Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

ARALIN 1:

BATAYANG KAALAMAN SA MAPANURING PAGBASA NG TEKSTO

ELEMENT 2: TECHNOLOGY ENHANCEMENT

Kahulugan ng Pagbasa
Ang pagtitiyak ng depinisyon ng pagbasa ay mahalaga upang makabuo ng paraan ng ebalwasyon
sa pagkatuto nito. Kung ikaw ay isang mag-aaral na panimulang nagbabasa, ang pag-alam sa
kahulugan, kahalagahan, at mga kasanayang matututuhan mo rito ay mahalaga upang maging mas
epektibo at makabuluhan ang kabuoang karanasan sa pagbasa. Maraming edukador ang nagsasabi
na ang pangunahing layunin ng pagbasa ay pagbuo ng kahulugan, na kinapalolooban ng pag-unawa
at aktibong pagtugon sa binabasa.
Ayon kina Anderson et al. (1985) sa aklat na Becoming a Nation of Readers, ang pagbasa ay
isang proseso ng pagbuo ng kahulugan mula sa mga nakasulat na teksto. Ito ay isang kompleks na
kasanayan na nangangailangan ng koordinasyon ng iba’t iba at magkakaugnay na pinagmumulan
ng impormasyon. Sa kahulugang ito, mahihinuha na hindi lamang ang teksto ang pinagmumulan ng
kahulugan kapag nagbabasa ang isang tao kundi maging ang iba pang posibleng makapagpapalalim
at makatutulong sa pag-unawa sa kahulugan. Sa pagbasa ng isang teksto, mahalaga ang imbak na
kaalaman (stock knowledge) ng nagbabasa upang mas malalim na maunawaan ang mga konsepto
at impormasyon. Mahalaga rin ang mga nauna nang kaalaman sa wika at pagkakaayos nito upang
maunawaan ang binabasa. Ang mga kaalaman na ito ay maaaring makuha mula sa pinakikinggan,
nakikita, at kabuoang pagdanas ng isang mambabasa sa realidad, lagpas pa sa nababasa mula sa
teksto.
Tiniyak nina Wixson et al. (1987) sa artikulong “New Directions in Statewide Reading Assessment”
na nailathala sa pahayagang The Reading Teacher, ang mga pinagmumulan ng kaalaman sa pagbasa.
Sa kanilang pagpapakahulugan sa pagbasa, tinukoy nila ito bilang isang proseso ng pagbuo ng
kahulugan sa pamamagitan ng interaksiyon ng: (1) imbak o umiiral nang kaalaman ng mambabasa,
(2) impormasyong ibinibigay ng tekstong binabasa, at (3) konteksto ng kalagayan o sitwasyon sa
pagbabasa. Sumusuhay ang pagpapakahulugan nila Wixson sa naunang inilahad na kahulugan
ng pagbasa sapagkat binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng konteksto ng pagbasa at imbak na
kaalaman ng mambabasa.
Ang pagbasa ay isang kompleks na kognitibong proseso ng pagtuklas sa kahulugan ng bawat
simbolo upang makakuha at makabuo ng kahulugan. Mahalaga ang interaksiyon sa pagitan ng teksto
at mambabasa na hinuhulma ng mga paniniwala, kaalaman at karanasan ng mambabasa, at ng
kultural at panlipunang kontekstong kinalalagyan niya. Ang proseso ng pagbasa ay nangangailangan
ng patuloy na pagsasanay, pagpapaunlad, at pagpipino ng kasanayan. Dagdag pa, kailangan ang
pagiging malikhain at kritikal na pag-iisip sa pagbabasa. Hindi sapat ang pagpapakahulugan sa
pagbasa bilang simplistikong pagsasalin ng nakalathalang simbolo sa pasalitang anyo. Laganap na

1
ang mga pag-aaral na hindi nakokompleto ang proseso ng pagbasa ng teksto hangga’t hindi nagagamit
ang makabuluhan at angkop na imbak na kaalaman upang komprehensibo itong unawain.

