Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Paghahanay ng mga Katuwiran at Pagbuo ng Paninindigan sa Posisyong Papel

Ang posisyong papel ay isang sulatin na nagpapahayag ng tiyak na paninindigan ng isang


indibidwal o grupo tungkol sa isang makabuluhan at napapanahong isyu. Naglalaman din ito ng mga
katuwiran o ebidensiya para suportahan ang paninindigan. Bukod sa paninindigan at mga katuwiran ng
sumulat, mahalagang bahagi rin nito ang posisyon at mga katuwiran ng kataliwas o katunggaling panig.
Karaniwang maikli lamang ang posisyong papel, isa o dalawang pahina lamang, upang mas madaling
itong mabasa at maintindihan ng mga mambabasa at mahikayat silang pumanig sa paninindigan ng
sumulat ng posisyong papel.

Maraming dahilan kung bakit makabuluhang sumulat ng posisyong papel. Sa panig ng may-akda,
nakakatulong ang pagsulat ng posisyong papel upang mapalalim ang pagkaunawa niya sa isang tiyak na
isyu. Pagkakataon ito para sa may:akda na magtipon ng datos, organisahin ang mga ito, at bumuo ng
isang malinaw na paninindigan tungkol sa isang paksa o usapin. Sa pamamagitan din ng posisyong papel,
naipakikilala niya ang kaniyang kredibilidad sa komunidad ng mga may kinalaman sa nasabing usapin.

Para sa lipunan naman, ang posisyong papel ay tumutulong para maging malay ang mga tao sa
magkakaibang pananaw tungkol sa isang usaping panlipunan. Nagagawa ito dahil ang posisyong papel ay
karaniwang ibinabahagi sa publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kopya o kayay sa paglalathala
nito sa pahayagan. Karaniwan din, ang posisyong papel ay nagtatapos sa isang panawagan ng pagkilos,
kaya sa pamamagitan nito, nagagamit itong batayan ng mga tao sa kanilang sariling pagtugon at
pagsangkot sa usapin. Dahil sa pagsangkot na ito ng mga mamamayan na naimpluwensiyahan ng
posisyong papel, masasabing nakakapag-ambag ito sa paglutas ng mga suliranin sa lipunan.

Mahalagang pagtuunan ang dalawang salitang paulit-ulit na gagamitin sa araling ito: katuwiran at
paninindigan. Mas.magandang gamitin ang katuwiran kaysa sa argumento; ang paninindigan kaysa sa
posisyon. Ang salitang katuwiran ay maaaring galing sa salitang "tuwid" na nagpapahiwatig ng pagiging
tama, maayos, may direksiyon, o layon. Ang paninindigan naman ay maaaring galing sa"tindig" na
nagpapahiwatig naman ng pagtayo pagtatanggol, paglaban, at maaari ding pagiging tama. Mayaman ang
kahulugan ng mga salitang katuwiran at paninindigan sa konteksto ng wika at kulturang Pilipino. Muli
nitong pinatutunayan ang kahalagahan ng paggamit pambansang wika sa diskursong Flipino.

Mungkahing Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel

1. Tiyakin ang paksa

May dalawang posibleng paraan kung paano nabubuo ang paksa ng posisyong papel. Una, puwedeng
reaksiyon ito sa isang mainit na usaping kasalukuyang pinagtatalunan. Pangalawa, puwedeng tugon
lamang ito sa isang suliraning panlipunan.

Sa una, karaniwang ang posisyong papel ay binubuo para sumangkot sa isang napapanahong
usapin na pinagtatalunan. Halimbawa, ang legalisasyon ng marijuana. Noon, hindi sumagi sa isip ng
marami na gawing legal ang paggamit nito. Ngunit nang matuklasan ang medikal na benepisyo ng
marijuana, nagkaroon ng dalawang makatuwirang panig sa isyu. Sa isang panig, naroon ang mga
magulang at simbahan na di-pabor sa legalisasyon ng paggamit ng marijuana. Sa kabilang banda naman,
naroon àng mga magulang din ng mga may malubhang karamdaman at ilang doctor na pabor sa
legalisasyon. Maaaring sumulat ng posisyong papel para suportahan ang alinman sa dalawang panig at
sumangkot sa kasalukuyang debate tungkol sa usapin.

Sa pangalawa, maaari din namang bumuo ng posisyong papel bunsod ng isang napansing
problema sa kagyat na kapaligiran o lipunan. Halimbawa, ang pagbabalik ng death penalty. Maaaring
hindi naman ito mainit na pinagtatalunan, pero kung may nakapansin na lumalala na naman ang krimen sa
lipunan, maaaring pasiglahin ang pagtatalo hinggil sa pagbuhay ng parusang kamatayan. Hindi man ito
talaga pinagtatalunan sa kasalukuyan, maaari pa ring bumuo ng posisyong papel para lamang ipaliwanag
ang magkasalungat na posisyon tungkol sa death penalty, gayundin ang posisyon ng may-akda tungkol
dito.

