Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 18

KABANATA IV

KABESANG TALES

Ang mangangahoy na tumangkilik kay Basilio noong siya ay batà pa ay buháy at


malusog, bagama’t puti nang lahat ang kanyang buhok. Hindi na siya nangangaso
o nangangahoy. Bumuti ang kanyang kalagayan kayâ ngayon ay gumagawa na
lámang ng walis bilang aliwan.
Ang anak niyang si Telesforo o Tales, na dating kasamá matapos magkaroon
ng dalawang kalabaw at makapag-impok ng ilang daang piso, ay nagsarili na sa
tulong ng kanyang ama, asawa, at tatlong anak.
Hinawan nila ang masukal na bahagi ng kagubatan sa may labas ng bayan na sa
palagay nila ay walang may-ari. Habang hinahawan nila ito, ang mag-anak ay isa-
isang nilagnat. Ang asawa ni Tales at ang pinakamatandang anak niyang babae, si
Lucia, na nása kasibulan pa lámang, ay pumanaw. Ito ay inaasahan dahil sa hirap
ng kanilang naging gawain subalit ang sinisisi ng mag-anak ay ang mapaghiganting
espiritu ng kagubatan. Kayâ itinalaga na nila ang kanilang sarili at nagpatuloy sa
pagbubungkal sa pag-asang titigil na rin ang espiritu. Nang gagapasin na nila
ang unang ani, isang orden ng mga prayle na may lupain sa karatig-bayan ang
nag-aangkin ng bagong kahahawang lupain. Sinasabi nila na ito raw ay nása loob
ng hanggahan ng kanilang lupain at para patunayan ang kanilang sinasabi ay
nagtangkang maglagay ng pananda sa hanggahan. Ngunit ayon sa tagapangasiwa
ng nasabing orden dahil sa kanyang awa sa mag-anak ay pababayaan niya si Tales
na patuloy na linangin ang lupain sa kondisyong magbabayad siya ng maliit na
halagang dalawampu o tatlumpung piso taon-taon.
Sibs Publishing House, Inc. 21
Si Tales na ang gusto’y payapang búhay at nag-iisip na wala siyang alam sa Kastila
at walang perang pambayad sa abogado ay napilitang sumang-ayon. Isa pa’y napag-
isip-isip niya na walang laban ang kanyang palayok sa kawaling bakal. Sa ganitong
pangyayari ay pinayuhan siya ni Tandang Selo na kanyang ama.
“Magtimpi! Mas gugugol ka sa isang taong paghihintay sa usapin kaysa
magbayad ng sampung taon sa mga paring dayuhan. Hmm! Marahil ay babayaran
ka naman nila ng mga misa. Isipin mo na lámang na natalo ang tatlumpung piso
mo sa sugal. O kaya’y nahulog sa ilog at kinain ng mga buwaya.”
Masagana ang naging ani at naibenta sa mabuting halaga, kayâ naisipan ni
Tales na magpagawa ng bahay na tabla sa baryo ng Sapang, sa bayan ng Tiani, na
karatig ng San Diego.
Isang taon pa ang lumipas. Masagana pa rin ang ani. Dahil sa iba’t ibang mga
dahilan ay itinaas ng mga prayle ang buwis sa limampung piso. Binayaran ito ni
Tales para umiwas na lang sa gulo at sa pag-asang maibebenta ang kanyang asukal
sa mataas na halaga.
“Magtimpi,” ani Tandang Selo para siya ay aluin. “Isipin mo na lang na lumaki
ang buwaya!”
Nang taong iyon nagkatotoo ang kanilang pangarap—ang manirahan sa bahay
na tabla sa baryo ng Sapang. Pinangarap na ng mag-ama na papag-aralin ang
dalawang batà. Lalo na ang batang si Julia, Juli kung tawagin, na kababanaagan ng
kagandahan at katalinuhan. Ang kaibigan ng mag-anak na si Basilio ay nag-aral na
sa Maynila at ang kanyang pinagmulan ay hamak ding tulad nila.
Ngunit ang pangarap na ito ay hindi nagkatotoo. Nang unti-unting bumuti ang
búhay ng mag-anak, napuna ito ng mga kababayan at inatasan ang pinakamasipag
sa mga mag-anak, na si Tales, bilang pangunahing maniningil ng buwis sa baryo.
Ang kanyang anak na laláki noon, na si Tano, ay labing-apat na taong gulang
pa lámang nang siya ay tawaging Kabesang Tales, ibig sabihin ay si Tales ang
nangunguna. Siya ay nagpagawa ng isang tsaketa, bumili ng sombrerong piyeltro,
at humanda sa iba pang mga gastusin. Nang lumaon, para na lámang maiwasan
ang di pagkakaunawaan sa mga prayle at pamunuang panlokal, ay nag-aabono
na siya mula sa sariling lukbutan sa mga pangalang naitatala na nagsisilipat na
ng baryo o nangamatay na at mahabang panahon ang kanyang ginugugol sa
pagkolekta ng buwis at paglalakbay sa kabisera.
“Magtimpi,” ani Tandang Selong nangingiti. “Isipin mo na lámang na
nagsidating ang mga kamag-anak ng buwaya.”
Tuwing maririnig ni Kabesang Tales ang mga sinasabi ng anak na babae
tungkol sa pag-aaral ni Basilio sa Maynila ay nagsasabing, “Sa susunod na taon ay
ipadadala kitá sa Maynila para mag-aral, bihis na bihis, tulad ng mga kadalagahan
sa bayan.”
Subalit hindi na dumating ang susunod na taon. Sa halip ay itinaas na naman
ang buwis sa lupa at napakunot na si Kabesang Tales at nagkamot ng ulo. Ang
lámang kanin ng palayok ay napupunta na sa kawaling bakal.

