Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

MIRA

by rvnjace

Iminulat ko ang aking mga mata dahil sa nakasisilaw na liwanag na nanggagaling sa


bintana.

Isang bagong umaga, bagong araw ng pangungulila at pag-alala.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga, ngunit bago tuluyang lumabas ng silid ay sumilip
muna ako sa malaking bintana ng aking kwarto kung saan tanaw ang dagat sa ‘di kalayuan
at ang langit.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko at hinawakan ang palawit ng kwintas na suot,


gawa ito sa asul na sapiro na nagsisimbolo ng pangako… pangakong hindi ko alam kung
maaari pa bang magkatotoo.

Nasaan ka na ba? Talaga bang wala ka na? Talaga bang iniwan mo na kami at hindi ka na
babalik?

Lumandas ang mga butil ng luha mula sa aking mga mata, ngunit sa kabila no’n ay ngumiti
ako, kasabay nito ang aking pag-alaala sa mga nangyari ilang taon na ang nakalilipas.

***

“MIRA, pinapatawag ka ng heneral,” ani ng isang nakatataas na ospisyal sa hukbo.

Sumunod ako sa kanya at nang makapasok sa loob ng tolda ay agad kong nakita ang
nakatalikod na heneral.

Si Heneral Nicholas Jimenez — ang pinuno ng aming hukbo.

Ika-8 ng Disyembre, taong 1941, nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at
Hapon. Isa ako sa mga naging biktima ng mga malalakas na pagsabog at ang sabi nila ay
muntikan na rin akong masawi, mabuti na lamang ay naagapan.

Ang Heneral Nicholas ang nagligtas sa akin, iyon ang kanilang sabi, ngunit wala akong
maalala dahil isa sa mga naging epekto ng aking natamong pinsala ay ang pagkawala ng
aking memorya ng nakaraan.

Buhat no’ng gumaling ay isinama na ako ng hukbo sa pagsasanay dahil hindi ko rin alam
kung saan ako babalik pagkatapos. Isa ako sa mga naging marksman ng grupo, kung kaya’t
malimit akong isama sa mga misyon na may kaugnayan sa pag-eespiya.

“Heneral, narito na siya.”

Nilingon ako ng heneral, sumaludo naman ako sa kanya. Ngunit hindi nakatakas sa akin ang
pagkunot ng kanyang noo, at doon ko lamang napagtanto na puno pa pala ng putik ang
aking pang-ibabang kasuotan. Nasa pagsasanay kasi ako nang tawagin ng kawal kung
kaya’t hindi na nakapagpalit.

“Here comes your weapon, use it well, Nicholas.” ani ng isang Amerikanong heneral sa tabi
niya at tumawa.

Tila naiinis naman siyang binalingan ni Heneral Nicholas, ngunit hindi rin ito nagsalita at sa
halip ay nilingon akong muli.

Agad ko namang nahugot ang aking hininga nang magkatagpo ang aming mga mata.
Kagaya ng palaging nangyayari tuwing nagkakatitigan kami ay tila hinihigop na naman ako
ng kanyang malalamlam at magandang-maganda na asul na mga mata… na nagpapaalala
sa akin palagi ng kulay ng dagat at langit.

“Magpalit ka muna, Mira. Magkita nalang tayong mamaya sa tanghalian.”

Tumango ako at palihim na napangiti bago sumagot.

“Masusunod po, Heneral.”

Agad akong bumalik sa toldang nakatalaga sa akin at isinuot ang pinakamalinis na uniporme
ko.

Humagikgik ako at ngumisi dahil alam ko na ang ibig sabihin ng sinabi niya kanina.
Magkikita kami sa ilalim ng mangga na nasa taas ng burol kung saan tanaw ang buong
bayan at ang dagat sa malayo. Panigurado ay magkukwentuhan kami tungkol sa mga
nangyari nitong mga nakaraang linggo.

Mahalaga sa akin ang Heneral, dahil simula no’ng araw na gumising ako noon ay siya na
ang tila tumayong pamilya para sa akin, hanggang ngayong 1945 na. Siya ang nagbigay sa
akin ng bagong pangalan — Mira. Tinuruan niya ako ng maraming bagay at ilang beses na
rin niya akong sinagip. Kaya gagawin ko ang lahat para maging kapaki-pakinabang sa
kanya, ililigtas ko rin siya kagaya ng ginawa niyang pagligtas sa akin, kahit na buhay ko pa
ang maging kapalit.

“Heneral,” nakangiti kong bati nang makarating sa ilalim ng puno ng mangga.

Ngumiti siya pabalik at tinapik ang pwesto sa tabi niya, agad din naman akong lumapit para
umupo roon.

May kinuha siya sa likod at kaagad na nagningning ang mga mata ko no’ng makita kung ano
iyon.

