ba talaga ng tao dahil
marami nang nakakaranas ng matinding malaise ng buhay na binigibay nito. Tila napakatindi
ng karanasan ng nararapat at mabuti dahil may malinaw tayong karanasan ng kapahamakan at
pagkawasak. Subalit, bagaman may kutob tayo na may pagtupad ng sarili na nararapat at
hindi nararapat, nakakabuo at nakakawasak, hindi pa rin malinaw ang batayan nito—kung
may batayan man. Kaya katulad ng nabanggit sa itaas mas para bagang “negatibong kaalaman
ito” na bagamat hindi natin alam kung ano talaga, at mas alam natin kung ano hindi o
negasyon nito, ang kaalamang mababang loob na gayon ay mahalaga at kagalang-galang pa
rin.
Pag-usapan natin itong karanasan ng pagkawasak. Punong-puno ang kasaysayan ng
panitikan ng mga kuwento ukol sa mga taong nasira ng kanilang paraan ng pamumuhay.
Tiyak na alam ng lahat ang kuwento ni Crisostomo Ibarra na naging si Simon. Si Crisostomo
ay isang taong may maraming plano at may pag-asa para sa kanyang baying Pilipinas. Hindi
pa ito bansa kundi isang kapuluan na, para sa mga katulad niyang yumayaman at
umaasensong mestizo, larangan ng mga bagong posibilidad at pag-asa. Kaya dumating siya sa
Pilipinas na may dala-dalang pangarap na, sa kanyang pagkawari, ay magdadala ng kalayaan sa
kanyang baying sawi at inaalipin. Kaya lang, hindi naman realistiko si Crisostomo. Marami
siyang iniisip na dapat mangyari at maaaring mangyari subalit wala naman siyang nagawa
dahil wala siyang malay sa mga patakaran ng politika sa Pilipinas at wala siyang malay sa
tunay na karanasan at pangangailangan ng mga karaniwang tao. Kaya naman sa wakas ng
nobela nasira ang kanyang pagkatao. Dahil hindi angkop ang kanyang mga hangarin sa
realidad, bagaman para sa kanya ang realidad ang hindi umangkop sa kanya kaya naging
mapait ang kanyang loob at nasira ang lahat ng kanyang mga plano, napahamak siya, at
nabigo ang posibilidad na siya’y maging maligayang tao.
Hindi ba, laging nasa isip natin ang ating kaligayahan o at pagkabuo. Hangarin natin
sa buhay ito ang maging buo. At sa ating pag-unawa, nakakamit natin ang kaligayahan at
kaginhawaan kapag natupad natin ang ating sarili—kapag angkop ang ating pag-iral sa
nararapat para sa atin. Yun ang hinangad ni Crisostomo, na matupad ang kanyang sarili sa
isang makahulugang paraan, na tapat sa kanyang sarili at sa mundo. At kung maging tapat
lang ang pagtupad ni Crisostomo sa kanyang sarili, magiging maligaya siya. Sa kanyang pag-
unawa, ang kanyang makahulugang pag-iral ay ang pagiging isang tagareporma ng lipunan at
asawa ni Maria Clara. Mahalaga rin sa kanya ang maging isang taong marangal at may
pangalan sa lipunan. At kung matupad niya ito, magiging maligayang tao siya. Subalit, hindi
tugma ang kanyang gunita at mga panaginip para sa sarili sa realidad ng lipunang kinalalagyan
niya.
Matindi ang pagguho ng mga pangarap ni Crisostomo. Sinira ang pangalan ng kayang
pamilya, hiniwalay sa kanya si Mari Clara, hinarangan ang kanyang pagpapatayo ng paaralan,
at kinulong siya. Higit ang pagkawasak ng loob ni Crisostomo at siya’y naging isang taong
umiiral para sa paghihiganti. Kaya matapos niyang makatakas at muling mabuo ang kanyang
kayamanan, bumalik siya sa Pilipinas bilang Simon na ginamit ang talino’t kakayahan para
maghasik ng poot at pagdurusang magtutulak sa populasyong mag-aklas laban sa mga
Kastila. Wala siyang puso para kanino man. Isa siyang taong pinakikilos ng purong malisya at
poot, at dahil dito nagdurusa ang kanyang kalooban. Tulad ni Crisostomo, bulag din si
Simon sa kaayusan ng lipunan at sa kalooban ng mga taong kanyang minamanipula para sa
sariling pangangailangan. Nabigo siya at namatay nang malungkot, nagsisisi, at namimilipit sa
pagkamulat na lihis ang kanyang pagpapatupad ng sarili.