22 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9


Nang umabot na sa dalawang daan ang buwis sa lupa, hindi na nakontento sa
pagbubuntonghininga at pagkamot ng ulo si Kabesang Tales. Tumutol na siya at
nagreklamo. Pinagsabihan siya ng tagapangasiwa na kung hindi siya magbabayad
ay ibang tao ang paglilinangin ng kanyang lupain. Maraming naghahangad sa
lupain na nag-aabang.
Akala ni Kabesang Tales ay nagbibiro ang prayle subalit hindi palá. Katunayan
ay bumanggit siya ng isa sa mga utusán na hahalili kung sakali. Ang kaawa-awang
si Tales ay namutla, umugong ang tainga, at pinagdimlan ng paningin. Para niyang
nakita ang kanyang asawa’t anak na maputla, yayat, at naghihingalo sa lagnat.
Nakita niya ang dating madawag na gubat na kanyang hinawan, naalala niya ang
pagtulo ng kanyang pawis na siyang dumilig sa mga pinitak; nakita niya ang sariling
nagsasaka sa kainitan ng araw, sugatan ang paang nakatapak sa mga bato at ugat
ng mga punongkahoy habang ang prayle ay nakasakay sa karwaheng sinusundang
parang alipin ng kanyang kapalit. Hindi siya makapapayag na angkinin nito ang
kanyang pinaghirapan. Mabuti pang lumubog na ang kanyang bukirin sa ilalim ng
lupa. At ano ba ang karapatan ng dayuhang ito para angkinin ang kanyang lupain?
May dalá ba ito kahit isang dakot na lupa sa kanyang bayan? Nagkilos ba ito ng
kahit isang daliri para bumunot ng damo?
Sa galit dahil sa pagbabanta ng mga prayle na nagpipilit ng kanilang
kapangyarihan sa anumang paraan dahil sa naroroon ang iba pang magsasaka,
si Kabesang Tales ay naghimagsik. Tumanggi siyang magbayad ng kahit na isang
pera. At matigas na nagsabing ipagkakaloob niya lámang ang kanyang lupain sa
unang laláking didilig dito ng dugo.
Nang makita ang mukha ng anak ay hindi nagkalakas-loob si Tandang Selo na
banggitin ang ukol sa buwaya. Sa halip pinilit niya itong payapain sa pamamagitan
ng pagbanggit ukol sa palayok na putik at pagpapaalalang sa mga usapin ay
nahuhubaran din ang nananalo.
“Sa alikabok táyo babalik, Tatang, at wala tayong saplot nang táyo ay isilang,”
sagot ng anak.
Tinotoo ni Tales ang di pagbabayad ng buwis at ang di pagbibigay ng kahit
na kapiraso ng kanyang lupain hangga’t hindi nakapaghaharap ng malinaw na
dokumento na ito nga ay sa mga prayle. Ngunit ang mga prayle ay walang ganoong
dokumento kayâ nakarating sa korte ang kaso. Lumaban si Tales sa paniniwalang
kundi man lahat ay mayroon pa rin namang mga hukom na nagmamahal sa
katarungan at nagpapatupad nito.
“Napaglingkuran at pinaglilingkuran ko ang hari sa pamamagitan ng aking
salapi at lakas,” salita niya sa mga pumipigil sa kanya. “Ngayon naman ay hinihingi
ko sa kanya ang katarungan at kailangang ibigay niya ito sa akin.”
Sa kasamaang-palad niya at ng kanyang mga anak sa usapin, unti-unting
naubos ang mga ipon niyang pera sa pagbabayad sa mga abogado, eskribyente,
at mga ahente bukod pa sa mga opisyal at eskribano na nagsamantala sa kanyang
kamangmangan at kaawa-awang katayuan. Nagpabalik-balik siya sa kabisera.

Sibs Publishing House, Inc. 23


May mga pagkakataong hindi siya nakatitikim ng pagkain at may mga gabing
hindi siya natutulog. Ang kanyang laging sinasabi ay ang mga hinaing, kasulatan,
paghahabol, at lahat ng bumubuo sa batas. Ito ay labanang ngayon lámang
nangyari sa Pilipinas: isang dukhang Indio, mangmang, at walang kaibigan, subalit
umaasa sa kanyang karapatan at sa kadakilaan ng kanyang ipinakikipaglaban,
lumalaban sa isang makapangyarihang korporasyon na pinagyuyukuran ng ulo ng
Katarungan, kung saan pinabayaan ng hukom na hindi magpantay ang timbangan
at isinuko ang espada. Buong giting siyang nakipaglaban, tulad ng langgam na
nangagat pa rin kahit batid na siya’y mapapatay, tulad ng langaw na nakakikita ng
puwang sa salamin. Ay, ang palayok na lumalaban sa mga kawali na nadudurog sa
kung ilang piraso ay kahanga-hanga. Sa kawalang pag-asa ay matatag pa rin ito.
Sa mga araw na wala siyang nilalakad ay lumilibot sa kanyang bukirin, may dalang
baril na ang katwiran ay maraming naggalang tulisan at kailangan niya ito upang
ipagtanggol ang kanyang sarili nang huwag mahulog sa kamay ng mga kalaban
at matapos ang usapin. Upang maging asintado ay namamaril siya ng mga ibon,
bungangkahoy, at paruparo. At nawala ang mabuting layunin sapagkat natanim
sa isip ng isang Indio na ang katarungan ay dapat na makapangyarihan hindi
lámang sa lupa kundi ganoon din sa langit. Abá, iyan ay kakatwa! Ang mga hukom
ay may mga pamilyang ang pangangailangan ay higit kaysa pangangailangan ng
pamilyang Indio. May hukom na nagpapadala ng pera sa kanyang ina. Alin ang
higit pang banal kaysa pagdakila sa isang ina? Ang isa ay may kapatid na babaeng
mag-aasawa na kailangan ang dote. Ang ikatlo ay maraming anak na siguradong
magugutom kung mawalan siya ng trabaho. Ang ikaapat ay nag-aalala sa kanyang
asawang iniwan sa malayo na maaaring matukso kung hindi matatanggap ang
kanyang buwanang kíta. At ngayon ang lahat ng mahistrado at mga hukom, na
may malinis na budhi at dakilang layunin, ay naniniwalang ginagawa nila ang
nararapat sa ganitong pagkakataon sa pamamagitan ng pagpapayo kay Tales na
magbayad na lang ng buwis. Ngunit si Tales na may malinis na budhi ay hindi
matinag sa kanyang paninindigan. Ang tangi niyang hangad ay ang katarungan.
Humihingi siya ng mga katunayan, dokumento, nasusulat na katunayan, titulo, na
wala sa mga prayle na ang tanging pinagbabatayan ay ang pagbabayad niya ng
buwis noong nakaraan.
Ang sagot naman ni Kabesang Tales ay:
“Kung nagbibigay akó ng limos sa pulubi para mawala na siya, mapipilit ba
akong ituloy ko ito kung nakita kong sinasamantala niya ang aking kagandahang-
loob?”
Walang makapagpabago sa kanyang paninindigan. Anumang pananakot at
pagbabanta ay hindi makapagpapabago sa kanyang isipan. Ang Gobernador ng
lalawigan ay nakipagkita na sa kanya para papagbaguhin ang kanyang isipan.
Subalit sinasagot niya ang Gobernador nang ganito:
“Gawin na ninyo ang inyong ibig, Ginoong Gobernador, akó ay walang pinag-
aralan at walang mapagkukunan, subalit pinaghirapan ko ang aking bukirin. Ang

