Noon pa man ay hindi na katanggap-tanggap ang pagmamahalan ng dalawang magkaparehong kasarian,
dahil ito sa impluwensiya ng mga kastila. Ang kanilang pagdala ng kristiyanismo dito ang nagsimula upang magkaroon ng ideya ang mga Pilipino na ang ganitong uri ng pag-iibigan ay hindi normal. Ito’y mali sabi ng iba. Kasalanan daw ito sabi ng mga relehiyosong tao, ngunit kung tunay nga na kasalanan ito, bakit hinahayaan ng Diyos na umibig ang isang indibiduwal sa kaniyang kaparehas na kasarian? Bakit hinayaan ng Diyos na ang ideya ng pagibig ay maging kasalanan? Sa aking karanasan, madalas kong makita na ang mga nagmamahalan ng ganitong uri ay hinahamak, pinandidirihan, at kinasusuklaman. Ito’y nangyayari sapagkat maraming tao ang tutol dito dahil kanilang ipinaglalaban na ang pag-iibigan ay sa pagitan lamang ng lalaki at babae ito ay nakatatak sa kanilang mga isipan, dahilan upang kanilang ipagpatuloy ang panghahamak sa kanilang kapwa. Nakakalungkot isipin na maraming tao ang taliwas rito, siguro ay tunay nga na hindi mawawala kailanman ang diskriminasyon laban sa kapwa tao. Sa aking obserbasyon, marami pa rin ang nagpapatuloy lumaban para sa karapatan ng mga taong umiibig ayon sa kanilang kagustuhan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy kong nilalabanan ang mga diskriminasyon na aking hinaharap o nararanasan. Ang mga tao na hindi nagpapigil sa mga masasakit na salitang kanilang natanggap dahil sa kanilang kasarian ay ang nagbigay saakin ng inspirasiyon na maging mas matapang at huwag sumuko sa hamon ng buhay. Ang malugod na pagtanggap saakin ng aking mga magulang ang nagsilbing munting kasiyahan ko na nagbibigay saakin ng lakas. Ganito man ang aking kasarian, mahal ko at may takot pa rin ako sa Diyos Ama. Ang pag-ibig sa kaparehong kasarian ay hindi pinili o ginusto ng mga taong ganito ang nararamdaman, hindi namin ito mapipigilan o mababago kahit na ano pa ang maganap sa aming mga buhay, kaya naman hindi ko lubos maintindihan ang mga taong ito na nag-nanais na pigilan ang aming karapatang umibig. Minsan ay tinatanong ko ang aking sarili, kung dapat pa ba akong lumaban o sumuko nalang at sundin ang nais ng lipunan? Marahil ay masiyado lamang akong naguguluhan sa mga ganitong usapan dahil hindi ko lubos malaman kung saan ako tunay na maniniwala, sa mga taong nagsasabi saakin na itigil ko ito o sundin ang nais ng aking damdamin? Ngunit sa tuwing may nakikita ako na lumalaban parin sa mga diskriminasiyon ay nabubuhayan ako ng loob at muli akong lalaban at magpapatuloy. Sa palagay ko ay nararapat lamang magkaroon ng karapatan ang mga tao na nais umibig ayon sa kanilang piniling kasarian. Ang pagtanggap at pagrespeto sa mga kasarian ng mga tao ay malaking bagay para sa amin lalo na sa mga kabataan na natatakot ilabas ang kanilang tunay na sarili. Maraming emosiyon ang aking nararamdaman sa tuwing tungkol sa pag-ibig ng magkaparehong kasarian ang tinatalakay o pinag-uusapan, dahil siguro marami akong gustong matalakay pagdating sa usaping ito o kahit na anong may kinalaman sa mga kasarian. Ang iba sa mga tao ay sinasabing ito’y mali at kasalanan, na ito daw ay hindi katanggap-tanggap sa lipunan, pero bilang tao ay dapat natin tanggapin, mahalin, at irespeto ang isa’t isa kahit na ano pa man ang kasarian. Marapat lamang na magkaroon ng karapatan ang mga taong nais umibig ng malaya ng walang natatanggap na panghuhusga. Ako ay nagdadalawang isip sa aking mga pinaniniwalaan at minsan pinanghihinaan ng loob, ngunit ako ay patuloy na lalaban dahil alam ko na ang pagibig ay walang pinipiling kasarian, edad, at wangis sapagkat sa huli ang tunay at wagas na pag-ibig ang magwawagi. Alam ko na matagal pa bago tuluyan na tanggapin ng lipunan ang mga ito pero walang masamang sumubok. Sabi nga sa Bibliya, walang Hudyo at Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki at babae, sapagkat tayong lahat ay iisa sa mata ng Diyos Ama.