Kung susuyurin ang panitikan ng mundo, punong puno ng ganitong mga katauhan
sa iba’t ibang kuwento. Si Hudas at Herodes, ang mag-asawang Macbeth, si Haring Lear, at
sina Javert at Salleri. Lahat sila ay huwaran ng taong hindi mabuobuo o hindi naging payapa
dahil sa pagpapatupad ng sarili na lihis sa kaayusan ng mundo. Ito ang malinaw sa mga
paglalarawan: ang mga taong taksil sa kaayusan ng mundo at hindi tapat sa potensiya ng
kanilang sarili ay hindi nabubuo at hindi nararating ang kaligayahan o kapayapaan na
hinahanap. Kaya lumalabas ang ganitong mga tauhan sa panitikan, dahil naniniwala tayo na
trahedya ang buhay ng taong hindi natutupad ayon sa kaayusan ng katalagahan ang sarili.
Ang pinakamalalim na trahedya sa buhay ng tao ang hindi pagtupad ng sarili ayon sa
potensiyal nito dahil nakukulong sa mapangwasak na pagtupad ng sarili.
Dala nga ng ating pagdududa sa mga bagay na spirituwal tulad ng sumasaibayong
kaayusan ng mundo, dahil sa umiiral na sinismo o kawalang tiwala laban sa mga essensiya at
mga unibersal na katotohanan, nagiging mahirap sa taong pag-usapan itong kutob na may
kaayusang dapat tupdin ang tao kung nais natin maganap ang ating pagkatao. Subalit, kahit
ano mang pagduda’t pagtanggi, naroon talaga ang eksistensiyal na karanasan na may pag-ipon
at kaganapan sa taong nakikibahagi sa kaayusan ng kabuuan; na may kilos ang taong
nakakabuo ng sarili at may mga kilos na nagsasanhi ng pamimilipit at pagkawasak. Kaya
mabuti sigurong isipin kung ano nga ba ang iniisip ng taong nakakabuo at kung ano ang
nakakasira sa kanya.

Ang TaongNabubuo
Mula sa iba’t ibang pahayag ng iba’t ibang sibilisasyong tumagal sa kasaysayan, may
mga negatibong huwaran na hindi dapat tularan. May mga taong sakim at mapangwasak na
nagkakalat ng lagim. Hindi sila produktibo at naging mapangwasak sa mundo. Ito’y dahil
may sarili silang pag-uunawa sa nararapat at mabuti at ipinipilit nila ito sa mundo. Kumbaga,
tulad ni Ibarra/Simoun, may iniisip silang nararapat na mangyari dahil, ayon sa katwiran ng
kanilang puso at kaisipan, dapat ganito ang mundo. At kapag hindi nangyayari ang dapat
mangyari ayon sa kanilang pakiwari, nararamdaman nila na absurdo ang mundo at kasawian
ang kanilang kapalaran. At dahil dito, lagi silang namimilipit. Masasabi natin na ang mga
taong hirap magbukas sa katalagahan ay nahihirapang makita na hindi nila hawak ang daloy
ng mundo, at nahihirapan silang makita ang kabutihan nito at ang potensiyal nilang
magpakatao.
Sa kabilang banda, ang mga taong may malikhaing pakikibahagi sa mundo ang
kinikilalang huwaran ng mabuting buhay. Mahalaga sa pagbubuo ng tao ang malikhaing
pakikibahagi sa mundo. At ang ibig sabihin ng malikhaing pakikibahagi ay ang pagkilos sa
mundo sa isang paraan na napapayaman ang pag-iral ng kapwa umiiral bunga ng malalim na
pagkilala sa kaayusan nito. Tiyak na hindi ganoong kadaling sabihin na malikhain ang ating
partikular na pagpapatupad ng sarili dahil mahirap masabi kung napapayaman natin ang pag-
iral ng iba. Ano nga ba ang nagpapayaman sa kapwa nating mga umiiral? Sa maraming
pagkakataon, iniisip natin na may ginagawa tayong nagpapayaman ng katalagahan subalit
nakakasira pala. Wala naman yatang nais sadyaing magka-global warming at puksain ang iba’t
ibang mga hayop at halaman bilang malikhaing gawain ng tao. Bunga ito ng mga akala
nating malikhaing gawain tulad ng pagpapalaganap ng merkadong pinapaandar ng mataas na
pagkonsumo at produskyon. Inakala lang natin na malikahain ito, subalit nakakasira pala—
hindi lang ng ating mundong kinalalagyan kundi pati ng ating kalooban.