24 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9


asawa ko at anak ay namatay sa pagtulong sa akin, ibibigay ko lámang ito sa
makagagawa nang higit sa aking ginawa. Babayaan ko munang diligin niya ito ng
dugo at malibing dito ang kanyang asawa at anak.”
Dahil sa katigasan ng ulo ni Tales ay pinanigan ng mga hukom ang mga
prayle. Pinagtawanan siya ng lahat at sinabing ang usapin ay hindi naipapanalo
sa pamamagitan ng mga argumento. Ngunit naghabol pa rin si Tales, nagkarga ng
baril, at tahimik na nagbantay sa kanyang mga hanggahan. Parang nahihibang na
si Tales, ang kanyang anak na si Tano, na halos kasintaas na niya at kasimbait ng
kapatid, ay nahirang na magkawal, pinayagan na ito ng ama upang maglingkod,
kaysa ipagbayad pa niya ng kapalit.
“Kailangang magbayad akó ng mga abogado,” ang sabi niya sa humahagulgol
na anak na babae. “Kung mananalo akó sa usapin, malalaman ko na kung paano
siya mapababalik. Kung matatalo akó, hindi ko na kakailanganin ang anak na
laláki.”
Ang anak ay lumisan at wala nang narinig sa kanya maliban sa siya ay
nagpagupit ng buhok at natulog sa ilalim ng kariton. Makalipas ang anim na
buwan, napabalitang siya ay ipinadala sa Carolinas. Ang iba naman ay nagsasabing
nakita siya na nakasuot ng uniporme ng guardia civil.
“Si Tano, guardia civil! Susmaryosep!” bulalas ng lahat na napadaop-palad. “Si
Tanong napakabait at napakatapat. Papaghingahin nawa ang kanyang kaluluwa!”
Hindi kinausap ni Tandang Selo ang kanyang anak nang mahabang panahon.
Nagkasakit si Juli ngunit hindi pumatak ang luha sa mata ni Kabesang Tales.
Dalawang araw siyang hindi lumabas, marahil ay sa takot sa nanunumbat na
tingin ng mga kapitbahay. Natatakot siyang matawag na berdugo ng sariling anak.
Subalit nang ikatlong araw ay lumabas siyang muli na may bitbit na baril.
Pinaghihinalaan siyang may balak pumatay. May isang kapitbahay na
nagbulong sa iba na narinig niyang nagbanta si Tales na ibabaon ang uldog sa
lupaing sinasaka nito. Gayon na lámang ang takot ng mga prayle. Dahil dito,
nagpalabas ng kautusan ang Kapitan-Heneral na nagbabawal sa pagdadala ng
baril at nagpapahayag ng pagsusuko nito. Isinuko ni Kabesang Tales ang kanyang
baril ngunit mahabang itak naman ang kanyang dinala.
“Anong magagawa ng iyong itak?” tanong sa kanya ni Tandang Selo. “Ang mga
tulisan ay may sandata.”
“Kailangang bantayan ko ang aking pananim,” sagot niya. “Ang bawat túbo ay
parang buto mula sa katawan ng aking asawa.”
Kinuha ng mga maykapangyarihan ang kanyang itak na umano’y napakahaba.
Ang pinasan naman ni Tales ay ang palakol ng ama sa kanyang kahindik-hindik na
pagbabantay.
Sa tuwing lalabas siya ng bahay ay nag-aalala sina Tandang Selo at Juli sa
kanyang búhay. Bibitiwan ni Juli ang kanyang habihan, tatanaw sa bintana,
magdarasal, mamamanata sa mga santo, at magnonobena. Hindi naman maiwasto
ng matanda ang ginagawang walis at nasabi nitong mabuti pang magbalik na silá
sa gubat. Naging pahirap nang pahirap ang pananatili sa bahay na iyon.
Sibs Publishing House, Inc. 25
Sa wakas ay nangyari din ang kanilang kinatatakutan. Sapagkat malayo ang
lupain sa kabahayan, si Kabesang Tales, kahit na may palakol, ay nahulog sa
kamay ng mga tulisan na may mga sandata at baril. Sinabi nila sa kanya na dahil
mayroon siyang perang pambayad sa abogado at mga hukom ay dapat din siyang
magbigay sa mga kawawa at api. Kaya’t humingi silá ng pantubos na limandaang
piso sa pamamagitan ng pag-uutos sa isang magbubukid. Nagbanta ang mga
itong papatayin ang bihag kung mahuhuli sa dalawang araw ang pagbibigay ng
pantubos.
Gayon na lámang ang pagkabalisa ng dalawa nang maláman ito—silá na
parehong mahina at walang mapagkukunan. Si Tandang Selo ay hindi mapalagay,
hindi maláman kung tatayo o uupo, iniisip kung saan pupunta, kung kanino hihingi
ng tulong. Si Juli ay lumuhod sa harap ng kanyang mga santo. Binilang nang paulit-
ulit ang kanyang pera. Subalit ang kanyang dalawang daan ay hindi na nadagdagan
pa. Pagkuwa’y nagbihis ito, inipon ang mga alahas, hiningi ang payo ng nuno.
Magsasadya raw siya sa Gobernadorsilyo, sa hukom, sa eskribyente, sa tenyente
ng mga guardia civil. Sumang-ayon ang matanda sa lahat at sumang-ayon din
nang magbago siya ng isipan. Nagdatingan ang ilang kapitbahay, ang ilan ay mga
kamag-anak, ang iba ay mga kaibígan. Ang ilan ay mahihirap pa sa iba ngunit ang
lahat ay maiingat sa pagpapahayag ng kanilang pagkaawa. Ang pinakaganid ay si
Hermana Bali, isang batikang pangginggera na kagagaling lang sa Maynila dahil sa
pagdalo sa pagsasanay na panrelihiyon sa Beaterio de la Compania.
Napagpasiyahang ipagbibiling lahat ni Juli ang kanyang mga alahas maliban sa
relikaryo na may brilyante at esmeralda na ibinigay ni Basilio. May kasaysayan ang
alahas na ito; ito ay ibinigay ng madreng anak ni Kapitan Tiago sa isang ketongin.
Ibinigay naman ito ng ketongin kay Basilio matapos niya itong gamutin. Hindi niya
ito maipagbili nang walang pahintulot ng binata.
Mabilis na naipagbili ang mga suklay, hikaw, at rosaryo ni Juli sa
pinakamayamang ginang sa baryong iyon. Dalawandaan at limampung piso pa
ang kulang, isasanla ba niya ang relikaryo? Umiling si Juli. May kapitbahay na
nagmumungkahing ipagbili ang bahay, bagay na sinang-ayunan naman agad ni
Tandang Selo pagkat maligaya siyang babalik sa gubat at mangunguha ng kahoy
na gaya nang dati. Ngunit naisip ni Hermana Bali na hindi maaari ang gayon dahil
wala ang tunay na may-ari.
“Minsan ay ibinenta sa akin ng asawa ng hukom ang kanyang tapis sa
halagang piso, ngunit ang sabi ng hukom ay balewala raw ang bentahan sapagkat
wala siyang pahintulot. Abá, binawi niya ang tapis ngunit hindi naman ibinalik
ang aking piso. Kayâ hindi ko siya binabayaran kapag nananalo sa panggingge. Sa
ganyang paraan ay nakabawi na akó sa labindalawang sentimos. Sa katotohanan,
iyan ang dahilan kung bakit akó nagpapanggingge. Hindi ko mababayaang may
mga taong hindi nagbabayad ng utang.”
May magpapaalala sana kay Hermana Bali tungkol sa kanyang utang subalit
mukhang naramdaman nito kayâ hindi siya binigyan ng pagkakataong magsalita
at nagpatuloy sa pagsasalita.
26 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9
“Alam mo ba kung ano ang dapat mong gawin, Juli? Humiram ka ng dalawang
daan at isanla mo ang inyong bahay. Sabihin mong babayaran mo pagkapanalo ng
usapin.”
Mukhang ito ang pinakamabuting gawin kayâ ginawa nila ito noong araw ding
iyon. Sinamahan ni Hermana Bali si Juli at nagsadya silá sa bahay ng mayayaman
sa Tiani. Ngunit walang pumayag na tumulong sa kalaban ng mga prayle. Ang
pagtulong daw rito ay paghanap ng hirap ng katawan at kamatayan. Sa wakas
ay may naawa sa kanyang isang matandang babaeng madasalin. Pinahiram siya
ng halagang kailangan niya sa kondisyong maninilbihan si Juli sa kanya hanggang
makabayad. Hindi naman mahihirapan si Juli. Ang gagawin lámang niya ay manahi,
magdasal, samahan ang matanda sa pagsisimba, at mag-ayuno paminsan-minsan.
Umiiyak na tinanggap ito ni Juli. Kinuha ang pera at nangakong magsisimulang
manilbihan kinabukasan—araw ng Pasko.
Nang maláman ng nunò ang kasunduan, nanangis itong parang batà. Diyata?
Ang kanyang apo ay maninilbihan, kagagalitan, at parurusahan, magkakaroon
ng makakapal na palad. Patutulugin sa kung saang sulok at gigisingin nang
anumang oras. Ang kanyang apo na ni hindi niya pinapayagang mabilad sa
araw. Si Juli, na maninipis ang palad at magaganda ang hubog ng paa’t kamay.
Ang pinakamaganda sa baryo at marahil ay sa bayan. Ang hinaharana gabi-gabi
ng mga binata? Ang kaisa-isang apong babae, ang tanging ligaya ng kanyang
hapông paningin. Ang dalagang napapanaginip niyang nakasayang may buntot,
nagsasalita ng Kastila, at namamaypay ng abanikong tulad ng mga anak-
mayaman. Si Juli, maninilbihang parang utusán.
Nanangis ang nuno na nagsabing siya’y magbibigti o hindi kakain.
“Kapag umalis ka,” lagi niyang sabi, “babalik akó sa gubat at hindi na muling
magbabalik.”
Pinilit siyang amuin ni Juli. Sinasabi nitong kailangan niya itong gawin upang
makabalik ang kanyang ama. Sabagay ay malápit na silang manalo sa usapin at
kapag nangyari iyon ay mababawi na siya sa paninilbihan.
Naging malungkot ang gabi para sa kanilang dalawa. Kapwa silá hindi
makakain at ang matanda ay ayaw matulog, nása isang sulok, hindi kumikibo at
hindi gumagalaw. Si Juli naman ay nagpipilit matulog ngunit hindi maisara ang
kanyang mga mata.
Hindi na niya masyadong inaalala ang kalagayan ng kanyang ama. Iniisip niya
ngayon ang kanyang sarili at siya ay naiiyak. Iniimpit ang mga hikbi para huwag
marinig ng nuno. Kinabukasan ay maninilbihan na siya. Ito pa naman ang mga araw
na karaniwang dumarating si Basilio buhat sa Maynila na may dalang alaala. Mula
ngayon ay kailangan niya nang limutin ang kanyang pag-ibig. Si Basilio na malápit
nang maging manggagamot at hindi dapat mag-asawa ng isang kahabag-habag
ang kalagayan, at naguguniguni niyang lumalakad itong patungo sa simbahan
kasabay ang pinakamaganda at pinakamayamang dilag sa bayan, kapwa bihis na
bihis, nakangiti, at masayang-masaya. Samantalang siya ay lumalakad sa likod ng
panginoon, may dalang nobena, buyo, at nganga. Parang may bumara sa kanyang
Sibs Publishing House, Inc. 27
lalamunan, parang huminto ang tibok ng kanyang puso at dumalangin siya sa
birhen na bayaan na muna siyang mamatay bago mangyari iyon.
“Sabagay,” naisip niya, “malalaman niyang pinili ko pa ang manilbihan kaysa
isangla ang relikaryo na bigay niya.”
Ang alalahaning ito ay pumapayapa sa kanyang isipan at nagkaroon siya
ng iba’t ibang guniguni. Sino ang nakaaalam? Bakâ biglang magmilagro. Bakâ
makakita siya ng dalawandaang piso sa ilalim ng imahen ng birhen. May mga
nabása na siyang mga milagrong tulad nito. Bakâ hindi na sumikat ang araw
at hindi na dumating ang kinabukasan. At bakâ manalo silá sa usapin. Bakâ
sumipot ang ama o dumating si Basilio. Bakâ makatagpo siya ng sako ng ginto sa
mga bulaklak o maaaring padalhan siya ng tulisan o ni Padre Camorra na laging
nagbibiro sa kanya. Kung ano-ano ang kanyang naiisip hanggang makatulog dahil
sa dalamhati at pagod. Napanaginipan niya ang kanyang kabataan sa gitna ng
gubat. Naliligo siya sa batis kasáma ang mga kapatid. Maraming sari-saring kulay
na isda ang nagpapahuli sa kanya ngunit hindi siya nasisiyahang manghuli ng
isda. Nása tubig din si Basilio ngunit hindi niya maláman kung bakit ang mukha
niya ay ang kay Tano. Pinanonood silá ng kanyang panginoon mula sa pampang.

