Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Talambuhay ni Francisco Balagtas

Tubong Bulacan ang Prinsepe ng Makatang Tagalog. Isinilang siya noong ika-2 ng Abril, 1788 sa Panginay, Bigaa,
Bulacan. Ngayon ay Balagtas na ang tawag sa lugar ng kaniyang kapanganakan bilang pagpaparangal na rin sa kaniya bilang
dakilang makatang anak ng Bulacan. Mahirap lamang ang kaniyang pamilya. Si Juan Balagtas ang kaniyang ama at si Juana
dela ruz naman ang kaniyang ina.
Kiko ang ipinalayaw kay Francisco. Musmos pa lamang ay kinakitaan na siya ng talino at hilig sa pag-aaral. Dahil sa
kahirapan, kinakailangan niyang manilbihan bilang katulong sa Tondo, Maynila. Ang kapalit ng kaniyang paninilbihan kay
Donya Trinidad ay ang pagpapaaral nito sa kaniya. Pinag-aral siya sa Colegio de San Jose at dito ay nakatapos siya ng
Gramatica Castellana, Gramatica Latina, Geografia at Fisica, at Doctrina Cristiana. Ang mga nabanggit ay ang mga
karunungang kinakailangan niyang malaman upang makapag-aral siya ng Canones, ang batas ng pananampalataya. Bukod
dito, pinalad siyang makapag-aral sa isa pang paaralan, ang San Juan De Letran. Natapos niya ang Humanidades, Teolohiya
at Pilosopiya. Dito niya naging guro si Padre Mariano Pilapil, isang bantog na guro na sumulat ng pasyon.
Naging bukambibig ang pangalan ni Kiko sa larang ng pagbigkas ng tula. Madalas siyang maanyayahan sa iba’t ibang
pagdiriwang upang bumigkas ng tula. Naging makulay ang kaniyang pagbibinata at naging bantog na makata.
Ang angking talino niya rin sa pagbigkas ng tula ang dahilan kung bakit maraming kababaihan ang humanga sa
kaniya, ngunit isang dilag na nagngangalang Magdalena Ana Ramos ang unang bumihag sa kaniyang puso. Sinikap niyang
handugan ang dalaga ng isang tula para sa kaarawan nito ngunit sa kasamaang-palad ay hindi siya natulungan ng isa pang
makatang tumutulong sa pag-aayos ng tula. Ang tulang ipaaayos niya sana kay Jose dela Cruz, na tinawag ing Huseng Sisiw,
ay hindi tinanggap sa kadahilanang wala siyang dalang sisiw na ipambabayad. Ang pangyayaring iyon ang nagtulak kay
Balagtas na pagbutihin ang kaniyang kakayahan sa paglikha ng tula. Hindi naglaon at namayagpag sa larang ng panulaan si
Balagtas at nangulimlim naman ang kabantugan ni Huseng Sisiw.
Mula sa Tondo ay lumipat si Balagtas sa Pandacan. Dito niya nakilala si Selya o Maria Asuncion Rivera sa tunay na
buhay. Napaibig niya ang dalaga at naging magkasintahan sila, subalit nagkaroon siya ng mahigpit na katunggali sa pag-ibig
sa katauhan ni Nanong Kapule. Si Kapule ay mula sa isang maykaya at makapangyarihang pamilya. Sa kagustuhan ni Kapule
na hindi na makahadlang si Balagtas sa kaniyang panunuyo kay Maria Asuncion Rivera ay ipinabilanggo niya ang makata.
Pinagdusahan ni Balagtas sa bilangguan ang isang maling paratang. Dumagdag pa sa kaniyang dalahin ang balitang
