Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Buod ng Noli Me Tangere ni Jose P.

Rizal

Nag-umpisa ang nobela sa nakatakdang handaan sa tahanan ni Don Santiago Delos Santos o mas kilala sa tawag na
‘kapitan Tiyago’ bilang pagbabalik bayan ni Crisostomo Ibarra na anak ng matalik niyang kaibigan, mula sa pitong taong
pag-aaral sa Europa. Ilan sa mga panauhin ay ang mag-asawang Dr. De Espadanya at Donya Victorina, Padre Sibyla na
kura ng Binundok, Padre damaso, at si Tinyente Guevarra na tinyente ng mga guardia civil. Ilan sa mga napag-usapan ng
mga panauhin ay ang pagkakatanggal ni Padre Damaso bilang kura paroko ng bayan ng San Diego na nagsilbi ng
dalawangpung taon. Ayon sa pari, ang dahilan ng pagkakatanggal niya ay dahil sa pagpapahukay niya sa labi ng isang
marangal na lalaki na hindi nakapangumpisal.

Dumating na si Juan Crisostomo Ibarra Y Magsalin o Ibarra sa handaan, at dahil para sa kanya ang handaan, siya ang
naupo sa kabisera. Binaggit din niya sa lahat ang ideyang pagpapatayo ng paaralan para sa kapwa Pilipino. Nagpupuyos
naman sa galit si Padre Damaso dahil napunta sa kanya ang hindi magagandang parte ng Manok na Tinola.

Nakarating na si Maria Clara sa bahay ni Kapitan Tiyago at tuwang-tuwa naman dito si Padre Salvi, ang paring may
pagnanasa kay Maria.

Kinabukasan, nagkaroon ng Suyuan sa Asotea sina Maria Clara at Ibarra. Pagkatapos, pumunta si Maria sa kumbento
para kumuha ng gamit at nakausap niya si Padre Damaso na nagsabing dapat na niyang itigil ang pakikipagkita kay
Ibarra.

Isang gabi, habang naglalakad si Ibarra, nakita siya ni Tinyente Guevarra at inilahad nito kung paano nahirapan at
namatay ng kanyang ama sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Ang labi ng kaniyang ama ay pinahukay pa sa
kadahilanang hindi daw ito bagay sa nililibingan nito, dapat daw ay sa libingan ito ng mga intsik nakalibing ngunit nang
dinadala na ito, nagkataong umuulan at hindi kinaya ng sepulturero at ng kanyang kasama ang bigat na dala ng kabaong
at ng tubig ulan kaya ang bangkay ay nagpatianod na lamang sa lawa. Nang marinig ito ni Ibarra, siya ay nagalit lalo pa
nang malaman niyang si Padre Damaso ang may pakana ng lahat.

May magkapatid na ang pangalan ay Crispin at Basilio, sila ay anak ni Sisa na babaeng sunud-sunuran sa lasinggero at
basagulerong asawa. Pinagkamalang nagnakaw ng dalawang onsa o 32 pesos ang nakababatang anak ni Sisa na si Crispin
at hindi daw ito makakauwi hangga’t di niya nababalik ang nawalang pera. Samalantang si Basilio naman ay pinagalitan
dahil sa maling pagpapatugtog ng kampana.

Nagkaroon ng pagkakataong naghanda si Sisa ng mga paboritong pagkain ng kanyang dalawang anak pero sa kasamaang
palad, mas naunang umuwi ng bahay ang walang kwenta niyang asawa at inubos ang lahat. Pagkatapos, nakauwi na sa
wakas si Basilio na nadaplisan ng bala sa ulo.