2. Gumawa ng panimulang saliksik

Matapos matiyak ang paksa, gumawa ng panimulang saliksik. Lalo na kung napapanahon ang
isyu, maaaring magbasa-basa ng diyaryo o magtatanong-tanong ng opinyon sa mga taong may awtoridad
sa paksa para mapalalim ang pagkaunawa sa usapin. Sikaping maging bukas muna ang isip para makabuo
ng matalino at makatuwirang posisyon. Iwasan munang kumiling sa isang panig na maaaring humadlang
para makita ang iba't ibang pananaw sa usapin.

3. Bumuo ng posisyon o paninindigan batay sa inihanay na mga katuwiran

Maglista ng mga argumento o katuwiran ng magkabilang panig upang matimbang ang dalawang
posisyon. Mas makabubuting isulat sa papel ang mga katuwiran sa dalawang hanayan para magkaroon ng
biswal na representasyon ng mga ito. Maaari ding pagtapat-tapatin ang bawat katuwiran at kontra-
katuwiran para makita kung alin ang walang katapat o hindi pa nasasagot. Tandaan na hindi ito pahabaan
ng listahan ng katuwiran. Kailangan pa ring timbangin ang bigat at halaga ng bawat isa. Batay sa
paglilista at pagtitimbang, bumuo ng sariling paninindigan.

4. Gumawa ng mas malalim na saliksik

Matapos matiyak ang sariling paninindihan sa isyu, maaaring magsagawa ng mas malawakan at
malalimang saliksik tungkol sa usapin. Sa yugtong ito, maaaring pagtuunan na ang mga katuwiran para sa
panig na napiling panindigan. Maaaring sumangguni sa mga aklat at akademikong journal. Maaaring
makipanayam sa mga taong may awtoridad sa paksang pinagtatalunan. Mahalaga ring gumamit ng mga
ulat ng ahensiya ng pamahalaan, NGO, pribadong organisasyon, pahayagan, at magasin upang
makapagtampok ng napapanahon mga datos o impormasyon.

5.Bumuo ng balangkas

Matapos matipon ang mga datos, gumawa ng balangkas para matiyak ang direksiyon ng pagsulat
ng posisyong papel. Maaaring gamiting gabay ang sumusunod na huwaran:

 Introduksiyon

Ipakilala ang paksa. Dito rin ipaliwanag ang konteksto ng usapin. Maaari na ring banggitin dito ang
pangkalahatang paninindigan sa usapin.

 Mga Katuwiran ng Kabilang Panig


Isa-isang ihanay dito ang mga katuwiran ng kabilang panig. Ipaliwanag nang bahagya ang bawat
katuwiran. Banggitin din ang sanggunian o pinagkunan ng katuwirang ito- mga dokumento,
memorandum, interbyu, at iba pa.

 Mga Sariling Katuwiran

Isa-isa namang ihanay rito ang sariling mga katuwiran. Sikaping may katapat na katuwiran ang bawat
isa sa kabilang panig. Bukod dito, maaari ding magbigay ng iba pang katuwiran kahit wala itong katapat.
Sa gayon, maipakikita ang kalamangan ng sariling paninindigan.

 Mga Pansuporta sa Sariling Katuwiran

Dito maaaring palawigin ang paliwanag sa sariling mga katuwiran. Maaaring magbigay dito ng
karagdagang ebidensiya para lalong maging kapani-paniwala ang sariling mga katuwiran.

 Huling Paliwanag Kung Bakit ang Napiling Paninindigan ang Dapat

Lagumin dito ang mga katuwiran. Ipaliwanag kung bakit ang sariling paninindigan ang pinakamabuti
at pinakakarapat-dapat.

 Muling Pagpapahayag ng Paninindigan at/o Mungkahing Pagkilos

Sa isa o dalawang pangungusap na madaling tandaan, muling ipahayag ang paninindigan. Sikaping
gawing maikli, malinaw, at madaling tandaan ang mga huling pahayag na ito. Maaari ding dito sabihin
ang mungkahing pagkilos na hinihikayat sa babasa ng posisyong papel.

(Isang halimbawang huwaran lang ito. Maaaring subukan ang iba pang paraan ng pagsasaayos ng
posisyong papel)

6. Sulatin ang posisyong papel

Kung may malinaw na balangkas, madali nang maisusulat ang posisyong papel. Kailangang buo
ang tiwala sa paninindigan at mga katuwiran. Kailangang maiparamdam at maipahiwatig sa mambabasa
na kapani- paniwala ang mga sinasabi sa posisyong papel. Ipakita ang kaalaman at awtoridad sa usapin.
Patunayan na ang sariling paninindigan ang siyang tama at nararapat.

7. Ibahagi ang posisyong papel

Walang silbi ang posisyong papel kung hindi ito maibabahagi sa publiko. Maaaring magparami
ng kopya at ipamigay ito sa komunidad, ipaskil sa mga lugar na mababasa ng mga tao, ipalathala sa
pahayagan, magpaabot ng kopya sa mga estasyon ng telebisyon, radyo, at iba pang daluyan. Maaari ding
gamitin ang social media upang maabot ang mas maraming mambabasa.

You might also like