Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Republika ng Pilipinas

PANG-ESTADONG UNIBERSIDAD NG PANGASINAN


Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino
Kampus ng Lingayen
Lingayen, Pangasinan

LIT 104 Panunuring Pampanitikan


Ikalawang Semestre – Taunang Panuruan 2022 – 2023

KABANATA IV:
Mga Paraan ng Pagtalakay sa
mga Akdang Pampanitikan

Inihanda Nina:
Caasi, Lea Q.
Cajigas, Loren S.
Casta, Angeline
De Guzman, Raynor Jane
Franza, Jesusa Racquel P.
Gonzales, Julie Ann
Miranda, Mary Jean
Molina, Aisha Jede S.
Padilla, Crischel May
Vergara, Regine
III-BSEd Filipino

Inihanda Para Kay:


Bb. Judy Ann Dela Cruz
Instruktor

Layunin:
Inaasahan na sa pagtatapos sa pag-aaral ng Modyul na ito na:
o Nababatid ang iba’t ibang pamamaraan sa pagbasa at pagtalakay sa akdang
pampanitikan;
o Napapahalagahan ang iba’t pamamaraan sa pagbasa at pagtalakay sa akdang
pampanitkan sa pamamagitan ng mga halimbawang teksto; at
o Nakalilikha ng panimulang pagtalakay ng akdang pampanitikan sa tulong ng
kombinasyon ng mga pamamaraan.

PANIMULA
Bawat akdang nakasulat ay magkakaroon lamang ng halaga kung ito' y binabasa at
pagkatapos ay pinag-uukulan ng matamang pagsusuri ng bumabasa. Nadaragdagan ang
pagpapahalagang ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa nilalaman nito, gayundin sa iba't
ibang mga aspeto ng akda. Ang pagtalakay sa mga akdang pampanitikan ay nakatutulong
nang malaki sa lalong ikauunawa sa nilalaman, mensaheng ibig iparating, mga talinghaga
o tayutay na ginagamit at, sa lalim ng kaisipang nais na ipinahihiwatig ng may-akda.

NILALAMAN
I. MGA PARAAN NG PAGTALAKAY SA MGA AKDANG PAMPANITIKAN
(Arrogante, 1991)

Maaaring matalakay ang mga akdang pampanitikan ayon sa limang dimensyon base
kay Arrogante, Jose A. (1991).
1. Panlipunan
2. Pangkaisipan
3. Pangmoral
4. Pang-anyo
5. Pang-arketipo

1. Panlipunan
Dito'y matamang sinusuri ng mambabasa lalo na ng mga mag-aaral ng panitikan
ang interaksyon ng tao sa tao, ng tao sa lipunan, sinusuri rin ang interaksyon ng tao
sa kaniyang kapaligiran. Susuriin din dito ang mga suliraning panlipunang may
malaking kaugnayan sa kanyang tagumpay o pagkabigo.
Isang magandang halimbawa ng akdang panlipunan ay ang mga lbong
Mandaragit ni Amado V. Hernandez. Sa akdang ito ay natalakay ang mga suliranin
ng mga tauhan sa kapwa tauhan at kung paano kumilos si Mando, ang pangunahing
tauhan sa kanyang kapaligiran at sa kabuuan ng kaniyang mundo.

2. Pangkaisipan
Dito'y binibigyang-din ang pakikipaglaban ng tauhan sa sariling isipan. Iniisip
niya kung tama ba o mali ang kanyang desisyon, ang kanyang gagawin o ginagawa.
Kung minsan, pag di naging matagumpay ang kanyang ginawa, pinipilit niyang
sabihin sa sariling tama naman ang kanyang ginawa.

3. Pangmoral
Ito ay ang pagtalakay na pampanitikan na ang isinasaalang-alang ay ang aral,
ugali, kilos at panahon, ikinapangyari. Subalit di lahat ng inaasal ng nakararami ay
sasabihin na nating wasto. Halimbawa kung noon ay di natin tinatanggap na nasa
moral natin ang pre-marital seks, o live-in bago kasal, kahit na karaniwan na lamang
ang mga ito sa ngayon, di pa rin yaon katanggap-tanggap sa batas-moral. Para sa
atin, lalo na sa batas ng Diyos yaon ay mali at kasalanan.
Subalit may mga pagbabago rin namang di lumilinang sa bata ng moralidad kaya
nga't masasabing may kinalaman ang panahon sa pagtalakay na pampanitikang ito,
ang pangmoral. Halimbawa, noon bago makuha ang pag-ibig ng isang dalaga,
dumaraan sa maraming pagsubok ang kalalakihan. Naroong siya y magkumpuni ng
mga sirang bakod, bubong at iba pa; naroong siya y magsibak ng kahoy, sumalok ng
tubig sa balon o sa batis at iba pa. Bumibilang siya ng mga taon bago niya makamit
ang matamis na oo ng dalagang pinipintuho.
Ngayon ay iba na. wala na ang mga panunuyo at di na rin nahihirapan ang
binatang pasagutin ng oo ang karamihan sa mga kadalagahan. Hindi na sila
nagbibilang ng mga taon. Pag gusto ng bawat isa, Sinasabi nila nang hayagan, Wala
nang patumpik - tumpik kung kaya’t wala rin kung minsang panghihinayang kung
sila y magkaniwalay. Iba noon,iba ngayon.