Tungkol sa pinapapatayong paaralan ni Ibarra, siya, kasama ang guro na tutulong sa kanya ay inanyayahang maging
bisita sa tribunal, ito ay isang bulwagan para sa pagpupulong ng mga makapangyarihan at mayayaman. May dalawang
pulong, ang mga Conserbador na binubuo ng pangkat ng mga matatanda na pinamumunuan ng kabesa at pangalawa,
ang Liberal na binubuo ng mga kabataan sa pangunguna ni Don Filipo. Ilan sa mga napag-usapan ay ang paaralan at ang
nalalapit na piyesta. Sa huli, napagdesisyunan na sa piyesta, magkakaroon ng anim na pruisyon, tatlong sermon, tatlong
misa mayor at isang komedya.
Ang kawawang Sisa ay patuloy padin sa paghahanap sa kanyang mga anak at nang pauwi na ito, nakita niyang galing sa
bahay nila ang ilang guardia civil. Pilit pinaamin si Sisa at nang walang makuha sa kanya, kinaladkad nila ito at ipinasok sa
kwartel. Pinauwi din siya kinagabihan at nakita sa kanilang bahay ang punit na damit ni Basilio na may dugo. Siya ay
nababaliw na.

Nagyaya ng piknik si Ibarra. Kasama ni Maria Clara ang mga kaibigan niya na sina Iday, Victorina, at Neneng. Nakahiwalay
ang Bangka ng mga babae sa mga lalaki. Sa kasamaang palad, nabutas ang sinasakyang Bangka ng mga lalaki kaya tumabi
sila sa mga babae. Walang mahuling isda ang mga nasa piknik dahil sa buwaya na nasa lawa kaya lumundag si Elias, ang
nagsasagwan, at tinulungan naman siya ni Ibarra at nagapi nila ang buwaya.

Pagkatapos, nag-usap si Ibarra at Pilosopo Tasyo tungkol sa paaralang ipapatayo. Sa panahon ding ito, bisperas na ng
Pista at tinatapos na ang paaralang pinapagawa sa tulong ni Nol Juan.

Tanging mga kastila lamang ang naisisyahan sa komedya dahil wikang kastila ang salita nila. Sa panahong ito, ginaganap
ang misa. Sa sermon, inaalipusta ni Padre Damaso si Ibarra pero hinayaan lamang niya ito. Habang nagmimisa, nakausap
niya si Elias nang walang nakakaalam. Binalaan siya nito sa mangyayari kinabukasan.

Nagkatotoo nga ang babala ni Elias at nagkaroon ng aksidente na siyang kinamatay ng taong dilaw, isa sa mga
responsable sa pagpapagawa ng paaralan. Sa totoo pala, ang nagplano ng aksidente ay ang taong dilaw mismo.

Darating at tutuloy sa bahay ni Kapitan Tiyago ang Heneral kaya nagkaroon dito ng kainan. Pagkadating na pagkadating
palang ni Padre Dmaso ay pinagdiskitahan niya kaagad si Ibarra sa pamamagitan ng pagsasalita ng masasamang bagay.
Nabuklat ang nangyari sa kaniyang ama na ikinagalit nito na muntik pa niyang masaksak si Padre Damaso. Mabuti na
lamang at nandoon si Maria Clara at napigilan niya ito.

Kumalat sa buong San Diego ang ginawa ni Ibarra at halos lahat ng tao ay panig kay Padre Damaso. Dahil dito ay
itinanghal bilang pilibustero si Ibarra. Kinabukasan, umiiyak si Maria at inalok ni Padre Damaso na sa ibang lalaki na lang
siya ilalaan at hindi na kay Ibarra. Dumating na din ang Heneral sa bahay ni Kapitan Tiyago.

Nagustuhan ng Kapitan si Ibarra at sinabi pang gagawan niya ng paraan ang pagiging excomulgado ni Ibarra, nagprisinta
din itong maging ninong sa kanilang kasal ni Maria.

Pagkatapos, nagsimula na ang prusisyon at napilitang pumunta si Ibarra dahil sa Kapitan. Sa harap ng bahay nila kapitan
Tiyago gaganapin ang nasabing Gawain at napansin ng ilan ang pagkawala ng magkapatid na Crispin at Basilio.

Si Donya Consolacion ay asawa ng Alperes. Siya ang babaeng maraming kolorete sa mukha na palaging naiinis sa mga
bagay-bagay. Naiirita siya sa prusisyon at ibinaling na lamang ang galit kay sisa na naririnig niyang kumakanta.
Pinahirapan niya si sisa hanggang sa dumating ang Alperes at pinatigil ang ginagawa niya dahil na din sa ihahatid niya ito
kay Ibarra kinabukasan.