nagpakasal na ang dalagang iniibig niya sa kaniyang karibal na si Nanong kapule.
Pinaniwalaang dahil sa kabiguang ito ay naisulat niya sa loob ng bilangguan ang obrang Florante at Laura, bagama’t
may ilang nagsasabing tinapos niya ang obra sa Udyong, Bataan. Dito kasi sa lalawigang ito siya nanirahan pagkatapos
makalaya sa pagkabilanggo at dito rin niya nakilala ang babaeng iniharap niya sa dambana, Si Juana Tiambeng. Ikinasal siya
sa edad na 54, sa kabila ng pagtutol ng magulang ni Juana sa kaniya, dahil na rin sa malaking agwat sa edad. Naging kawani
siya sa hukuman at hindi naglaon ay naging Tenyente Mayor at Juez de Sementera. Noong mga panahong iyon ang
posisyong ito ay pinagpipitaganan.
Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana, sa lalawigan din ng Bataan muli siyang bumalik sa bilangguan dahil sa
paratang na pinutulan niya ng buhok ang isang babaeng utusan. Bagama’t lumaban siya sa kaso at sadyang naubos ang
kaniyang kayamanan sa pag-aapela, pinagdusahan niya pa rin ang paratang na iyon sa kulungan. Sa isang kisap-mata’y
nawala ang lahat ng kaniyang pinaghirapan. Paglabas niya ng piitan, ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang pagsulat
hanggang bawian siya ng buhay noong ika-20 ng Pebrero taong 1862 sa gulang na 74. Naulila niya ang kaniyang asawang si
Juana at ang apat nilang anak.
Lumisan man siya sa mundong ito ay iniwan naman niyang buhay sa alaala ng mga Pilipino ang imortal na obrang
sumasalamin sa totoong buhay-ang Florante at Laura.
Sinasabing ang mga pasakit sa buhay na naranasan ni Balagtas ang nagpanday sa kaniya upang maging isang
mahusay na manunulat. Nakatulong din ang mga himagsik ng damdaming naghari sa puso’t isipan niya nang mga panahong
iyon. Masasalamin ang mga ito sa mismong Florante at Laura. Naging mapangahas ang obrang ito.
Kung magiging mapanuri rin ang mga mambabasa, makikita nilang ang awit ay hitik na hitik sa mga aral at
pagpapahalagang magagamit bilang gabay sa pang-araw-araw na pamumuhay tulad ng maling pagpapalaya ng magulang sa
kanilang anak, pagkamainggitin na nauuwi sa pang-aagaw, pagbabalatkayo na nagbubunsod ng pagiging mapaghiganti at
ang hindi kanais-nais na pag-uugali na pagpapaliban ng gawain, at sobrang pagkamapaniwalain.
Masasabing ang obrang Florante at Laura ay naging daan upang mapataas ang antas ng panitikan noong panahong
walang layang makasulat at maipahayag ang mga kaisipan, pagkamalikhain, at damdamin ng mahuhusay na manunulat.
Ito’y isang akdang hindi maibabaon sa hukay kailanman. Dahil sa angking kakayahan, determinasyon, at katatagan ni
Balagtas, isinilag ang isang panitikang nagbigay ng ibang antas sa sining ng panitikan. Tunay ngang karapat-dapat na
tawaging Prinsepe ng Makatang Tagalog si Francisco Balagtas.