Intensibo at Ekstensibong Pagbasa


Nahahati sa dalawang pangkalahatang kategorya ang mapanuring pagbasa: intensibo at
ekstensibo. Mula sa kahulugan ng mga salita, mahihinuha na ang intensibong pagbasa ay may
kinalaman sa masinsin at malalim na pagbasa ng isang tiyak na teksto habang ang ekstensibong
pagbasa naman ay may kinalaman sa pagbasa ng masaklaw at maramihang materyales. Ang uri
ng intensibong pagbasa ay itinuturing na pinakahuli o dulong bahagi sa proseso. Ang ekstensibong
pagbasa naman ay maghahatid sa mambabasa tungo sa pinakadulong proseso. Narito ang iba pang
katangian ng dalawang uri ng pagbasa.

Intensibong Pagbasa
Ipinaliwanag ni Douglas Brown (1994) sa kaniyang aklat na Teaching by Principles: An Interactive
Approach to Language Pedagogy na ang intensibong pagbasa ay ang pagsusuri sa kaanyuang
gramatikal, panandang diskurso, at iba pang detalye sa estruktura upang maunawaan ang literal
na kahulugan, implikasyon, at retorikal na ugnayan ng isang akda. Inilarawan niya ang intensibong
pagbasa bilang isang gawaing gumagamit ng estratehiyang zoom lens o ng malapitan at malalimang
pagbasa sa isang akda.
Ayon naman kina Long at Richards (1987) sa kanilang aklat na Methodology in TESOL: A Book
of Readings, ang intensibong pagbasa ay detalyadong pagsusuri ng isang teksto sa pamamagitan ng
pagbibigay ng gabay ng isang guro kung paano ito susuriin. Madalas na tinatawag ding narrow reading
ang intensibong pagbasa sapagkat piling babasahin lamang hinggil sa isang paksa ang pinagtutuonan
ng pansin ng mambabasa o kaya ay iba’t iba ngunit magkakaugnay na paksa ng iisang manunulat.
Ang uri ng pagbasang ito ay kinapalolooban ng malalimang pagsusuri sa pagkakaugna-ugnay,
estruktura, at uri ng diskurso sa loob ng teksto; pagtukoy sa mahahalagang bokabularyong ginamit
ng manunulat; at paulit-ulit at maingat na paghahanap ng kahulugan. Sa ganitong uri ng pagbasa,
nakatutulong ang pagbabalangkas o paggawa ng larawang konseptuwal upang lubos na maunawaan
ng mag-aaral ang isang teksto.

Ekstensibong Pagbasa
Ayon pa rin kay Brown (1994), ang ekstensibong pagbasa ay isinasagawa upang makakuha
ng pangkalahatang pag-unawa sa maramihang bilang ng teksto. Dagdag pa nina Long at Richards
(1987), nagaganap ang ekstensibong pagbabasa kapag ang isang mambabasa ay nagbabasa ng
maramihang babasahin na ayon sa kaniyang interes o mga babasahing kadalasang hindi kahingian
sa loob ng klase o itinatakda sa anumang asignatura. Kadalasan, ang layunin ng mambabasa sa
ganitong uri ng pagbasa ay upang makuha lamang ang gist o pinaka-esensiya at kahulugan ng binasa
na hindi pinagtutuonan ng pansin ang mga salitang malabo o hindi alam ang kahulugan. Layunin
ng ekstensibong pagbasa na maunawaan ang pangkalahatang ideya ng teksto at hindi ang mga
espesipikong detalye na nakapaloob dito. Kung sa simula ay layunin ng mambabasa sa ganitong uri
ng teksto ang malibang, maaaring palalimin nito ang hilig at interes niya sa pagbasa.

