v Ang Noli Me Tangere ay inialay ni Rizal sa Inang Bayan samantalang
ang El Filibusterismo ay sa Tatlong Paring Martir o sa Gomburza v Ang Noli ay nobelang panlipunan na tumatalakay sa pamumuhay, pag-uugali, at mga sakit ng mga mamamayan noon. v Kung ang Noli ay nangangahulugang Huwag mo akong Salingin, ang El Fili naman ay ang Paghahari ng Kasakiman. v Ang Fili ay nobelang pampolitika na pumapaksa sa pamamahala ng Kastila (sibil at simbahan). v Si Rizal ay isa sa mga masugid na tagahanga ni Padre Burgos at ayon sa sabi ay nagkaroon ng pagkakataong si Paciano (kapatid ng bayani) na mapaglingkuran ang pari bilang sakristan. v Bago bitayin sina P. Burgos, P. Gomez, at P. Zamora, ang mga Pilipino, sa kanilang paghahanap ng pagbabago at kabutihan mula sa pamahalaan ay makapook lamang (regional). Idinawit sila sa isang aklasan sa Cavite noong Enero 1872. Dahil sila ay mga paring maka- Pilipino kaya naman may isang paring regular ang nagpanggap at sila ay isinangkot sa kaguluhan. v Nang maghimagsik sina Dagohoy, ang lalawigan ng Bohol lamang ang inihanap niya ng paglaya; si Diego Silang ay ang Ilocos lamang; si Palaris, ang Pangasinan; si Maniego, ang Kapampangan lamang, at iba pa. Ngunit nang bitayin ang Gomburza, naging pambansa na ang paningin ng mga Pilipino ukol sa paglaya. Ang pagkabitay sa 3 pari ay siyang nagbinhi ng diwang makabansa sa mga Pilipino. v Sa huli, napatunayan din na walang sala ang mga pari dahil may isang taong nagngangalang Zaldua ang nagpatunay na sila ay mga walang sala.
KALIGIRANG KASAYSAYAN NG EL FILIBUSTERISMO
Ang El Filibusterismo ay ang ikalawang obra maestro ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ito ay karugtong ng Noli Me Tangere na una niyang isinulat. Ipinaliwanag ni Rizal sa kaniyang kaibigang si Dr. Ferdinand Blumentritt ang kahulugan ng Filibusterismo. Ayon sa kaniya, lingid pa sa mga Plipino ang kahulugan nito noong una hanggang masaksihan nila ang malagim at kalunos-lunos na pagbitay sa tatlong paring martir. Malinaw pa sa kaniyang alaala ang matinding takot na hatid ng kahulugan ng salitang Filibusterismo dahil mahigpit na ipinagbawal sa kanilang tahanan ang pagsambit man lamang ng salitang ito. Labing-isang taong gulang pa lamang si Rizal noon nang marinig niya ang salitang Filibustero. Sa murang edad ay naging saksi siya sa mapapait, masasakit, at madidilim na bahagi ng buhay ng ating mga ninuno kaya tumimo sa kaniyang puso ang pagnanais na mailantad ang kabuktutan ng mga mananakop. Ginamit niya ang pinakamabisang sandata sa pagkamit ng minimithing pagbabago at kalayaan ng mga Pilipino – ang kaniyang panulat. Gaya ng nabanggit, ang unang obra maestro ni Rizal ay ang Noli Me Tangere na matagumpay na lumabas noong Marso 1887. Maraming makabayan ang nagalak at humanga sa katapangan ni Rizal sa pagsulat sa mga kabuktutan at pagmamalabis ng mga Espanyol subalit tulad ng inaasahan, nagpuyos ang damdamin ng mga makapangyarihang Espanyol matapos mabasa ang nilalaman nito. Bitbit ang kaba sa puso ay nagpasiya siyang bumalik sa Pilipinas kahit batid niyang ito’y mapanganib. Noong Agosto 1887, muli niyang nasilayan ang kaniyang pamilya. Isinagawa niya ang kaniyang mga layunin sa kaniyang pagbabalik. Ginamot niya ang mga mata ng kaniyang ina; nakipag-usap kay Leonor Rivera, at inalam ang pagtanggap ng mga Pilipino sa kaniyang isinulat na nobela. Nang ipagbawal ng pamahalaang Espanyol sa Pilipinas ang pagaangkat, pagpapalimbag, at pagpapakalat ng nobela ay nakaramdam ng higit na panganib si Rizal. Hinimok si Rizal ni Gobernador-Heneral Emilio Terrerong lisanin ang bansa upang maiiwas siya at ang kaniyang pamilya sa lalo pang kapahamakan at sa pagmamalupit ng mga makapangyarihang prayle sa kaniyang pamilya. Nagpahinuhod siya sa payo ng gobernadorheneral at palihim na tumalilis ng Pilipinas noong Pebrero 1888. Nagtungo siya sa sa iba’t ibang bansa