Pagkatapos, nag-umpisa na ang dula na pinagunahan ni Chananay at Marianita, dumating si Ibarra ngunit umalis din
kaagad. Sa kanyang pag-alis, nagkaroon ng kaguluhan dahil gustong patigilin ni Donya Consolascion ang dula at
nahimatay si Maria Clara.
Sa panahong ito, hindi makatulog si Ibarra, dumating si Elias para sabihing may sakit si Maria at siya din ang tumigil sa
naganap na kaguluhan. Nang papunta si Ibarra sa bahay ni Kapitan Tiyago ay nakita niya sa daan si Lucas, kapatid ng
taong dilaw na namatay, kinulit siya nito tungkol sa makukuhang salapi dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Siya’y
sinagot ng maayos ni Ibarra na magbalik na lamang sa isang araw dahil siya’y nagmamadali. Naiwang nagpupuyos ang
kalooban ni Lucas at inisip na iisa ang dugong nananalaytay sa ugat nina Ibarra at ng lolo nito na nagparusa sa kanilang
ama.

Tuluyan na ngang nagkasakit si Maria Clara at dahil dito, sinamo ni Kapitan Tiyago si Don Tiburcio de Espadana at Donya
Victorina kasama si Linares na galing espanya, at nag-aaral ng abogasya.

Samantala, si Lucas ay pumunta kay Padre Salvi para isangguni ang marapat na katarungan para sa kanyang kapatid. Pilit
pa niyang pinapatulo ang kanyang luha at umarte pang tila kawa-awa, ngunit di naman natuwa ang pari sa ipinakitang
kaartehan ni Lucas kaya pinagtabuyan niya ito.

Patuloy naman sa pagtaas ang lagnat ni Maria pero kinalaunan ay gumaling na din siya, ibinalita naman ni Padre Damaso
na siya ay lilipat sa Tayabas. Hindi naman makasulat si Ibarra kay Maria dahil abala ito sa pag-aayos ng kanyang
excomulgado.

Sa kabilang dako, nakipagkita si Elias kay Kapitan Pablo na may masalimuot na nakaraan sa kamay ng mga kastila.
Nagbabalak sila ng himagsikan at binaggit ni Elias ang pagkakakilala niya kay Ibarra na maaring tumulong sa kanilang
nais. Ang plano, pakiusapan si Ibarra na makipagusap sa heneral tungkol sa hinaing ng mga sawimpalad at kung hindi ito
mangyayari, itutuloy nila ang himagsikan.

Sa Sabong na may tatlong parte, una, ang bungad kung saan nakaabang ang maniningil para sa lahat ng papasok,
pangalawa, ang ulutan, dito nakahanay ang mga nagtitinda ng samu’t sari at nagpupustahan, nagtatayaan at
nagbabayaran, huli, ang Ruweda na pinagdarausan ng sultada. Nakatakdang magsabong ni Kapitan Tiyago na may malaki
at puting lasak at si Kapitan Basilio na may bulik. Narito din ang magkapatid na Bruno at Tarsilo na sa huli ay natukso ni
Lucas na pahiramin ng pera kapalit ng pagsama nito sa magaganap na himagsikan.

Nagkaroon ng konting kaguluhan sa pagitan ng mag-asawang Donya Victorina at Don Tiburcio at ng Alperes at Donya
Consolacion. Sinabi ni Donya Victorina sa asawa na hamunin sa barilan ang alperes ngunit natakot ito kaya pagdating sa
bahay ni Kapitan Tiyago, napagdiskitahan niya si Linares at inutusang hamunin sa barilan ang Alperes kung hindi ay
isisiwalat ng babae ang tunay na buhay ni Linares. Sa pagtatapos ng gabi, dumating na si Kapitan Tiyago at ibinigay na
ang ilang libong piso na bayad sa panggagamot kay Maria.

Masayang ibinalita ni Ibarra sa guro sa ginagawang paaralan na tinanggal na ang pagigin excomulgado niya. Nakita niya
si Elias at nag-ayang mamangka. Sa Bangka, ipinahayag ni Elias ang saloobin ng mga sawimpalad, ito ay ang (1)
pagbabago sa pagtrato sa kanina ng sandatahan at mga prayle (2) pagkakaloob ng karangalan sa karapatang pagtao.
Ikinuwento ni Elias ang nakaraan ng kanyang pamilya, kung paanong masalimuot na pinatay ang kanyang lolo, lola, at
kapatid. Sa huli, hindi padin pumayag sa gusto nila si Ibarra dahil ang katwiran niya, hindi maitatama ng isang mali ang
isang pagkakamali.

