Ang Paglalakbay Ni Uni

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 48

sin

Published by the
Department of Education
Region VI-Western Visayas
SDO-La Carlota City
Curriculum Implementation Division
LEARNING RES0URCE MANAGEMENT AND DEVELOPMENT SYSTEM (LRMDS)
La Carlota City
—-oOo—-

Copyright 2022

Section 9 of Presidential Decree No. 49 provides:

“No copyright shall subsist in any work of the Government of the Republic of the Philippines.
However, prior approval of the government agency of the office wherein the work is created shall be
necessary for exploitation of such work for profit.”

This material has been develop by Curriculum Implementation Division (CID), of the Schools
Division of La Carlota City, Region VI-Western Visayas. It can be reproduced for educational purposes
and the source must be clearly acknowledged. The material be modified for the purpose of
translation into another language but the original work must be acknowledged. Derivatives of the
work including creating an edited version, an enhancement or a supplementary work are permitted
provided all original work is acknowledged and the copyright is attributed. No work may be derived
from this material for commercial purposes and profit.

“ Ang Paglalakbay ni Uni”


Isinulat ni: Carissa S. Gonzales Iginuhit ni: Arnie G. Hiponia

T-I, Balabag ES T-I, Ara-al ES

Quality Assured by:

PETRONILO R. BARTOLO ANA LEE C. BARTOLO KENNETH DANIEL C. ROMAY


EPS-I, ESP EPS-I, LRMDS Administrative Officer-IV, HRMO

Recommending Approval:

MELGAR B. CORONEL
Chief Education Supervisor-CID

Approval for the use of the Schools Division:

BERNIE L. LIBO-ON PhD


OIC-Asst. Schools Division Superintendent

ALLAN B. YAP PhD, CESO V


Schools Division Superintendent

This first digital edition has been produced for print and online distribution within the
Department of Education, Philippines at the Learning Resource Management Development Sys-
tems (LRMDS) by the Division of La Carlota City.
Ang Paglalakbay
ni Uni

Isinulat ni: Carissa S. Gonzales


Iginuhit ni: Arnie G. Hiponia

Napahahalagahan ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga:


1.1. balitang napakinggan 1.2. patalastas na nabasa/narinig 1.3. napanood na
programang pantelebisyon 1.4. nabasa sa internet
EsP5PKP – Ia- 27

2. Nakasusuri ng mabuti at dimabuting maidudulot sa sarili at


miyembro ng pamilya ng anumang babasahin, napapakinggan at napapanood
2.1. dyaryo 2.2. magasin 2.3. radio 2.4. telebisyon 2.5. pelikula 2.6. Internet
EsP5PKP – Ib - 28
1
Malapad ang ngiting nakatanaw sa langit si Uni. Pinakikiramdaman ang

preskong hangin na dala ni Amihan. Inaamoy ang halimuyak na dala ng

pamilya ni Rosas.

“Ahhhhhhh, ang sarap talaga sa pakiramdam. Salamat Haring Araw,

salamat Amihan at salamat sa inyo Rosas.” Pasasalamat ni Uni na patuloy ang

pagdama sa magandang pakiramdam dulot ng mga nakapaligid sa kaniya. Tila

nasiyahan si Amihan sa pasasalamat ni Uni, dahil nilakasan pa nito ang

pagduyan sa kaniya at sa mga kasama nito.

“Dahan-dahan lang Amihan, ha ha! Baka ako ay malaglag, madumihan at

lalamigin muli ako kapag binanlawan ni Tessie.” Pa birong saway ni Uni kay

Amihan.

Nakinig naman si Amihan sa pagsusumamo ng kaibigan at itinigil na ang

pag-ihip nang malakas.

2
3
“Gustong-gusto ko talaga ang araw ng Sabado Uni,” sabi ng katabi ni Uni

na si Pal.

“Ako din, gusto ko rin ang araw ng Sabado, Pal. Nakakasama ko kayo, si

Haring Araw, Amihan, Rosas at ang iba pa nating kaibigan.