Pag-isipan at Pag-usapan

Sagutin ang sumusunod na tanong:

1. Sa anong uri ng pamilya nagmula si Balagtas? Paano siya nakapag-aral sa kabila ng kanilang kalagayan sa buhay?
2. Paano natuklasan at napagbuti ni Balagtas ang kaniyang husay sa paglikha ng tula? Paano nakatulong sa kaniya ang
pagtanggi ni Huseng Sisiw na ayusin ang kaniyang mga tula?
3. Paano nangyari ang kaniyang kabiguan sa pag-ibig? Ano ang ibinunga sa kaniya ng kabiguang ito?
4. Sa iyong palagay, paano nakatulong kay Balagtas ang mga pinagdaanan niya upang maging mas mahusay siyang makata
at manunulat? Ipaliwanag.
5. Bilang isang mamamayang Pilipino, ano ang nararamdaman mo para kay balagtas na nag-iwan sa atin ng isang panitikang
patuloy na binabasa at nagbibigay hindi lamang ng kasiyahan sa pagbabasa kundi ng magagandang aral din?
6. Tunay bang makabuluhan at kapaki-apakinabang ang mga aral na napulot mo sa buhay ng Prinsepe ng makatang tagalog?

Sa paanong paraan?

Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura


Ang Florante at Laura ay isinulat ni Francisco “Balagtas” Baltazar noong 1838, panahon ng pananakop ng mga
Espanyol sa bansa. Sa panahong ito, mahigpit ang ipinatupad na sesura kaya’t ipinagbawal ang mga babasahin at palabas
na tumutuligsa sa pagmamalabis at kalupitan ng mga Espanyol. Dahil sa pagkontrol ng mga Espanyol, ang mga aklat na
nalimbag sa panahong ito ay karaniwang patungkol sa relihiyon o di kaya’y sa paglalaban ng mga Moro at Kristiyano na
tinatawag ding komedya o moro-moro, gayundin ng mga diksiyonaryo at aklat-panggamatika.
Ang relihiyon at ang paglalaban ng mga Moro at Kristiyano ay siya ring temang ginamit ni Balagtas sa kaniyang awit
bagama’t naiugnay niya ito sa pag-iibigan nina Florante at Laura. Ito ang dahilan kaya’t nagtagumpay siyang mailusot ang
awit sa mahigpit na sesura ng mga Espanyol. Gumamit siya ng alegorya kung saan masasalamin ang mga nakatagong
mensahe at simbolismong kakikitaan ng pagtuligsa sa pagmamalabis at kalupitan ng mga Espanyol gayundin ng pailalim ng
diwa ng nasyonalismo. Ang mga tauhan at mga pangyayaring nagdulot ng kaawa-awang kalagayan sa kaharian ng Albanya
ay kasasaliman ng mga naganap na kaliluan, kalupitan, at kawalang katarungan sa Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng mga
Espanyol. Masasalamin din sa akda ang tinutukoy ni Lope K Santos na “apat na himagsik” na naghari sa puso at isipan ni
Balagtas: (1) ang himagsik laban sa malupit na pamahalaan; (2) ang himagsik laban sa hidwaang pananampalataya; (3) ang
himagsik laban sa mga maling kaugalian; at (4) ang himagsik laban sa mababang uri ng panitikan.
Ang Florante at Laura ay itunuturing na isang obra-maestra ng panitikang Pilipino at sinasabing nagbukas ng landas
para sa panulaang Tagalog noong ika-19 na dantaon. Isinulat niya kasi ang kaniyang akda sa Wikang Tagalog sa panahong
ang karamihan sa mga Pilipinong manunulat ay nagsisulat sa wikang Espanyol. Ang awit ay inialay ni Balagtas kay “Selya” o
Maria Asuncion Rivera, ang babaeng minahal niya nang labis at pinagmulan ng kaniyang pinakamalaking kabiguan.
Sinasabing isinulat niya ito sa loob ng selda kung saan siya nakulong dahil sa maling paratang na pakana ng mayamang
karibal na si Nanong kapule. Ang malabis na sakit, kabiguan, kaapihan, himagsik, at kawalang katarungang naranasan ni Kiko
sa lipunang kaniyang ginagalawan ay siyang nagtulak sa kaniya upang likhain ang walang kamatayang Florante at Laura.
Ang awit ay nagsilbing gabay at nagturo sa mga Pilipino ng maraming bagay. Ito ay naglalaman ng mahahalagang
aral sa buhay tulad ng wastong pagpapalaki sa anak, pagiging mabuting magulang, pagmamahal at pagmamalasakit sa
bayan, pag-iingat laban sa mga taong mapagpanggap o mapagkunwari at makasarili, gayundin ang pagpapaalaala sa madla
na maging maingat sa pagpili ng pinuno sapagkat napakalaki ng panganib na dulot sa bayan ng pinunong sakim at
mapaghangad sa yaman. Ipinakita rin sa akda ang kahalagahan ng pagtulong sa kapuwa maging doon sa may magkakaibang
relihiyon tulad ng mga Muslim at Kristiyano. Binigyang-halaga rin sa akda ang taglay na lakas ng kasabihan sa katauhan ni
Flerida, isang babaeng Muslim na sa halip na sumunod lang sa makapangyarihang kalalakihan ay piniling tumakas mula sa
mapaniil na Sultan upang hanapin ang kaniyang kasintahan at siya pang pumutol sa kasamaan ng buhong na si Adolfo.
Ang akda ay gumabay hindi lamang sa mga pangkaraniwang tao kundi gayundin sa mga bayaning nagmulat sa
diwang makabayan ng mga Pilipino. Sinasabing si Jose Rizal ay nagdala ng kopya ng Florante at Laura habang siya’y
naglakbay sa Europa at naging inspirasyon niya sa pagsulat ng Noli Me Tangere. Sinasabi ring maging si Apolinario Mabini ay
sumipi sa pamamagitan ng sarili niyang sulat-kamay ng kopya ng awit habang siya ay nasa Guam noong 1901. Bagama’t
napakatagal nang panahon mula nang isulat ni Balagtas ang awit ay hindi mapapasubaliang ang mga aral na taglay nitong
gumabay sa ating mga ninuno at mga bayani ay nananatiling makabuluhan, angkop, at makagagabay pa rin sa mga Pilipino
hanggang sa kasalukuyang panahon.