UNAWAIN
1. Ipakilala si Kabesang Tales sa tulong ng character profile:
Buong Pangalan

Edad

Pinag-aralan

Magulang

Kalagayan sa Búhay

Mga Simulain/Prinsipyo

2. Anong katotohanan ng búhay ang inilalahad sa kabanatang ito?
3. Bakit matagal na hindi kinausap ni Tandang Selo ang anak na si Tales?
Makatwiran ba ang kanyang mga dahilan?
4. Paano ang ginawang pakikipaglaban ni Kabesang Tales sa korporasyon ng
mga pari? Ano-ano namang mga panggigipit ang ibinalik sa kanya?
Ipagpatuloy ang pagbasa sa susunod na kabanata.

28 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9


KABANATA V
NOCHE BUENA

NG ISANG KUTSERO

Pagdating ni Basilio sa San Diego ay tamang-tamang nagpuprusisyon sa mga


lansangan para sa Kapaskuhan. Nabalam siya nang matagal dahil nalimutan ng
kutsero ang kanyang sedula kayâ siya ay inaresto ng mga guardia civil. Ang kaawa-
awa ay kinulata ng dulo ng baril nang kung makailang ulit at dinala sa kuwartel.
Ngayon ay nababalam na naman silá dahil naman sa prusisyon. Ang kawawang
kutsero ay buong pitagang nag-alis ng sambalilo at nagdasal ng “Ama Namin”
pagdaan ng una sa mga imahen sa karosa. Ang imahen ay mukhang dakilang
santo, isang matandang laláki na may pinakamahabang balbas, nakaupo sa bingit
ng isang hukay sa ilalim ng punong hitik sa lahat ng klaseng pinatuyong ibon.
Mayroon siyang isang kalan, palayok, pandikdik, at mga gamit sa nganga. Parang
nagmumungkahi na ang matandang laláki ay nakatira at kumakain sa bingit ng
hukay. Sa Pilipinas ang imaheng ito ay si Matusalem; ang kapareho nito sa Europa
at marahil ay kapanahon ay tinatawag na Noel na higit na masigla at masayahin.
“Noong kapanahunan ng mga santo,” anang kutsero, “walang maraming
guardia civil pagkat kung may nangungulata ay hindi mabubuhay nang matagal
ang mga tao na tulad niyan.”
Sumusunod sa matanda ang tatlong haring Mago na nakakabayo. Sasayaw-
sayaw ang kabayo ng tatlo, lalo na ang kay Haring Melchor na waring ibig sagasain
ang kabayo ng dalawang puting haring Gaspar at Baltazar.
“Wala talagang guardia civil noon,” paglalahat ng kutsero sa mga napanood.
Napapabuntonghininga sa panghihinayang sa masasayang panahong iyon. “Kung
mayroon, ang maitim na lalaking iyon ay hindi makasasabay sa dalawang Kastila
sapagkat mabibilibid siya.”
Sibs Publishing House, Inc. 29
Nang makitang ang maitim na laláki ay nakasuot ng korona na tulad ng
dalawang kasáma, naalala niya ang hari ng mga Indio at napabuntonghininga.
“Alam ba ninyo, Senyor,” ang tanong niyang may paggalang, “kung nakawala
na ang kanyang kanang paa?”
“Kaninong kanang paa?”
“Sa hari po,” sagot ng kutsero sa mahinang tinig na lipos ng kahiwagaan.
“Aling hari?”
“Ang hari po natin, ang hari ng mga Indio . . . ” Nangiti si Basilio at napakibit-
balikat.
Napabuntonghiningang muli ang kutsero. Ang mga magbubukid nang
panahong iyon ay may nabubuhay pang alamat. Di umano ang kanilang hari ay
nakakulong at nakakadena sa yungib sa San Mateo. Darating daw ang araw na
ililigtas ang mga tao sa mananakop. Tuwing ikasandaang taon ay naaalis niya ang
isa sa kanyang mga kadena. Hanggang nawala na ang kadena sa kanyang mga
kamay at kaliwang paa. Kayâ kanang paa na lámang niya ang nakakadena. Tuwing
kikilos ang hari para maalis ang kanyang kadena ay lumilindol. Siya ay napakalakas
kaya’t napupulbos ang butong iniaabot sa kanya ng mga Indio. Tinatawag siyang
Haring Bernardo. Marahil ay naipagkakamali siya kay Bernardo Carpio na di
umano’y bayaning Kastila na tumalo kay Rolando ng Pransya.
“Kapag nakawala na ang kanyang kanang paa,” usal ng kutsero, “ibibigay ko sa
kanya ang aking mga kabayo, magpapaalipin, at magpapakamatay dahil sa kanya;
siya ang magtatanggol sa atin laban sa mga guardia civil.”
Sinundan ng naiiyak niyang mga mata ang papalayong tatlong hari.
Sumusunod ang dalawang pila ng mga laláki. Malulungkot ang mga mukha
at mapapanglaw na para bang napilitan lámang dumalo. Ang iba ay may dalang
parol na nása patpat na kawayan, at ang iba’y mga sulo. Pasigaw nilang dinadasal
ang rosaryo na para bang silá ay nakikipag-away. Kasunod si San Jose na nása
isang payak na andas at mapanglaw ang mukha at ang tungkod ay may bulaklak
na azucena. Nakapagitan siya sa dalawang guardia civil na para bang siya ay hinúli.
Ngayon ay alam na ng kutsero kung bakit ganoon kalungkot ang mukha ng santo.
Dalá marahil ng takot sa mga sibil o kawalan ng pitagan sa santong may gayong
kasáma ay hindi man lámang ito nagdasal para sa mga patay. Kasunod ni San Jose
ang mga batang babaeng may mga belong nabubuhol sa ilalim ng mga babà.
Nagdarasal din ng rosaryo ngunit hindi kasinlakas noong sa mga laláki. Sa kanilang
kalagitnaan ay makikita ang ilang batà na naghihilahan sa kunehong papel na may
nakataas na buntot na naliliwanagan ng maliliit at mapupulang kandila. Isinasama
sa prusisyon ang mga batang may hilang laruan upang pasayahin ang pagdiriwang
ng kaarawan ng Mesiyas. Ang maliliit na kuneho ay matataba at bilugan tulad
ng itlog at mukhang kaysigla sapagkat ang iba’y napapasayaw at nawawalan ng
panimbang, nabubuwal, at nagsisindi. Pinipilit ng may-aring patayin ang apoy,
hinihipan nang katakot-takot at hampas dito, hampas doon ang ginagawa, kayâ
sunog na ang laruan ay nawawasak pa, kayâ umiiyak ang may-ari. Napansin ng