Nakatanggap ng liham si Linares mula kay Donya Victorina, nabalisa ito sa babalang kailangan niyang maipapatay ang
alperes dahil kung hindi ay sasabihin niya ang kaniyang sikreto kay Kapitan Tiago at Maria. Habang iniisip ni Linares ang
liham ay pumasok sa sala si Padre Salvi. Kinamusta nito si Linares at biglang sumunod si Kapitan Tiago. Masayang
ibinalita ni Padre Salvi na napawalang bisa na ang pagiging ekskomunikado ni Ibarra. Ilang sandali pa ay dumating si
Ibarra habang nag-uusap sina Padre Salvi at Kapitan Tiago. Tumabi naman ang binata kay Sinang upang itanong kung
galit sa kanya si Maria. Ayon kay Sinang ay ipinasasabi raw ni Maria na limutin na lamang siya nito ngunit nais ni Ibarra
na makausap ang kasintahan.

Madaling nagtungo si Padre Salvi sa bahay ng alperes. Nang makarating sa bahay ay daredaretso itong pumanhik at
malakas na tinatawag ang alperes. Lumabas naman ang alperes kasama ang asawa, inireklamo agad ng Alperes ang mga
kambing nito na naninira sa kanyang bakod. Ngunit hindi dahil don ang pakay niya, Nagbigay ngbabala ang kura dahil
may may mangyayaring pag-aalsa na maaaring ikapahamak ng madami sa gabing iyon, ito ay nalaman ng pari nang
mayroong isang babae ang nagkumpisal sa kanya. Nagkaisa ang pari at ang alperes na paghandaan ang nalalapit na
paglusob.

Nang mga oras ding iyon ay nagmamadaling pumunta si Elias kay Ibarra. Ipinagtapat ni Elias ang paglusob na magaganap
at base sa kanyang natuklasan, si Ibarra diumano ang kapural at nagbayad sa mga kalahok sa paglusob. Natitiyak ni Elias
na si Ibarra ang isisigaw ng sinumang mahuhuli ng mga sibil kaya ipinasunog niya kay Ibarra ang lahat ng mga aklat at
kasulatan nito sapagkat ‘di na maiiwasan na masangkot sa gulo. Pinatulong ni Ibarra si Elias na pagsama-samahin ang
mahahalagang dokumento at nakita nito ang nakapirmang Don Pedro Eibarramendia.

Tinanong ni Elias kung kaanu-ano ni Ibarra ito. Laking gulat naman ni Elias nang malamang lolo ni Ibarra si Eibarramendia
dahil siya ang lumikha ng matinding kasawian ng kanilang buhay.Tumingin siya ng tuwid kay Ibarra at saka mabilis na
umalis ng bahay.

Hindi mapakali sa paghihintay si Maria kay Ibarra na darating sa ika-walo ng gabi. Nang sumapit na ang ikawalo ng gabi,
at tumunog ang kampana, silang lahat at tumayo para magdasal. Siya namang pagpasok ni Ibarra. Tinangka pa siyang
lapitan ni Maria ngunit biglang tumunog ang sunod-sunod na putok. Nang matapos ang putukan ay pinababa ng alperes
si Padre Salvi. Hindi na din nakapag-usap sina Ibarra at Maria Clara dahil mabilis na itong umalis. Pagdating sa bahay,
inutusan agad ni Ibarra ang kanyang katulong na ihanda ang kanyang kabayo. Sa gabinete ay isinilid niya sa kanyang
maleta ang mga hiyas, salapi, ilang mga kasukatan at larawan ni Maria. Isinukbit din niya ang dalawang rebolber at isang
balaraw. Paalis na siya nang may narinig na katok sa kanyang pinto. Pagbukas ay nakita niya ang tatlong gwardiya sibil na
naparoon upang arestuhin siya, kahit di niya alam ang rason ay sumama parin ng matiwasay si Ibarra.