 Ang orihinal na pamagat ng Florante at Laura ay “Pinagdaanang Buhay ni Florante at Laura, sa kahariang Albania.
Kinuha sa Madlang Cuadro Historico o Pinturang Nagsasabi sa mga nangyari nang Unang Panahon sa Imperio ng
Grecia at Tinula nang isang Matuwain sa Bersong Tagalog”.

Pag-isipan at Pag-usapan

1. Ano ang kalagayan ng bansa sa panahong isinulat ni Balagtas ang awit na Florante at Laura?
2. Ano-ano ang naging layunin ni Blagtas sa pagsulat niya ng Florante at laura?
3. Bakit kinailangan niyang gumamit ng alegorya para maitago ang tunay na mensahe ng kaniyang obra maestro?
4. Bakit mahalagang basahin at pag-aralan ang Florante at laura?
5. Ano- kaya ang naging epekto Ipaliwanag.nito sa mga Pilipinong nakabasa nito sa panahong naisulat ito?
6. Batay sa binasa mong kaligirang pangkasaysayan, nagkaroon nga kaya ng impluwensiya ang Florante at Laura sa
mga nangyaring pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa pamahalaang Kolonya?
Mahahalagang Tauhan sa Florante at Laura
Ang Florante at Laura ay isang akdang nabibilang sa genre na tinatawag na awit o romansang metrikal. Ito ay isang
tulang pasalaysay na may tig-aapat na taludtod sa bawat saknong kung saan ang bawat taludtod ay may lalabindalawahing
pantig. Ang dulong tugma nito ay isahan. Ang Florante at Laura ay binubuo ng 399 saknong at tulad ng karaniwang awit o
romansang metrikal, ang mga tauhang gumaganap ay nabibilang sa mga dugong bughaw ng sinaunang panahon.
Sa simula ng awit ay ipinakita ang tagpuan bilang isang madilim at mapanglaw na gubat. Sa paggalaw ng mga
pangyayari at sa pagsasalaysay ni Florante ay makikitang ang kabuoan ng awit ay naganap sa kaharian ng Albanya. Isa-isa
ring nailahad ang mga tauhang nagbigay-buhay sa awit at kung paano nahabi nang maayos ang mga pangyayari sa tulong ng
mga tauhang ito.
Bago mo basahin ang obra maestro ng hari ng panulaang Tagalog, iyo munang kilalanin ang mga tauhang
magsisiganap o magbibigay-buhay sa walang kamatayang Florante at Laura.

Mga tauhang Kristiyano

Menadro – Mabuting kaibigan ni Florante. Naging kaklase niya sa Atenas. Naging matapat na kanang kamay ni Florante sa
mga digmaan at nakapagligtas din sa kaniyang buhay.
Antenor – Ang mabuting guro nina Florante, Adolfo, at Menandro habang sila’y nag-aaral sa Atenas. Siya ang gurong
gumabay at nagturo ng maraming bagay kay Florante.
Prinsesa Floresca – Ang mapagmahal na ina ni Florante, asawa ni Duke Briseo at anak ng hari ng Krotona. Maaga niyang
inulila si Florante sapagkat namatay siya habang nag-aaral pa lang si Florante sa Atenas.
Duke Briseo – Ang butihing ama ni Florante. Kaibigan at tagapayo ni Haring Linceo.
Haring Linceo – Ama nil aura at hari ng Albanya. Makatarungan at mabuing hari.
Laura – Anak ni Haring Linceo. Siya’y magandang dalagang hinangaan at hinangad ng maraming kalalakihang tulad nina
Adolfo at Emir subalit ang kaniyang pag-ibig ay nanatiling laan lamang para kay Florante.
Florante – Anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Siya ang magiting na heneral ng hukbo ng Albanya at nagpabagsak sa
17 kaharian bago siya nalinlang ni Adolfo at naipatapon sa gubat.
Konde Adolfo – Isang taksil at naging kalabang mortal ni Florante mula nang mahigitan nito sa husay at popularidad habang
sila’y nag-aaral pa sa Atenas. Siya ang umagaw sa kahariang Albanya, nagpapatay kina Haring Linceo at
Duke Briseo, nagpahirap kay Florante, at nagtangkang umagaw kay Laura.
Menalipo – Pinsan ni Florante. Nakapagligtas sa buhay niya mula Sa isang buwitre noong siya’y sanggol pa lamang.
Konde Sileno – Ama ni Adolfo na taga-Albanya.