2 PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


Ayon kay Stephen Krashen (1995) sa pag-aaral niyang “Free Voluntary Reading: Linguistic
and Affective Arguments and Some New Applications” na makikita sa Second Language Acquisition:
Theory and Pedagogy nina Eckman et al., ang malaya at boluntaryong pagbasa ay maaaring maging
tulay tungo sa mas mataas na kakayahang komunikatibo at akademiko sa wika. Pinatunayan din ito ng
empirikal na pananaliksik ni Warwick Elley (1996) na “Lifting Literacy Levels in Developing Countries:
Some Implications from an IEA Study,” kung saan naging saklaw ng pananaliksik ang 210,000 mag-
aaral at 32 sistemang pang-edukasyon sa buong mundo. Ayon sa pananaliksik, ang mga programa
sa pagtuturo ng pagbasa na nakatuon sa mga istrikto at ginabayang gawain ng guro na may pokus
sa mga tiyak na kakayahan ay mas mahina at hindi gaanong epektibo sa pagpapataas ng antas ng
literasi kung ikokompara sa mga programang may kinalaman sa pagkuha ng interes ng mga mag-
aaral at malaya at indibidwal na pagbasa nila ng mga tekstong nais nilang basahin.
Sa pag-aaral na “Top Ten Principles for Teaching Extensive Reading” nina Richard Day at Julian
Bamford (2002), tinukoy nila ang 10 katangian ng matagumpay na programa sa ekstensibong pagbasa:
1 Angkop ang materyales sa kakayahang panglinggwistika (bokabularyo at gramatika) ng mga
mag-aaral.
2. Mayroong magagamit na sari-saring materyales sa iba’t ibang paksa.
3. Pinipili ng mga mag-aaral ang gusto nilang basahin.
4. Nagbabasa ang mga mag-aaral ng napakaraming teksto hangga’t maaari.
5. Ang layunin ng pagbasa ay may kaugnayan sa interes at kasiyahang-loob ng mambabasa,
pagkuha ng impormasyon, at pangkalahatang pag-unawa.
6. Ang nakamit na pagkatuto ang mismong gantimpala sa pagbabasa at hindi anupamang grado o
premyo.
7. Mabilis ang pagbasa.
8. Ang pagbasa ay indibidwal at tahimik.
9. Ipinaliliwanag ng guro sa mga mag-aaral ang kabuoang layunin ng programa.
10. Ang guro ay modelo ng mga mag-aaral sa kasikhayan sa pagbasa.

Scanning at Skimming na Pagbasa


Ang scanning at skimming ay madalas na tinatawag na uri ng pagbasa ngunit maaari ding
ikategorya ang mga ito bilang kakayahan sa pagbasa. Ayon kay Brown (1994), ang dalawang ito ang
pinakamahalagang estratehiya sa ekstensibong pagbasa.
Ang scanning ay mabilisang pagbasa ng isang teksto na ang pokus ay hanapin ang espesipikong
impormasyon na itinatakda bago bumasa. Kinapalolooban ito ng bilis at talas ng mata sa paghahanap
hanggang sa makita ng mambabasa ang tiyak na kinakailangang impormasyon. Kung ang kahingian
ay alalahanin ang pangalan, petsa, simbolo, larawan, o tiyak na sipi na makatutulong sa mambabasa,
scanning ang angkop na paraan ng pagbasa na dapat gamitin. Ibig sabihin, may paunang pag-alam
o pagkaunawa na ang mambabasa sa hinahanap niyang impormasyon at ang layunin ay matiyak ang
katumpakan nito na makikita sa mga libro o iba pang sanggunian.

