Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 10

Magaling na Lider? May Diploma? Walang Diploma?

(ni: Terry P. Anisco)

LAKANDIWA
Magandang araw, sa aking kababayan,
Ngayong Mayo, Halalan mararanasan;
Muling pipili mga manunungkulan,
Pamumuno sa minamahal na bayan.

Nalilito na naman ang sambayanan,


Sino ang pipiliing lider ng bayan?
Marami ang naghahangad sa posisyon,
Sino nga ba ang may dalisay na aksyon?

Bago uumpisahan ang pagtatalo,


Mainit na pagbati, alay sa inyo;
Sa ating kagalang-galang na hurado,
Isang mapagpalang araw, sa iyo, binibini, sa ‘yo,
ginoo.

Malapit na Halalan 2022,


Masa’y pipili ng bagong mamumuno;
Maraming may nais maluklok sa trono,
Baya’y hangad naman ang aksyong totoo.

Nababahala na muling magkamali,


Ang kaunlaran ang tanging minimithi;
Kaligtasan ang dinadalangin lagi,
Ng bayang sawa na sa pagiging sawi.

Kaya, pakinggan natin ang bawat punto,


Sino’ng may dala ng tunay na asenso?
Lider na sa unibersidad gradwado,
o lider na walang diplomang natamo?

Nais mong maliwanagan ang isipan,


Hindi na malilito ngayong Halalan;
Halina at iyong mabuting pakinggan,
Opinyon ng magigiting kababayan.

MAY DIPLOMA
Sa aking minamahal na kababayan,
Mainit na pagbati sa ating tanan;
Kampi ko ang kandidatong may Talino,
Sila’ng susi ng pinto sa pagbabago.
Huwag kalimutan mga kababayan,
Sa darating 2022 Halalan;
Diploma ang nararapat na batayan,
Sa pagboto ng dapat na manungkulan.

Piliin may diploma at titulado,


Tiyakin sa unibersidad gradwado;
Patunay na may taglay silang talino,
Talinong dulot sa bayan ay asenso.

Maraming alam, maraming magagawa,


Aapaw ang planong proyektong pangmasa;
Tiyak ang bawat hakbang, palaging tama,
Matalino siya, kaya bayan makaaasa!

Dahil sa kaniyang taglay na talino,


Makipagdebate sa sinumang tao;
Hindi patatalo at hindi susuko,
Sa pagtanggol sa karapata’t teritoryo.

Ang isang lider na hindi edukado.


Pagtatawanan lamang ng buong mundo;
Mahina ang loob, madaling sumuko,
Hindi makapagpaliwanag nang todo.
Paano kaya maipaliliwanag?
Batas, kalakaran ng bansa at syudad;
Kung hindi niya lubos na nauunawaan,
Dahil sa edukasyon siya ay salat!

WALANG DIPLOMA
Mga kababayan, ‘wag muling magpalinlang,
Baguhin na ang nakagisnang batayan;
Ibahin na naman ang pagbabasehan,
Sa iboboto sa darating halalan.

Bago simulan ang pakipagbatakan,


Mapagpalang araw muna sa ‘ting tanan;
Sana ang panig ko ay inyong pakinggan,
Hangad ko rin ang kaunlaran ng bayan.

Ilang dekada na nga ba ang nagdaan?


Ilang administrasyon ang naranasan?
May pag-unlad bang nangyayari sa bayan?
Ba’t puro paasa ang nanunungkulan?

Dating lider may diploma’t karangalan,


Abogado’t inhinyero at sandatahan;
May nagtapos sa PMA, ekonomista,
Silang lahat ay edukado at edukada.

Sila ay may gantimpala ring nakamtan,


Mula sa unibersidad, iba’t ibang larangan;
Patunay ang kanilang talino at kahusayan,
Kaya napili siya sa nakaraang halalan.

Kaibigan, taglay nga ang katalinuhan,


Ngunit hindi nakabubuti sa bayan;
Sila ang nakaupo sa pamahalaan,
Ngunit lugmok sa kahirapan ang bayan.

Sila ang pambato ng katunggali ko,


Na susi raw ng pagbabago’t asenso;
Ngunit ilang dekada na sa serbisyo,
Naghihirap pa rin bayang Pilipino.

Kaya ngayong darating na Halalan,


Katalinuhan, huwag gawing basehan;
Hindi sila ang tunay na pagbabago,
Subukan naman ang pinunong may puso .

MAY DIPLOMA
‘Di mo nauunawaan, Kaibigan,
Kung ang lider ay walang pinag-aralan;
Ano’ng maiisip na tamang paraan?
Sa paglutas sa suliranin ng bayan.

Paano mauunawaan ang batas?


Kung hindi siya dalubhasa at pantas;
Sa pagharap sa bayan at mga dayuhan,
Tiyak na maduduwag, mahihirapan!

Sabi ni idol, Kuya Willie ng Wowowin,


Kahit sa Youtube, ito ay ating tatanawin;
Baka nga mas lalo pang mapapahamak,
Ng bobong lider ang bayang nililiyag!

WALANG DIPLOMA
Kaibigan, napahamak na ang bayan
Lubog sa utang, kumakalam ang tiyan;
Lider mong matalino, walang ginawa,
Kung hindi puro bangayan sa kamara.

Atin namang subukan, mga kababayan,


Lider na wala ngang diplomang nakamtan;
May puso, diskarte namang nalalaman,
Magdadala sa bayan sa kaunlaran.

Nakatatak kasi sa ating isipan,


Kapag may diploma, marami ng alam;
Ngunit, ang kanya nga bang katalinuhan,
Ginamit nga ba niya para sa bayan?

Puso't tamang diskarte ang tanging daan,


Puso para sa Pilipinong mamamayan;
Diskarte sa pagharap sa kahirapan,
Para bayan, maahon sa kasawian.

MAY DIPLOMA
Paano magkakaroon ng tamang diskarte?
Kung sa larangan ng edukasyon ay kamote!

WALANG DIPLOMA
Matalinong lider nga, edukado nga!
Alam rin niyang paikutin ang bansa

MAY DIPLOMA
Mapapahamak lamang ang ating bayan,
Sa ‘sang lider na walang kaalam-alam!

WALANG DIPLOMA
Ang nagdaang mga pangulo ba ay mangmang?
Bakit napahamak pa rin ating bayan?

MAY DIPLOMA
Lugmok sa kahirapan ang ating bayan ,
Dahil sa suliraning nararanasan!

WALANG DIPLOMA
Bakit hindi nila gamitin ang diploma?
Sa paglutas sa sinasabing problema?

MAY DIPLOMA
Matalino, ‘di nakabigay-solusyon,
Lider pa kaya na kulang sa edukasyon?

WALANG DIPLOMA
Nakalimutan mo talaga kaibigan,
Puso at diskarte nga sa panunungkulan.

MAY DIPLOMA
Kung hungkag ang lider sa angking talino,
Tama kaya ang maging diskarte nito?

LAKANDIWA
Huminahon tayo mga kababayan!
Itigil na natin ang inyong bangayan;
May diploma man siya o walang angkin,
Tiwala ng lahat ay di sasayangin.
Bawat isa sa inyo ay may punto,
Lahat ng tagapakinig ay natuto;
Bawat ideya'y nagbigay linaw,
Sa lahat ng alinlangan at pananaw.

Piliing mabuti ang manunungkulan,


Maging mulat kayo sa lahat, kaibigan;
Kinabukasan, sa boto nakalaan,
Maging matalino kayo ngayong halalan.

You might also like