Ang magsing-irog na sina Florante at Laura ang mga pangunahing tauhan ng awit. Sila rin ang nagging hari at reyna ng
kahariang Albanya pagkatapos itong mabawi mula sa buhong na si Adolfo.

Mga Tauhang Moro

Heneral Osmalik – Magiting na heneral ng Persya na namuno sa pananakop sa Krotona subalit natalo at napatay ni
Florante.
Heneral Miramolin – Heneral ng Turkiyang namuno sa pagsalakay sa Albanya subalit nalupig nina Florante at ng kaniyang
hukbo.
Sultan Ali-Adab – Malupit na Ama ni Aladin at siya ring naging kaagaw niya sa kasintahang si Flerida.
Emir - Gobernador ng mga Moro na nagtangka kay Laura subalit tinanggihan at sinampal sa mukha ng dalaga. Humatol na
pugutan ng ulo si Laura subalit nakaligtas dahil sa maagap na pagdating ni Florante.
Aladin – Isang gererong Moro at prinsepe ng Persya; anak ni Sultan Ali Adab. Naging kaagaw niya ang ama sa kasintahang si
Flerida kaya’t pinili niyang magparaya at maglagalag sa kagubatan. Dito niya nailigtas si Florante na itinuturing na
mahigpit na kaaway ng kanilang bayan at relihiyon.
Flerida – Kasintahan ni Aladin na tinangkang agawin ng amang si Sultang Ali-Adab. Tumakas siya sa gabi ng nakatakdang
kasal sa sultan upang hanapin ang kasintahan. Nailigtas niya si Laura sa kamay ni Adolfo nang panain niya sa dibdib
at mapatay ang buhong.

Sina Aladin at Flerida ang mga tauhang Moro na naging tagapagligtas ng magkasintahang Kristiyano na sina Florante at
laura. Pinatunayan nilang ang pagtulong sa kapuwa ay walang pinipiling lahi at maging ang itinuturing na kaaway ay dapat
tulungan kung kinakailangan.

Pag-isipan at Pag-usapan

1. Ano ang maaaring mangyari sa isang akda kung hindi gaanong mahusay ang pagkakahabi ng mga tauhan nito?
2. Bakit mahalagang makilala ang mga tauhan bago pa man simulang basahin ang isang akda?
3. Maliban kina Florante at Laura, sino sa mga tauhang nakilala mo ang sa tingin mo’y magmamarka nang
husto sa kabuoan ng akda? Ipaliwanag.
4. Paano makaaapekto sa isang akda ang mga tauhang nagpapagalaw at nagbibigay-buhay rito?

Sagutin ang sumusunod:

A. Nahihinuha ang kahalagahan ng pag-aaral ng Florante at Laura batay sa napakinggang mga pahiwatig sa akda.

Ngayong napatunayan mong ang mga pangyayari sa nakalipas ay nangyayari pa rin sa kasalukuyan, ano ang gagawin
mo kung sakaling sa iyong buhay ay umiral din ang kawalang katarungan nang dahil lang sa pagkakaiba ng kalagayan
sa buhay?

______________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________

Batay sa ginawa mong paghahambing ng pangyayari sa akda at mga pangyayari sa tunay na buhay sa kasalukuyang
panahon, ano sa iyong palagay ang kahalagahan ng pag-aaral ng Florante at laura?

______________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________________________

B. Ang Florante at Laura ay isang alegorya. Nakatago sa mga pangyayari ang mensahe at simbolismong
kakikitaan ng pagtuligsa sa kalagayang panlipunan sa panahong nasulat ito. Lagyan ng Tsek (/) ang lahat
ng kalagayang panlipunang naganap sa panahong ito. Ekis (x) naman sa hindi.