Ganoon pa man, tila masasabi natin na may kakayahan ang taong kilatisin ang
kanyang pagiging malikhain dahil may kinalaman ito sa kanyang mismong pagiging buo
bilang tao. May mga palatandaan tulad ng malalim at nananatiling kapayapaan ng loob na
nararanasan ng tao kapag kumikilos siya sa isang paraang nakikibagay sa kaayusan ng
katalagahan. May sapat na pagpapatotoo dito mula sa mga tinatanggap nating huwaran ng
pagpapakatao. Kung papakinggan itong mga kinikilala ng iba’t ibang sibilisasyon bilang
huwaran, makikita na may panloob silang kapayapaan dala ng kanilang pagbubukas at
pakikibahagi sa kaayusan ng mundo. Kaya kahit sila’y hinaharap ng pagsubok o mapait na
karanasan, nananatili silang mga taong may pag-asa. Ito’y dahil tinutupad nila ang saril nang
ayon sa tawag ng katalagahan. Nagmumula ang kapayapaan sa ganitong pakikibagay at
pakikiisa sa kaayusan ng katalagahan. May salita dito ang Daoismo: wu wei. Ang wu wei ang
pagkilos na hindi kumikilos, o ang kilos na ganap na sumasama sa daloy ng bukal ng
kaayusan ng mundo, o ang Dao na sumasaibayo. Dahil sa ganap na harmoniya ng kilos ng tao
at ng Dao, hindi niya nagugulo o hindi siya nakasasagabal sa daloy ng Dao sa kanyang
pagkilos bilang tao. Kaya parang hindi kumikilos ang gumagawa. Kumikilos siya subalit hindi
ito karahasan laban sa daloy ng malikhaing bisa ng mundo. Maniwala man tayo na may Dao
(o ano mang sumasaibayong bukal ng kaayusan ng lahat-lahat) o hindi, nararanasan pa rin
natin itong katotohanan na nagdadala ng kapayapaan at pagkabuo ang tapat na pakikibahagi
ng tao sa daloy ng pamumukadkad ng katalagahan.
Ang kilos ng pag-ibig ang pinakamalikhaing pagkilos ng tao sa mundo. Ginagawang
posible nitong ganap na pagbukas ng pag-ibig ang tunay na malikhaing kilos ng tao sa
mundo. Itong kinikilala nating pag-ibig ang karanasan ng napakatinding pagtalab ng isang
nagprepresensiya sa ating kalooban. Dahil sa tindi ng pagtalab, hinahalina tayong magbukas
nang ganap upang tanggapin ang pagprepresensiya nito. Bilang tugon, kumikilos ang
mangingibig sa paraan na ginagalang ang halaga ng iniibig. Ang pag-ibig ang kalagayan ng
loob na pinahihintulutan tayong kumilos sa paraang mulat sa halaga ng nakikitagpo.
Ang taong nagmamahal ang higit na may kakayahang magpahalaga sa mundong
kinalalagyan at mayroong paggalang sa kapwa umiiral. Nasa kalagayan ng pagbubukas ang
nagmamahal. Buong-buo niyang nakikita ang mga umiiral bilang nagdadalang halaga. Kaya
ang umiibig, kung tapat niyang tinupad ang hinihingi ng pag-ibig, ay may kakaibang
kakayahang kilalanin ang mundo bilang may halaga, at maaaring may kahulugan at kaayusan,
na hindi nakasalalay sa atin at hindi umiiral para sa atin. Natutuklasan natin sa mapag-ibig na
paglinang sa kapwa ang paraan ng pag-iral na nakikibahagi sa kaayusan ng mundo. Kaya
naman, sa kasaysayan ng sangkatauhan, ang mga taong may kakayahang umibig ang nakikita
nating may tunay na kapayapaan at pagkabuo.
Kung nasa mapag-ibig at malikhaing pakikibahagi sa mundo ang ating potensiyal ng
katuparan, bakit tayo madalas mapangwasak? Malinaw naman na may kahiligan tayo sa
pagkawasak, hindi ba? Umiiral sa mundo ngayon ang isang pandemya na sinanhi natin.
Binago natin ang mukha ng buong mundo sa paraan na nagsanhi ng kamatayan sa daan-
daang libong species at parang walang humpay ang prosesong ito ng pagwasak. Saan mang
lupalop ng mundo, sa ano mang saglit, may iba’t ibang uring eksploitasyon na nagsasanhi ng
iba’t ibang matindi at walang humpay na pagdurusa sa kapwa tao. At kahit ang mga dapat
nakikinabang sa eksploytasyon na ito ay hindi mabuo-buo ng mga sistemang nilikha at
pinapalaganap nila. Bakit, kung hindi tayo nabubuo, pinapatuloy natin ang ating
mapangwasak na mga paraan? Marahil ito’y dahil sa ating kalayaan at hangganan.