YUNIT I KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGBASA: PAGSUSURI AT PAGSULAT NG IBA’T IBANG TEKSTO 3


Halimbawa, may pauna nang pag-unawa ang mambabasa sa teorya ni Pierre Bourdieu tungkol
sa konsepto ng lehitimong wika, at naisip niyang mahalagang gamitin ito bilang teoretikal na gabay
sa isang ginagawang papel-pananaliksik tungkol sa patakarang pangwika sa Pilipinas. Kapag binasa
niya ang akda ni Bourdieu na naglalaman ng partikular na konsepto, hindi niya na kinakailangang
basahin ang buong aklat, bagkus ay hahanapin niya na lamang ang tiyak na bahaging tumatalakay sa
konseptong nais niyang malinawan.
Kadalasang ginagamit ang scanning na pagbasa sa mga larangang teknikal at propesyonal.
Ginagamit din ang pagbasang ito sa praktikal na buhay gaya ng paghahanap ng numero o address
ng isang tao sa direktoryo, kahulugan ng salita sa diksiyonaryo, o kaya ay pagtiyak sa iskedyul ng
eksamen o iba pang aktibidad sa paaralan.
Ang skimming naman ay mabilisang pagbasa na ang layunin ay alamin ang kahulugan ng
kabuoang teksto, kung paano inorganisa ang mga ideya o kabuoang diskurso ng teksto, at kung ano ang
pananaw at layunin ng manunulat. Mas kompleks ang skimming kaysa scanning dahil nangangailangan
ito ng mabilisang paraan ng organisasyon at pag-alaala sa panig ng mambabasa upang maunawaan
ang kabuoang teksto at hindi lamang upang matagpuan ang isang tiyak na impormasyon sa loob nito.
Ginagamit ang skimming kapag may pangkalahatang tanong tungkol sa isang akda. Nakatutulong
ito sa pagdedesisyon ng mambabasa kung magpapatuloy ba siya sa pagbasa at pagpapalalim sa
isang akda at kung anong uri ng pagdulog ang gagamitin kung babasahin pa ito nang mas malaliman.
Sa skimming, nauunawaan ng isang mambabasa ang kabuluhan at kahulugan ng teksto kahit hindi
iniisa-isa ang kahulugan ng bawat salita at pahayag dito. Ginagamit ang skimming bilang bahagi
ng metodolohiyang SQRRR (Surveying, Questioning, Reading, Reviewing, at Reciting), kung saan
mahalaga ang pagbuo ng inisyal na impresyon sa akda. Malaki ang maitutulong ng skimming sa inisyal
na pagbabasa ng mag-aaral tungkol sa isang paksa kung nagsasaliksik. Upang maging sistematiko ang
paghahanap ng mga kaugnay na pag-aaral at literatura tungkol sa paksa, makabubuti ang paggawa
ng bibliyograpikal na anotasyon. Ang anotasyon ay naglalaman ng maikling deskripsiyon sa anyo at
nilalaman ng isang akda. Sa pamamagitan ng mabilisang pagbasa, nagkakaroon ng kabuoang pag-
unawa ang mananaliksik sa mahahalagang nilalaman at pangkalahatang impormasyon ng akda.

Antas ng Pagbasa
Tinukoy ni Mortimer Adler at Charles Van Doren (1965) sa kanilang aklat na How to Read a
Book: The Classic Guide to Intelligent Reading ang apat na antas ng pagbasa. Ito ay ang antas
primarya (elementary), antas inspeksiyonal (inspectional), antas analitikal (analytical), at antas
sintopikal (syntopical) na bumubuo ng isang hakbang-hakbang na proseso. Hindi maaaring umusad
sa pinakamataas na antas (sintopikal) hanggang hindi pinagdadaanan ang mga nauna o mas
mabababang antas.
1. Antas primarya. Ito ang pinakamababang antas ng pagbasa at pantulong upang makamit ang
literasi sa pagbasa. Ang mga kakayahan sa pagbasa sa antas na ito ay kinapalolooban lamang
ng pagtukoy sa tiyak na datos at espesipikong impormasyon gaya ng petsa, setting, lugar, o mga
tauhan sa isang teksto. Itinuturing na magkakahiwalay ang mga impormasyong ito, na mahirap
para sa bagong mambabasa upang makabuo ng kabuoang hinuha at pag-unawa sa teksto.
Nauunawaan lamang ang hiwa-hiwalay na impormasyon sa literal na antas at hindi nakabubuo
ng interpretasyon mula sa pagkakaugnay-ugnay ng mga ito. Halimbawa, sa pagbasa ng isang
maikling kuwento, natutukoy ng mambabasa kung sino ang mga tauhan, ang mga katangian