_____ 1. Mahigpit ang ipinapatupad na sesura kaya’t ipinagbabawal ang mga babasahin at palabas na tumutuligsa sa
kalupitan ng mga Espanyol.
_____ 2. Ang karaniwang tema ng mga sulatin sa panahong iyon ay tungkol sa relihiyon at paglalaban ng mga
Kristiyano at Moro.
_____ 3. Ang sinumang nais sumulat ay may kalayaang isulat ang anumang paksa o temang magustuhan niya.
_____ 4. Marami sa mga nalathalang aklat sa panahong ito ay mga diksiyonaryo at aklat panggramatika.
_____ 5. Nakadama ng panghihimagsik ang mga Pilipino sa kalupitan at pagmamalabis ng mga dayuhanng
sumakop sa bansa.
_____ 6. Karamihan sa mga nagsisulat sa panahong ito ay gumamit ng wikang Espanyol.
_____ 7. Naging maluwag, makatarungan, at makatao ang ginawang pamamahala ng mga Espanyol sa ating bansa.

C. Ano-ano ang naging layunin ni Balagtas sa pagsulat ng walang kamatayang Florante at Laura? Lagyan ng
Tsek (/) ang kahon ng lahat ng iyong sagot.

_____ 1. Maihayag ang apat na himagsik na naghari sa puso ni Balagtas kaugnay ng pamamahala ng mga Espanyol.
_____ 2. Makabuo ng isang akdang maiaalay kay “Selya” o Maria Asuncion Rivera, ang babaeng minahal niya nang labis.
_____ 3. Makabenta nang marami at yumaman sa pamamagitan ng benta ng kaniyang walang kamatayang akda.
_____ 4. Maisalin ng kaniyang akda sa iba’t ibang wika at mabasa sa iba’t ibang bansa.
_____ 5. Mailahad ang malabis na sakit, kabiguan, kaapihan, himagsik, at kawalang katarungang naranasan niya sa lipunang

kaniyang ginagalawan.

D. Ang Florante at Laura ay isinulat ni Balagtas noong 1838. Ngayon tayo’y nasa 2023 na. kahit 185 taon na
ang lumipas mula nang ito’y kaniyang isulat ay patuloy pa rin itong binabasa at pinag-aaralan ng
kabataang tulad mo. Ito’y isang patunay na naging mabisa ang aklat sa paghubog sa kamalayan ng mga
Pilipino noon at ngayon.

Maglahad ka ng ilang patunay sa naging bisa o epekto ng akda sa panahong isinulat ito.

1. ____________________________________________________________________________________
2. ____________________________________________________________________________________
3. ____________________________________________________________________________________
Ngayong ikaw na ang bumabasa nito, ano-ano naman kaya ang magiging bisa o epekto nito sa iyo at sa mga
kapuwa mo kabataan sa kasalukuyang panahon? Maglahad ng ilang bagay na magagawa mo na makapagpapakita sa bisa
o epekto ng akda sa iyo.
1. ____________________________________________________________________________________
2. ____________________________________________________________________________________
3. ____________________________________________________________________________________

Awtput

Nailalahad ang damdamin o saloobin ng may-akda, gamit ang wika ng kabataan.

Ikaw ngayon si Balagtas o sabihin nating makabagong Balagtas na maglalahad ng iyong damdamin o saloobin
pagkatapos mong marinig ang sinabi sa iyo ng kabataan. Ano ang sasabihin mo sa kabataang ito? Isulat nang patulang may
sukat at tugma ang iyong mga sasabihin subalit bibigkasin mo ito nang pa-rap upang higit na makaakit sa mga tagapakinig
mong kabataan.

Gabay na pamantayan:

Mga pamantayan 5 4 3 2 1
Gumamit ng mga salitang simple at madaling mauunawaan ng kabataan
Ang tula ay binubuo ng hindi bababa sa apat na saknong at sumunod sa sukat at tugma ng
awit na tig-12 pantig sa isang taludtod at apat na taludtod sa isang saknong.
Nailahad nang pa-rap at sa nakawiwiling paraan.
Kabuoang Puntos
5 – napakahusay 3 – katamtaman 1 – sadyang di- mahusay
4 – mahusay 2 – di-mahusay

You might also like