30 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9


kutsero na taon-taon ay paunti nang paunti ang maliliit na kuneho na yari sa papel.
Para bang dinaanan ng salot tulad ng búhay ng mga hayop. Naisip ni Sinong, ang
nanggugulpi ng dalawa niyang kabayo, na pabasbasan sa prayle ang mga ito at
magbayad ng sampung piso para huwag mahawa sa iba. Hindi malunasan ang
peste ng pamahalaan, ni ng mga kura man. Subalit namatay rin ang mga kabayo.
Inalo niya ang sarili, sapagkat simula nang mawisikan ng bendeta at madasalan ng
Latin ay nagmapuri at naging sobra ang pagpapahalaga sa sarili ng mga kabayo.
Bilang mabuting Kristiyano ay hindi niya napalo ang mga iyon sapagkat ang wika
ng isang Hermana Tersero ay benditado na raw iyon.
Ang kahuli-hulihan sa prusisyon ay ang birhen, nakasuot pastora at may
sombrerong may malapad na perdiyos at may mahahabang balahibo upang
ipakita ang paglalakbay sa Jerusalem. Nilagyan ng mga putol na kahoy at bulak
ang tiyan nito upang ipakitang nagdadalantao ang birhen. Ito ay napakagandang
imahen. Malungkot din ang mukha tulad ng lahat ng imaheng gawa ng mga
Pilipino, parang kimi, marahil ay dahil sa ginawang ayos dito ng kura paroko. Sa
harapan ay may mga manganganta, nása likod ang mga musikero at mga guardia
civil. Gaya ng dapat asahan ang kura ay hindi dumalo. Sa taong iyon ay galít siya
dahil kinailangan pa niya ang diplomasya at dulas ng dila para mahikayat ang mga
taong magbayad ng tatlumpungpiso para sa bawat misa de aguinaldo sa halip na
dating dalawampung piso.
“Nagiging filibustero na kayo,” wika niya.
Nalibang sa panonood ng prusisyon ang kutsero kaya’t nang makaraan na ito
at sabihin ni Basilio na lumakad na silá ay hindi niya napansing namatay palá ang
ilawan ng kanyang karomata. Hindi rin napansin iyon ni Basilio na wiling-wili sa
pagmamasid sa mga bahay-bahay na naiilawan sa loob at labas ng mga nagbiting
parol na may sindi at sari-saring ayos at kulay. May estrelyang nakakabit sa loob
ng bilog at may mahahabang buntot na lumilikha ng marahang pagaspas kapag
nahipan ng hangin. May maliliit na mga isdang gumagalaw ang mga buntot at may
ilawang langis sa loob ng mga ulo. Ang mga ito ay ibinitin upang magpasaya sa
pagdiriwang. Napuna ni Basilio na kakaunti ang mga palamuti at estrelyang parol
hindi tulad ng nakaraang mga taon. Halos walang marinig na tugtugin sa lansangan.
Ang mga tahanan ay waring tahimik at walang kaguluhan sa paghahanda ng
pagkain. Naisip ng binata na ito ay dahil sa pasamâ nang pasamâ ang takbo ng
búhay. Ang halaga ng asukal ay mababa. Nawala ang dating mabuting ani ng palay.
Namatay ang kalahati ng mga hayop na pansaka. Di mapigilan ang pagtaas ng upa
ng buwis, habang ang pagsasamantala ng mga guardia civil na palalâ nang palalâ
ay kumikitil sa pagsasaya sa bayan-bayan.
Ito’y dinidili-dili ni Basilio nang may tinig na sumigaw ng alto. Nagdaraan silá
sa harap ng kuwartel nang isang guardia civil ang nakakita sa patay na ilawan ng
karomata at hindi ito pinalagpas. Pinaulanan ng insulto ang kawawang kutsero
na hindi magkandatuto sa pagdadahilang napakahaba ng prusisyon at sapagkat
aarestuhin ang kutsero sa pagsuway sa kautusan at maaari pang malimbag ang