“Siyanga Uni. Ito ang araw na nakakapagkwentuhan tayo ng matagal.

Nakikilala din natin ang ating mga bagong kasama tuwing Sabado.” Tugon ni

Pal sa sinabi ni Uni.

“Oo nga. Pero baka sa susunod na buwan ay magbabakasyon na tayo.

Magsasara na naman kasi ang klase sa mga susunod na linggo.”

“Huwag kang mag alala Uni. Mabilis lang naman ang dalawang buwan. At

saka hindi rin naman tayo maiinip sa ating bakasyon. Makikita at makakusap

nating muli ang mga dati nating kasama.” Sabat pa ni Pal.

“At tiyak Uni, mula umaga at hapon ang ating pag-uusap, lalo na ni Tina.

Maraming tanong iyon, tiyak ako.” Dugtong pa ni Pal na nagdulot ng tawa sa

kanila.

4
5
Sa loob ng pitong taon, ay ito na ang naging buhay ni Uni. Nasa labas ng

sampung buwan at nakabakasyon naman ng dalawang buwan. Masayang-

masaya siya dahil kahit na matagal na siyang kasa-kasama ng mga anak ni

Tessie, alagang-alaga pa rin siya nito. Ayon pa sa kaniyang mga kasama, bukod

tangi daw siya sa kanila dahil sa haba ng panahon ay hindi kumukupas ang

pagmamahal at pag-aalaga sa kaniya ni Tessie.

Si Uni na siguro ang natatanging alaga ni Tessie na nasuot nang tatlo

nitong anak na babae. Ngayon, ang bunso nitong si Annie ang kasalukuyang

amo ni Uni. Nasa unang baitang na ito ngayon at katulad ng mga nakata-

tandang kapatid niya, ay alagang alaga din nito si Uni.

Lingo naman ang kinakatatakutang araw nina Uni. Ito kasi ang araw ng

pamamalantsa ni Tessie. Natatakot kasi silang lahat na masunog! Makalili-

mutin na rin kasi si Tessie. Pero ganunpaman, kailangang pagdaanan nila Uni

at mga kasama ang pagpapakinis upang mas maging kaaya-aya siling tingnan

kapag papunta na sila sa kanilang paboritong lugar – ang paaralan.

Paaralan ang paboritong lugar nila Uni dahil dito nila nakakasalamuha

ang kapareho nila. Dito din sila nagkakaroon ng mga bagong kaibigan.

6
7
At natapos na nga naman ang isang linggo. Sabado na naman at ngayon

ay katatapos lang mahilo nila Uni sa loob ng dryer at isa-isa nang idinuduyan

ni Amihan.

“Kumusta Uni?” pangangamusta ni Amihan kay Uni.

“Mabuti naman ako kaibigang Amihan.” Masiglang balik na sagot ni Uni

kay Amihan.

“Mag-ingat kayong lahat. Parang may paparating na di inaasahang

pangyayari sa susunod na linggo.” Babala ni Amihan sa kanila.

“Ano ang tinutukoy mo Amihan?” tanong ni Uni. Pero lumisan na si

Amihan at naiwan si Haring Araw na balisa rin at tensiyonadong nagbibigay ng

mas mainit pa na pakiramdam sa kanila.

“Ano kaya ang ipinahiwatig sa atin ni Amihan, Uni?” tanong ni Pal sa

kaniya pero siya din ay walang sagot, naguluhan din sa sinabi ni Amihan.

Kinabukasan, araw ng Linggo hinahanda na nila Uni ang kanilang mga

sarili dahil araw na naman ng pamamalantsa ni Tessie. Kadalasan, hapon pa

lang ay nag-uumpisa na si Tessie sa pamamalantsa. Pero nagtataka sila dahil

buong maghapon itong wala sa bahay.

8
9
“Hindi pa ba dumarating si Tessie, Uni?” tanong ni Pal sa kaniya.

“Hindi ko pa siya muling nakikita Pal. Kasama niya si Annie na lumabas

kanina,” sagot ni Uni kay Pal.