“Adobo? Ipinagluto mo ulit ako ng adobo? Maraming salamat, Heneral!” Ngiting-ngiti kong
saad at kaagad na kinuha ang lalagyan sa kanya, mas lalo namang lumapad ang aking ngisi
no’ng makitang may kanin din itong kasama.
“Gantimpala. Dahil nagtagumpay ka sa iyong nakaraang misyon sa Laguna,” tila
nagmamalaki niyang saad habang nakangiti pa rin.

“Alam mo na agad ang nangyari? Hindi pa nga ako nagkukwento sa ‘yo,” tila nagtatampo ko
namang balik sa kanya.

“Pasensya ka na, Mira. Nabanggit ni Heneral de Leon sa akin kanina. Hindi ko naman alam
ang buong detalye kaya magkwento ka na.”

Sumimangot ako.

“Sige na, Mira. Gusto ko nang marinig ang mga nangyari mula sa ‘yo. Sige ka, hindi ko
ibibigay sa ‘yo ang isa mo pang regalo.”

Napanguso ako ngunit kalaunan ay nagsimula na rin akong magkwento. Tahimik siyang
nakinig sa akin at paminsan-minsan ay sumisingit ng tanong.

“Nasaksak ka?”

Mukha siyang naalarma no’ng nabanggit ko ang natamo kong saksak ilang linggo na ang
nakalilipas.

“Oo pero magaling na, tingnan mo pa,” agad kong sagot at inangat ang uniporme para
makita niya ang tagiliran ko.

Titig na titig siya rito na tila sinusuri ang tahi kung maayos ba ito, pagkatapos ay bumuntong-
hininga siya at marahan itong hinaplos. Agad namang nagsitayuan ang mga balahibo ko sa
katawan at hindi ko maintindihan kung bakit ang lakas at ang tulin ng tibok ng puso ko, tila
nasa karera ito at gusto nang lumabas sa dibdib ko.

Pinagmasdan ko ang Heneral at aking napagtanto na sa tuwing wala siya sa kampo ay


hinahanap ko nga ang presensya niya.

“M-maayos na ‘yan,” nauutal kong saad at lumayo sa kanya dahil pakiramdam ko ay


nawawala na naman ako sa sarili. “Ikaw… ikaw naman ang magkwento. Kumusta ang
misyon, Heneral?”

Sinubukan kong baguhin ang paksa namin. No’ng una ay nakatitig lang siya sa akin na tila
tinutunaw ako gamit ang kanyang asul na mga mata, ngunit hindi rin nagtagal ay nagsimula
na siyang magkwento. Kagaya ng ginawa niya ay tahimik din akong nakinig sa kanya,
ninanamnam ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya.

“Ano? May nakilala kang babae? Maganda ba, Heneral?” nakasimangot kong tanong dahil
nabanggit niyang may nakilala siyang babae mula sa isang kilalang pamilya sa Pangasinan.

“Oo, mayroon. Maganda at mahinhin, matalino rin.” sagot pa niya habang nakangiti.
Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay nasaksak ako sa puso dahil sa narinig.
Tipo kaya ng Heneral ang babae? Kung gayon, may balak ba siyang ligawan ito at gawing
asawa?

Sabagay, hindi malayo, lalo na’t lampas trenta na ang edad ng Heneral, dapat na siyang
mag-asawa.

Ngumuso ako, pakiramdam ko ay ang bigat-bigat ng dibdib ko at hindi ko maipaliwanag


kung bakit.

“Nakasimangot ka? May masakit ba sa ‘yo, Mira?” nag-aalala niyang tanong, hindi ko naman
siya pinansin.

Panay naman ang kalabit niya sa akin.

“May problema ba tayo, Mira?” muli niyang tanong. “May sinabi ba akong hindi mo
nagustuhan at ikinagalit mo?”

Hindi ko pa rin siya pinansin. Nagulat naman ako nang hawakan niya ang kamay ko at hinila
ako palapit sa kanya kaya bumagsak ako sa katawan niya.

“Sabihin mo sa akin,” aniya habang nakatingin sa akin, tila agad naman akong nahipnotismo
ng kanyang asul na mga mata.

Bumuntong-hininga ako. “Maganda, mahinhin, matalino. Tipo mo ba, Heneral? Kaya ba tila
tuwang-tuwa kayo habang nagkukwento sa akin?”

Humalakhak naman siya pagkatapos kong sabihin iyon at mas lalo akong inilapit sa kanya,
ngayon ay tila niyayakap na niya ako dahil sa ginawa niya.

“Nagseselos ka ba, Mira?”

Agad akong lumayo sa kanya. “Heneral!”

Ngumisi siya at muling hinawakan ang aking kamay.

“Maganda, mahinhin, matalino. Hindi ako nakangiti dahil tipo ko siya, nakangiti ako kasi…
naaalala kita sa kanya.”