Ang Hadlang sa Malikhaing Kabukasan


Bagaman may kakayahan tayong magbukas sa kapwang umiiral, at may kakayahan
tayong makilala ang katalagahan bilang may kaayusang malikhain at mapagbuo, hindi tayo
awtomatikong tumutupad ng mabuti—at marahil ito nga ang kabalintunaan ng buhay tao.
May kutob tayo na may kaayusan ng mabuti at nararapat na nagbibigay hugis sa mundo, at
tinatawag tayo nitong makibahagi at lumikha ayon sa kaayusan nito. Subalit, tinatawag tayo
nito batay sa ating kalayaan. Kumbaga, hindi basta kumikilos ang tao na tuparin ang sarili
ayon sa kaayusan ng katalagahan dahil kailangan niya munang maunawaan kung ano ang
mabuti at piliin itong isabuhay. Samakatwid, sa pagpapatupad ng mabuti kailangan nating
pasyahing makita ito at pasyahin na ipatupad ang sarili ayon sa kabutihan.
Papaano natin pinapasyang maunawaan ang mabuti? Ang ano mang umiiral ay
nagprepresensiya sa atin bilang nagdadala ng halaga at kahulugan. Sa isang banda,
nagmumula sa katwiran ng tao kung papaano niya bibigyang halaga at kahulugan ang mga
nagprepresensiya. Kumbaga nagprepresensiya ang mga bagay sa atin ayon sa kanilang pag-
iral at tinatanggap natin sila gamit ang ating pandama at kaisipan. Dala ng ating katwiran ang
mga sistema ng pagbibigay kahulugan at halaga sa mga bagay. At partikular ang mga
sistemang ito sa mga tao bunga ng kanilang pagsasakasaysayan. Gamitin natin bilang
halimbawa ang mga taong lumaki sa isang lipunang nagpapahalaga sa sining bilang
pinakamahalagang gawain ng tao. Ito ang mga taong nabubuhay para ipagdiwang ang halaga
ng kagandahan at katotohanan. Para sa mga taong ito, hindi mahalaga ang kayamanan o
karangyaan. Mahalaga ang paglikha ng mga bagay na nagpapahayag ng katotohanan at
kagandahan. Kaya hindi nila iniisip na pumasok sa pagnenegosyo o ang pag-iipon ng
kayamanan dahil nagiging maligaya sila sa mismong malikhaing paggawa. Sa kabilang banda,
may mga tao na hindi maunawaan kung papaano nag-aaksaya ng buhay ang mga alagad ng
sining sa paglikha dahil abalang-abala sila sa pagpapalago ng negosyo at pagpapatubo ng
kapital. Malinaw na magkaiba ang sistema ng pagpapahalaga ng mga taong ito. Kumbaga,
nakikita nila ang realidad bilang nagdadala ng halaga, subalit kung ano ang mga halagang dala
nito at kung ano ang pagbabatayan nila ng kanilang pag-iral, ay nababatay sa kanilang sistema
ng pagpapahalaga na kinalakihan.
Ganoon talaga ang sistema ng pagbibigay kahulugan at pag-iisip ng mga tao.
Halimbawa, may mga taong nakikita ang realidad bilang isang kaayusang binigyang
depenisyon ng isang mapagmahal na Diyos. Ang kanyang pagbasa sa mga pangyayari sa
kanyang buhay ay laging mula sa abot-tanaw ng pananalig na ito. Kaya naiuukol niya ang
kanyang buhay sa mga organisasyong pinaglalaban ang mga karapatang pantao dahil para sa
kanya, ang kilos ng kanyang Diyos sa kasaysayan ay bilang Diyos ng pagpapalaya na nililigtas
ang mga isinasantabi at inaapi. May mga taong lumaki sa katwiran na ang lipunan ay isang
masalimuot na makina na umiiral para lumikha ng kasaganahan dahil ito ang batayan ng
kaligayahan ng tao. Bagaman malungkot ang nangyayaring pagdurusa bunga ng hindi
pagkapantay-pantay sa sistemang ito, ang pinakamahalaga ay ang pagpapatakbo ng
ekonomiya sa pinakamataas na nibel ng produksyon. At hindi talaga kawalang katarungan
ang mga bagay tulad ng end of contract (endo) dahil kailangan magsakripisyo ang mga tao para
sa makina ng ekonomiya. Ang sistema ng pagbibigay kahulugan sa katalagahan ay nagbibigay
hugis sa ating pag-uunawa at kilos sa katalagahan at ito’y minamana mula sa ating kasaysayan
at kultura.