sa Asya, sa Amerika, at sa Europa. Napakarami niyang natutuhan sa mga paglalakbay na iyon. Sinimulang isulat ni Rizal ang El Fili sa London noong 1890. Ayon kay Maria Odulio de Guzman, binalangkas ni Rizal ang pagkatha sa El Fili noong mga huling buwan ng 1884 at mga unang buwan ng 1885 nang isinusulat pa niya ang Noli. Habang isinusulat ni Rizal ang El Fili, naisasabay rin niya ang pagbisita sa mga kaibigan at pamamasyal sa magagandang lugar sa Europa. Lubhang nasiyahan at naaliw si Rizal sa ganda ng Paris kaya’t napag-isipan niyang lumipat muna sa Brussels, Belgium upang matutukang mabuti at mapag-isipan nang lubusan ang pagsulat ng nobela. Kasama ang kaibigang si Jose Alejandrino ay nanirahan sila roon. Nanggamot din siya upang matugunan ang mga pangangailangan niya roon. Patong-patong na suliranin ang kaniyang naranasan habang isinusulat niya ang El Fili. Kung kinulang siya sa pananalapi nang isinusulat niya ang Noli ay higit siyang kinapos nang isinusulat na niya ang El Fili kaya sadya siyang naghigpit ng sinturon. Halos lumiban siya sa pagkain makatipid lamang. Nakapagsanla rin siya ng kaniyang mga alahas upang matustusan ang pagsusulat. Matindi ang pagnanais niyang tapusin na agad ang nobela dahil maging sa kaniyang pagtulog ay napapanaginipan niyang may namamatay sa kaniyang mga mahal sa buhay. Iniwasan niyang kapusin ng panahon sa pagsusulat. Batid niyang walang ibang makatatapos ng kaniyang obra kung hindi siya lamang. Hindi lamang kawalan ng pondo ang kaniyang naging suliranin upang matapos ang El Fili. Naging balakid din ang suliranin niya sa puso, sa pamilya, at sa mga kaibigan. Nakarating sa kaniyang kaalaman na ang kaniyang pinakaiibig na si Leonor Rivera ay ipinakasal ng magulang nito sa ibang lalaki. Ipinagpapalagay na mababakas ang pighati niya sa pangyayaring ito sa nobela sa bahaging nagtalusira si Paulita sa katipang si Isagani at nagpakasal kay Juanito. Nabatid din niyang ang kaniyang magulang at mga kapatid ay pinasasakitan at pinag-uusig ng pamahalaang Espanyol dahil sa usapin sa lupa at sa maling paratang. Labis siyang nagalala sa mga mahal niya sa buhay sa Calamba, Laguna. Maiuugnay ito sa kuwento ni Kabesang Tales na may ipinaglalabang usapin hinggil sa pangangamkam ng lupa ng mga prayle kahit wala silang katibayan ng pagaari at nakuha pang maningil ng buwis sa nasabing kabesa na siyang mayari ng lupa. Sa pagpapatuloy ng pagsusulat ni Rizal ng nobela ay nagkaroon siya ng iba’t ibang pangitain. Ganito rin ang pangyayari sa buhay ni Simoun nang nag-urong sulong siyang isagawa ang katuparan ng kaniyang plano. Nakita niya ang nagdusang ama at si Elias sa kaniyang pangitain. Lumayo rin kay Rizal ang mga kasama niya sa La Solidaridad. Ikinalungkot din niya ang nakitang kawalan ng pagkakaisa ng mga Pilipinong Ilustrado sa Espanya na sila sanang pag-asa ng nakalugmok na mamamayan ng Pilipinas. Dahil sa samo’t saring suliraning naranasan, naisip ni Rizal na sunugin na lamang ang kaniyang mga isinulat. Sinasabing may bahagi sa nobela ang hindi niya napigilang ihagis sa apoy sa bigat at tindi ng kaniyang mga alalahanin. Dahil sa adhikain ni Rizal na imulat ang kaisipan at gisingin ang damdamin ng mga Pilipino laban sa pang-aapi at pag-aabuso sa pamahalaang Espanyol ay pinagtibay niya ang kaniyang kalooban upang ipagpatuloy at tapusin ang nobela kahit kulang sa panustos mula sa pamilya. Nang matapos ito noong Marso 29, 1891 at makahanap ng murang palimbagan, ang palimbagang F. Meyer-van Loo sa Ghent, Belgium ay ipinadala niya ang manuskrito sa kaibigang si Jose Alejandrino. Sa kasamaang-palad, hindi natapos ang paglilimbag ng aklat. Mahigit na isandaang pahina pa lamang ito nang maipahinto na dahil naubos na ang kaniyang pambayad mula sa salaping kanyang natipid at nang hindi dumating ang hinihintay na salapi mula sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Nilimot