Kumunot ang aking noo dahil hindi ko lubos na naunawaan ang winika niyang iyon, ngunit
bago pa ako makapagtanong muli ay nakuha ang atensyon ko nong iniabot niyang kahon.

“Para sa ‘yo, magagamit mo ‘yan balang araw.”

Binuksan ko ang kahon at agad na tumambad sa akin ang iba’t ibang klaseng papel at
panulat.

“Para saan po ito, Heneral?”


Bumuntong-hininga siya. “Pagkatapos ng lahat ng ‘to, magiging malaya ka na, Mira. Pwede
mo nang gawin lahat ng gusto mo at puntahan ang mga lugar na gusto mong puntahan. At
‘yan, ibinigay ko ‘yan para sulatan mo ako tungkol sa mga mangyayari sa ‘yo. Para kahit
magkalayo na, parang magkasama pa rin tayo.”

Kumunot ang noo ko. “Wala naman po akong gusto gawin, pwede po bang dito nalang ako
kung nasaan kayo?”

“Malawak ang mundo, Mira, at marami pang mangyayari sa hinaharap. Ayaw kong
makulong ka sa kung nasaan ka ngayon. At tungkol sa gusto mong gawin, hindi naman ibig
sabihin no’n ay kailangan mo nang magpasya agad ngayon. Malalaman mo rin ang gusto
mong gawin pagdating ng tamang panahon.”

Tumango ako. “Kung gayon, malapit na po ba tayong manalo, Heneral?” puno nang pag-asa
kong tanong, ngunit ngumiti lamang siya nang malungkot sa akin.

“Walang nananalo sa giyera, Mira. Parehong mawawalan… parehong maghihinagpis dahil


sa kawalan.”

Hindi ako nakapagsalita agad, dahil tama nga siya.

“Pero gagawin natin ang lahat para matapos na ‘to, hindi lang para sa ating nabubuhay
ngayon, kundi para rin sa mga susunod na henerasyon… para sa hinaharap.”

Pakiramdam ko ay mas lalo akong humanga sa kanya dahil sa sinabi niya.

“Tara na?”

Tumayo siya at inilahad ang kamay, inabot ko naman iyon at sabay na kaming bumaba ng
burol. Malapit na kaming makarating sa kampo nang bigla niyang tinawag ang pangalan ko
kaya napalingon ako.

“Uhh… Mira?”

“Bakit?”

Matagal siyang tumitig sa akin at akala ko ay may sasabihin, ngunit sa huli ay umiling
lamang siya at umiwas ng tingin.

“Wala.”

Tahimik ang paligid buong maghapon at kahit no’ng sumapit na ang gabi. Ngunit tila tama
ngang sa likod ng katahimikan ay palaging may nagbabadyang panganib.

“May nangyaring pag atake sa Maynila!”


Pagsapit ng madaling araw ay nagising ang lahat dahil sa isang kahindik-hindik na balita.
Lahat ay naging abala at nagsimulang maghanda para sa isang malaking laban.

Sa gitna ng mga nagkakagulong tao ay hinanap ng mga mata ko ang Heneral at nang
magtama ang aming mga mata ay isang pagtango ang iginawad niya sa akin. Sumaludo ako
sa kanya.

Pangako, Heneral. Gagawin ko rin ang lahat para matapos na ang giyerang ito dahil gusto
ko ring maging malaya ka.

Sa mga sumunod na araw ay tumungo ang batalyon kung saan kailangan ng tulong. Isa
itong madugong digmaan, maraming nalagas sa batalyon namin, at maraming nasaktan.
Pagkaraan ng isang linggo ay kinailangan muna naming tumigil pansamantala sa isang
gusali na ginawa naming kota, para gamutin ang mga kasamahang sugatan.

Nagtamo rin ako ng ilang sugat ngunit kaya pa… kakayanin ko pa.

Nakakatakot pero kailangang harapin, kailangang gawin… para sa mapayapang hinaharap.

“Mira.”

Sa gitna ng takot at kaguluhan ay muli akong nilapitan ng Heneral. Lumapit din ako sa kanya
at sinuri siya.

“Huwag kang mag-alala, maayos lang ako. May gusto lang akong ibigay sa ‘yo.”

Limitadong oras lang ang mayroon kami at anumang oras ay pwedeng umatake ang
kalaban, kaya mabilis niya akong hinila papasok sa isang silid at pinatalikod sa kanya.
Naramdaman ko ang isang bagay na malamig na tumama sa leeg ko, nang sipatin ko ito ay
napagtanto kong kwintas iyon.

Naguguluhan akong tiningnan siya.

“Heneral.”

Ngumiti siya at hinawakan ang pisngi ko.

“Ang ganda. Ingatan mo ‘yan. Isang asul na sapiro para sa isang pangako na ikaw lang
hanggang dulo at sisiguraduhin kong mabubuhay kang may mapayapang hinaharap.”