Gulong-gulo pa din ang isip ni Elias nang malaman na lolo ni Ibarra ang pinagmulan ng pagdurusa ng kanyang angkan.
Pumunta ito sa bahay ni Ibarra ngunit nalaman na kinuha sya ng gwardiya sibil. Umakyat ito sa bintana ng bahay kung
saan niya natagpuan ang mga gamit na dadalhin ni Ibarra, at isinilid niya ang mga ito sa sako. Nang paalis na ay may
parating na gwardiya sibil kaya madali nitong kinuha ang gasera at winisikan ang mga gamit ng gas. Mabilis na tumalon si
Elias sa bintana at nagsimulang magliyab ang bahay ni Ibarra.

Nagpupumilit pumasok ang mga gwardiya sibil ngunit di naman pumapayag ang mga katiwala hanggang walang sinasabi
ang among si Ibarra. Natinag naman ang mga katiwala nang makitang may dalang mga baril ang mga gwardiya. Mabilis
na pumanhik ang mga gwardiya ngunit wala silang natagpuan sa itaas kundi ang makapal na usok hatid ng sunog.
Patakbo silang nagbabaan nang makita ang dingding na tinutupok na ng apoy.
Nakabantay ang mga gwardiya sibil sa harap ng tribunal. Naroon ang mga konstabularyo at mga pulis na pabulong kung
mag-usap. Nasa tribunal din ang sekretaryo ng munisipyo, ang alperes at ang asawa nito, at dalawang klerk. Ika-siyam na
ng dumating si Padre Salvi. Hinarap ni Padre Salvi ang dalawang natitirang buhay sa mga binihag ng mga gwardiya sibil.
Itinanong kay Tarsilo Alasigan kung may kinalaman ba si Ibarra sa naganap na paglusob. Iginiit nito na wala itong
kinalaman sa halip ay gusto lang nilang ipaghiganti ang kanilang amang pinatay ng mga gwardiya sibil. Dinala si Tarsilio
sa limang bangkay kung saan ay nakita niya ang kapatid na si Bruno na puno ng saksak, ang asawa ni Sisa na si Pedro, at
si Lucas na noo’y may tali pa ng lubid sa leeg. Dahil wala pa rin silang makuhang ipormasyon mula kay Tarsilio, ito’y
inilublob sa balon hanggang sa umagos ang dugo nito sa ilong at tuluyan nang binawian ng buhay.

Nagkalat ang balitang dadalhin na sa kapitolyo ang mga bilanggo. Takot at hindi alam ang gagawin ng mga kamag-anak
ng mga bilanggo. May nagsabi na si Ibarra dapat ang sisihin na sinang-ayunan naman ng ilan-ilan. Maya-maya pa’y isa-
isang lumabas ang mga bilanggo. Sunud-sunod na lumabas sina Don Filipo, Antonio, kambal na anak ni Kapitana Maria,
at sabay na lumabas si Andong at Albina na kasintahan ni Victoria. Si Ibarra na huling lumabas ay walang gapos ngunit
nasa pagitan ng dalawang kawal. Marami ang nagalit dahil kung sino pa daw ang nanguna sa paglusob ay siya pang
walang gapos. Napayuko si Ibarra at ipinagpilitan niyang lagyan din siya ng gapos. Kahit na nasa gipit at abang kalagayan
si Ibarra ay tila walang ibig dumamay sa kanya.

Kahit na nanghihina at namumutla ay hinarap ni Maria Clara ang mga bisita. Hanggang sa mapunta ang kanilang usapan
sa pagpapakasal nina Maria at Linares. Tila buo na ang pasya ni Kapitan Tiyago na ipakasal ang anak kay Linares.
Kinabukasan, napuno ang bulwagan ni Kapitan Tiyago ng mga bisitang kastila at intsik. Hindi naman matanggap ng mga
kababaihan ang pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares. Dinig ng dalaga ang usap-usapan ng mga kababaihan na
kayamanan lang ni Linares ang dahilan kung bakit ito magpapakasal. Nagtungo si Maria sa asotea. Natanaw niya ang
isang bangka malapit sa kanilang bahay. Ang bangka ay makikitaan ng mga damo at sakay nito sina Elias at Ibarra.
Itinakas pala ni Elias si Ibarra. Dumaan lamang si Ibarra upang ipahayag ang kanyang damdamin kay Maria at bigyan ng
laya ang kasintahan tungkol sa kanilang kasunduan. Dahil dito’y pinagtapat ni Maria ang dahilan kung bakit siya
magpapakasal kay Linares. Ayon sa kanya, hindi siya magpapakasal kay Linares dahil sa mahal niya ito. Napilitan lamang
siya dahil sa kasaysayang pinanggalingan niya. Mahigpit na niyakap at pinupog ng halik ni Ibarra si Maria Clara.
Pagdaka’y lumundag muli ito sa pader at sumakay sa bangka.

