GRADE SCHOOL DEPARTMENT ____________________________________________________________________
Ang Pinagmulan ng Lahi
Noong unang panahon, wala pang anumang laman ang mundo.
Isang araw sa kanyang paglalakad – lakad ay napag-isipan ng bathalang si Apo na lumikha nh mundong may perpektong kalawakan, malinaw at asul na mga katubigan, iba’t ibang anyong lupang natatamnan ng matatayog na puno, nagagandahang mga bulaklak, at iba’t ibang uri ng mga hayop tulad ng mga ibon sa kalawakan, mga isdang namumuhay sa tubig-alat at tubig-tabang, at maraming uri ng kulisap. Minsan, habang tinatanaw niya ang pagbubukang-liwayway ay nakaramdam siya ng kalungkutan.
“Napakaganda ng mundong aking nilikha subalit napakalungkot ko
naman sa aking pag-iisa”, naibulong niya sa sarili kasabay ng isang malalim na buntonghininga. Sa ganitong oras at maging sa takipsilim niya labis na nadarama ang pag-iisa. Pagtingin niya sa paligid ay napagmasdan niya ang malambot na lupang tinatawag na luwad. Dumakot siya nang kaunti at saka ito kinorte base sa kanyang sariling anyo.
“Ilalagay kita sa hurno para ikaw ay maluto at magkakulay”, ang
bulong niya sa bagay na hinugis niya. Habang hinihintay na maluto ay sumandal siya sa puno upang magpahinga.
Nakita ni Hanging nagpapahinga si Apo kaya’t umihip nang
banayad upang maginhawaan ang bathala. Subalit dahil sa ginhawang dulot ng hangin at napahimbing ang tulog ni Apo. Nagising lang siya nang makaamoy nang tila nasusunog.
“Naku, sunog na ang niluluto ko!” sigaw niya saka patakbong
hinango ang niluluto. Tulad ng inaasahan, maitim at sunog ang kanyang niluto. Kahit maitim ay hindi itinapon ni Apo ang kanyang niluto. Sa halip ay hiningahan niya ito upang mabuhay. Ang taong lumabas na sunog ay naging ninuno ng mga lahing itim. Hindi nasiyahan si Apo sa una niyang pagsubok. “Masyadong napatagal ang pagkakaluto ng una kong nilikha. Susubok pa ako,” sabi niya sa sarili habang kumukuhang muli ng luwad. Hinubog niya uli ito sa sarili niyang anyo at saka isinilid sa hurno. Subalit dahil sa takot niyang masunog uli ito’y hinango niya agad kahit medyo hilaw pa kaya’t ang lumabas ay taong maputi. Ito naman ang naging ninuno ng mga puti.
Hindi pa rin nasiyahan si Apo sa pagkakaluto niya sa unang
dalawang nilikha kaya muli siyang dumampot ng luwad. “Hindi gaanong luto ang pangalawa. Di bale, susubok akong muli at ngayon, titiyakin kong tama na ang pagkakaluto ng ikatlong likha,” bulong niya sa sarili habang inilalagay sa hurno ang hinubog niya.
At matiyaga ngang binantayan ni Apo ang ikatlong likha niya. At
dahil sa kanyang pagsisikap, ang ikatlong likha niya ay hinango sa tamang oras, hindi napaaga at hindi rin napahuli. Kaya naman, hustong- husto ang pagkakaluto at may katamtamang kulay.
“Sa wakas, nakabuo rin ako ng nilikhang may tamang-tamang kulay,
hindi sunog, at hindi rin hilaw”, tuwang-tuwa si Bathalang Apo sa kanyang ginawa. Ang ikatlong tao ang pinagmulan ng lahing kayumangging kinabibilangan ng mga Pilipino.