Q3 Reviewer in Filipino 7 PDF

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 7

Q3 REVIEWER SA FILIPINO 7

PONEMANG SUPRASEGMENTAL

Ang mga ponemang suprasegmental ay tumutukoy sa mga makabuluhang


yunit ng tunog na karaniwang hindi tinutumbasan ng mga letra sa pagsulat.
Nagiging epektibo lamang ang kahulugan ng isang salita kung angkop ang tono,
diin at antala nito. Ito ay binubuo ng dalawang salitang pinagsama: supra at
segmental.
Ang segmental ay nangangahulugan ng “katumbas na tunog ng isang
titik.” Kaya sa pag-aaral ng suprasegmental, pinag-aaralan dito hindi lamang ang
tunay na tunog ng isang titik kundi maging ang labis (supra) pa sa usapin ng
tunog. Kasama rito ang angkop na paraan ng pagbigkas ng salita tulad ng
wastong tono, diin, at antalang maghahatid ng kalinawan sa pagpapahayag ng
nais ipahayag. Ang mga tunog ng bawat titik kapag pinagsasama ay
kumakatawan sa iba’t ibang kahulugan depende sa pagkakabigkas nito. Sa
wikang Filipino, maraming salitang pareho ang baybay ngunit magkaiba ang ibig
sabihin.
Magiging epektibo lamang ang pakikipag-ugnayan kung isasaalang-alang
ang angkop na tono, diin, at antala ng pagbigkas ng mga salita. Higit na malinaw
ang usapan at mabuti ang pagdaloy ng pag-unawa kung ginagamit nang
mahusay ang mga sumusunod. Sa halip, sinisimbulo ito ng mga notasyong
ponemiko upang matukoy ang paraan ng pagbigkas. Ang mga uri ng ponemang
suprasegmental ay ang:

1. Intonasyon, Tono, at Punto - ang intonasyon ay tumutukoy sa pagtaas at


pagbaba na iniuukol sa pagbigkas ng pantig sa salita na maaaring
makapag-iba sa kahulugan ng mga salita maging ang mga ito man ay
magkapareho ng baybay. Ang tono ng pagsasalita ay nagpapahayag ng
tindi ng damdamin samantalang ang punto ay ang rehiyonal na tunog o
accent.

Halimbawa:
 Ang ganda ng tula? (Nagtatanong /Nagdududa)
 Ang ganda ng tula. (Nagsasalaysay)
 Ang ganda ng tula! (Nagpapahayag ng kasiyahan)

2. Diin at Haba - ang haba ay tumutukoy sa haba ng bigkas na iniuukol ng


nagsasalita sa patinig ng salita. Ang diin naman ay tumutukoy sa lakas ng
bigkas sa pantig ng salita.

Halimbawa:
 /balah/ (bullet)
 /bala/ (threat)
 /tu.boh/ (pipe)
 /tuboh/ (sugar cane)
3. Hinto o Antala - ito ay ang saglit na pagtigil sa pagsasalita upang higit na
maging malinaw ang mensaheng ipinapahayag. Ginanagamit ang kuwit,
tuldok, semi-kolon, at kolon sa pagsulat upang maipakita ito.

Halimbawa:
 Hindi maganda. (sinasabing hindi maganda ang isang bagay)
 Hindi, maganda. (pinasusubalian ang isang bagay at sinasabing
maganda ito)

KAALAMANG-BAYAN

1. TULANG/AWITING PANUDYO
Ito ay isang uri ng akdang patula na kadalasan ang layunin ay
manlibak, manukso o mang-uyam. Ito ay kalimitang may himig nagbibiro
kaya ito ay kilala rin sa tawag na Pagbibirong Patula.

Halimbawa:
a.) Ako ay isang lalaking matapang
Huni ng tuko ay kinatatakutan.
Nang ayaw maligo, kinuskos ng gugo.
Perdo Penduko, matakaw sa tuyo

b.) Si Maria kong Dende


Nagtinda sa gabi
Nang hindi mabili
Umupo sa tabi

2. TUGMANG DE-GULONG
Ito ay isang paalala o babala na kalimitang makikita sa mga
pampublikong sasakyan. Sa pamamagitan nito ay malayang naipararating
ang mensaheng may kinalaman sa pagbibiyahe o paglalakbay ng mga
pasahero. Maaaring ito ay nasa anyong salawikain, kasabihan, o maikling
tula. Karamihan ng mga uri ng tugmang ito ay binuo ni Dr. Paquito
Badayos.