Plano ni Elias na itago si Ibarra sa bahay ng kaibigan niya sa Mandaluyong. Huhukayin niya ang mga salapi at alahas na
itinago niya sa puno ng balite na nasa libingan ng mga nito upang may magamit papunta sa ibang bansa. Doon ay
mamumuhay siya ng tahimik. Nang malapit na sila sa palasyo ng Kapitan Heneral ay tinakpan ni Elias si Ibarra ang damo
para sila ay palagpasin ng bantay. Sa Malapad na Bato naman ay tinakpan si Ibarra ng mga bayong at. Sinabi ni Elias na
ibebenta niya sa mga Intsik ang mga kawayan at bayong na nasa bangka. Agad namang naniwala ang bantay at
pinalagpas ulit si Elias. Nakahinga nang maluwag ang dalawa dahil malayo na sila sa gwardiya ngunit meron silang
napansin na lantsang paparating na parang sumusunod sa kanila na may mga dalang ripple na nakaasinta sa kanila.
Naghubad ng damit si Elias at biglang talon sa tubig. Balak niyang iligaw ang mga sumusunod sa kanila. Habang nililito ni
Elias ang mga gwardiya payapa namang inaanod ang bangkang hinihigaan ni Ibarra. Napagod na sa pagsisid at paglangoy
si Elias. Malapit na siyang makarating sa pampang nang inasinta siya ng sarhento ng konstabularyo. Maya-maya pa’y
may nakitang dugo ang gwardiya ngunit wala namang nakitang bangkay.

Kinaumagahan ay kita pa din ang lungkot kay Maria. Hiniling ni Maria kay padre damaso na ipahinto ang pagpapakasal
nito kay Linares. Dahil patay na si Ibarra mas gugustuhin nalang ni Maria na pumasok sa kumbento o kaya ay
magpakamatay kaysa magpakasal sa lalaking di naman niya mahal. Wala namang nagawa ang pari kundi piliing
pahintulutan ang dalaga na pumasok sa kumbento kaysa piliin ang kamatayan.

Samantala ay, ginagawa ni Basilio ang lahat upang gumising ang ina ngunit ito ay naging isang malamig na bangkay na.
Umiiyak si Basilio nang may isang sugatang lalaki ang pumasok sa libingan. Ang lalaking iyon ay si Elias. Dalawang araw
nang nandoon ang sugatang lalaki at pakiramdam nito’y hindi na siya uumagahin doon. Ibinilin ng sugatan na sunugin
ang bangkay ni Sisa kasama ang bangkay niya. Pagkatapos ay muling bumalik sa lugar na iyon at hukayin sa paligid ng
balite ang isang malaking kayamanan. Ibinilin din nito na gamitin ang kayamanang ito sa pag-aaral. Lumipas ang
dalawang oras at nakita sa kalangitan ang usok na nagmula sa libingan.

Lumakad na si Basilio upang kumuha ng panggatong samantalang si Elias naman ay tumanaw sa dakong silangan at
nagwika ng higit pa sa isang dalangin. Mamamatay daw siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng bayang
kanyang minamahal. Dagdag pa niya, sa mga mapalad, huwag lamang daw limutin nang ganap ang mga nasawi sa dilim
ng gabi. Sa pagkakatingala niya sa langit, siya’y kumibot hanggang sa unti-unting nabuwal sa lupa.

Nang magmamadaling-araw na ay nasaksihan ng buong bayan ng San Diego ang malaking sigang nagmumula sa may
lugar na kinamatayan ni Sisa at Elias.

You might also like