Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

Ang Tahanang Hindi Tumatahan

ni Iza Maria Reyes

Umiyak ang bahay namin pagkaalis ni Papa. Nagsimula ito sa unti-unting patak ng tubig
na dumadausdos mula sa bubong, kaya hindi namin agad napansin. Akala namin, ambon, o
mahinang ulan. Pero hindi naman umuulan. Sa bahay lamang namin may pumapatak na
tubig, mula sa bubong, pagbagsak sa mga halaman ni Mama. Hindi naman kami nag-alala.
Nadidiligan ang mga halaman; mabuti na rin. Nakatutuwang panoorin ang pagpatak ng
tubig, at hindi naman abala sa amin. Sa sumunod na mga araw, tuloy-tuloy lamang ang
mahinang pagdausdos ng ulan mula sa bubong. Nakapagtataka, saan kaya ito
nanggagaling? Pero marami din kaming kailangang gawin, kaya hinayaan na lamang namin
itong mahinang lumagaslas. Hindi naman abala sa amin ang pagpatak ng tubig mula sa
bubong, dahil mayroon pa kaming mga kailangang abalahin. Marami ding bago sa bahay
ngayon; halimbawa, ako na ang naghahanda ng almusal sa umaga—minsan itlog, minsan
hotdog, minsan pancit canton, dahil nagtatrabaho na si Mama.

Ako na rin ang tagahugas ng mga pinagkainan at pinaglutuan. Si kuya naman ang
naghahanda ng mga gamit namin para sa pagpasok; siya na ang naglilinis ng bahay,
naglalaba tuwing Biyernes, nagsasampay tuwing Linggo. Hindi naman yata abala ang mga
patak ng tubig sa unang linggo ng pagtatrabaho ni Mama. Hindi rin namin siya makausap ni
Kuya, dahil baka naninibago. Umalis na si Papa, at siya na ang nagtatrabaho. Umalis na si
Papa, kaya kami na ang nag-aasikaso ng bahay—na dating gawain ni Mama.

Maraming bago sa buhay namin, katulad ng misteryosong pagpatak ng tubig mula sa


bubong ng bahay. Kapag walang ginagawa, pinapanood ko lamang ito kapag nakadungaw
sa bintana. Minsan, lumalabas ako at sinasahod ang tubig. Hindi ito malamig; hindi rin
mainit. Minsan, tinikman ko ito. Maalat. Maalat ang ulang walang pinagmulan. At dahil hindi
naman istorbo, wala ni isa sa amin ang umiimik tungkol sa pagpatak ng tubig mula sa
bubong, papunta sa mga halaman.

Hanggang isang umaga, habang naghahanda ako ng almusal, humikbi ang bahay namin.
Mag-isang bumubukas ang pinto at mabilis na pumasok ang hangin. Parang bibig na
humigop ng hangin ang pinto, bago ito muling magsara. Naramdaman ko ang mainit na
hininga na dumaan sa balat ko. Humikbi ang bahay namin. Pagkatapos nito, lumakas na
ang lagaslas ng tubig sa alulod ng bubong. Napupuno na ang mga paso ng tubig.
Basang-basa ang lupa sinisidlan ng mga halaman ni Mama. Maingay na ang dating tahimik
at payapang tubig, at kapag pumipikit ako, naririnig ko itong rumaragasa na parang ilog.
Nabasag ang katahimikan ng aming tahanan. Pagkauwi ni Mama galing trabaho, nakita niya
ang mas malakas na paglagaslas ng tubig mula sa bubong. Kaya, nag-usap kami. Si Mama,
si Kuya, at ako. Anong gagawin natin sa bahay natin? Tanong ni kuya. Tatawag akong
mag-aayos, sabi ni Mama. Sinong mag-aayos? Tanong ko. Sa isip ko , wala si Papa. Baka
iniisip din ni Kuya, pero hindi na niya sinabi. Ako na ang bahala, sagot ni Mama. Hindi na
kami sumagot, dahil baka kaya na ito ni Mama. Baka mayroon naman siyang kilala na
makalulutas ng misteryosong pag-iyak ng aming bahay.
Kinabukasan, agad na dumating si Tito at umakyat sa bubong, pero makalipas ang ilang
minuto, bumaba rin si Tito na basang-basa. Hindi niya raw alam ang gagawin. Wala naman
daw matapalan dahil wala namang pinagmumulan ang tubig. Lumalabas lang ito mula sa
bubong. Wala naman daw kailangang ayusin. Muling humikbi ang aming tahanan.
Kaya nagtawag pa si Mama ng ibang pang maaaring mag-ayos, mga kaibigan, mga
kamag-anak. Tubero. Karpintero. Inhinyero . Arkitekto. Ayaw niya namang papalitan Ang
bubong dahil baka sa bahay ang tubig. Wala naman kaming lilipatan sakaling may ganon
kalaking pagpapagawa ng Bahay.