Halimbawa:
a.) Ang di magbayad mula sa kanyang pinanggalingan ay di makabababa
sa paroroonan.
b.) Aanhin pa ang gasolina kung jeep ko ay sira na.
c.) Ang di magbayad walang problema, sa karma pa lang, bayad ka na.

3. BUGTONG
Ito ay isang pahulaan sa pamamagitan ng paglalarawan. Binibigkas
ito ng patula at kalimitang maiksi lamang. Noon karaniwan itong nilalaro sa
lamay upang magbigayaliw sa mga namatayan ngunit nang lumaon ay
kinagiliwan na ring laruin kapag may mga handaan o pistahan.
Halimbawa:
a.) Gumagapang pa ang ina, Umuupo na ang anak. (Sagot: kalabasa)
b.) Maliit pa si Totoy Marunong nang lumangoy. (Sagot: isda)
c.) Nagtago si Pilo Nakalitaw ang ulo. (Sagot: pako)

4. PALAISIPAN
Ang palaisipan ay nasa anyong tuluyan. Layunin nito ang pukawin at
pasiglahin ang kaisipan ng mga taong nagkakatipon-tipon sa isang lugar.
Ito ay paboritong pampalipas oras ng ating mga ninuno. Ito ay
nangangahulugan lamang na ang mga sinaunang Pilipino ay sanay mag-
isip at kanilang ipinamana ito sa kanilang mga inapo.
Ang ganitong uri ng pantikan ay laganap pa rin hanggang sa
kasalukuyang panahon sapagkat ito’y talaga namang nakapagpapatalas
sa isipan ng mga mag-aaral. Ito ay hindi na lamang pinag-uusapan at
pinag-iisipan sa mga pagtitipon kundi maging sa usapan sa internet.

Halimbawa:
May isang bola sa mesa. Tinakpan ito ng sombrero. Paano nakuha ang
bola nang di man lamang nagalaw ang sombrero.
(Sagot: butas ang tuktok ng sombrero)

IBA’T IBANG PARAAN SA PAGKILALA NG KAHULUGAN NG SALITA

1. Pagbibigay ng kasingkahulugan o kasalungat


Ito ay mabisang paraan upang mapalawak ang talasalitaan ng isang
mambabasa, tagapanood, o tagapakinig.

2. Pagpapangkat
Ang pinagsasama-samang mga salitang nabibilang sa iisang
kaisipan.

3. Konotasyon at Denotasyon
Ito ang dalawang dimensiyon sa pagpapakahulugan ng mga salita.
Ang denotasyon ay karaniwang kahulugang mula sa diksiyonaryo o
salitang ginagamit sa pinakakaraniwan at simpleng pahayag.

Halimbawa:
a. Ang ganda ng bulaklak sa kanyang halamanan. (bahagi ng isang
halaman na karaniwang makulay)
b. Lumalaki na ang punong itinanim ko sa aming likod-bahay. (halamang
lumalaki nang mataas)

Samantalang ang konotasyon ay may dalang ibang kahulugan o


maaaring pansariling kahulugan ng isang tao o pangkat na iba kaysa
karaniwang kahulugan.
Halimbawa:
a. Maraming magagandang bulaklak na anak si Bulan. (babae)
b. Ang kanyang anak ay mababait. Nanggaling kasi sa mabuting puno.
(magulang/angkan)

4. Paggamit ng contextual na clue


Ang kahulugan ng salita ay mauunawaan ayon sa pagkakagamit sa
pangungusap.

Halimbawa:
a. Nagliwanag ang paligid sa pagsikat ng araw.
b. Makitid ang tulay kaya’t mahirap tawirin.

