Noong unang panahon ay may dalawang higanteng naninirahan sa bayang pinagpala na
nakikisalamuha sa mga tao. Sila ay sina Bantog at Busaw. Namuhay sila ng may sariling paniniwala at pamamaraan. Si Bantog ay isang higanteng sikat, palakaibigan at mapamaraan sa anumang gawain, samantalang si Busaw naman ay walang inisip kundi ang kumain ng kumain ng di niya naman pinaghihirapan at walang mga kaibigan dahil na rin sa kanyang pag-uugali. Silang dalawa ay namuhay ng magkahiwalay dahil na din sa kanilang mga gawi at kaugalian.
Pagsasaka at pangingisda ang siyang ikinabubuhay ng mga naninirahan sa Bayang Pinagpala
na naging simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan. Lahat ay masasaya tuwing dumarating na ang pag- ani ng kanilang mga pananim. Lahat ay naghahanda at nasasabik sa araw ng anihan. Ngunit, isang araw ay biglang nagkagulo ang lahat ng mga tao sapagkat ang kanilang mga pananim ay biglang naubos at nasira dahil sa katakawan ni Busaw. Inubos ni Busaw ang aanihin na sana nilang mga prutas, gulay, mais, palay at marami pang iba. Kitang- kita ng mga ito kung paano sinira at kinuha ni Busaw ang kanilang mga pinaghirapan ng ilang buwan. Pilit nilang pinapaalis si Busaw ngunit wala silang nagawa dahil sa ito’y malaki at nakapanakit na din ng ibang tao. Nanlumo ang lahat sa pangyayari, kaya’t humingi sila ng tulong kay Bantog upang mapalayas si Busaw sa kanilang bayan. Agad namang tumalima si Bantog sa kahilingan ng mga tao dahil na rin sa naidulot na perwesyo at pinsala nito sa pamumuhay ng mga tao. Hinanap ni Bantog si Busaw upang ito ay pabayarin sa kanyang pagkakasala. Ilanga raw ding hinanap ni Bantog si Busaw dahil sa ito’y nagtatago na sa kasulok-sulukan ng gubat. Isang araw habang naglalakad si Bantog ay bigla niyang nakita si Busaw na naghahanap na naman ng pagkain sa bayan. Agad itong pinuntahan ni Bantog at sabay suntok sa mukha. Nagulantang si Busaw sa pangyayari, kaya’t silang dalawa ay nag-away. Nagpatuloy ang alitan ng dalawa hanggang sa humantong ito sa madugong labanan. Maraming beses silang natumba dahil na din sa lakas ng kanilang mga suntok. Maraming pananim ang napinsala at lalong nasira ang pangkabuhayan ng mga mamamayan. Kapwa malalakas ang dalawang higante na naging dahilan upang tumagal ang kanilang paglalaban. Hanggang sa natalo nga ni Bantog si Busaw sa kanilang labanan. Pinataob ni Bantog si Busaw sa isang napakalakas na suntok na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Dahil sa pangyayaring iyon, nagbunyi ang mga mamamayan ng Bayang Pinagpala sapagkat wala nang makakapinsala o makakasira ng kanilang mga pinaghirapan. Bilang pasasalamat ng mga ito, sila ay nagdaos ng isang pagdiriwang. Inihain nila ang kanilang mga aning produkto, nagpatugtog ng mga musika at nagsayawan na hango sa kanilang kulturang kinagisnan. At dahil din dito, ipinangalan nila ang kanilang lugar kay Bantog na sa kasalukuyan ay tinawag ng Bantugon. Samantalang ang lugar naman kung saan namatay si Busaw ay ipinangalan din sa kanya na sa ngayon ay tinatawag na Busawon. Ang pagpapangalan sa lugar na ito ay simbolo ng isang maayos na pamumuhay noon at bilang pag-alala na ugnayan ng mga mamamayan at ng dalawang higante. Sa ngayon ay patuloy na namumuhay ang mga mamamayan ng Bayang Pinagpala na may pagkakaisa, pagkakaunawaan, at pagtutulungan na nagbunga ng isang mapayapang bayan.