“Baka natagalan lang sa kaniyang pinuntahan.” Segunda naman ni Pal.

Napakibit-balikat na lamang si Uni.

Gabi na nang makarating ang mag-inang Tessie at Annie. Nakita nila Uni at

Pal ang bulto-bultong pinamili ng mga ito.

“Ang dami namang alcohol at facemask nito, Tessie. Sigurado na ba ang bali-

tang lockdown?” Salubong sa kanila ni Greg, kabiyak ni Tessie.

“Oo, ‘yan ang narinig naming sabi ng mga kapitbahay natin.” Sagot ni Tessie.

“Eh wala pa namang siguradong balita Tessie. Baka sabi-sabi lang ‘yun ng iba

para matakot ang mga tao. Kung totoong balita ‘yun dapat naibalita na sa TV o

radyo man lang.” Katwiran nito sa asawa.

“Kahit na Greg. Mas mabuti na iyong nagsisigurado tayo.” Sagot naman ni

Tessie.

“Ang dami nga ng mga tao kanina sa grocery Tatay. Natakot nga ako dahil baka

mawalay ako kay Nanay.” Sabi ni Annie sa ama.

Wala namang nagawa si Greg kundi tulungan ang kaniyang mag-ina na ayusin

ang mga pinamili ng mga ito.

10
11
Sumapit na ang gabi pero hindi pa rin napaplantsa sila ni Uni. Pagka-

dating kasi ni Tessie ay marami pa itong ginawa habang nanonood ng balita.

“Ano ‘yung lockdown Uni? Bago sa pandinig ko iyon ah,” tanong ni Pal

sa kaniya.

“Hindi ko nga rin alam Pal. Kanina ko lang din iyon narinig. Pero parang

alalang-alala sila ni Tessie nang sabihin niya iyon.” Pansin ni Uni.

“Oo nga,” pag-sang-ayon pa ni Pal.

12
13
Kinabukasan, nagtaka sila ni Uni nang dalhin sila ni Tessie sa kwarto

nito. Akala nila ay doon gagawin ni Tessie ang pamamalantsa.

“Hala Uni, bakit tinutupi ni Tessie ang iba sa atin? Di ba Lunes ngayon?

Wala bang pasok si Annie?” Naguguluhang tanong ni Pal kay Uni.

“Ako nga rin Pal, naguguluhan ako sa mga nangyayari.” Takang-takang

sabi ni Uni habang pinapanood ang pagtupi ni Tessie sa iba pa nilang kasama.

Maya-maya pa ay sila na ang binitbit ni Tessie at pinasok sa loob ng

aparador.

Ang noo’y palaging maliwanag na paligid nila Pal at Uni ay biglang naging

madilim. Ang ingay na palaging nagpapasaya sa kanila biglang nawala, naghari

ang katahimikan.

14
15
“Uni…bakit tayo nandito sa loob ng aparador? Hindi ba at sa susunod pa

na buwan ang pagtatapos ng klase? Bakit pinasok na tayo ni Tessie sa dito?”

“Hindi ko talaga alam ang sagot sa tanong mo Pal, ako din ay

naguguluhan sa mga nangyayari.” Maluha-luhang sabi ni Uni. Mangiyak-

ngiyak siya dahil biglaan ang lahat.

“Ehem…”

Sabay na napalingon sina Pal at Uni.

“Tina ikaw ba ‘yan?” tanong ni Uni.

“Oo, ako nga ‘to si Tina. Huwag na kayong malungkot, masasanay din

kayo sa bago niyong paligid.”

“Sino naman ang hindi mabibigla Tina. May isang buwan pa naman kami

sa labas.” Himutok ni Pal.

“Wala ba kayong narining na balita?” tanong sa kanila ni Tina.

“Anong balita Tina?” tanong ni Uni.

“Tungkol sa lockdown, dahil sa isang virus.”

“Saan mo naman nakuha ang ganiyang balita Tina?”

“Narining kong pinag-uusapan nila Greg at Tessie kagabi..”