Bigla akong nakaramdam ng kaba, hindi ko ‘to gusto. Bakit siya ganito?

“Live with the meaning of your name… peace, beautiful, admirable.” pagpapatuloy niya.

“Heneral, bakit?”

Hinaplos niya ang pisngi ko at ngumiti.


“Isa itong giyera, Mira. At kung sakali mang…”

Umiling ako dahil hindi ako papayag sa sasabihin niya.

“Hindi… hindi mangyayari ‘yan!” Halos isigaw ko na.

“…kung sakaling isa ako sa mga hindi na makakabalik, lagi mo sanang tatandaan na mahal
na mahal kita.”

Gusto ko pang sumigaw ngunit tila nabingi na ako dahil sa narinig.

Mahal ako ng Heneral?

Sunod-sunod na tumulo ang luha sa mga mata ko dahil pakiramdam ko ay natupad na ang
matanggal ko nang pinapangarap.

Bago pa ako makapagsalita ay hinila na niya ako palapit sa kanya at naglapat ang aming
mga labi para sa isang puno ng pagmamahal na halik.

“Ilang oras pagkatapos nito ay may darating na tulong… dadalhin nila kayo sa isang ligtas
na lugar para doon magamot.”

Tumango ako. “Mabuti.”

Umiwas siya ng tingin sa akin. “Hindi ako mananatili rito… kailangan naming umalis,
kailangan kami sa susunod na bayan.”

Nanghina ako sa narinig… dahil alam ko na hindi ko siya mapipigilan.

“Isang oras nalang… aalis na kami.”

Tila nawala na ang lahat ng inhibisyon ko sa sarili nang marinig iyon. Buong puso ko siyang
hinalikan, gano’n din ang ginawa niya, at sa mga sumunod na sandali ay hinayaan nalang
namin ang isa’t isa na maging masaya… sinulit ang huling mga segundo nang magkasama.

“Mahal din kita, Heneral Nicholas Jimenez. Mahal na mahal,” taos puso kong pahayag
pagkatapos ibigay ang sarili sa kanya.

Niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit. Naramdaman ko ang pag-alog ng kanyang
balikat, hudyat na umiiyak din siya.

“Babalik ka… magkikita pa tayong muli.” Humihikbi kong saad.

Humiwalay siya sa pagkayakap at ginawaran ako ng isang ngiti.

“Magkikita tayong muli,” aniya at siniil ako ng halik bago tuluyang nagpaalam.
***

HINDI siya nakabalik. Halos isang dekada na ang nakalilipas, wala pa rin siya.

“Ina, ano po ang paborito mong linya sa Noli Me Tangere?” tanong ng aming anak na
nakatitig sa akin gamit ang kanyang asul na mga matang minana sa ama.

Oo, nagbunga ang ginawa namin, at sa tuwing tinititigan ang aming anak, minsan
pakiramdam ko’y mga mata niya ang tinitingnan ko.

“Mamamatay akong hindi ko man lang nasilayan ang ningning ng bukang-liwayway ng aking
inang bayan. Kayong mapapalad na makakakita, batiin ninyo siya, at huwag kalimutan ang
mga nalugmok at nasawi sa dilim ng gabi.” sambit ko at ngumiti sa kawalan dahil naalala ko
na naman siya.

Gusto kong maalala niya ang ama bilang isang bayani na matapang na lumaban para sa
maliwanag na hinaharap.

Tama ka nga, Heneral Nicholas.

Maraming nangyari pagkatapos makamit ng bansa ang kasarinlan. Ipinanganak ko si


Nikolai, bumalik ang mga alaala ko, nahanap ko ang aking pamilya, at nalaman ko na rin
kung ano ba talaga ang gusto kong gawin sa buhay.

Isa na akong guro ngayon at sana narito ka para makita ako. Ang dami ko na ring liham na
isinulat para sa ‘yo.

“Ina, may naghahanap raw po sa inyo sa labas, titingnan ko lang po kung sino,” ani Nikolai
pagkatapos kausapin ang isa sa mga estudyante ko at tumatakbong lumabas ng silid-aralan.

Nangingiti nalang din akong sinundan siya, ngunit nang makita kung sino ang kanyang
kaharap no’ng makalabas ay tila napako ako sa kinatatayuan.

“Ina, pareho kami ng kulay ng mata! Kulay asul!” Magiliw niyang saad habang nakatingin sa
panauhin.

Tila gripong bumuhos ang luha mula sa aking mga mata dahil tila hindi ako makapaniwala
sa nakikita.

“H-heneral…”

Ngumiti siya habang tumutulo rin ang luha sa mga mata. Hinawakan niya si Nikolai at
kinarga papunta sa akin.

“Mira, nagkita tayong muli.”

You might also like