Bilang tao, kailangan natin ng mga sistema ng pag-uunawa sa mundo dahil mas
epektibo ito sa simpleng instinkto. Ang mga instinkto ng tao’t hayop ay nakakatulong sa
mabilisang reaksyon at pagtugon sa mga pangyayari subalit hindi ito agad-agad nakakaangkop
sa pagbabago. Kumbaga kailangan itong sumunod sa mabagal naproseso ng ebolusyon para
makapag-angkop ng bagong reaksyon o kilos na akma sa mga bagong situwasyon. Ang tao’y
may sistema ng pagbibigay kahulugan at pag-intindi sa mundo para maunawaan kung paano
dapat tumugon sa iba’tibang mga pangyayari dahil sabay nitong binibigyang istruktura ang
pag-uunawa ng tao sa kanyang kapaligiran subalit kaya rin itong baguhin kung sakaling
kailangan dahil may nagbabago sa kapaligiran. Pansinin halimbawa kung papaano ang
pakikiugnay ng tao ngayon ay may malaking kinalaman sa mga patakaran ng social media.
Kaugalian na ng tao ang pagpapahayag at pakikitagpo sa iba gamit ito bagaman ilang dekada
lang na nakaraan, mas mahalaga sa lahat ang harap-harapang pakikitagpo. Malaking bahagi ng
pakikitagpo ng tao sa katalagahan ang kanyang sistema ng pagpapahalaga at pag-unawa dahil
ito ang kanyang batayan ng kabatiran sa mabuti.
Minsan, ang ating mga sistema ng pag-unawa at pagpapahalaga ay lihis sa talagang
nangyayari. Halimbawa ang seksismo at ang elitismo bilang mga paraan ng pag-unawa sa
kaugnayan ng mga tao sa isa’t isa. Akala ng marami sa mahabang panahon na ito ang tama’t
nararapat na paraan ng pag-uunawa sa mundo. Subalit sa pagdaan ng panahon, nakikita natin
na may malaking kapahamakan itong dala sa mundo at nakakawasak sa lahat ng tao, kapwa sa
biktima at sa nambibiktima. Sa katunayan mas una pa ngang “nabibiktima ang sarili” ng
nambibiktima sapagkat winawasak niya ang kanyang sarili sa kataksilang isinasagawa niya sa
mabuti. Kaya makikita natin na mahalaga ang mga sistema ng pagpapahalaga subalit posible
rin itong maging sanhi ng mapangwasak na pakikipagsapalaran sa katalagahan. Isipin ninyo
kung talagang may mapangwasak kang katwirang minana sa iyong sibilisasyon, magiging
mapangwasak ang iyong kilos sa mundo at hindi ka mabubuo bilang tao.
Maraming bagay ang nagbibigay hugis sa iyong katwiran. Ang ilang halimbawa ang
sumusunod: ang iyong personal na kasaysayan kasama ang iyong mga trauma at masasayang
karanasan; ang katwiran ng iyong pamilya, komunidad, at lahi; ang iyong sikolohikal na
kondisyon at ang kalusugan; at ang iyong edukasyon. Kaya minamana ang iyong katwiran
pero sabay nito nalilinang din ito, halimbawa, sa pamamagitan ng edukasyon at pakikitagpo
sa ibang mga katwiran. Dito, nakikita na may aspekto ng pag-unawa at pagbibigay halaga sa
katalagahan na hindi natin hawak. Kumbaga, minamana lang ito mula sa ating komunidad at
kalinangan. At madalas, itong minanang katwiran ay bunga ng kolektibong karanasan at
pagsisikap ng komunidad na mabuhay sa pinakamabunga at makataong paraan. Kung wala
ito, walang gabay ang tao sa pagtupad ng kanyang pagkatao. Subalit posibleng maging
mapangwasak ang nabubuong katwiran ng isang lahi o sibilisasyon—at sabay lagi pa ring
posible na maging malikhain ito. Kaya kailangan laging maging alisto ang tao sa kanyang
isinasatupad na paraan ng pamumuhay. Kailangan natin laging sinusuri kung tapat pa ba sa
talagang nangyayari o kung nagiging mapanghamak sa sarili at kapwa ang paraan ng
pagpapakatao na dala ng minanang katwiran.
Mahalagang maging alisto dahil hindi kailan man kulong ang tao sa katwiran. Lagi
siyang malayang suriin ang epekto nito sa talagang nangyayari at unawain kung ano ang
nagiging bunga nito sa kanyang sarili at kapwa. Nasa ganitong pagsusuri maaaring malalaman
kung ang katwiran ay mapagbuo o mapangwasak. Mahalaga ring makipagdiyalogo sa mga
taong may ibang katwiran dahil maaari nilang ipakita sa atin ang ibang posibleng paraan ng
pagbibigay kahulugan sa mgabagay-bagay at sa ganoong paraan nakikita natin na hindi lang
pala ang ating katwiran at paraan ng pag-iral ang iisa at laging uubrang pamamaraan.