“Eh bakit may lockdown?” Naguguluhan pa ring tanong ni Uni?

“Dahil ayon sa balita, madaling makapanghawa ang virus na ito at ito rin

ay madaling makamatay. Kaya pinasarado lahat ng paaralan, kung maaari hu-

wag daw lumabas-labas ang mga tao, para maiwasan ang pagdala ng virus sa

kanilang mga tahanan.” Paliwanag ni Tina.

16
17
“Naku! Kung gano’n nga, wala ngang pasok sila ni Annie.” Sabi ni Pal.

“Kaya nga kayo napaagang napunta dito, kasi walang eskwela si Annie,”

sagot ni Tina.

“’Di bale, napaaga man ang pagbakasyon natin sa loob ng aparador,

tiyak pagkatapos ng higit dalawang buwan ay makakasama naman na nating

muli si Annie,” pagpapakalma ni Uni kay Pal.

Maliksing tumango naman si Pal, simbolo ng pagsang-ayon nito kay

Uni.

At lumipas nga ang isang linggo, hanggang sa naging isang buwan,

dalawang buwan…tatlong buwan…at higit pa.

18
19
“Uni… parang sobra na yata sa takdang panahon ang pamamalagi

ninyo sa loob ng aparador,” pansin na sabi ni Tina dito, isang araw.

“Oo nga Uni,” sabat din ni Pal, “nami-miss ko na sina Haring Araw,

Amihan at Rosas. Nami-miss ko na ring makita ang labas. Ayoko na dito sa

loob. Nalulungkot ako sa loob ng aparador Uni,” himutok ni Pal na hindi

mapigilan ang pag-iyak.

Wala namang magawa si Uni kundi yakapin ang kaibigan.

“Tahan na Pal. Wala tayong magagawa. Mukhang hindi pa mabuti ang

kalagayan sa labas kaya hindi pa nakababalik sa eskwela si Annie.” Pang-

aalong sabi ni Uni dito.

20
21
Isang araw, nagulat na lamang sila nang bumungad sa kanila ang

liwanag. Nagalak silang masilayan muli si Tessie.

“Si Tessie! Baka ilalabas na niya tayo at pababanguhin muli!”

puno ng kasabikan na turan ni Pal.

Puno ng pag-asang nakatingin sila kay Tessie na nakapamaywang

at tila baga ay nagdadalawang-isip sa gagawin.

Kabado ngunit nakangiti sila ng kunin sa loob ng aparador ni

Tessie at kuhanin mula sa pagkaka-hanger, naghihintay sa susunod na

gagawin nito.

“Nanay, ito na po iyong pinakukuha ninyo.” Bungad ni Annie

pagkapasok sa kwarto.

22
23
Bagsak ang mga mukhang nakatingin sa plastic box sina Uni, Pal at

ang iba pa nilang kasama. Isa-isa silang maayos na itinupi ni Tessie at

maayos ding ipinasok sa box.

“Sana naman kasya pa sila sa akin Nanay kapag pwede na muli kaming

pumasok sa eskwela.”

Narining nilang sabi ni Annie.

“Sana nga Annie. Gustong gusto mo pa naman itong uniporme mo.

Pero kailangan nating ipagdasal na sana ay matapos na itong pandemya sa

mabilis na panahon.”

“Opo Nay, ipagdarasal ko po iyan gabi-gabi bago matulog.” Sagot

naman ni Annie.

Nang matapos mailagay lahat ni Tessie ang mga naka-hanger na damit

ay binitbit niya ang lagayan palabas at inilagay sa kabilang kuwarto.

Walang nagawa ang magkaibigang Uni at Pal kundi ang matulog at

maghintay sa muling pagkakataon na masilayan ang liwanag.

24
25
“Ano nga uli iyong kulay ng plastic box kung saan ko nilagay ang mga

uniporme mo anak?” tanong ni Tessie sa anak habang papasok sa kwarto.

Naalimpungatan naman si Uni sa ingay na naririnig.