4 PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


nila, setting, at ang mga pangyayari sa kuwento, ngunit hindi niya mabubuo ang kabuoang
interpretasyon nito. Sa antas na ito, hindi rin agad nauunawaan ang metapora, imahen, at iba
pang simbolismong ginamit sa akda.
2. Antas inspeksiyonal. Sa antas na ito, nauunawaan na ng mambabasa ang kabuoang
teksto at nakapagbibigay na siya ng mga hinuha o impresyon tungkol dito. Sa pamamagitan
nito, nakapagbibigay ng mabilisan ngunit makabuluhang paunang rebyu sa isang teksto ang
mambabasa upang matukoy kung kakailanganin niya ito at kung maaari itong basahin nang mas
malaliman. Maaaring gamitin ang skimming sa antas na ito. Tinitingnan ng mambabasa ang titulo,
heading, at subheading. Pinapasadahan din niya ang nilalaman ng teksto upang maunawaan ang
kabuoang estruktura nito. Paimbabaw ang katangian ng pagbasang ito sapagkat halos panlabas
na bahagi lamang ng teksto ang tinitingnan. Hindi ito pinag-iisipan nang malalim para magbigay
ng interpretasyon o pinag-uukulan ng pansin ang ilang bahaging hindi maunawaan sa teksto.
Ang pagtigil sa antas na ito ay angkop lamang at dapat gawin kung hindi na nakikita ang
halaga ng materyales na binabasa sa ginagawang pag-aaral. Ngunit para sa karamihan ng
mananaliksik, ang antas na ito ang panimulang pagbasa para sa paghahanda sa mas malalim
pang pag-unawa at pananaliksik.
3. Antas analitikal. Sa antas na ito ng pagbasa, ginagamit ang mapanuri o kritikal na pag-iisip upang
malalimang maunawaan ang kahulugan ng teksto at ang layunin o pananaw ng manunulat. Bahagi
ng antas na ito ang pagtatasa sa katumpakan, kaangkupan, at kung katotohanan o opinyon ang
nilalaman ng teksto. Upang makamit ito, kailangang isagawa ng mambabasa ang sumusunod:
• Tukuyin kung saang larangan nakapaloob ang teksto.
• Ibalangkas ang teksto batay sa kabuoang estruktura o kung paano ito inayos ng may-akda.
• Tukuyin ang suliranin na tinatangkang bigyang-linaw ng may-akda.
• Unawain ang mahahalagang terminong ginamit ng may-akda tungo sa pag-unawa ng
kabuoang teksto.
• Sapulin ang mahahalagang proposisyon ng may-akda.
• Alamin ang argumento ng may-akda.
• Tukuyin sa bandang huli kung nasolusyonan o nasagot ba ng may-akda ang suliranin ng
teksto.
• Tukuyin kung saang bahagi ng teksto nagkulang, nagkamali, o naging ilohikal ang
pagpapaliwanag ng may-akda.
Sa kabuoan, ang mapagsiyasat na antas ng pagbasa ang maghahawi tungo sa analitikal
na pagbasa. Malalim at mapanuri na ang antas na ito, ngunit hindi rito nagtatapos ang layunin ng
pagbasa.

