Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

BABASAHIN TUNGKOL SA ALAMAT NI MARIA MAKILING

Ang Hiwaga Ni Mariang Makiling


isinulat ni José Rizal

Si Mariang Makiling ay isang dalaga, hindi tumatanda, nakatira sa magandang bundok


Makiling sa pagitan ng probinsiya ng Laguna at Tayabas, subalit walang nakakaalam kung
saan talaga. O kung paano siya namamahay. Sabi ng iba, nakatira siya sa isang magandang
palacio na napapaligiran ng mga hardin. Ang sabi naman ng iba, nakatira siya sa isang
dukhang dampa na gawa sa karaniwang kawayan at mga dahon ng nipa.

Matangkad si Mariang Makiling at mahinhin. Ang kutis niya ay makinis, kayumangging


kaligatan, sa bigkas ng mga Tagalog. Malaki at itim ang kanyang mga mata, mahaba at
makapal ang buhok, at maliliit ang mga kamay at paa, at mala-kandila ang mga daliri. Sa
madling salita, siya ay maniwaring isang diwata, parang isinilang sa maputlang sinag ng
buwan sa ibabaw ng Pilipinas, pasulpot-sulpot sa pagitan ng mga punong kahoy sa gubat ng
Makiling. Ang diwa niya ang namamayani sa bundok subalit siya mismo ay bihirang makita
ng mga tao.

Paminsan-minsan, natatanaw siya ng mga mangangahoy sa dilim ng Biyernes Santo, kapag


namumundok sila upang humuli ng usa. Nakatayo raw si Mariang Makiling sa gilid ng
mataas na bangin, walang katinag-tinag habang umaalon ang kanyang buhok sa ihip ng
hangin. Kung minsan daw, nilalapitan daw sila, binabati nang tahimik bago lumalayo at
naglalaho sa dilim ng gubat. Walang naglalakas-loob na kumausap, sumunod o magmanman
man lamang sa kanya.

Karaniwang lumalabas si Mariang Makiling pagkaraan ng bagyo at lumiligid sa mga bukid,


binubuhay muli ang mga nasirang halaman at itinatayo uli ang mga natumbang punong
kahoy, at ibinabalik ang dating ayos ng lahat. Pati ang mga ilog ay bumabalik sa kanilang
takdang landas at agos. At lahat ng sira mula sa bagyo ay naglalaho sa bawat madaanan niya.

Mabuti ang kalooban ni Mariang Makiling. Dati-rati, pinahihiram niya ang mga mahirap ng
damit, at pati alahas, para sa mga kasal, binyagan at piyesta. Tanging kapalit na hinihingi
niya ay isang puting-puting dumalaga, batang inahen na hindi pa nangingitlog. Paminsan-
minsan, lumilitaw siya sa anyo ng isang karaniwang taga-bukid at tinutulungan ang
matatandang babae sa pagpulot ng mga panggatong. Pagkabigkis at pasan na ng matandang
babae ang mga kahoy, isinisingit nang lihim ni Mariang Makiling sa bigkis ang pira-pirasong
ginto, barya, pati mga alahas.
BABASAHIN TUNGKOL SA ALAMAT NI MARIA MAKILING

Si Mariang Makiling
ayon sa muling salaysay ni Gat. Jose P. Rizal ng Hilagang Luzon

MARAMING kasaysayan ang alam tungkol sa mapagpalang diwatang ito, karamihan ay


tungkol sa pagtulong niya sa mga mahirap at mga maysakit habang naka-balatkayo sa anyo
ng isang karaniwang taga-bukid. Ang mga mamahaling ipinahihiram niya sa mga tao ay
sinasabing ibinabalik sa kanya, kasama ng handog na dumalagang manok na kasing puti ng
gatas ang mga balahibo. Sinasabi pang sobra-sobra ang awa ni Mariang Makiling.

Minsan, may isang binatang magsasaka na parang pinagpala ng tadhana. Kahit kailan, hindi
tinamaan ng salot o bagyo ang kanyang bukid. Malusog lahat ng kanyang mga alagang
hayop. Bulung-bulungan na mayroon siyang anting-anting o mutya na tawag sa bato na may
hiwaga, at ito raw ang nagliligtas sa kanya sa anumang panganib. Ang binata mismo ay
walang imik. Mabait siya at mababa ang luob, subalit tahimik at malihim. Walang sinasabi
tungkol sa kanyang mga ugaling hindi maunawaan, tulad ng madalas niyang pasyal sa gubat
ng bundok Makiling.

Subalit dumating ang araw, dumilim ang panahon para sa binata at kanyang mga magulang.
Nagsimula ang isang digmaan at dumating ang hukbo upang kumuha ng mga binatang
gagawing sundalo. Upang makaiwas ang anak, minabuti ng ina ng binatang magsasaka na
ipakasal sa pinakamagandang anak na babae ng isang mayamang pamilya.