5. Talinghaga at Idyoma
Ang matalinghagang pahayag ay mga salitang may kahulugang
taglay na naiiba sa karaniwan. Ito ay mga pahayag na di-tuwirang
nagbibigay ng kahulugan. Karaniwang hinango ang kahulugan nito sa
karanasan ng tao gaya ng mga pangyayari sa buhay o mga bagay-
bagay sa ating paligid. Katulad din ito ng idyoma. Sa pamamagitan ng
idyoma ay nakikilala ang yaman ng isang wika.

ANGKOP NA MGA PAHAYAG SA PANIMULA, GITNA AT WAKAS

Sa pagpapahayag partikular sa pagsasalaysay o pagkukuwento,


mahihikayat ng nagsasalita ang kanyang tagapakinig sa mahusay na
simula. Kapag nailahad ang layunin nang epektibo ay napupukaw ang
kaisipan ng mambabasa o tagapakinig na patuloy na alamin ang kawing-
kawing na pangyayari sa papataas at kasukdulan sa gitna ng kwento.
Hihintayin din nila ang wakas kung nakamit ang layuning inilahad sa
panimula.

 SIMULA
Ang mahusay na simula ay mabuti para makuha ang interes ng
tagapakinig o ng mambabasa. Dito nabubuo ang larawan at nakikita ang
aksiyong magaganap sa isasalaysay. Maaaring simulan ito sa: Noong
una__, noong araw, sa simula pa lamang, sa una.

Pagkatapos nito ay maaaring isunod ang:


a. Pang-uri gaya halimbawa ng:
- Napakadilim at napakalamig ng paligid…
- Nananabik sa mangyayari…

b. Pandiwa gaya ng:


- Nagtatakbuhan ang kalalakihan at naghahanda ang kababaihan nang…
- Nagmamasid ang matanda at misteryosong kuba habang…
c. Pang-abay
- Maagang gumising ang tribo…
- Nananabik na masaksihan ang pagdiriwang…

 GITNA - Sa bahaging ito, mabuting mapanatili ang kawing-kawing na


pangyayari at paglalarawang nasimulan. Aabangan kung paano
magtatagumpay o magwawagi ang pangunahing tauhan, maiwawasto
ang mali o matututo ang katunggaling tauhan habang tumataas ang
pangyayari. Maaaring gamitin ang: kasunod, pagkatapos, saka, walang
ano-ano’y, makalipas ang ilang araw, isang araw, pagdaan ng ilang araw

 WAKAS – Napakahalaga rin ng huling pangyayaring maiiwan sa isipan ng


tagapakinig o ng mambabasa. Dito nakapaloob ang mensaheng
magpapabuti o magpapabago sa kalooban at isipan ng lahat - na ang
nagwawagi at may kaparusahan ang gumagawa nang masama. Maaaring
gumamitng: sa huli, sa wakas, mula noon, simula noon, kaya mula noon,
noon nagsimula ang, dito nagtatapos ang

ANG PAGTATALATA

Ang talata ay isang maikling kathang binubuo ng mga pangungusap


na magkakaugnay, may balangkas, may layunin, at pag-unlad ng kaisipang
nakasaad sa pinapaksang pangungusap na maaaring lantad o di-lantad.
Layunin ng isang talata ang makapaghatid ng isang ganap na kaisipan sa
tulong ng mga pangungusap na magkakaugnay. Binubuo ito ng
pangunahing kaisipan at mga pantulong na kaisipan.

Pangunahing Kaisipan (Main idea) – Ito ang sentro o pangunahing tema sa


talata. Kadalasan ay makikita sa unang pangungusap (imply) at huling
pangungusap (konklusyon).

Pantulong na Kaisipan (Supporting Details) – Mga mahahalagang kaisipan


o susing pangungusap na may kaugnayan sa paksang pangungusap o
pangunahing kaisipan.