Nasasanay pa lamang kami sa mga bago sa buhay namin. Walang may alam kung bakit
umiyak Ang Bahay namin. Kaya tumigil na Muna kami sa paghingi ng tulong. “Kaya natin”
sabi ni Mama. “Kakayanin natin” sabi niya. Pinalitan namin ng mga batsa, timba, at
palanggana ang mga halaman ni Mama. Ayaw namin ni Mama na malunod ang mga ito.
Ginagamit na rin namin ang mga luha para hindi masayang. Ginagamit namin sa paglabas,
paghuhugas ng pinggan, pati na rin sa paliligo. Mukhang hindi naman ito madumi.Ilang mga
araw pa ang lumipas, sumasahod na rin Ang mga kapitbahay namin sa nahuhulog na tubig
mula sa bubong. Ang iba, natatakot na magdulot ito ng baha. Ang iba naman, natutuwa na
rin sa libreng patubig. Pansin kong nahihirapan si Mama. Mahirap para sa kanya Ang
pag-alis ni Papa dahil kailangan na niyang magtrabaho. Hindi rin siguro siya sanay na
mag-isa..Pero mas tahimik naman ang bahay namin simula ng umalis si Papa.

Kahit na minsan, masyadong tahimik, at ang tunog na lamang ng umiiyak naming ang
naririnig. Pagod na siguro si Mama. Hindi na katulad ng dati na binabatayan niya lamang
kami,o tinulungan sa takdang-aralin. Dati, iba-iba Ang almusal namin. Ngayon, ako na Ang
nagluluto, at hindi niya naman ako maturuan ng bagong putahe, kasing kailangan niyang
magtrabaho, at asikasuhin ang umiiyak naming tahanan. Dumadalas ang paghikbi ng aming
tahanan sa paglipas ng mga araw. Sa Gabi, hinihiling naming 'wag naman sana itong
humikib. Nasisira ang kandado ng aming pinto dahil nagpupumilit itong humikbi. Mahirap
tuloy na makatulog, subalit sasabihin ni mama “Ako ng ang bahala, kayo naman ay matulog”
Hindi ko alam kung nakatulog ba ni Mama dahil papasok pa kami kinabukasan sa paaralan,
kaya susubukan naming hindi magpuyat.

Kinabukasan, nakapapasok pa rin si Mama sa trabaho. Ikakandado namin Ang bahay, at