“Si Tessie ba iyong naririnig ko Uni?” tanong ni Pal sa kaniya.

“Hindi ako sigurado Pal. Hindi ko rin kasi maaninag dahil

napapatungan tayo ng iba pang lagayan.” Sagot ni Uni sa tanong ni Pal.

Dinig naman nila ang mga papalapit na tunog ng mga hakbang.

Napapikit pa sila ng makuha ang malaking karton na nakapatong sa

ibabaw ng kanilang lagayan.

“Ay salamat naman at nakita ko na. Halika dito Annie at tingnan nga

natin kung kasya pa itong uniporme mo.” Turan ni Tessie. Lumapit naman

si Annie at isinukat muli ang kaniyang nakatagong uniporme.

“Hindi pa ba masikip sa iyo anak?” tanong ni Tessie dito.

“Hindi pa po ‘Nay! Kasyang-kasya pa naman po siya.”

“Sigurado ka ba anak? Hindi ba masikip sa bandang kili-kili? Kasi sa

palagay ko mukhang maiksi na iyang uniporme mo” paniniguradng tanong

ni Tessie sa anak.

26
27
Humarap naman sa salamin si Annie at tiningnang mabuti ang kaniyang

uniporme.

“Naku! mukhang tumaas yata ng kaunti si Annie.” Gulat na turan ni Uni.

“Parang maikli na po siya Nanay. Pero maaari po bang ito pa rin ang gami-

tin ko?”

“Hmmm, tingnan ko nga kung pwedeng magawan ng paraan.” Sabi ni

Tessie at mabusising tiningnan ang uniporme. “Buti na lamang at malaki-

laking agwat ng tela ang iniwan ng mananahi anak. Pwede pa itong

magawan ng paraan. Kapos din naman kasi tayo dahil sa pandemya kaya baka

hindi kita agad mabilhan ng bagong uniporme.” Malungkot na sabi ni Tessie.

“Ayos lang po ‘yon Nanay. Hindi pa naman po luma at masikip na masikip

ang uniporme. Sayang naman kung hindi na magagamit.”

“Mabuti kang anak Annie dahil naiintindihan mo ang ating kalagayan.”

Masayang turan ni Tessie sa anak.

“Ipatahi n’yo na po ngayon Nanay. Sabik na po ako sa pagbubukas muli

ng klase sa susunod na linggo.” Puno ng kagalakan na sabi naman ni Annie.

“Sige anak nang malabhan ko agad at maihanda na ang uniporme mo,”

magiliw ding sagot ni Tessie sa anak.

28
29
Walang namang paglagyan ang saya na nadarama nina Uni at Pal dahil

pagkatapos na matagal na paghihintay ay muli na nilang makikita ang lahat

ng kanilang kinasasabikang makita.

Maluha-luha pang pinahid ni Pal ang luha sa kaniyang mga mata.

“Ang saya-sayang makinig sa kuwentuhan nina Annie at Tessie, di ba?”

Sabi pa ni Uni.

“Sabik na akong makita muli ang ating mga kaibigan. Kamusta na kaya

sila Rosas? Namumukadkad pa kaya sila? Maliwanag pa rin ba si Haring

Araw? At nariyan na kaya si Amihan?” Walang prenong pagsasalita ni Pal.

“Iyan din ang aking kinasasabikang malaman Pal. Gustong-gusto ko

nang kamustahin ang lahat ng ating mga kaibigan.” Pagsang-ayon din ni Uni

sa kaniya.

30
31
“Ayan, hindi na ba maiksing tingnan anak?” tanong ni Tessie sa anak, na

paikot-ikot sa harap ng salamin, handa na sa pagpasok muli sa paaralan.

“Hindi na po Nanay. Salamat po!” Higpit na yakap ang sukli ni Annie sa

ina, na abot tenga ang ngiti.

Pagkatapos ng higit dalawang taon ay muling nakatuntong sa loob ng

paaralan si Annie. Magkahalong excitement at kaba ang kaniyang nadarama.