Mahalaga ito dahil kaya ng taong payamanin ang kanyang katwiran at kaya rin ng taong
magbago ng pagpapatupad ng sarili.
Kailangan din nating unawain na bahagi ang ating mga malayang kilos sa patuloy na
paghubog nitong katwiran na nagbibigay depenisyon sa ating pagtupad ng sarili. Kung tayo’y
sadyang nakikipagtagpo sa iba para palawakin ang abot-tanaw, kung inaaral nang mabuti ang
kaalaman ng sangkatauhan, at kung tayo’y magmumuni-muni sa ating mga karanasan para
matuto sa ipinapakita nito ukol sa katalagahan at sapagiging tao—mulat at sadya nating
pinayayaman ang ating katwiran at mas posibleng maunawaan kung ano ang malikhain laban
sa mapangwasak sa katalagahan.
Batay sa ating pagbibigay kahulugan at pagpapahalaga sa katalagahan, malaya nating
pinagpapasyahan kung ano ang ating gagawin sa mundo. Hindi lang natin pinagpapasyahan
ang isang kilos sa bawa’t sandali kundi lumilikha ng istilo ng pagpapatupad ng sarili at ng
batayang kahulugan na kinahuhulugan ng bawa’t makahulugang gawain ng sarili. Kumbaga,
sa bawat desisyon, pinagpapasyahan natin ang ating bukod tanging paraan ng pagpapatupad
ng ating pagka-ako. Kaya, kung lagi mong pinatitibay ang isang paraan ng pagbibigay
kahulugan sa mundo sa iyong pagkilos, pinagtitibay mo ang iyong pagkatao batay sa mga
kilos na ito. Halimbawa, ang taong napalago ang negosyo sa pamamagitan ng pang-aagaw ng
lupa mula sa mga naisantabi. Marahil nagsimula siya sa mga simpleng mapagkamkam na
gawain tulad ng pagpapautang sa mga magsasakang nagsasanla ng lupang alam niyang hindi
mababayaran. Unti-unting nawawalan siya ng kakayahang pahalagahan ang kapwa tao dahil
nabibighani siya sa halaga ng akumulasyon ng kayamanan. Sa pagkaenganyong ito, natututo
siyang mang-agaw at mangamkam ng lupa mula sa mga maralitang magsasaka at ng lupain ng
katutubo. Mula sa mga kilos na ganito, natatatag ang kanyang pagkatao bilang sariling sakim.
Pinasya niyang maitatag ang sarili sa ganoong paraan ng pag-iral. Maaari nating pasyahing
makita ang mundo mula sa mapangwasak na abot-tanaw at mabuhay ayon dito. Sa wakas,
tayo’y nagiging mapangwasak, at nagiging mahirap makita o isipin ang malikhaing paraan ng
pakikipagsapalaran sa mundo. Mahirap nang makita ang mundo bilang may sariling kaayusan
na mahiwaga. Hindi imposible, subalit nagiging mahirap. At dito nakikita kung papaano
nagiging mapangwasak ang sarili ng tao.
Baka nakalimutan natin kung bakit natin pinag-uusapan ang pag-unawa at
pagpapahalaga sa katalagahan. Ito’y dahil ang ating katwiran ang nagbibigay hugis sa ating
malayang pagpasya ng sarili. At kung nais nating tuparin ang sarili sa paraang tapat sa
kaayusan ng katalagahan, kailangan nating maging alisto sa maaaring magpasimula ng
pagkabulag o pagkamulat sa kaayusan ng mabuti. Mahalagang maging mulat na bagaman sa
simula minamana ang ating paraan ng pagkamulat at pagtupad ng sarili, hindi tayo
nakakulong dito. Ang katwirang may malawak na abot-tanaw rin ang maaaring magkakutob
at makaunawa sa kaayusang nababalangkas sa katalagahan.

Ang Pagkasala, Pagbabalik-loob, at Pag-ibig


Kung may katutubo tayong pagnanais na tuparin ang sarili sa isang malikhaing paraan,
bakit natin pinapasya ang pagtupad ng sarili na mapangwasak? Higit natin itong mauunawaan
kung susuriin natin ang pananaw ng mga taong relihiyoso ukol sa pagiging makasalanan ng
tao. Para sa kanila, ang buod ng karanasan ng kasalanan ay ang egotismo na pinagmulan ng
karahasan sa mundo. Isipin natin ang ilang mga tinatawag na kasalanang matindi. Balikan
natin ang kasakiman.