ibibilin sa kapitbahay. Baka bumukas Ang pinto dahil sa paghikbi. Pero padalas nang
padalas ang paghikbi ng bahay namin. Humuhuni na rin ito- malungkot na huni na iisa ang
tunog. Nahirapan na rin tuloy kaming mag-aral dahil sa biglang pasok ng hangin, Ang
ragsan ng tubig, at Ang mahinang tunog ng pag-iyak na hindi namin alam kung saan
mangagaling. Paano ka gagawa ng takdang aralin, Kung walang tigil Ang pag-iingay ng
Bahay? Hindi ko mahanap ang sagot sa mga paksa namin sa science, kahit gusto kong
matulungan sina Mama at Kuya.
Lalo kaming nahirapan sa pagtulog. Humingi kaya tayo ng tulong ulit, suhestyon ni kuya.
Hindi kami gaanong nagtatanong simula noong umalis si Papa. Baka hindi niya rin naman
alam ang sagot, tulad ng marami nang nagdaan at tumingin sa umiiyak naming bahay.
Natatakot akong bumigay Ang kisame sa lakas ng pag-iyak ng Bahay namin. Paano na ang
mga gamit namin?--
Baka dapat nga lumipat na kami at ipaayos ang bubong pero hindi pa sinasabi ni Mama na
gawin namin iyon. Si Mama ang dapat na may alam kung ano ang dapat gawin, pero hindi
niya rin alam kung paano mapatatahan ang bahay namin. Tumigil muna siya sa pagpasok
sa trabaho para masolusyonan ang problema ng aming bahay. Subalit wala rin siyang
magawa, kung hindi maglinis ng bahay, Palitan ang mga batsa't timba kung puno na,
magtawag ng mga kapitbahay para sumahod ng tubig. Kahit abala si Mama sa pag-aalaga
ng umiiyak naming bahay, sinisiguro niya pa ring nagagawa pa rin naman namin ang
kailangan gawin para sa paaralan, at nakatutulong kahit papano. Minsan, nahuhuli na kami
sa paggising dahil sa puyat, kaya siya na ulit ang nagluluto para sa amin. Hindi ko alam
kung tatanggapin ko na lamang ba, na habang buhay iiyak ang aming bahay.

Isang araw, nagsimula ng humagulgol ang aming bahay. Umiiyak , umuungol. Parang
lumilindol sa loob.pero hindi sa labas. Bukas -sara ang mga pinto at bintana. Labas-masok
ang hangin, at minsan, ang tubig. “Tahan na, tahan na” sabi ko. Habang hinahaplos ang
pader na abot-kamay ko. Pero nababaliw na ang bahay namin.

“Tawagan kaya natin si Papa?” Tanong ko uli kay Mama. Dahil baka yon ang sagot. “Mama,
baka kailangan na nating humingi ng tulong sa kaniya” sabi ko ulit. Tinitignan lamang kami ni
kuya. Hinawakan niya ako sa balikat. “Hindi na pwede, anak” Sabi ni Mama. Ikinuwento
niyang hindi sila okay ni Papa ngayon. Hindi raw siya handa pa na makipag-usap. Sabi ko
“hindi na ba kami magkikita ni Papa, Mama?” at ngumiti si Mama. Ngayon ko lamang siya
ulit nakitang ngumiti, kahit na parang hindi ito abot sa kaniyang pagod na mga mata.
Magkikita pa kayo ni Papa, Kahit hindi na ako kasama. Kailangan lang namin ng oras, anak,
Sabi niya. Oras para saan kaya? Pagtataka ko. Gusto ko pa sanang maging makulit, pero
pagod na pagod na si Mama.

“Pahinga ka muna, Mama” sabi ni kuya. “Kami na muna ang bahala sa umiiyak nating
bahay” Pumasok muna si Mama sa loob ng kanyang kwarto. Humiga sa kaniyang kama.
Nagkumot at nakatulog sa sobrang pagka pagal. Kami muna ni kuya ang maglilinis sa
bahay. Winalis ting-ting ang tubig na pumapasok sa pinto. Mahirap maglinis dahil walang tigil
ang paghagulgol ng bahay namin. Hinahaplos ko ang pader “Tahan na, tahan na.” Hindi ko
alam kung nag-ilusyon lang ba ako. Humihina ang pag-iyak ng bahay kapag hinahaplos ko
ito. Kahit ganoon, hindi tumitigil sa paghagulgol ang bahay at pagod na kami. Pumasok na
lamang kami sa kuwarto ni Mama, at doon, umiyak din kami nang umiyak. Noong una,
mahinang huni. Unti-uniti lamang ang pagpatak ng mga luha. Ayaw naming umiyak.
Kailangan naming maging malakas, dahil nahihirapan na ang bahay. Walang magagawa ang
pag-iyak. Pero noong nagsimula na kami, hindi na kami nakatigil sa pagtangis. Lumakas ang
pag-iyak. Pakiramdam ko. sanggol akong muli nang umiyak akong nakabukas ang bibig.
Akala ko ako lamang, pero humagulgol na rin si kuya. Nagising si Mama sa ingay ng
hagulgol namin- ako, si kuya. ang bahay. Nagsimula na rin siyang umiyak. Mahinang huni.