Ganun din naman ang nararamdaman ni Uni at ni Pal. Magkahalong

sabik at lungkot din ang kanilang nararamdaman. Hindi rin kasi nila tiyak na

makakasama pa rin nila ang mga kaibigang kanilang nakilala noong

nakalipas na dalawang taon.

At hindi nga nagkamali si Uni. Ang ilan sa mga kaklase ni Annie ay

tumaas at lumaki. Ang mga dating kaibigang uniporme ay napalitan na ng

mga bago.

“Maraming mga bagong mukha Uni.” Pansin din ni Pal.

“Oo nga pero dapat natin silang kaibiganin.”

“Sa tingin mo Uni, magtatagal pa ba tayo kay Annie? Habang tumatagal

ay hindi na siya nagiging bata. At wala ng anak na babae sina Tessie at Greg

na puwedeng magsuot pa sa atin.”

“Sa ayaw man natin at sa gusto, iyon talaga ang mangyayari Pal. Hindi

naman habambuhay ay bata si Annie. Ang isipin na lang natin ay samahan

siya hanggang sa makakayanan natin.” Sagot naman ni Uni kay Pal.

32
33
At mabilis nga na lumipas ang mga araw, linggo, buwan at dumating na

nga ang kinatatakutang panahon nina Uni. Hindi na nila kaya pang samahan sa

pag-aaral si Annie.

“Nakabili na ako ng bagong uniporme mo anak. Ang bilis mo kasing lumaki

agad.” Sabi ni Tessie sa anak, bitbit ang bagong biling uniporme.

“Oo nga ‘Nay, pero ano po ang gagawin ninyo sa luma kong uniporme? Wala

naman po akong kapatid na babae. Mga pinsan ko po ay lalaki din lahat.” Turan

pa ni Annie.

“May pagbibigyan na ako ng luma mong uniporme anak. Huwag kang mag-

alala at tulad ko ay maingat din sa mga bagay ang nanay ng batang pagbibigyan

ko ng uniporme mo.”

“At sana ay ingatan din ang lumang uniporme ko ng batang magsusuot

nito. Taga dito rin po ba sa lugar natin ang pagbibigyan n’yo ng uniporme ko

Nanay?” Tanong ni Annie sa ina.

“Hindi. Nasa kabilang bayan sila. May nakita kasi akong post sa Facebook

anak na naghahanap sila ng napagluma-ang uniporme. At sakto naman at

pareho ng kulay ng uniporme nila ang uniporme mo. Nag message agad ako.”

“Ang husay n’yo na po ngayong mag Facebook, Nanay ah.”

“Kailangan makasabay sa bagong teknolohiya anak, siyempre para

makatulong.” Nakangiting sagot ni Tessie sa anak.

34
35
“Puwede po ba akong sumama sa inyo sa pagbigay sa aking uniporme?”

“Oo naman anak. Sa Lingo kami magkikita.” Sabi ni Tessie.

“Yehey!” galak na galak na sambit ni Annie. “Saan daw po kayo

magkikita Nanay.” Muli niyang tanong sa ina.

“Alam mo ba ‘yung Dungog sang Mangkas, anak?” tanong ni Tessie dito.

“Ay oo naman po Nanay. Iyon po ‘yung fountain na nasa plasa ng ating

Lungsod. Itinuro po iyon ng aming guro. Makikita po sa fountain ang mga

sumisimbolo sa ating pinakamamahal na lungsod.” Bibang sagot ni Annie.

“Nakamamangha ka naman anak, kahit na dalawang taong wala kayong

face-to-face na klase, pero hindi nawala ang hilig mo sa pag-aaral.” Puno ng

pagmamalaki na sabi ni Tessie.

36
37
Kinabukasan, araw ng Sabado, nakangiting nakatingala muli si Uni,

dinadama ang init na dala ni Haring Araw, ang halimuyak na dala ni Rosas

at ang dampi ng hangin na dala ni Amihan.

“Sigurado akong may Haring Araw din doon at may Amihan, Uni. Hindi

ko lang sigurado kung may Rosas din doon.”