4. Pang anyo
Isa sa mga pagtalakay ay ang pang-anyo. Malimit na ginagamit ito ng mga guro
ng panitikan bilang paraan nila ng pagpapahalaga sa anomang akdang kanilang nais
na talakayin. Maaaring ito’y tula, kwento, nobela at iba pa. Kalimitan, sa pagtalakay
ng tula, pagkabasa ng tula ay itinatanong agad ng guro ang anyo ng tulang kanyang
binasa. Ito ba'y tradisyunal o makabago? Kung makaluma o tradisyunal, pinag-
uusapan nila ang sukat, tugma, talinghaga at sining o kariktan. At kung ang tula
naman ay makabago, ito y nasusulat nang may malayang taludturan at karaniwan ay
wala ring tugma.Kakaunti ang mga tayutay sapagkat karaniwang salita ang
kadalasang gamit. Kung maikling kuwento naman o nobela,mapapansing ang mga
pangyayari ay sunud sunod kung ang anyo'y tradisyunal. Kung makabago ang
pamamaraan, sinisimulan kaagad sa malapit ng kasukdulang at pagkatapos ay
gumagamit ng mga pagbabalik o flashback.

5. Pang-arketipo
Ang ikalima sa pamamaraan ng pagtalakay sa panitikan ay ang tinatawag na
pang-arketipo. lto ang paraan ng pagtalakay sa anumang akdang pampanitikan na
kasisinagan ng mga tauhan sa Bibliya o banal na Kasulatan, gayundin sa mga tauhan
ng mga klasikong akda ng mga Griyego at Romano at sa mga akdang popular tulad
ng Florante at Laura na akda ni Francisco Balagtas: ng Sisa, Salome at Elias, Basilio
at Crispin sa akda ni Rizal sa Noli Me Tangere at iba pa. Kung ang pagtalakay ay
kasisinagan ng mga tauhang buhat sa Banal na Kasulatan tulad nina Pedro o Simon,
Maria at Jose, ng Mabuting Samaritano, ng Alibughang Anak at iba pa: masasabi
nating pang-arketipo ang pamamaraang ginamit.

Basahin ang sumusunod na tula

ERMITA
ni CC Marquez

Ito ang Ermita, Isang kagubatan ng lasing na nota


At sala-salabat
Ang baging na bisig ng mga turista
Na namumulupot
Sa murang petalo ng mga orkidya…
Kumunoy ang gabi’t
Isang kadawagan ng hungkag na tawa
Ito ang Ermita.

Ermita ay gubat,
Isang kasukalan ng langong liwanag
Na gumagahasa
Sa dilim na sulok ng disco at beerhouse
Narito ang bangis
Ng nagpapakahayop na mulat na utak
Na ang nilalapa
Ay sisiw na bagong kabababang-pugad

Ermita ay gubat.
Ermita ay Eden
May bawal na bungang malayang kainin,
Isang kadawagan
Ng teknolohiya, realismo’t sining…
Arenang sukatan
Ng pagka-Bathala at pagkaalipin,
Gubat ng liwanag
Na dilim ng lungsod ang limit silawin,
Ermita ay EDEN!

II. MGA PAMARAAN NG PAGTALAKAY SA MGA AKDANG


PAMPANITIKAN (Rosario Torres-Yu, 2011)

Paano nga ba "basahin" o talakayin ang isang akdang pampanitikan? Sabihin pa,
paano ba binabasa o tinatalakay ng mambabasa ang akdang nabasa niya? Para kay
Rosario Torres-Yu (2011), isang iskolar at propesor sa Panitikan ng bansa, sa kanyang
mahabang karanasan sa pagtuturo, napuna niyang maaaring may karaniwan o aral/kritikal
ang pa tipo ng pagbasa. Karaniwan, kapag pinag-uusapan o tinatalakay natin ang isang
akdang pampanitikan na nabasa, ibinibigay natin ang naramdaman at naging impresyon
dito; kung ano ang "dating" nito sa atin. Maaaring natawa, naluha, natakot, naantig,
kinilig, nalibang, nagandahan o napangitan at kombinasyon ng mga ito ang isang
mambabasa. Na sa paghahalintulad ni Yu ay parang yaong mga sagot ng mga tao sa labas
ng sinehan sa mga interbyew hinggil sa karanasan nila sa panonood ng isang pelikula. Ito
ay sa panig ng karaniwang pagbabasa. Samantala, ang pagbasang aral o kritikal ay hindi
lamang bunga o hango sa damdaming bumukal sa mambabasa sa buong proseso ng
pagbabasa. Mas nanggagaling sa lawak ng kaalamang pampanitikan ng kritikal o mag-
aaral na mambabasa ang kanyang nasasabi.
Ang ganitong pagbasa ay nagaganap madalas bilang bahagi ng pag-aaral ng mga
kursong pampanitikan sa kolehiyo. Nagtala si Yu ng ilang estratehiya sa pagbabasang ito
na patuloy na nagaganap sa mga silid-aralan:
o paghahanap ng aral
o pag-uugnay ng akda: sa buhay ng manunulat, sa kasaysayan, sa lipunan, sa
sariling karanasan o buhay
o pag-alam sa kahulugan ng mga salitang ginamit
o pag-alam sa tema/mensahe
o pag-alam sa anyo ng akda sa pamamagitan ng masusing pagtingin sa kaligiran,
banghay, istilo, tauhan, tema at iba pang pormal na salik.