SOSYO-HISTORIKAL NA KONTEKSTO

Ang akdang “Ang Ningning at Ang Liwanag” ay isang sanaysay na


sosyo-historikal. Ito ay naglalayong ilarawan ang naging kasaysayan ng
lahing Pilipino sa kamay ng mga mananakop na Espanyol.
Ang sosyo-historikal may kinalaman sa nagaganap sa lipunan na
may kinalaman sa kasaysayan.
PANANDANG ANAPORIK AT KATAPORIK

Sa pagpapahayag ay may dalawang paraang ginagamit upang


mapag-ugnay ang pangungusap. Ito ay sa pamamagitan ng
pagpapatungkol o reperensiya. May dalawang uri ang pag-uugnay na ito.
Ito ay ang anapora o sulyap na pabalik at katapora o sulyap na pasulong.

Ang anaporik o sulyap na pabalik ay ang reperensiya kung binanggit


na sa unahan ang salita.

Halimbawa:
Ang matatanda sa pamilya ay dapat nating pahalagahan. Utang natin sa
ating magulang, lolo o lola ang ating mga buhay at kinabukasan. Sila ang
kumalinga sa atin noong mga bata pa tayo. Suklian natin ang kabutihan
nila sa atin.

Samantalang ang kataporik o sulyap na pasulong ay ang


reperensiya na binabanggit sa dakong hulihan na nagdudulot ng
kasabikan o interes sa pahayag.

Halimbawa: Sila ay aking iginagalang. Sila ay nararapat na parangalan.


Sila ang tunay na matatalino lalo na pagdating sa karanasan. Sa
matatanda sa pamilya ko natutuhan ang maraming bagay. Sila ang mga
lolo at lola ko na aking iniidolo.

BALITA

Ang balita ay anumang pangyayari na kagaganap lamang, naiiba sa


karaniwan, makatotohanan, at walang kinikilingan. Ito ay maaaring
makuha sa pamamagitan ng pagbabasa ng pahayagan, pakikinig sa radyo,
at panonood ng telebisyon.
Maraming uri ng balita. Ito ay maaaring panlokal, pambansa, at
pandaigdigan. Sa paksa ang balita ay maaaring pang-edukasyon,
pangkabuhayan, pantahanan, panlibanagan, pampalakasan, at
pampolitika.

PAGSULAT NG BALITA

Sa pagsulat ng balita, karaniwang ginagamit ang kayariang baligtad


na tagilo (inverted pyramid) kung saan makikita ang pagpapahalaga sa
bahaging nais itampok. Narito ang paraan sa pagsulat ng isang balita.

1. Karaniwang isinusulat ang mahalagang datos sa unang talata na kung


tawagi’y pamatnubay na pangungusap. Maaari itong isulat sa isang
pangungusap, subalit karaniwan itong binubuo ng dalawa o tatlong
pangungusap. Kadalasa’y tumutugon ito sa mga tanong na ano, sino,
kailan, bakit, at paano sang-ayon sa nais itampok o bigyanghalaga sa
balita.
2. Ang katawan ng balita ang siyang nagbibigay ng mga detalyeng
paliwanag hinggil sa mga datos na binanggit sa pamatnubay.
3. Ang panghuling bahagi ay tumutugon sa di-gaanong mahahalagang
detalye. Samakatuwid sinusulat ang katawan sa paraang pahina nang
pahinang kahalagahan.

Bukod sa hakbang na nabanggit dapat ding tandaan sa pagsulat ng


balita, kailangang gumamit lamang ng simple, napapanahon,
naiintindihan, at madaling gamiting salita. Iwasan ang pagiging maligoy at
gawing maikli ang talata.

Ang paglalahad ng isang balita ay higit na magiging mabisa kung


maayos ang nilalaman at paraan ng paglalahad nito batay sa elemento,
sangkap o datos na taglay nito.

1. Ganap na Kawastuhan – kinakailangang bawat pahayag, pangalan,


edad, petsa, tirahan, at pangyayari ay tumpak.
2. Timbang – naglalaman ng mahahalagang detalye hinggil sa tunay na
pangyayari.
3. Walang Kinikilingan – hindi nagtataglay ng personal na opinyon ng
manunulat, dapat na isulat ang dalawing panig ng pangyayari, at
ipakitang walang kinakampihan o kinikilingan.
4. Kaiklian at Kalinawan – gawing katamtaman ang haba at malinaw ang
paglalahad ng mga pangyayari dahil ang pangunahing layunin nito ay
magpabatid.

You might also like