Isang Artikulong Lathalain Tungkol Sa Pagdurusa NG Mga Magsasaka

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Beatrice Toquero - Abril 3, 2021

MAGSASAKA/MAGSA-SAKAL
"Hindi natin kasalanan kung ipinanganak tayong mahirap, pero kasalanan natin ang
mamatay na mahirap."

‘Di iniluwal upang sa paggising ay sasalubungin ng malamig na hamog ng madaling araw,


yayakapin ng nakapapasong sinag ng tanghali, at aabangan ng nakabubulag na dilim ng
hatinggabi. Magaspang’t puno ng kalyo ang mga palad, ngunit sa pag-uwing walang laman
ang bulsa, sinawimpalad.

Inaasahang makakakuha ng masaganang kitang sing sagana ng lupang inalagaan. Sinikap


na punan ng laman ang sikmura ng pamilyang gutom kahit napalilibutan ng sakahan. Imbes
na bigas, alikabok ang naiwan. Sa halip na salapi, kutya’t pang-aapi.

Gugupiin paulit-ulit ng mga panginoong maylupa, uubusin ng mga mangangamkam, at


aagawin ng mapagsamantala. Lupang pinagyaman, nawala sa isang kisapmata. Paano
mababawi? Sila’y lalaban na.

Mayayaman ang nabusog’t nakikinabang, ngunit labis na. Ang nagugutom ay yaong mga
umani pa. Nang tumayo’t umalingawngaw na para sa hustisya, hindi nagdalawang-isip,
pinaulanan sila ng bala. Dugo ang inalay para sa bawat butil. Walang napala, buhay kinitil.

Ang ipasadiyos mga kaganapan ay hindi sapat, ‘di kalutasan. Patuloy na maghihirap kung
hindi ipagsisigawan, ngunit ‘pag ipinagsigawan buhay ang malalagasan. Ilang taon na ang
nakalipas, nananatili pa ring tahimik sa kabila ng patuloy na imik. ‘Di nabibigyang pansin o
tinago, nilihim?

Amin, aminin na ang karahasan at buwagin ang sistemang sumilid sa buhay ng isa man o
isandaang magsasaka sa bariles at inihagis sa sapa na para bang laruan. Sa magsasakang
napilitang makiisa sa hukbong bayan. Hindi hinangad na humantong sa ganito, ngunit
kailangan upang buksan ang pinto. Pinto ng hustisyang pilit ikinakandado. Nakasarado.

Naman, namamanhid na ang kanilang mga kalamnan, tinatablan ng gutom ngunit di


inalintana. Tinanaw ang bintana sabay bigkas ng “may bukas pa kaya, para sa aming mga
magsasaka’t pesanteng nagpapakadakila para sa pamilya’t bansa?”

Di Inaasahang Gugupiin ng Mayayaman Ang Amin Naman


DIGMAAN nagsilbing kalasag laban sa sistemang walang kina-aawaan, walang
pinakikinggan.

DIGMAANG ‘di pinuhunanan ng dahas, bagkus ng galit at pang-aalipusta, mga panahon at


yamang ipinagkait sa siyang tunay na nagmamay-ari. Matiwasay na buhay ang pinangarap,
normal na pamumuhay ang ninanais, ngunit bakit kailangang humantong sa puntong ang
bawat bukas ay nagmimistulang dulo.

Ngayon mo sabihing kasalanan ang mamatay na mahirap. Kasalanan ba ang maging


biktima ng sistemang pinapayagan at pinaiiral ng kataas-taasan? Kasalanan ba ang
magpatuloy at humayo kahit ang tinatahak ay matarik na daan?

"Hindi natin kasalanan kung ipinanganak tayong mahirap, pero kasalanan natin ang
mamatay na mahirap."

Ito’y mga katagang hindi mo gugustuhing pakawalan sa harap ng mga taong sinubok ng
sistemang walang pakundangan.

You might also like