4. Antas sintopikal. Ang salitang syntopical ay binuo ni Mortimer Adler mula sa salitang syntopicon
na inimbento at ginamit niya sa aklat na A Syntopicon: An Index to The Great Ideas (1952),
na nangangahulugang “koleksiyon ng mga paksa.” Tumutukoy ito sa uri ng pagsusuri na
kinapalolooban ng paghahambing sa iba’t ibang teksto at akda na kadalasang magkakaugnay.
Ano ang kaibahan ng sintopikal at analitikal na antas ng pagbasa? Mula sa analitikal na
pagbasa ng limang aklat ay maaari nang maging eksperto ang isang mambabasa sa isang tiyak
na paksa batay sa kung ano ang sinabi ng mga manunulat sa mga aklat na kaniyang binasa.

YUNIT I KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGBASA: PAGSUSURI AT PAGSULAT NG IBA’T IBANG TEKSTO 5


Sa sintopikal na pagbasa, nakabubuo siya ng sariling perspektiba o pananaw sa isang tiyak na
larangan mula sa paghahambing ng mga akdang inunawa niya. Ang sintopikal na pagbasa ay
hindi lamang pag-unawa sa mga nariyan nang mga eksperto sa isang larangan o disiplina, kundi
ang pagbuo ng sariling sistema ng kaalaman at pag-unawa mula sa pagbasa sa mga ekspertong
ito. Ang mga aklat na binasa ay mga kasangkapan lamang upang maunawaan ng mambabasa
ang mga kaalaman na naipundar na ng mga naunang iskolar. Sa sintopikal na pagbasa, sa
pamamagitan ng sistematikong paraan, pinaghahalo ang mga impormasyon mula sa aklat at ang
mga sariling karanasan at kaalaman ng mambabasa upang makabuo ng ugnayan at bagong mga
pananaw at kaalaman. Ibig sabihin, sa antas na ito ng pagbasa, itinuturing na rin ng mambabasa
ang sarili bilang isa sa mga eksperto ng kaniyang binasa.
Narito ang limang hakbang tungo sa sintopikal na pagbasa:
a. Pagsisiyasat. Mahalaga ang pagsisiyasat tungkol sa sintopikal na pagbasa. Kailangang
tukuyin agad ng mambabasa ang lahat ng mahahalagang akda hinggil sa isang paksang
nais niyang pag-aralan. Mula sa mga ito, kailangang tukuyin kung ano ang mahahalagang
bahagi na may kinalaman sa pokus ng kaniyang pag-aaral.
b. Asimilasyon. Sa pamamagitan ng paraang ito, tinutukoy ng mambabasa ang uri ng wika
at mahahalagang terminong ginamit ng may-akda upang ipaliwanag ang kaniyang kaisipan.
Sa asimilasyon, nagdedesisyon siya kung susuhay sa mga naunang terminolohiya ng may-
akda o gagawa ng sariling kategorisasyon.
c. Mga tanong. Sa bahaging ito, tinutukoy ng mambabasa ang mga katanungang nais niyang
sagutin na hindi pa nasasagot o malabong naipaliwanag ng may-akda. Kailangang iba ang
mga tanong na ito sa mga suliraning binuo ng mga naunang eksperto.
d. Mga isyu. Lumilitaw ang isyu kung kapaki-pakinabang at makabuluhan ang nabuong
tanong ng mambabasa tungkol sa isang paksa at may magkakaibang pananaw ang mga
binasang akda tungkol sa partikular na suliraning ito. Kung malalim na naunawaan niya ang
pagpapaliwanag ng mga binasang akda, natatalakay niya nang maayos ang bawat panig at
nakapagbibigay siya ng sariling kongklusyon. Maaaring iba ang kongklusyon niya sa mga
nauna nang eksperto. Ito ang nagiging ambag niya sa pagpapaunlad ng paksa.
e. Kumbersasyon. Ang pagtukoy sa katotohanan batay sa sintopikal na pagbasa ay hindi
ang pangunahing punto at layunin sapagkat laging kuwestiyonable ang katotohanan. Ang
halaga ng pagkatuto ay nagmumula sa mayamang diskurso at diskusyon sa pagitan ng
mga eksperto, kabilang na ang sarili. Sa kumbersasyon o pag-uusap, nag-aambag ang
mambabasa ng bagong kaalam na hindi pag-uulit ng sinabi ng mga naunang eksperto.