Nalungkot ang binata nang marinig ito, at lalo siyang naging tahimik. Dumalaw siya kay
Mariang Makiling sa kahuli-hulihang pagkakataon, ilang araw lamang bago siya ipakasal.

“Sana sa akin ka ipinangako,” sabi sa kanya ni Mariang Makiling, “subalit ang kailangan mo
ay pag-ibig na tao. Isa pa, hindi lubos ang paniwala mo sa akin. Kaya naman kitang
ipagtanggol, pati na ang iyong mga kamag-anak.”

Pinahiram niya ng damit at alahas ang binatang magsasaka, upang gamitin sa kasal ng
kanyang magiging asawa. Tapos, naglaho na si Maria Makiling. Umuwi ang binata at
ibinigay ang damit at alahas sa napipintong babae. Subalit hindi naibigan ng babae ang mga
ito at, sa halip, ang damit at perlas ng kanyang ina ang isinuot noong kasal.

Mula noon, wala nang nakakita kay Mariang Makiling o sa kanyang kubo.
BABASAHIN TUNGKOL SA ALAMAT NI MARIA MAKILING

Ang Alamat ni Mariang Makiling

SABI sa mga alamat, nagkapanahon noong nakaraan, ang mga diwata o diyos ay namuhay
tulad at kasa-kasama ng mga tao. Kahit na sila ay may hiwaga, nagsalita sila at umibig,
namili sa talipapa at iba pang karaniwang gawain ng mga tao hanggang ngayon. Ang alamat
ni Mariang Makiling ay tungkol sa dalawang ganitong diwata noong Unang Panahon, sina
Gat Panahon at Dayang Makiling, at ang kaisa-isa nilang anak, si Maria.

Maganda at magiliw si Maria, at wiling-wili ang mag-asawang diwata sa anak na itinuring


nilang kanilang kayamanan at ligaya sa buhay. Diwata rin tulad ng mga magulang, hindi
karaniwan si Maria subalit nakihalubilo siya at nakipag-usap sa mga tao.

Naging ugali niya ang mamasyal sa talipapa kapag araw, naka-damit ng sutla na may borda
ng mga bulaklak, ang uso noon. Ang makapal niyang buhok, abot hanggang sakong ang haba,
ay may sabit na mga bulaklak ng suha. Marikit ang kanyang mga mata kaya pati mga babae
ay naakit makiharap sa kanya. Pagdaan niya, yumuyuko ang mga tao sa magalang na pagbati.

Dalawang katulong na Aeta ang lagi niyang kasama pagpunta sa talipapa. Hindi lumalayo
ang mga Aeta, bitbit ang isang buslo ng luya na ipinagpa-palit ni Mariang Makiling - wala
pang salapi noon, at ang “bilihan” sa katunayan ay palitan lamang ng mga dala-dalang bagay
- sa mga salakot, banig, at sutla.

Isang araw, nagtungo sa talipapa ng Makiling si Gat Dula, ang panginoon sa nayon ng Bai,
upang mamili at mag-aliw. Siksikan ang mga tao duon sapagkat “araw ng pamilihan” nuon,
at lahat sa nayon ay nasa talipapa. Pati ang mga taga-kalapit baranggay at nayon ay dumayo
upang magkalakal din, bitbit ang kanilang mga “paninda.” Nanduon din nuon si Mariang
Makiling at nagkataon, nakasabay niya si Gat Dula sa “pagtawad” sa isang piraso ng balat ng
hayop. Kapwa nakaharap sa nagtitinda, nagkadikit ang kanilang mga balikat, at
nagkatinginan silang dalawa. Hindi sinasadya, nahipo pa ni Gat Dula ang kamay ni Mariang
Makiling sapagkat hawak nilang magka-sabay ang balat ng hayop.

Bilang hindi ng paumanhin, yumuko si Gat Dula kay Maria na, sa hinhin, ay hindi sumagot at
tumingin sa malayo. Nagkakilala sila at pagkaraan ng mahabang pag-uusap, nakangiti nang
bahagya si Maria nang maghiwalay sila. Mula nuon, madalas dumalaw si Gat Dula sa bahay
nina Gat Panahon at Dayang Makiling, subalit kahit kailan man, hindi na niya nakaharap si
Mariang Makiling. Lagi siyang wala sa bahay at tumutulong sa mga tao. Nuon kasi, gawi ng
mga tao kapag nagigipit na lumapit sa mga diwata at humingi ng tulong, at pakay naman ng
mga diwata ang tumulong sa mga tao.

Isa pang dahilan hindi na nakita uli ni Gat Dula si Mariang Makiling: Siya ay isang nilalang
na tao samantalang si Maria ay isang diwata. Gaano man katalik sila, hindi maaaring mag-
ibigan ang dalawang magkaibang nilalang.

You might also like