din ng ilang mayayamang kaibigang Pilipino ang kanilang pangakong tulong sa paglilimbag ng nobela. Sa oras ng pangangailangang ito ay himalang dumating ang saklolo ng mayamang kaibigang si Valentin Ventura. Siya ang gumastos upang maituloy ang nahintong paglilimbag ng nobela noong Setyembre 1891. Dahil mabuting kaibigan si Rizal ay inialay niya ang isang panulat at ang orihinal na manuskrito ng El Fili kasama ang isang nilimbag at nilagdaang sipi bilang pasasalamat at pagtanaw ng malaking utang na loob sa kaibigang si Valentin Ventura. Ipinadala ni Rizal sa Hong Kong ang karamihan ng mga aklat at ang ibang bahagi ng mga ito ay sa Pilipinas napunta pagkatapos niyang mabigyan ng kopya ang mga kaibigang sina Juan Luna, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Dr. Ferdinand Blumentritt. Sa kasamaangpalad, nasamsam sa Hong Kong ang mga aklat na ipinadala ni Rizal gayundin ang mga kopyang ipinadala niya sa Pilipinas. Ipinasira ng Pamahalaang Espanyol ang mga sipi ng nobela subalit may ilang nakalusot at nagbigay ng malaking inspirasyon sa mga naghihimagsik. Patuloy nitong naantig at nagising ang damdamin ng Pilipino. Kung ang Noli ang gumising at nagpaalab sa diwa at damdamin ng mga Pilipino ukol sa mga karapatan, nakatulong naman nang malaki ang El Fili kay Andres Bonifacio at sa Katipunan upang maiwaksi ang mga balakid na nakasasagabal sa paghihimagsik noong 1896. Ang El Fili ay inialay ni Rizal bilang pagpupugay sa tatlong paring martir na binitay sa Bagumbayan noong Pebrero 1872 na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora dahil lamang sa maling hinala ng mga Espanyol. Bilang paggalang at pag-alala sa kanilang sakit at hinagpis, inihandog niya ang nobela. Wika niya: “Sa di pagsang-ayon ng Relihiyon na alisan tayo ng karangalan sa pagkapari ay inilagay sa alinlangan ang kasalanang ibinibintang sa inyo; sa pagbabalot ng pagkakamaling nagawa sa isang masamang sandali, at ang buong Pilipinas, sa paggalang sa inyong alaala at pagtawag na kayo’y mga pinagpala, ay hindi lubos na kinikilala ang inyong pagkakasala. Samantala ngang hindi maliwanag na naipakikilalang ang inyong pagkakasangkot sa pagkakagulo sa Cavite, maging bayani man kayo o hindi, nagkaroon man o hindi ng hilig sa kalayaan, ay may karapatan akong ihandog sa inyo, bilang ginahis ng kasamaang ibig kong bakahin, ang aking akda. At habang hinihintay namin na kilalanin ng Espanya balang araw ang inyong kabutihan at hindi makipanagot sa pagkakapatay sa inyo, ay maging putong na dahong tuyo man lamang ang inyong liblib na libingan ang mga dahon ng aklat, at lahat nang walang katunayang maliwanag na umupasala sa inyong alaala ay mabahiran nawa ang kanilang kamay ng inyong dugo.” Ayon sa pag-aaral, hindi napatunayan ang pagkakasangkot ng tatlong paring martir sa pag-aalsa sa Cavite. Hindi rin pinayagan muli ng mga Espanyol na mabuksan ang kanilang kaso upang hindi na lumabas pa ang katotohanan. Inihambing naman ni Ginoong Ambeth Ocampo ang Noli sa El Fili. Ayon sa kaniya, mas maraming hindi isinama si Rizal sa El Fili. May halos apatnapu’t pitong (47) pahina ang tinanggal, nilagyan ng ekis, binura at binago. Samantalang sa Noli Me Tangere ay ang kabanata lamang tungkol kina Elias at Salome ang hindi naisama sa pag-imprenta subalit buo ito at maaaring isalin at pag-aralan din. Ayon din sa kaniya, noong 1925, binili ng pamahalaan ang orihinal na kopya ng nobela mula kay Valentin Ventura. Totoong binagtas ni Dr. Jose Rizal ang napakatinik na daan tungo sa kaniyang adhikain subalit siya’y nagtagumpay. Nakarating sa pinagpalang mga kamay ang ikalawang obra maestrang El Filibusterismo na nagsilbi at patuloy na nagsisilbing inspirasyon ng lahat ng Pilipino sa bansa at maging sa mga Pilipinong nasa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nawa’y isapuso nating lahat ang mga mensaheng taglay nito.