Sibs Publishing House, Inc. 31


pangyayari sa pahayagan, ipinasiya ng tahimik at mahinahong Basilio na lumakad
na lámang nang bitbit ang maleta. Ito ang San Diego, ang kanyang matatawag na
bayan. Subalit wala na siya ni isang kamag-anak.
Ang tanging bahay na may kasayahan ay ang kay Kapitan Basilio. Dinig na dinig
ang putakan ng mga manok at sagitsit ng mantika sa kawali. Matitiyak na may
handaan sa bahay na iyon at umaabot sa daan ang masasarap na amoy ng mga
iniluluto.
Nasulyapan ni Basilio si Sinang sa entreswelo. Maliit pa rin ngunit mas tumaba
at bumilog mula nang mag-asawa. Sa loob, nabigla siya nang makitang nakikipag-
usap kay Kapitan Basilio, kura paroko, at alperes si Simoun, ang mag-aalahas na
laging may suot na asul na salamin at laging mapagwalang-bahala.
“Areglado, Ginoong Simoun,” ani Kapitan Basilio, “pupunta kami sa Tiani para
makita ang inyong mga alahas.”
“Pupunta rin akó,” pakli ng alperes. “Kailangan ko ng relo, ngunit napakarami
kong inaasikaso. Kung maikukuha mo akó ng isa, Kapitan Basilio.”
Maluwag sa loob na gagawin ito ni Kapitan Basilio dahil ibig niyang
makipagmabutihan sa alperes para huwag pakialaman ang kanyang manggagawa
sa bukid. Tinanggihan niya ang perang pinaghihirapang hagilapin ng alperes sa
bulsa.
“Hayaan ninyong maging pamasko ko na ito sa inyo.”
“Hindi ko mapapayagan ito, Kapitan, hindi ko mapapayagan.”
“Buweno, maaari natin iyang pag-usapan pagkatapos,” ani Kapitan Basilio.
Ang kura paroko naman na may gusto ng isang pares na hikaw ay nakiusap din
na ikuha na lang siya ni Kapitan Basilio.
“Ang ibig ko ay iyong may mataas na uri, sakâ na lang din natin pag-usapan.”
“Huwag kang mag-alala, Padre,” pakli ng butihing laláki na ibig ding
makipagmabutihan sa simbahan.
Ang hindi magandang ulat mula sa kura paroko ay lubhang makasasamâ sa
kanya. At maaari siyang gumugol ng mahigit pa. Ang hikaw ay sapilitang regalo.
Samantala, panay ang puri ni Simoun sa kanyang mga alahas.
Sobra ang taong ito. Naisip ng estudyante. Nagnenegosyo siya kahit saan.
At kung paniniwalaan ang mga balita, binibili niya nang kalahati lámang sa
presyo ang mga alahas na ibinebenta niya upang ipanregalo naman sa mga bumibili
sa kanya. Lahat ay nagnenegosyo sa bansang ito maliban sa mga Pilipino.
Tumuloy na si Basilio sa kanyang bahay, o sa bahay ni Kapitan Tiago na
binabantayan ng taong mapagkakatiwalaan. Malaki ang paggalang sa kanya
ng katiwala mula nang masaksihan nito ang pagtitistis na para bang naghihiwa
lámang ng manok. Naghihintay ang katiwala para balitaan ang binata. Dalawa sa
katulong sa bukid ay nása kulungan. Ang isa ay ipatatapon. May mga namatay na
hayop.
“Matandang kasaysayan, lagi na lang,” pútol ni Basilio. “Lagi na lang ninyo
akong sinasalubong na may mga problema.”

32 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9


Dahil lagi siyang napagagalitan ni Kapitan Tiago, ibig naman niyang kagalitan
ang kanyang pinamamahalaan nang hindi naman pinagmamalupitan. Nag-isip ng
iba pang maibabalita ang matanda.
“Isang kasamá natin ang namatay. Ang matandang laláking katiwala sa gubat.
Ayaw pumayag ng kura na bigyan ng pangmahirap na misa dahil sang-ayon sa
kanya ay mayaman naman daw ang kanyang panginoon.”
“Ano ho ang ikinamatay?”
“Katandaan.”
“Katandaan, kung sa sakít man lang sana.”
Si Basilio ay mahilig sa autopsiya.
“Wala ba kayong bagong maibabalita? Nawawalan akó ng gana sa dati at dati
ninyong sinasabi sa akin. May balita ba kayo tungkol sa Sapang?”
Sinabi ng matanda ang pagkakabihag kay Kabesang Tales. Hindi umimik si
Basilio at nag-isip nang malalim. Tuluyan na siyang nawalan ng ganang kumain.

UNAWAIN
1. Ano-ano ang mga napansin ni Basilio pagsapit niya sa San Diego nang
gabing bisperas ng Paskong iyon? Ilarawan ito.
2. Bakit sinusuyo ni Kapitan Basilio ang alperes at ang kura?
3. Sa paanong paraan niya ipinakikita ang panunuyo?
4. Nararapat nga bang parusahan ang kutsero? Ipaliwanag ang iyong sagot
kung ikaw ang lumagay sa katayuan ng kutsero at ng guardia civil.
5. Anong uri ng dulog ang makikita sa kabanata? Realismo o Humanismo?
Ano ang mga binabalak gawin ni Basilio sa pagbabalik niya? Alamin sa susunod
na kabanata.

KABANATA VI

SI BASILIO
Nang magsimulang patugtugin ang kampana para sa misa de gallo, ang
mga nagpapahalaga sa mahimbing na tulog kaysa sa mga pista at kasayahan ay
nangagising na bubulong-bulong dahil sa kaingayan at kaguluhan. Si Basilio ay
maingat na nanaog, nagpaliko-liko ng dalawa o tatlong ulit sa mga daanan, at nang
matiyak na walang nakakikita o sumusunod sa kanya ay tinalunton ang landas na
di gawing daanan ng mga tao at tumungo sa matandang kagubatan ng mga Ibarra,
na nabili ni Kapitan Tiago nang samsamin at ipagbili ang ari-arian ni Ibarra.
Ang Pasko nang taóng iyon ay natapat sa pagliit ng buwan kayâ ubod ng dilim
sa kagubatan. Ang tugtog ng kampana ay tumigil na at wala nang maririnig kundi

Sibs Publishing House, Inc. 33


ang mangisa-ngisang hulíng dupikal na umaalingawngaw sa katahimikan ng gabi.
Walang mauulinigan maliban sa lagitik ng mga sanga ng kahoy na gumagalaw sa
ihip ng hangin, at sa hampas ng mga alon sa kalapit na lawa na animo’y hilik ng
isang natutulog nang mahimbing.
Dahil sa alaala ng lugar at sandaling iyon, yuko ang ulong inaaninag ni Basilio
ang tinatahak na landas sa pusikit na kadilimang iyon. Panaka-naka ay nagtataas
siya ng ulo upang apuhaping makita ang mga bituin sa pagitan ng mga sanga
ng punongkahoy. Patuloy niyang tinatalunton ang kagubatan, hinahawi ang
madadawag na sanga, at hinihila ang mga nakasasagabal na baging. Minsa’y
napapabalik siya dahil sa nasasalabid ang paa sa mga siit na matitinik o kaya’y
natitisod sa nakalimbutod na mga ugat ng mga buwal na punò. Pagkaraan ng
kalahating oras narating niya ang isang maliit na batis na sa kabilang pampang
ay may isang tila gulod, isang madilim at walang hugis na burol na sa kadiliman
ay tila isang mataas na bundok. Tinawid ni Basilio ang batis sa pamamagitan ng
paglundag-lundag sa mga batong wari’y itim sa kinang ng tubig. Umakyat siya
sa buról at tumungo sa isang munting pook na nakakulong sa matanda’t sira-
sirang moog. Tinungo ang baliting malaki, mahiwaga, at pinatanda ng panahon.
Nása kalagitnaan na ang mga ugat ay umakyat-bumaba sa maraming sangang
nakapulupot.

