Gumagawa ako ng takdang aralin nang utusan ako ni mama na bumili ng
sangkap na kakailanganin niya sa pagluluto ng adobong manok. Itinigil ko ang ginagawa ko at inabot ang pera at naghanda na sa paglabas sa pinto ng bahay nang ako’y tinawag ulit ni mam.,“Sandali 'nak, nakalimutan mo ang face mask mo.” Agad akong bumalik at kinuha ang face mask ko na nakasabit malapit sa hamba ng aming pinto. Oo nga pala, nandito nga pala tayo sa henerasyon na kung saan ang face mask ang pangunahing kasuotan na hindi dapat kalimutan.
Habang tinatahak ang daan patungo sa tindahan, inaalala ko ang mga
sangkap na ibinilin sa akin ni mama. Una ay ang manok na pangunahing sangkap na kailangan at mahalaga sa pagluluto ng adobo, katumbas nito ay ang kahalagahan at pangangailangan ko kay mama upang mabuhay. Ang pandemyang ating nararanasan ay naging silbing aral at realisasyon sa lahat kung gaano dapat natin pahalagahan ang mga mahal natin sa buhay habang sila ay nasa tabi pa natin. Pangalawang sangkap ay ang toyo na magsisilbing halili sa pagluto ng adobo, katulad ng toyo ay ganoon rin kahalaga ang nagiging distribusyon ni papa na humahalili kay mama na alagaan, mahalin, at palakihin ako ng tama. Si papa rin ang nagtataguyod sa aming pamilya upang mapatibay ito katulad ng toyo sa pagbibigay sabaw nito sa adobo. Sumunod na mga sangkap ay ang bawang, sibuyas, at paminta na nagbibigay ng mabangong aroma sa adobo. Katulad ng aking mga nakakatandang kapatid na kaagapay ng aking mga magulang sa pagbibigay bango ng aking karanasan sa buhay. Panghuli ay ang mga panlasa na inilalagay sa adobo. Kagaya ng kahalagahan ng panlasa sa adobo ay ang kahalagahan sa akin ng mga kaibigan ko. Dahil sa kabila ng tabang na nalalasahan ko sa buhay ko, nagagawan nila ito ng paraan upang bigyan ito ng masarap na lasa na nagpapasaya sa akin. Sinikap ko na alalahanin lahat ng sangkap dahil kapag nagkulang ito ng kahit isa, mag-iiba ang lasa ng ilulutong adobo ni mama. Katulad na lang ng pait, lungkot, pighati na aking mararanasan kapag may nawala sa mga mahal ko sa buhay.
Pagkarating ko sa tindahan, pinili ko nang may ingat ang mga sangkap na
ibinilin ni mama sa akin katulad ng pag-iingat saakin ng mga mahal ko sa buhay upang mailayo ako sa kapahamakan. Pagkauwi ko ay iniabot ko kay mama ang mga ipinamili ko na ipinagpasalamat naman niya. Habang dinidinig ang pasasalamat niya, na-realize ko na hindi pa sapat ang pagbili ko sa mga sangkap na iniutos niya sa akin upang masuklian siya sa walang katapusang pagmamahal niya sa akin. Sa gitna ng pandemya, ipina-realize nito sa atin ang kahalagahan ng mga mahal natin. Katulad ng kalahagahan ng bawat sangkap ng adobong manok ay ang kahalagahan ng ating mga mahal sa buhay, na kung makukulangan ng kahit isang sangkap ay hindi na ito magiging katulad ng inaasahan nating resulta at mga darating na pangyayari sa ating buhay.