ELEMENT 5: FORMATIVE ASSESSMENT

Gabay na Rubrik para sa Pagtataya ng mga Gawain


1. Pagsulat ng Anotasyon
Ang anotasyon ay naglalaman ng maikling deskripsiyon sa anyo at nilalaman ng isang
akda. Bumuo ng grupo na may tatlong miyembro. Maghanap ng mga halimbawang anotasyon sa
internet upang maging gabay sa gawaing ito. Pagkatapos, tumukoy ng isang paksa na interesante

6 PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


para sa grupo. Maaaring ang paksang ito ang nais na palawigin o pagyamanin para sa gagawing
pananaliksik sa ikalawang bahagi ng semestre.
Kapag natukoy na ang paksa na nais pag-ukulan ng pag-aaral, humanap ng limang
sanggunian o akda kaugnay ng paksa at gawan ang bawat isa ng anotasyon.
Tatayain ang mga anotasyon sa pamamagitan ng sumusunod na batayan:

Batayan ng Grado Kaukulang Puntos Grado


Napapanahon at kapaki-pakinabang 10
ang napiling paksa

Makabuluhan ang mga akda 10


at sanggunian na ginawan ng
anotasyon
Malinaw ang naging pagtalakay sa 10
anyo at nilalaman ng bawat akda

Kabuoan: 30

2. Pagbuo ng Konseptong Papel sa Isang Proyekto Hinggil sa Pagbasa


Nabanggit sa nakaraang talakayan ang suliranin sa mababang kultura ng pagbabasa
sa Pilipinas. Bumuo ng grupo na may tatlong miyembro at ipagpalagay ninyong bubuo kayo
ng plano para sa anumang proyekto na magpapalaganap sa kultura ng pagbabasa sa mga
kabataan. Tiyakin na naglalaman ito ng mahahalagang bahagi ng isang konseptong papel tulad
ng titulo, mga layunin, maikling paglalarawan, mga proseso sa pagsasagawa ng proyekto, at mga
kasangkapang gagamitin. Isulat ito sa isang manila paper at ibahagi sa klase.
Tatayain ang konseptong papel sa pamamagitan ng sumusunod na batayan:

Batayan ng Grado Kaukulang Puntos Grado


Napapanahon at kapaki-pakinabang 10
ang napiling proyekto
Sistematiko at detalyado ang plano 10
sa proyekto
Malinaw ang pagpapaliwanag ng 10
proyekto sa klase
Kabuoan: 30

YUNIT I KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGBASA: PAGSUSURI AT PAGSULAT NG IBA’T IBANG TEKSTO 7


3. Presentasyon ng Piling Panitikang Filipino
Umisip ng isang mahusay na panitikang Filipino na sa tingin ninyo ay dapat na mabasa ng
mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Maaaring pumili ng anumang genre ng panitikan, luma
man o kontemporaneo. Bumuo ng grupo na may tatlo hanggang apat na miyembro at gumawa
ng isang malikhaing presentasyon nito. Gumawa ng 10 minutong pagtatanghal ng panitikan (kahit
na anong teknik) at ipakita ito sa klase. Isipin ang panitikang makapupukaw sa interes ng mga
kamag-aral.
Bibigyan ng grado ang pagtatanghal batay sa sumusunod na batayan:

Batayan ng Grado Kaukulang Puntos Grado


Lalim ng pagkaunawa at panana- 10
liksik sa panitikan

Pagiging malikhain ng presentasyon 10


at orihinalidad ng teknik na ginamit

Kabuoang kaayusan ng 10
pagtatanghal sa klase

Kabuoan: 30

8 PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK

You might also like