Makikita sa mga estratehiyang tinala ni Yu ang ilang pangunahing dulog o


pamamaraan sa pagbasa na siyang tuntungan sa pagtalakay ng mambabasa/kritiko sa
isang akdang pampanitikan. Maaaring (1) moralistiko, (2) idealistiko, (3) historikal at
sosyolohikal, (4) repleksibo, at (5) formalistiko.
Bukod sa mga nabanggit, ang teorya o pananalig pampanitikan din ay nagsisilbing
tuntungan din sa pagbasa at pagtalakay sa isang akda. Di nga kasi, ang akda, kapag
ipinabasa na sa lipunang binubuo ng mga indibidwal na may kani-kaniyang
pinanggagalingang uri, paniniwalan, pananaw-mundo, ideolohiya, ay nababasa sa kung
paanong "anggulo" o perspektiba nakikita ng sinomang mambabasa-mag-aaral.
Nahuhusgahan ang isang akda batay na rin sa antas ng kakayahan at kaalamang
pampanitikan ng mambabasa. Sa ganito nagkakaroon ng iba't ibang "pagbasa" at
"pagtalakay" sa isang akda.
Ang mga pamamaraang ito sa pagbasa ay maaaring magamit din nang kombinasyon
batay na rin sa pamilyaridad ng mambabasa-mag-aaral sa mga pamamaraan, ibig sabihin,
maaaring mangyaring naglalapat ang mga pamamaraan sa pagbasa at pamamaraang
sinasaligan ng akda. Hindi nangangahulugan na mahigpit na nakasalig sa iisang
estratehiyang nabanggit ang pagbasa sa akda. Halimbawa, maaari lang bang talakayin at
bigyang halaga ang anyo ng "Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa" bilang "awit" ni Gat Andres
Bonifacio at iisantabi na ang mga kaisipan maging ang pinanggagalingang kasaysayan at
kalagayang panlipunan na nagtulak sa produksyon ng tula? Gayundin ang "Florante at
Laura" ni Balagtas na ang anyo bilang "korido" at kanyang "romantisismong" tula mula
sa isang taal na Europeo ngunit binasa ni Rizal bilang akdang makabayan din? O sapat na
nga rin kayang papurihan ang napakalinaw (vivid) na paglalarawan at pagbibigay buhay
ni Rizal sa mga tagpo at tauhan sa kanyang "Noli" at "El Fili" nang hindi ito
pinahahalagan at
tinatalakay ang pagiging sosyo-realistang tagapaglarawan sa kondisyon ng Pilipinas sa
ilalim ng kolonyalismong Kastila (na dahilan nga ng kanyang pagkamartir)? Tutuon na
lamang ba ang mambabasa sa dulas, indayog, at ritmo ng "Kung Tuyo na ang Luha Mo,
Aking Bayan" ni Ka Amado nang hindi pahahalagahan ang pagiging tugon nito sa
pamamayagpag ng Imperyalismong Amerikano sa ating bansa?

KONGKLUSYON
Ang kahalagahan ng akdang panitikan ay napakalaki, kung ano ang iyong natutunan
ay magbabago sa iyong pananaw sa mundo at kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga
tao sa pamamagitan ng paggamit ng maraming kagamitang pampanitikan tulad ng tono,
mood, at matalinghagang wika. Magagawa mong ibahagi ang iyong mga ideya at
kaisipan sa mas mabuting paraan sa pamamagitan ng pagsulat na malinaw na nagbibigay
ng kahulugan sa iyong mambabasa. Ang pinakamagandang bahagi ay hindi mo
namamalayan kapag sinimulan mong pag-aralan ang lahat ng aspetong ito. Ang
pagbabasa ng panitikan ay tatagos sa iyong isip at gagana halos sa buong kaluluwa!

SANGGUNIAN

Almario, Virgilio S. Punong Patnugot. “UP Diksiyonaryong Filipino- Binagong Edisyon”


Anvil Publishing Inc. 1603 Pasig City Philippines: 2010

San Juan, Gloria P Et.al. “Panunuring Pampanitikan” Booklore Publishing Corporation


Santa Cruz Manila. 2005

You might also like