Masama ang kasakiman, at maituturing itong kasalanan, dahil ang taong sakim ay
nagpapasimula ng kapahamakan sa mundo. Walang pagmamalay o pakialam ang sakim sa
kapakanan ng ibang tao o ng ibang bagay. Nais niya lang makamtan ang makakapagbigay sa
kanya ng kaligayahan. Kaya naman wala siyang pakialam na walang kasiguruhang
pangkalusugan (o insyurance, ika nga) o katiyakan at tuloy-tuloy na kabuhayan ang mga
manggagawa, dahil tutok lang siya sa kanyang tubo. Siya rin ang taong nagsasanhi ng
pagkawala ng mga species ng mundo dahil kailangan niya laging pakainin ang kanyang mga
makinarya ng produksyon para sa kanyang pag-aakumula ng kayamanan habang nasakripisyo
ang buhay ng mga halaman at hayop na nakakasangkapan. Literal na mapangwasak ang
taong mapagkamkam sa mundo at ang ugat nito ay ang kanyang pagkamakasarili o egotismo.
Kulong siya sa kanyang mga damdamin, sa kanyang pagnanasa at sa kanyang mga panaginip.
Wala siyang nakikitang halaga sa ano mang bagay na walang kinalaman sa kanya hinahangad.
Maliban sa halagang may kinalaman sa kikitahin, hindi na niya pinapansin ang iba pang
larangan ng pagpapahalaga.
Ganoon din ang galit. Saan ba nanggagaling ang galit na makasalanan kundi sa taong
nagpapakasentro ng mundo. Nagagalit siya sa mga tao at pagkakataon dahil sa kanyang wari’y
dapat mangyari ang lahat para sa kanyang ikabubuti at ayon sa mga paraang itinakda niya.
Dapat walang mga pangyayaring makahahadlang sa kanyang mga plano. Dapat walang
gagawa ng kahit ano na lumalabag sa kanyang pagnanais at kapangyarihan. Galing ang
makasalanang galit sa huwad na pag-uunawa na ikaw ang sentro ng mundo at dapat
paglingkuran ng lahat.
Kung daraanan ang tinatawag na mga pinakamatinding kasalanan ng tao, nasa buod
ng lahat ng ito ang egotismo: ang pagkakulong ng tao sa sarili. Kaya mapangwasak ang
makasalanang tao dahil hindi niya makayanang magbukas sa iba at wala sa kanyang
kakayahan ang magbukas sa kaayusang batayan ng paglinang ng katalgahan. Wala rin sa
kanya ang kakayahang makibahagi sa pagtataguyod ng pagtubo ng kapwa tao. Marahil
nagmumula ang egotismong ito sa ating takot sa kamatayan at pagdurusa. Takot tayong
magdusa sa gutom at kahirapan, na maubusan ng pagkain at hindi marating ang
maginhawang buhay kaya uunahin natin ang ating sarili para matiyak ito. Tinutulak tayo ng
takot na kumilos para ipaglaban ang sariling kaginhawaan. Dahil dito, para tayong
nakakulong sa sariling moog na inilalagay tayo sa pinakadukhang paraan ng pag-iral.
Para tunay na matupad ang potensiyal ng ating pagpapakatao, kailangan nating
matutunan ang tunay na pagbubukas ng pag-ibig. Dala ng pagbubukas ang posibilidad na
matuklasan itong kaayusang malikhain at mabuti—kung meron man. Upang maging buong
tao, kailangang matuklasan ng tao ang katotohanan ng kaayusan na ito at kung ano ang
pinagmumulang bukal. Mahirap ito dahil tila sumasaibayo sa ating karaniwang kakayahang
makitagpo ang bukal. Subalit, tulad ng naipakita sa nakaraang kabanata, may proseso ng
pagtuklas kung meron ngang kaayusang ganito at kung papaano tayo makikibahagi dala ng
ating karaniwang pakikitagpo sa mundo. At nagsisimula ito lagi sa pagbukas at pagsubok
lagpasan ang pagkakulong sa kakitiran ng kinasanayang paraan ng pagdanas, pagpapahalaga,
pag-uunawa, at pagkamakasarili. Ang pagbubukas ay pagbubukas sa pagprepresensiya ng
katalagahan. At sabay nito, nagbubukas tayo sa isang posibleng nagpapahayag sa mga
nagprepresensiyang ito. Dahil kung meron mang bukal ng kabutihan, nagprepresensiya ito sa
mga umiiral. Posible na kung ganap ang pagbubukas ng tao sa katalagahan, maaaring makilala
ang bukal ng kaayusan at pag-iral ng katalagahan.