Tumigil siya sa harap ng bunton ng mga bato, nag-alis ng sombrero, at wari’y


nananalangin. Doon nakalibing ang kanyang ina, kaya’t tuwing magtutungo
siya sa San Diego ay una niyang dinadalaw ang di kilala at walang palamuting
libingang iyon. Dahil dadalaw siya sa mag-anak ni Kabesang Tales kinabukasan
kayâ sinamantala niya ang gabing iyon para gawin ang kanyang tungkulin.
Naupo siya sa isang bato at nag-isip nang malalim. Nagbalik sa kanyang
alaala ang lumipas nang tulad sa isang mahabang laso. Nang una’y kulay rosas,
pagkatapos ay dumilim at natigmak sa dugo, naging itim, napakaitim, pumusyaw
ang kulay, naging abuhin, naging mas mapusyaw. Hindi niya makita ang kabiláng

34 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9


dulo na nakakubli sa likod ng ulap na pinaglalagusan ng liwanag at unang sinag ng
namimitak na araw.
Ganap nang labintatlong taon ang lumipas buhat nang mamatay ang kanyang
ina. Namatay sa pook na iyon. Namatay ang kanyang ina sa gitna ng malabis na
pagdadalamhati at karalitaan isang gabing maliwanag ang buwan, habang ang
mga Kristiyano sa buong daigdig ay masayang nagdiriwang. Sugatan at pipilay-
pilay siyang nakarating doon sa pagsunod sa kanyang baliw na ina. Siya ay hindi
nakakikilala at kinatatakutan pa ang nagpapakilalang anak. Doon siya namatay.
Isang di kilalang laláki ang nakatagpo sa kanya at nag-utos na gumawa siyá ng
siga. Parang wala sa sarili siyang sumunod at nagbalik na may dalang mga kahoy.
Natagpuan niya ang isang laláki sa tabi ng bangkay ng nauna. Ang di kilalang tao ay
tumulong sa kanyang sumunog ng bangkay ng laláki at maglibing sa kanyang ina.
Pagkatapos ay binigyan siya ng pera at siya’y pinaalis. Noon lámang niya nakita
ang lalaking iyon. Matangkad, namumula ang mga mata, mapuputla ang mga labì,
at matangos ang ilong.
Ulila nang lubos, walang magulang at kapatid, at takót na takót sa
maykapangyarihan, si Basilio ay lumisan sa San Diego at lumuwas ng Maynila.
Naisip niyang manilbihan bilang utusán sa bahay ng isang mayaman at makapag-
aral tuloy gaya ng ginagawa ng marami. Ang kanyang paglalakbay ay punô ng
ligalig, gutom, at di pagtulog. Pinawi niya ang kanyang gutom sa pamamagitan ng
pagkain ng bungangkahoy sa gubat na pinapasok niya kapag nakakikita ng guardia
civil na siyang puno’t dulo ng lahat ng kanyang mga kasawian. Nang marating niya
ang Maynila, maysakít at gula-gulanit ang damit, nagtungo siya sa bahay-bahay
upang maghandog ng kanyang paglilingkod. Isang batang tagalalawigan na walang
nawawatasan ni isang salitang Kastila at may karamdaman pa nga, lumaboy-laboy
siya sa mga lansangan, nawalan ng pag-asa, nagugutom, at nalulungkot. Madalas
na kinaawaan dahil sa kanyang hitsura at gula-gulanit na damit. Makailang
beses niyang naisip na pasagasa sa mabibilis tumakbong kabayo na may mga
hilang karwaheng nagkikislapan sa pilak at barnis upang matapos nang lahat ang
kanyang mga paghihirap. Sa kabutihang-palad ay nakita niyang nagdaraan sina
Kapitan Tiago at Tiya Isabel. Sila’y kílala niya noon pa sa San Diego. Sa malaking
katuwaan ay halos ipalagay niyang siya’y nakatagpo ng mga tunay na kababayan.
Sinundan niya ang karwahe ngunit nawala sa paningin. Sa wakas ay natunton niya
ang kanilang bahay. Palibhasa’y kapapasok lámang ng araw na iyon ni Maria Clara
sa beateryo kayâ si Kapitan Tiago’y lubhang namimighati. Dahil dito’y natanggap
siya bilang utusán na walang bayad subalit pinahintulutan siyang makapag-aral sa
San Juan de Letran kung kailan niya ibigin.
Makalipas ang ilang buwang pananatili sa Maynila, siya ay nag-aral ng unang
taon sa Latin. Siya ay marumi, walang kaayusan, at nakabakya. Kayâ nilalayuan
siya ng mga kaklase. Hindi siya tinatawag sa klase ng propesor na isang makisig
na Dominiko at tuwing makikita siya ay napapakunot-noo. Sa loob ng walong
buwang pag-aaral ay walang narinig na pag-uusap ang guro at si Basilio maliban

