Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Shania C.

Bahan
12-HUMSS 1
Naniniwala Ako
 
Naniniwala ako sa aswang. Lumaki ako na kinukuwentuhan ng mga tiyuhin ko na galing sa
Capiz at Aklan tungkol sa kanila kaya, oo, naniniwala ako sa aswang. Naniniwala ako na kaya
nilang magpalit ng anyo. Na dapat akong maging mas mapayapa na marinig ang pagpalatak ng
bibig ng tiktik dahil kung malapit daw ang tiktik ibig sabihin ay malayo ang aswang. At siguro,
iisipin mo na nababaliw na ako o napakadali ko namang mauto pero, oo, hindi ako
nagsisinungaling, naniniwala ako sa aswang.
 
At naniniwala rin ako sa nuno. Naniniwala ako sa nuno - iyong maliliit na nilalang na nakatira
umano sa mga punso. Na posibleng nandiyan lang daw na nagtatago sa likod ng puno. Kaya
kinakagat ko ang daliri ko tuwing nalilimutan kong baka andiyan sila at ayaw nila nang tinuturo,
dahil baka kunin nila ako sa gabi at dalhin sa kaharian nila para gawing kalaro. At alam ko, wala
pa akong kilala na dinukot nila pero mahirap nang sumugal, kaya kapag nagturo ako sa masukal
na gubat kinakagat ko ang aking hintuturo dahil, madali akong maniwala at naniniwala ako sa
mga nuno.
 
At tutal rin lang ay sinasabi ko na ang mga kalokohan na 'to, siguro dapat na ring malaman mo:
ang dami  pang mga bagay na walang basehan ang pinaniniwalaan ko. Katulad ng tuwing
umaalis ka ng maaga habang kumakain tayo ng magkasama ay iniikot ko ang mga plato para
hindi ka mapahamak sa kalsada. O sa tuwing mahuhulog ang tinidor ko kapag kumakain ng mag-
isa ay iniisip kong sosorpresahin mo ako sa iyong pagbisita. Nakagat ko ang dila ko kanina at
binigyan ako ng numero na sakto sa unang letra ng pangalan mo at hiniling ko na sana ay nasa
isip mo nga ako. At oo, kung nakagat mo ang dila mo kanina, malamang kasalanan ko 'yon dahil
nasa isip kita.
 
Nasa isip kita. Sa umaga, kapag nakita ko kung anong oras na, iniisip ko kung nakarating ka na
ba sa eskuwela. Nasa isip kita. Sa tanghali, alam kong nagtitipid ka pero kumain ka naman nang
sapat para hindi ka gutumin, 'di ba? Nasa isip kita. Sa hapon, malamang pagod na pagod ka na
naman sa dami ng pinapagawa nila sa'yo na hindi mo kayang tapusin bago magdilim. At nasa
isip kita. Sa gabi, saan ka pa pupunta pagkatapos, magbabaka-sakali na puwede tayong magkita.
At patawad, wag ka sanang mairita pero gusto kitang makita, maniwala ka, dahil minsan
nakakasawa na nasa isip lang kita.
 
At oo, malamang hindi nga ito ang pinakamagandang panahon para sabihin sa'yo ito bilang puro
maligno at lamang-lupa ang kaninang mga binabanggit ko pero intindihin mo: kung kaya kong
maniwala sa mga bagay na wala akong basehan o katibayan tulad ng mga ito, bakit ako hindi
maniniwala sa'yo? Sa atin? Sa tayo?
 
Kapag nginingitian mo ako, naniniwala ako. Kapag hinahawakan mo ang kamay ko, naniniwala
ako. Kapag inaakbayan mo ako, naniniwala ako. Naniniwala ako dito. Hindi ito laro. Hindi ito
"hanggang dito na lamang at maraming salamat." Naniniwala ako na kaya natin ito. At
naniniwala ako na kung maging masakit man, kung pagdating sa dulo ay patayin man ako sa
sakit ng saya na ibinibigay mo, magiging sulit ang lahat dahil naniwala ako sa'yo.
 
Oo. Ikaw ang tinuturo ko at hindi ko kakagatin ang daliri ko, dahil gusto kong tangayin mo ako
patungo sa kung saan mang kaharian o kagubatan mo gusto. Oo. Ikaw ang sinisigaw nitong
dibdib ko at hindi ako matatakot kung lalapitan mo ako. Dahil naniniwala ako. Naniniwala ako
na kaya natin 'to.
 
At naniniwala ako sa karma. Na kung ano ang ibigay mo sa kalawakan ay siyang ibabalik nito
sa'yo nang may interes pang kasama. Ilang beses ko nang isinilid sa garapon ang puso ko at
itinapon ito sa dagat sa pag-asa na may makakahanap sa kanya at magbabalik sa akin nito ng buo
pa. Pero ang tagal na at wala pa akong nakukuha. Kaya kung sakali lang na makita mo ang puso
ko na inanod sa aplaya; iniisip kung anong gagawin sa kanya - itatabi, itatapon o
ipagsasawalang-bahala, maghihintay ako sa desisyon mo. Maniwala ka sa'kin. Maghihintay
ako. Ibalik mo sana.
 
Juan Miguel Severo 2014

You might also like