Narining niyang sabi ni Pal.

“Kahit walang rosas doon Pal, ang mahalaga mayroon na naman tayong

masasamahang bata.”

“Oo nga naman. Hanggang kailan kaya tayo sa kaniya Uni?” tanong ni

Pal sa kaniya.

“Hanggang sa kung kailan niya tayo kailangan Pal. At hanggang sa

makakayanan nating bilang mga uniporme.” Sagot ni Uni dito.

Kinahapunan pinlantsa na sila ni Tessie at maingat na itinupi at

inilagay sa loob ng isang kahon.

38
39
At bumiyahe na silang lahat papunta sa kabilang bayan kinabukasan.

Pagkatapos ng higit kalahating oras na pagbiyahe ay nakaharap na rin nila sa

wakas ang bagong magmamay-ari sa kaniyang lumang uniporme.

“Ingatan mo ang unipormeng ito Cindy ha, dahil iingatan ka rin nila.”

Habilin ni Annie dito.

“Opo ate Annie. Iiwasan ko po na mamantsahan itong uniporme mo.

Salamat Ate!” nakangiting sagot ni Cindy na yumakap pa sa kahong

kinalalagyan ng uniporme.

Pagkatapos ng maikling usapan ay nagpaalam na sila sa isa’t-isa at

nagkaniya-kaniyang lakad na papunta sa kani-kanilang paroroonan.

Pagkatapos ng ilang minuto, naramdaman nila ni Uni na tumigil na ang

kanilang sinasakyan. Naririnig nila ang mga paghakbang ni Cindy at ng

kaniyang ina.

40
41
“Dahan-dahan sa paglakad anak,” saway ng ina ni Cindy sa kaniya.

“Sabik na po akong isukat ang uniporme ko Inay.”

“Oo alam ko pero hinay-hinay lang at baka ako ay matapilok.”

Habang patuloy sa paglalakad sina Cindy at ang kaniyang ina, mayroong

nakakuha sa atensiyon ni Uni.

“Naaamoy mo ba ang naamoy ko Pal?” Tanong ni Uni dito.

“Ang alin Uni?” tanong naman ni Pal dito.

“Parang may pamilyar akong naaamoy,” sagot pa ni Uni.

“Hintayin na lang natin na mailabas tayo sa kahon Uni at ng ating

makumpirma.” Suhestiyon pa ni Pal.

Ilang sandali nga lang ay naramdaman na nila ang pagtanggal sa takip ng

kahon. Tumambad sa kanila ang isang bagong tanawin at bagong kapaligiran.

Agad namang isinukat ni Cindy ang uniporme at tuwang-tuwa ito na

parang isinukat ang pagkakasya ng uniporme sa kaniya.

“Salamat Nanay!” mahigpit na yakap ang ibinigay ni Cindy sa kaniyang

ina.

“Walang anuman anak, akin na muna ang uniporme mo at aking ilalagay

sa sampayan at paiinitan sandali sa labas.”

42
43
“Maligayang muling pagkikita, Uni at Pal!”

Masayang pagsalubong na pagbati ni Haring Araw sa kanila.

“Haring Araw! Sabi ko na nga ba, kahit saan nandiyan ka talaga.”

Masayang-masayang turan din ni Uni.

“Uni, tama ka nga sa iyong naamoy. Nandito din si Rosas!” Galak na galak

ding sabi ni Pal.

“At si Amihan, nandito rin,” sabi pa ni Uni na dinuduyan na ni Amihan.

“Sasamahan namin kayo, hanggang sa makakayanan ninyo bilang

uniporme.” Nakangiting sabi nina Haring Araw, Amihan at Rosas kina Uni at Pal

na walang pagsidlan ng kaligayahan.

44
Gusto mo bang samahan sina Uni at Pal sa kanilang

paglalakbay? Halina na at sumamang makitawa, malungkot

at magalak sa kuwento ng magkaibigang ito, na sa ano mang

hamon ng buhay, magkasama at nagdadamayan.

45

You might also like