Sibs Publishing House, Inc. 35


sa pagbása ng kanyang pangalan at pagsagot naman niya ng adsum sa araw-
araw. Nahuhulaan na ni Basilio kung bakit ganoon ang pakikitungo sa kanya ng
lahat. Sa kapaitan ng loob ay dumadaloy ang di mabilang na luha sa mga pisngi
at naghihimagsik ang loob. Kapag sumusunod siya kay Kapitan Tiago sa San Diego
kung kapaskuhan ay umiiyak siya sa harap ng puntod ng ina. Isinusumbong niya
ng kanyang mga dalamhati at kahihiyang tinitiis. Sa kabila nito’y isinaulo niyang
mabuti ang kanyang leksiyon. Pati kuwit ay memoryado niya. Kahit wala siyang
maintindihan sa mga iyon. Ngunit tinanggap niya ang kanyang kapalaran lalo na
nang makitang sa tatlo o apatnaraang mag-aaral sa klase, mga apatnapu lámang
ang natatawag at ang mga ito ay ang mga tipo ng propesor. Mga taong may
natatanging kakayahan, magaling mambola, o mga taong may kapansin-pansing
personalidad. Subalit maraming nagbubunyi dahil hindi na nila kailangang
mag-isip at umunawa. Pumapasok silá sa kolehiyo hindi upang matuto at mag-
aral kundi upang makompleto ang pangangailangan ng kurso. Kung maisasaulo
nila ang aklat, wala nang itatanong pa sa kanila at makatitiyak silang papasá sa
susunod na baitang.
Naipasá ni Basilio ang pasalitang pagsusulit sa pamamagitan ng pagsagot
sa kaisa-isang tanong tulad sa isang makinang hindi tumitigil at humihinga.
Nagkakatuwaang ipinasá siya ng mga nagbigay ng pagsusulit. Ang siyam niyang
kasáma, dahil sampu-sampu kung bigyan silá ng pagsusulit, ay lumagpak at umulit
ng isang taon pa.
Nang siya’y nása ikalawang taon, nanalo nang malaki ang tandang ni Kapitan
Tiago na alaga niya. Binalatuhan siya nito nang malaki-laki. Ibinili niya kaagad ito
ng isang pares ng sapatos at sombrerong piyeltro. Sa tulong ng mga ito at ng
damit na gáling kay Kapitan Tiago na kanyang ipinaayos ay unti-unting naging
disente ang hitsura niya. Subalit hanggang doon na lámang. Sa isang napakalaking
klase, ang sinumang mag-aaral sa unang taon na hindi napansin ng propesor dahil
sa kawalan ng natatanging kakayahan o ugaling kapansin-pansin ay mahirap nang
makilala hanggang matapos mag-aral. Ngunit talagang masigasig si Basilio.
Nagbago nang kaunti ang kanyang kapalaran nang magsimula siya sa
ikatlong taon. Pinalad siyang maging guro ang isang mayamang Dominiko na
mahilig manudyo at magpatawa. Laging ang mga paborito niyang mag-aaral
ang pinagpapaliwanag ng leksiyon dahil mayroon siyang katamaran. Hindi siya
masyadong mahigpit. Sa pagkakataong ito ay nakapagsuot na si Basilio ng bota at
kamisandentro na laging malinis at plantsado. Napuna ng propesor na si Basilio ay
hindi tumatawa sa kanyang mga biro at parang laging nagtatanong ang mga mata
kayâ ipinalagay niyang ito ay hangal. Isang araw ay ipinasiya niyang hiyain ito sa
harap ng klase. Walang gatol o kamaliang binigkas ni Basilio mula una hanggang
hulí ang leksiyon pagkat saulado niya. Binansagan siya ng propesor na loro at
nagsalaysay ng kuwentong hinalakhakan ng buong klase. Upang maragdagan
ang katuwaan at mapangatwiranan ang pagbabansag ng loro kay Basilio ay
pinagtatanong siya sabay kindat sa mga paborito niyang mag-aaral na para bang
ang ibig sabihi’y “Tingnan ninyo at magkatuwaan táyo.”
36 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9
Ngunit marunong na noong mangastila si Basilio kayâ nasagot niyang lahat
nang mabuti ang mga tanong at walang naging katatawanan. Lahat ay nabigo sa
inaasahang katuwaan. Hindi napatawad ng prayle sa pangyayaring ito si Basilio.
Binigo niya ang pag-asa ng buong klase at nagkabula ang hula ng propesor.
Subalit anong katalinuhan ang maaasahan sa gugol na buhok ng isang Indiong
gusgusin na tinaguriang isang lorong hindi alam ang sinasabi? Sa ibang institusyon
ng karunungan na talagang may layuning magturo ay ikatutuwa ng propesor
ang pagkatuklas ng matatalinong mag-aaral. Sa kabiláng dako, sa institusyong
naniniwala na ang karunungan ay pinagmumulan ng kasamaan, ang nangyari
kay Basilio ay magbubunga ng di kanais-nais. Hindi na siya tinanong hanggang
katapusan ng taon.
Nagpatuloy si Basilio sa ikaapat na taon na sirâ ang loob at parang ibig nang
tumigil sa pag-aaral. Bakit pa siya magsisikap na mag-aral? Bakit hindi na lámang
siya matulog at iasa ang lahat sa kapalaran?
Isa sa mga propesor niya sa klase ay kilaláng-kilalá at naiibigan ng lahat. Kilalá
siyang isang paham, magaling na manunulat, at may progresibong kaisipan. Isang
araw na sinasamahan niya sa pamamasyal ang mga mag-aaral ay nakipagtalo siya
sa ilang kadete. Ito’y humantong sa paghahamunan. Ang propesor na maaaring
naaalala pa ang kanyang mapusok na kabataan ay nangalap ng mga mag-aaral
na sasama sa labanan sa susunod na linggo. Naging maganda ang labanang iyon.
Kung ilang ulit nagkaroon ng paglalaban ng tungkod at espada at si Basilio ay
napatanyag sa isa sa mga ito.
Pinasan siya sa balikat ng mga mag-aaral at iniharap sa propesor. Dahil dito at
sa kasipagan sa pag-aaral ay nakakuha siya ng matataas na marka nang taong iyon
at nabigyan pa ng medalya. Si Kapitan Tiago, na may samâ ng loob sa mga prayle
buhat nang magmadre ang anak, sa bugso ng damdamin ay hinimok si Basilio na
lumipat sa Ateneo na katanyagan noong panahong iyon.
Sa paaralan ng mga Heswita ay natagpuan niya ang sistema ng pagtuturo na
hindi niya akalaing kanyang matatagpuan. Isang bagong daigdig ang sumilang sa
kanyang paningin. Maliban sa ilang bagay na hindi makabuluhan, hinangaan ni
Basilio ang pagtuturo doon at ang pagiging masigasig ng mga propesor ay labis
niyang pinasalamatan. Nangilid ang luha sa kanyang mga mata nang maalala
ang apat na taong sinayang niya dahil walang maitustos sa sarili. Kinailangang
pag-ibayuhin niya ang pagsisikap upang makaabot siya sa mga mag-aaral na may
magandang simula at sa isang taóng iyon ay nasabi niya sa sarili na natutuhan
niya ang buong limang taóng kurso sa kursong Bachiller en Artes. Nagtapos siya sa
malaking kasiyahan ng mga propesor. Ipinagmamalaki siya nang gayon na lámang
sa mga bisitang Dominiko na sumusuri sa pamantayan ng paaralan. Ang isa sa mga
ito, upang mabawasan ang pagmamapuri ng mga Heswita, ay nagtanong kung
saan nag-aral ng Latin ang binata noong unang taon.
“Sa San Juan de Letran po, Padre,” tugon ni Basilio.
“A,” ang sabi ng Dominikong bahagyang nangingiti. “Hindi naman kasamaan
ang kanyang Latin.”
Sibs Publishing House, Inc. 37
Dahil sa kanyang hilig ay pinili niya ang medisina. Ibig sana ni Kapitan Tiago na
ang kanyang kunin ay abogasya, ngunit sa Pilipinas ay hindi sapat ang kaalaman
sa mga batas para magkaroon ng kliyente. Ang kailangan ay magpanalo ng mga
kaso at para magkagayon ay kailangan ang mga kaibígan, impluwensiya, at dulas
ng dila. Sa hulí ay napahinuhod din si Kapitan Tiago nang maalalang ang mga
mag-aaral sa medisina ay tumitistis ng mga bangkay para mag-aral. Matagal na
siyang naghahanap ng lason na ilalagay sa tari ng kanyang mga tandang at ang
pinakamabuting alam niya ay ang dugo ng Intsik na namatay sa sipilis.
Matagumpay na nag-aral ng medisina si Basilio. Nang nása ikatlong taon siya
ay nagsimula nang makapanggamot, bagay na maituturing na paghahanda para
sa isang magandang kinabukasan at isang paraan para kumita siya ng pera at
makabili ng mainam na kasuotan at makapagtabi nang kaunti.
Ito ang hulí niyang taon sa kanyang kurso at sa loob ng dalawang buwan ay
ganap na doktor na siya. Magbabalik siya sa sariling bayan upang magpakasal
kay Juli at mamuhay nang maligaya. Natitiyak na niya ang kanyang tagumpay at
inaasahan niyang ang kanyang pagtatapos ay siyang pinakamakabuluhang sandali
sa kanyang búhay. Siya ang napiling bumigkas ng talumpati ng nangunguna sa mga
magsisipagtapos. Parang nakikita na niya ang kanyang sarili sa gitna ng bulwagan,
sa harap ng mga propesor, at ng madlang manonood. Ang mga kilalang siyentipiko
sa Maynila, ang mga babaeng dadalo upang magmasid na noong mga nakaraang
taon ay humamak at hindi pumansin sa kanya, ang mga ginoong ang karwahe ay
muntik nang makasagasa sa kanya noong batà pa siya na para bang siya ay isang
áso. Lahat silá ay makikinig sa kanya at ang pahatid na bibigkasin niya ay hindi
maliit na bagay, kundi isang pahatid na hindi pa naririnig. Kalilimutan niya ang
kanyang sarili upang maalala niya ang mahihirap na mag-aaral sa hinaharap, at
ang talumpating iyon ang magpapakilala sa kanya sa lipunan.

UNAWAIN

1. Ano ang naalala ni Basilio habang siya ay nasa gubat?


2. Bakit sa una, abogasya ang nais ipakuhang kurso ni Kapitan Tiago kay
Basilio? Ipaliwanag ang dahilan.

38 PINTIG NG LAHING PILIPINO 9

You might also like