Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha
Marhay na aldaw! Maayong adlaw! Maupay nga adlaw! Magandang Araw!
Sa ating ginagalangan at butihing punong-guro, ma’am Francy Perillo, sa mga dedikado’t nagagalingang guro ng Tapayas National High School, sa mga mag-aaral, kaibigan, magulang at mga panauhing naririto ngayon, isang mapagpalang araw po sa inyong lahat. Nais ko pong ipabatid sa inyong lahat na ako’y lubos na nagagalak sa pagkakataoing ito. Isa pong pribilehiyong maituturing na maanyayahan maging panauhing tagapanayam sa pagdiriwang na ito. Tulad ninyo, noon ako’y isa ring mag-aaral, nakaupo riyan, nagmamasid at nakikinig sa mga tagapag-salita sa entabladong ito. Tunay nga namang nananalaytay sa ating mga dugo ang pagka-Pilipino, kahit tapos na ang buwan ng Agosto ay heto pa rin kayo at nagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Patunay lamang ito na patuoy nating tinatangkilik at binubuhay ang ating Wikang Pambansa, ang Wikang Filipino. Kaya’t bilang pakikiisa sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa mahalagang maunawaan natin ang mensaheng nais ipabatid ng tema para sa taong ito na “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha. Kasabay ng paglipas ng panahon, maraming pagbabagong naganap. Para ba tilang nilalamon ng makabago at modernong panahon ang kinagisnan ng mga tao. Mga pagbabagong hindi lamang naganap sa ating kapaligiran kundi maging sa ating wika. Hindi na rin kasi natin maipagkakaila ang malaking gampanin ng wika. Ang Wikang Filipino at mga katutubong wika ay ang pundasyon ng ugnayang pangkaunlaran sa iba’t ibang larangan. Ano mang sektor, mapa ekonomiya, agrikultura, kalusugan at edukasyon ay kinakailangan ng agapay ng wika. Ang mga wikang ito ay mabisang kasangkapan sa pagkamit ng makamundong kaalaman at pagtuklas sa tunay na kalagayan ng ating lipunan. Sa matalinong paggamit ng wika ay nakatutuklas tayo ng mga iba’t ibang kaparaanan sa pagtuturo at iba’t ibang talento at kakayahan sa bawat isa sa atin. Ang wika ay patuloy na nabubuhay sa mumunting tuklas na nagiging daan sa pag-usbong at dakilang imbensyon at pagyabong pa lalo nito. Kaya’t sa pamamagitan nito ay nagagawa nating makipagsabayan sa mga pagbabagong nagaganap. Hindi na rin lingid sa ating kaalaman na nanganganib na ang kalagayan ng mga katutubong wika. Unti-unti ng naglalaho ang wikang salamin ng ating lahi at masaklap pa ay may ilan ng namamatay sa katutubong wika sa ating bansa. kaya’t kinakailangan na mabigyang karapatan ang mamamayang katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng edukasyon at partisipasyon sa gawaing pampamayanan gamit ang katutubong wika bilang pangunahing tulay sa pagpapanatiling buhay ng mga wikang pamana. Nararapat lamang na ipakita natin na higit nating mapayayaman ang wikang Filipino kung gagamitin natin ito at bibigyang respeto ang bawat wika sa ating bansa. Sa paggamit din ng mga katutubong wika ay higit nating mapapatatag ang pundasyon ng unang wika. Ang patuloy na pagbibigay ng halaga, pag-aaral at paggamit sa Wikang Filipino at mga katutubong wika ay maituturing na paghahasik ng binhi tungo sa mas mayabong na wika at higit na lilinang sa kognitibong kaalaman at kasanayan ng bawat isa. Gawin nating susi ang wikang Filipino at mga katutubong wika sa laganap na globalisasyon. Wikang naiintndihan, wikang nagbubuklod sa ating lahat at nagsisilbing identidad bilang isang Pilipino. Tandaan “WALANG WIKA ANG NANGINGIBABAW SA IBA! BAWAT WIKA AY MAGKAKAPANTAY- PANTAY, DAHIL BAWAT WIKA AY MAY NATATANGING KATANGIAN. KAYA’T ATIN ITONG TANGKILIKIN AT MAS LALONG PAGYAMANIN PA!