PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK Pangkalahatang Layunin: 1. Naipaliliwanag ang kaisipang nakapaloob sa tekstong binasa (F11PS-111f-98) 2. Nakasusulat ng halimbawa ng tekstong naratibo gamit ang iba’t ibang pananaw, mga paraan ng pagpapahayag at ang mga elemento nito. Panimulang konsepto: Tekstong Naratibo - Pagsasalaysay o pagkukwento ng mga pangyayari sa isang tao o mga tauhan, na nangyari sa isang lugar at panahon o sa isang tagpuan nang may maayos na pagkakasunod-sunod mula simula hanggang katapusan. - Pangunahing layunin nito ang makapagsalaysay ng mga pangyayaring nakapanlilibang o nakapagbibigay-aliw o saya. - Nakapagtuturo ng kabutihang asal, mahahalagang aral at mga pagpapahalagang pangkatauhan. - Ang mga mambabasa ay direktang isinasama ng manunulat at nagiging saksi sa mga pangyayaring kanyang isinasalaysay. - May iba’t ibang uri ng naratibo tulad ng maikling kwento, nobela, kwentong bayan, mitolohiya, alamat, tulang pasalaysay tulad ng epiko, dula, mga kwento ng kababalaghan, anekdota, parabula, science fiction at iba pa. Halimbawa ng tekstong naratibo ang maikling kwento na pinamagatang Mabangis na Lungsod sa panulat ni Efren Abueg. Iba’t ibang pananaw o Punto de Vista (Point of view) sa Tekstong Naratibo 1. Unang Panauhan – Sa pananaw na ito, isa sa mga tauhan ang nagsasalaysay ng mga bagay na kanyang nararanasan, naaalala, o naririnig kaya gumagamit ng panghalip na ako. 2. Ikalawang Panauhan – Dito mistulang kinakausap ng manunulat ang tauhang pinagagalaw niya sa kuwento kaya't gumagamit siya ng mga panghalip na ka o ikaw subalit tulad ng unang nasabi, hindi ito gaanong ginagamit ng mga manunulat sa kanilang pagsasalaysay, 3. Ikatlong Panauhan – Ang mga pangyayari sa pananaw na ito ay isinasalaysay ng isang taong walang relasyon sa tauhan kaya ang panghalip na ginagamit niya sa pagsasalaysay ay siya. Ang tagapagsalaysay ay tagapag-obserba lang at nasa labas siya ng mga pangyayari. May tatlong uri ang ganitong uri ng pananaw: ■ Maladiyos na panauhan-Nababatid niya ang galaw at iniisip ng lahat ng mga tauhan. Napapasok niya ang isipan ng bawat tauhan at naihahayag niya ang iniisip, damdamin, at paniniwala ng mga ito sa mga mambabasa. ■ Limitadong panauhan – Nababatid niya ang iniisip at ikinikilos ng isa sa mga tauhan subalit hindi ang sa iba pang tauhan. ■Tagapag-obserbang panauhan – Hindi niya napapasok o nababatid ang nilalaman ng isip at damdamin ng mga tauhan. Tanging ang mga nakikita o naririnig niyang mga pangyayari, kilos, o sinasabi lang ang kanyang isinasalaysay. 4. Kombinasyong Pananaw o Paningin – Dito ay hindi lang iisa ang tagapagsalaysay kaya’t iba’t ibang pananaw o paningin ang nagagamit sa pagsasalaysay. Karaniwan itong nangyayari sa isang nobela kung saan ang mga pangyayari ay sumasakop sa mas mahabang panahon at mas maraming tauhan ang naipakikilala sa bawat kabanata. Ang Paraan ng Pagpapahayag ng Diyalogo, Saloobin, o Damdamin sa Tekstong Naratibo May dalawang paraan kung paano inilalahad o ipinahahayag ng mga tauhan ang kanilang diyalogo, saloobin, at damdamin: 1. Direkta o Tuwirang Pagpapahayag Sa ganitong uri ng pagpapahayag, ang tauhan ay direkta o tuwirang nagsasaad o nagsasabi ng kanyang diyalogo, saloobin, o damdamin. Ito ay ginagamitan ng panipi. Sa ganitong paraan ng pagpapahayag ay nagiging natural at lalong lumulutang ang katangiang taglay ng mga tauhan. Higit din nitong naaakit ang mga mambabasa sapagkat nagiging mas malinaw sa kanya ang eksaktong mensahe o sinabi ng tauhan at ang paraan ng pagkakasabi'y naghuhudyat din sa uri ng damdaming taglay kaysa kung lalagumin o hindi direktang sasabihin ng tagapagsalaysay. Halimbawa: • “ Hindi dapat sumuko ano man ang suliranin sa buhay ”, sabi ng guro. 2. Di direkta o Di tuwirang Pagpapahayag Ang tagapagsalaysay ang naglalahad sa sinasabi, iniisip, o nararamdaman ng tauhan sa ganitong uri ng pagpapahayag. Hindi na ito ginagamitan ng panipi. Halimbawa: Sinabi ng kanilang guro na hindi dapat sumuko ano man ang suliranin sa buhay. Mga Elemento ng mga Tekstong Naratibo 1. Tauhan Lahat ng tekstong naratibo ay nagtataglay ng mga tauhan. Ang dami o bilang ng tauhan ay dapat umayon sa pangangailangan. Mahirap itakda ang bilang ng tauhang magpapagalaw sa tekstong naratibo ang pangangailangan lamang ang maaaring magtakda nito. May dalawang paraan sa pagpapakilala ng tauhan ang expository at ang dramatiko. Expository kung ang tagapagsalaysay