Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Pangalan: Admateza S.

Unggui at Sha-Anaira Wahab


Seksyon: St. Philip

“Makabagong Teknolohiya Kaagapay sa Kaginhawaan sa Buhay Kalsada”

Mababawasan ba ang trapiko sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ‘traffic light’ o ilaw trapiko sa


loob ng siyudad? Kailan nga ba ito maipapatupad at maayos kaya ang pagpapatupad nito?—ito ay iilan sa
mga katanungan ng mamamayan ng Cotabato City na sadyang patuloy na nananatili sa kanilang mga
isipan. Kamakailan lamang ay inanunsyo ng pamahalaang lungsod ang planong pagtatayo ng mga ilaw
trapiko sa lungsod na siyang pumukaw sa kuryusidad ng mga tao lalo na sa kung paano, kailan, at ano ang
magiging epekto ng proyektong ito kapag naiipatupad na. Ang mga ilaw ng trapiko ay hindi bago at
ginagamit na sa maraming lugar noon pa man, ngunit hindi parin nawawala ang mga problema sa kalsada
partikular na sa matagal na daloy ng trapiko. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng mga traffic light sa
lungsod ay hindi nakakasiguro na mawawala ang mga problema sa kalsada o ng masikip na trapiko, tiyak
na may mga positibong epekto at kahinaan ang pagbabagong ito.
Sa kasalukuyan, matagal nang ipinatupad ang mga ilaw trapiko sa iba’t ibang lugar sa mundo,
ngunit hindi pa rin nito natatapos ang mabibigat na daing ng mga motorista. Sa kabila nito, kung titignan
natin ng may positibong pananaw ang sitwasyon ay maraming positibong epekto ang posibleng maidulot
nito. Tulad ng posibleng tiyak na bilis na pagbibigay ng tuluy-tuloy na paggalaw ng trapiko, pagbabawas
ng kalubhaan at dalas ng iba't ibang uri ng aksidente, pagpapataas ng kapasidad sa paghawak ng trapiko,
at marami pang iba. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng ilaw trapiko sa loob ng lungsod ay maaaring
magdulot ng magandang epekto, lalo na’t habang tumatagal ay lumalaki na rin ang populasyon sa
lungsod. Ilaw trapiko ang ang nagsisilbing gabay ng mga motorista kung kaya’t sadyang mahalaga at
malaki ang posibilidad na magiging mas maginghawa ang buhay kalsada ng mga motorista kung
maipapatupad ng maayos ang pagpapalagay nito.
Dagdag pa, bagaman ang ilaw trapiko ay sadyang may mabubuting epekto, hindi rin maikakaila
na may mga negatibong epekto ito dulot ng iba’t ibang rason. Isa na rito ang mali at hindi maayos na
pagpapatupad ng tamang paraan sa mga naipatayong ilaw trapiko; kaya naman, kadalasan ay hindi ito
napapakinabangan ng lubos buhat ng hindi pag gana ng mga ito ng wasto o ng iba pang mga rason.
Bukod dito, mayroon ring mga motorista na hindi sumusunod sa ilaw trapiko at malaki ang posibilidad na
mabahiran ng korupsyon at hindi makatarungang pagbibigay ng parusa sa mga lumalabag. Nagdudulot
ang mga rasong ito ng posibilidad na magkaroon ng negatibong epekto ang paglalagay ng ilaw trapiko sa
lungsod. Sa madaling salita, tiyak na magkakarooon ng negatibong epekto ang pagpapanukala ng
proyekto kung hindi ito mabibigyang ng tamang regulasyon at pag-iimplementa.
Tiyak na walang bagay sa mundong ito ang sigurado, may mga bagay lang na hindi umaayon sa
paraang nilayon o binalak ng may likha. Upang maiwasang mabigo, dapat na palagi tayong maging handa
para sa iba't ibang mga sirkumstansya at pangyayari. Sa usapin ng traffic light, bagama't hindi tiyak ang
kahihinatnan nito, mahalaga na huwag nating pangunahan ang sitwasyon na may negatibong pananaw at
manatiling positibo. Maganda man o hindi ang kalalabasan ng pagbabagong ito, mahalagang
magpasalamat at huwag maging negatibo. Mahalagang suportahan natin ang ating lungsod; ang mga pag-
unlad, gaano man kalaki o kaliit, ay mga pag-unlad pa rin, kaya dapat tayong magpasalamat sa halip na
maging mapanghusga.
Samakatuwid, ang pagpapagawa ng traffic lights sa lungsod ng Cotabato ay isang magandang
balita, ito ay isang indikasyon na sa wakas ay sumasabay na ang ating lungsod sa mga mauunlad na lugar.
Ngunit, ang pagpapagawa nito ay hindi nagsisiguro na mawawala na ang mga problema at masikip na
daloy sa kalsada. Ito ay may mga positibo at kahinaan din, tulad ng kung hindi maayos na
mapamamahalaan ang mga traffic lights ay maaring mas madagdagan pa ang mga problema ng mga
motorista. Sa kabilang dako, kung masusunod ang wastong layunin at patakaran nito, maraming magiging
magandang epekto ang pagpapatayo ng ilaw trapiko; ilan na dito ay ang pagkakaroon ng maayos na daloy
ng trapiko at mas maiaayos ang takbo ng mga sasakyan sa lungsod. Walang tiyak sa mundong ito, ngunit
hindi rin masama na manatiling maging positibo, masigasig, at sumusuporta sa pagbabago lalo na kung
para naman sa ating sariling lungsod.

You might also like