Hanggang sa hindi na mapigilan ang luha mula sa mga mata. ang uhog mula sa ilong.
Lumagaslas rumagasa. Umiyak din si Mama nang umiyak. Humagulgol kaming lahat. Ako, si
kuya, si Mama, ang bahay maingay na maingay. Rinig ng buong baranggay. Sana, hindi nila
napapansin. Pero hindi rin kami makatitigil, kahit pa pansinin. Sana, hindi nila napapansin.
Sana, hindi bumaha sa loob ng bahay. Sana hindi bumaha sa buong baranggay. Napaisip
tuloy ako, habang umiiyak, kung habang buhay na ba kaming iiyak. Sana, hindi. Pagkalipas
ng ilang oras ng pag-iyak, Unti-unti, naging mga hikbi ang mga hagulgol. Hanggang sa
tumigil ang mga huni't hikbi, at naging tahimik na pagluha. Hanggang sa tumigil ang
pagluha. Hinga. Buga. Hinga, buga.
Dahan-dahang bumubukas at sumasara ang pinto ng aming Bahay. Dahan-dahang
bumubukas at sumasara ang aming mga bibig. Sa ganoong paraan tumahan ang tahanan
namin. Sa ganoong paraan. Tumahan na rin ako, si kuya, at si Mama Sinimulan namin ang
paglilinis ng Bahay. Tinanggal na namin ang mga batsa at timba na sumasahod sa tubig.
Ibinalik na namin ang maraming batsa.timba at drum na inilagay doon ng mga kapitbahay
namin. Nagpasalamat kami sa tulong nila. Nagpasalamat sa lahat ng sumubok na tumulong
sa pagpapatahan ng aming tahanan. Ibinalik namin sa puwesto ang mga halaman ni Mama.

Kinabukasan, si Mama na ulit ang nagdilig sa mga ito. Nakangiti niyang diniligan at
kinantahan ang kanyang mga halaman- ngiting abot sa mga mata. Nakabalik na rin si Mama
sa trabaho noong linggong iyon. Mas maaga siyang gumising sa unang araw ng pagbalik
para siya raw ang magluto ng almusal. Tapsilog, para maiba naman sabi niya. Nahuli din
kami sa pagising, hindi dahil sa puyat, Kung hindi dahil sa himbing ng tulog namin.Nakabalik
na rin kami sa paaralan. Hindi ko na nalaman sa science kung bakit umiyak ang tahanan
namin, Pero makalipas ang ilang buwan.nakita kong muli si Papa. Sinundo niya kami,
Kumaway siya Kay Mama at dinala niya kami sa bahay na nilipatan niya. Ikinuwento ko ang
pag-iyak ng Bahay noong umalis siya. Umiling-iling si Papa. “Posible ba 'yon?” Sabi niya.
Hindi na namin nalaman kung saan manggagaling ang mga luha . At Hindi na rin namin
inalam. Ang totoo, paminsan-minsan pa ring umiyak ang bahay. Hindi na ito humagulgol,
pero minsang Humikbi. Natutunan naming hayaan lang ito.

Titigil din.
Tatahan din.

You might also like