Kung intrinsikong may kahulugan ang katalagahan, at kung umiiral ang lahat nang
may kaayusan, at pinahihintulutan nito tayong umiral sa mapagbuong paraan, posible na may
mapagmahal na persona na bukal ng lahat ng ito. Marahil kung may umiiral siyang sanhi ng
pag-iral ng katalagahan at nagbabahagi ng kabuoan at pananatili nito, posible na isang
umiibig itong bukal. Posibleng nilikha ng bukal ang lahat-lahat sa mapagmahal na paraan,
dahil mula sa wala, tayo’y naging meron. At hindi lang tayo pinananatili sa pagmemeron ng
bukal na ito, pinalalaganap tayo tungo sa sariling katuparan. At kung pag-ibig nga ang
nagsanhi ng ating pag-iral, marahil pag-ibig lang ang maaaring magbukas at makitagpo sa
mapag-ibig na tagapaglikha. Kaya, kung nais natin malaman kung may kaayusang binibiyaya
ng isang mapag-ibig, kailangan nating maabot ang nibel ng pagbubukas ng pag-ibig.
Sanayan lamang ang pagiging bukas. Kailangan ng taong unti-unting magbukas sa
mga nagprepesensiya sa mundong kinalalagyan. Kailangan nating matutong magbukas sa
pamamagitan ng pandama, damdamin, kalooban, at kaisipan. Ito ang tinuturo ng iba’t ibang
mga disiplina ng pag-iisip, pag-aaral, at pagdarasal. At sa mga sandaling naabot ang ganoong
kalalim ng kabukasan, posibleng dumating ang panahon kung kailan makikita ang mundo
bilang pahayag ng isang pag-ibig mula sa ibayo.
Kung may Diyos man na mapag-ibig na lumikha ng mundong makahulugan at
mabuti, makikilala lamang ito nang ganap na pagbubukas ng pag-ibig. At ang pagsasanay sa
ganitong pagbubukas ay magagawa lamang sa patuloy at lumalalim na pakikinig sa
pagprepresensiya ng katalagahan. Hinihingi nito ang paglampas sa egotism na mapangwasak.
Dito lang tayo may pag-asang humantong sa pagbubukas ng pag-ibig. At kung sapat ang
kilos ng pagbubukas ng pag-ibig, magiging posibleng makatagpo ang pag-ibig na batayan ng
lahat-lahat. Sa ganoong paraan lang tayo makakatagpo at magpapatalab sa pag-ibig na
kinahululugan ng lahat ng makahulugang pag-iral.
Sinasabi ng mga pantas ng pagbubukas sa pag-ibig na ang Diyos, bilang pag-ibig ay
higit sa ano mang mauunawaan ng tao. Kaya unang hakbang lang itong pagsasanay at
pagpapalalim ng pagbubukas. Patungo ito sa pagpapatalab sa bukal nang sa ganoon, siya ang
makitagpo sa atin at magpahayag ng sarili ayon sa kanyang katotohanan.
Kumbaga, kapag narating ang pinakaganap na pagbubukas ng magpagkakatiwalaang
pagbubukas ng pag-ibig, inaanyayaan at nagpapaubaya tayo sa bukal ng pag-ibig na baguhin
ang tao para maging angkop sa pagpapahayag ng walang-hanggan. Marahil hindi natin ganap
na makakatagpo ang banal sa mismong kayamanan ng pag-iral nito subalit unti-unti nating
makikilala ang presensiya nito sa pinaiiral na katalagahan. Sa ganitong pagkamulat,
natututunan nating basahin ang pagprepersensiya ng bukal, nakikilala ang loob ng bukal, at
natututunang tumugon sa tawag ng pagpapatupad ng sarili na ipinapahayag ng bukal sa
katalagahan. At kung tama ang sinasabi ng pantas ng Simbahang Katoliko na si San Juan de
la Cruz, habang tumutugon tayo sa tawag, lalo tayong binabago ng Diyos upang higit na
makayanan ang gawain ng pag-ibig, at sa ganoon maging buong tao. Kaya mahalaga ang
pagsasanay sa pagbubukas sapag-ibig dahil binabago rin tayo nito. Sa pagbubukas sa
pagprepresensiya ng mapagmahal na bukal ng lahat-lahat, lalo tayong ginagawang angkop sa
pagtanggap ng kanyang presensiya bilang pag-ibig.
At, sakaling wala palang mapag-ibig na manlilikha sa lahat ng ito, kailangan pa ring
matutong maging bukas nang makatagpo natin ang katahimikan ng kawalan. Doon lang natin
tiyak na malalaman kung meron man o wala. Pero dito rin natin makikilala kung ano ang
ating potensiyal bilang tao sa mundong walang kahulugan.

You might also like