Solusyong tila Panibagong Problema Karagdagang suliranin lamang at hindi solusyon para sa mga mamamayang Pilipino ang dulot ng Sim Card Registration Act kung saan kinakailangan nang irehistro ng bawat Sim card users ang kanilang personal na impormasyon alinsunod sa batas. Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang isang batas ang Sim Card Registration Act o Batas Republika Blg. 11934 na naglalayong mabawasan ang mga krimen sa bansa gaya ng scamming at hacking na nagreresulta mula sa mga spam text messages. Sa ganitong paraan, maaaring makuha ng mga tagapagpatupad ng batas o korte mismo ang mga espisipikong impormasyon na siyang makatutulong upang mapigilan ang lumalaking kaso ng scamming at hacking sa bansa. Bagaman hindi maitatangging maganda ang layunin ng batas na ito, tila hindi natimbang nang mabuti ang mga benepisyo at posibleng problemang maidudulot nito sa mga mamamayang Pilipino. Nakasaad sa batas na ito na upang patuloy na makagamit o makabili ng SIM ang bawat indibidwal, kailangan munang magpresenta ng valid photo ID na siyang magkukumpirma na ang gagamit nito ay ang parehong tao, bagay na tila pasakit sa mga Pilipinong hanggang ngayon ay walang kakayanan upang magmay-ari ng valid ID. Marahil ay masasabing mayroon naman ng National ID na ipinanukala ang pamahalaan. Gayunpaman, hindi rin maikakaila na hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi pa nakakatanggap nito kahit pa mahigit kumulang isang taon nang nakapagparehistro. Kung ganito ang sitwasyon, paano na lamang makagagamit nang malaya at maayos na telekomunikasyon ang mga indibidwal na walang kakayanan na maglabas ng kanilang valid ID? Kasama rin sa batas na kinakailangang protektahan ang confidentiality ng mga impormasyon ng bawat Pilipinong magpaparehistro ng kani-kanilang mga SIM. Gayunpaman, maaaring hindi magarantisahan ang seguridad ng impormasyon ng mga Pilipino lalo pa’t mayroon na ngang malaking bilang ng mga kaso ng scamming at hacking sa kasalukyan – patunay na hindi ganoon katibay at sigurado ang proteksyon ng ating bansa mula sa cybercrime. Ayon kay Cybersecurity Policy Analyst Mary Grace Mirandilla-Santos, ang pagkakaroon ng central database para sa impormasyon ng mga Pilipinong subscriber ay maaaring maging atraktibo para sa mga cyber attackers – bagay na maaaring magdulot ng kaso ng identity theft, online fraud, at data breaches. Tunay ngang patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga cybercrime sa ating bansa at tila hindi masyadong napagtutuunan ito ng pansin ng ating pamahalaan, kaya naman ngayong naipanukala na ang Sim Registration Act, marahil ay inaasahan nilang mabibigyan na nito ng solusyon ang kasalukuyang problema. Gayunpaman, ang bawat solusyon ay lubhang pinagiisipan at kailangan nang malalim at maayos na pagtitimbang sa mga posibleng kahihinatnan nito sa mga taong apektado nito. Sa kaso ng Sim Registration Act, lumalabas lamang na hindi sapat ang pag-aaral na naisagawa para rito bago ipanukala kaya’t hindi malayong ang solusyong inaasahan ng gobyerno ay maging panibagong problema lamang.