ang magpapakilala o maglalarawan sa pagkatao ng tauhan at dramatiko naman kung kusang mabubunyag ang karakter dahil sa kanyang pagkilos o pagpapahayag. Ang karaniwang tauhan sa mga akdang naratibo ay ang sumusunod: a. Pangunahing Tauhan Sa pangunahing tauhan o bida umiikot ang mga pangyayari sa kuwento mula simula hanggang sa katapusan. Karaniwang iisa lamang ang pangunahing tauhan. Ang kanyang mga katangian ay ibinabatay sa tungkulin o papel na kanyang gagampanan sa kabuoan ng akda. b. Katunggaling Tauhan Ang katunggaling tauhan o kontrabida ay siyang sumasalungat o kalaban ng pangunahing tauhan. Mahalaga ang papel ng tauhang ito sapagkat sa mga tunggaliang nangyayari sa pagitan nila, nabubuhay ang mga pangyayari sa kuwento at higit na napatitingkad ang mga katangian ng pangunahing tauhan. c. Kasamang Tauhan Gaya ng ipinahihiwatig ng katawagan, ang kasamang tauhan ay karaniwang kasama o kasangga ng pangunahing tauhan. Ang pangunahing papel o tungkulin niya ay sumuporta, magsilbing hingahan, o kapalagayang-loob ng pangunahing tauhan. d. Ang May-akda. Sinasabing ang pangunahing tauhan at ang may-akda ay lagi nang magkasama sa kabuoan ng akda. Bagama't ang namamayani lamang ay ang kilos at tinig ng tauhan, sa likod ay laging nakasubaybay ang kamalayan ng makapangyarihang awtor. May dalawang uri ng tauhan na maaaring makita sa isang tekstong naratibo E.M. Forster Tauhang Bilog (round character) – Isang tauhan na may multidi-mensional o maraming saklaw ang personalidad. Tulad ng isang tunay na katauhan, nagbabago ang kanyang pananaw, katangian at damdamin ayon sa pangangailangan. b. Tauhang Lapad (flat character) – Ito ang tauhang nagtataglay ng iisa o dadalawang katangiang madaling matukoy o predictable . Madaling mahulaan at maiugnay sa kanyang katauhan ang kanyang mga ikinikilos at maituturing na stereotype tulad ng mapang-aping madrasta, mapagmahal na ina, tin-edyer na hindi sumusunod sa magulang, at iba pa. Karaniwang hindi nagbabago o nag-iiba ang katangian ng tauhang lapad sa kabuoan ng kwento. 2. Tagpuan at Panahon – Ang tagpuan ay tumutukoy hindi lang sa lugar kung saan naganap ang mga pangyayari sa akda kundi gayundin sa panahon (oras, petsa, taon) at maging sa damdaming umiiral sa kapaligiran nang maganap ang mga pangyayari tulad ng kasayahang dala ng pagdiriwang sa isang kaarawan, takot na umiiral dahil sa malakas na hampas ng hangin at ulang dala ng bagyo, romantikong paligid sanhi ng maliwanag na buwang nakatunghay sa mag- kasintahang naghahapunan sa isang hardin, matinding pagod ng magsasakang nag-aararo sa ilalim ng tirik na tirik na araw, kalungkutan ng pamilyang nakatunghay habang ibinababa sa kanyang huling hantungan ang isang minamahal at iba pa. 3. Banghay Ang tawag sa maayos na daloy o pagkaka-sunod-sunod ng mga pangyayari sa mga tekstong naratibo upang mabigyang linaw ang temang taglay ng akda. Karaniwang balangkas ng isang naratibo: • Pagkakaroon ng isang epektibong simula kung saan maipakikilala ang mga tauhan, tagpuan, at tema (orientation or introduction). • Pagpapakilala sa suliraning ihahanap ng kalutasan ng mga tauhan partikular ang pangunahing tauhan (problem) • Pagkakaroon ng saglit na kasiglahang hahantong sa pagpapakita ng aksiyong gagawin ng tauhan tungo sa paglutas sa suliranin (rising action) • Patuloy sa pagtaas ang pangyayaring humahantong sa isang kasukdulan (climax) • Pababang pangyayaring humahantong sa isang resolusyon o kakalasan (falling action) • Pagkakaroon ng isang makabuluhang wakas (ending) Anachrony o mga pagsasalaysay na hindi nakaayos sa tamang pagkaka-sunod-sunod Mauuri ito sa tatlo: a. Analepsis (Flashback) Dito ipinapasok ang mga pangyayaring naganap sa nakalipas b. Prolepsis (Flash forward) Dito nama'y ipinapasok ang mga pangyayaring magaganap pa lang sa hinaharap. c. Ellipsis May mga puwang o patlang sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na nagpapakitang may bahagi sa pagsasalaysay na tinanggal o hindi isinama 4. Paksa o Tema Ito ang sentral na ideya kung saan umiikot ang mga pangyayari sa tekstong naratibo. Mahalagang malinang ito nang husto sa kabuoan ng akda upang mapalutang ng may akda ang pinaka-mahalagang aral, at iba pang pagpapahalagang pangkatauhang nagagamit sa mabuting pamumuhay at pakikisalamuha sa kapwa. Gawain Magsulat isang ng tekstong naratibo (maikling kwento) na ginagamitan ng mga pananaw, paraan ng pagpapahayag at ng mga elemento ng tekstong naratibo.