Ang Pagkamulat Sa Daigdig Na Walang Kulay

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Ang Pagkamulat sa Daigdig na Walang Kulay

Itim at puti ang kinagisnang mundo niya. Malawak na itim ang dagat. Puting-puti

ang sinag ng araw, Magkakaibang klase ng itim at puti ang pumipinta sa mga bulaklak.

Hindi alam ng bata kung ano ang anyo ng sinasabi nilang “dilaw,” o ang itsura ng naririnig

niyang “bughaw,” kahit ang pagkakakilanlan ng “pula.” Ang kawalan ng kulay lamang ang

kilala ng mata ng bata.

Araw-araw gumigising ang bata sa puti’t itim na mundo. Bagama’t sanay na ang

limang taong gulang na mata sa kawalan ng kulay na yumayapos sa kinagigisnang

mundo, hindi pa rin maiwasan ng bata ang magtaka kung bakit ito ang daigdig na kanyang

nakikita, na iba mula sa nakikita ng karaniwang tao. Sanay na siya sa kawalan ng kulay

ngunit, hindi pa rin niya maiwasang maghangad na makita niya ang totoong kulay ng

daigdig na kanyang kinalakihan.

Kagaya ng dati, nagising ang bata sa puti’t itim na mundo subalit, ayaw na niyang

sanayin ang sarili sa kawalan ng kulay ng kanyang ginagalawang daigdig. Nagsasawa

na ang kanyang limang taong gulang na mata sa itim at puti. Hinangad niya – hindi –

sabik na sabik siyang makakita ng kulay.

Umupo siya sa kanyang kama, dahan-dahang inikot ang ulo upang pagmasdan

nang paunti-unti ang itim at puting kuwarto, nag-isip kung paano siya makakikita ng kulay.

Tumama ang kanyang mata sa isang aklat na nakapatong sa mesa sa tabi ng kanyang

kama. Balot ng pang-uusisa, kinuha ng bata ang aklat at binuksan nang paunti-unti.

Biglang nabalot ang buong silid ng mga samot-saring kulay na hindi niya alam ang

pangalan. Matitingkad ang mga kulay na pumipinta sa dating puti at itim na silid ngunit,
hindi papantay ang katingkaran nito sa mga pahina ng aklat na kanyang binuksan.

Nagmistulang buhay na buhay ang mga guhit na nasa pahina ng libro. Namangha ang

bata sa kanyang nakita at inusisa pa ang libro na hawak. Tiningnan ang mga makukulay

na guhit sa mga pahina. Binasa nang isa-isa ang mga malalaking salita na kalakip ng

mga guhit sa bawat pahina, na maya-maya’y napagtanto niya na naghahayag ng isang

kuwento tungkol sa isang pagong at matsing. Marahang inilipat ang mga pahina upang

subaybayan ang kuwento ng dalawang nilalang.

Nang matapos ang kuwento, sinara niya ang libro at unti-unting nawala ang kulay

na sandali lamang niya nasilayan bagkus, naiwan sa kanyang paningin ang isang kulay.

Dilaw. Mapusyaw lamang ang kulay dilaw, ngunit naroon pa rin. Kinulayan nito ang sinag

ng araw mula sa labas ng kanyang bintana at ang dingding ng kanyang silid.

Nangingintab ang limang taong gulang niyang mata sa kanyang nakikita. Sa unang

pagkakataon, hindi lamang itim at puti ang nakilala ng kanyang paningin, bagkus,

nalaman na rin ng bata ang pagkakakilalanlan ng “dilaw,” kahit malawak pa rin ang pag-

iral ng itim at puti sa kanyang paningin kaysa sa mapusyaw na dilaw na mistulang tilamsik

lamang sa harap ng kanyang mga mata. Iba na ang hinangad ng bata sa pagkakataong

iyon – gusto niyang mapatingkad ang bagong kulay na kanyang nakilala.

Sa mga sumusunod na araw, hiniling niya sa ina na bigyan siya ng mga aklat

upang basahin, na tinupad naman ng ina. Araw-araw, nagbibigay ang ina ng bagong aklat

na ikinatutuwa naman ng bata. Sa bawat aklat na binabasa, nakapapasok siya sa mga

bagong mundo. Nakilala ang isang mahiyaing batang pinagmulan ng isang halaman na

may dahong tumitiklop kapag hinahawakan. Nakakilala rin siya ng mga hayop na

nagsasalita’t nagtuturo ng mga kagandahang asal. Nakipagkuwentuhan sa isang


matandang babae (na nakilala niya bilang si Lola Basyang) na may baong kuwento mula

sa iba’t ibang mundo; kuwento ng isang prinsepeng sinumpang maging kuba hanggang

makatanggap siya ng halik mula sa isang babaeng mamahalin siya nang tunay, kuwento

ng isang binibining nalampasan ang mga pagsubok na binigay sa kanya ng hari, at iba

pang mga mahiwagang kuwento. Hindi naglaon, unti-unting tumingkad ang kulay dilaw

sa harap ng mga mata hanggang nanaig ito laban sa malawak na itim at puti na dating

sumakop sa kanyang paningin.

Ilang taon na ang nakalipas mula noong una niyang makita ang kulay dilaw – na

napatingkad niya nang husto sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat na hindi na

niya mabilang sa dami. Marami na siyang nakilalang persona at tauhan sa mga libro na

tumulong sa kanya na mapatingkad ang unang kulay na kanyang nakilala sa mga

nagdaang taon.

Bughaw ang ikalawang kulay na kanyang nakilala. Nagmula ito sa isang manipis

na aklat na nagsasalaysay gamit ang mga taludtod, sa halip na mga talatang

nakasanayan niyang basahin. Kanyang natagpuan ang isang kakaibang kuwentong puno

ng salamangka, pag-ibig at pag-asa. Sinalaysay ng mga taludtod ang kuwento ng tatlong

magigiting na prinsipeng naghahanap ng isang mahiwagang ibon, bagama’t sa huli, ang

bunsong prinsipe lamang ang nakatagpo sa ibon na nagpagamot sa amang hari, na

pinag-ugatan ng inggit ng dalawang nakatatandang prinsipe. Nang matapos niya ang

kuwento, nakita niya ang kulay bughaw sa harap ng kanyang mga mata. Pinintahan nito

ang iilang bahagi ng kanyang paningin, kagaya ng pabalat ng iilang libro sa kanyang

kama at ang ibang bahagi ng kanyang pananamit. Humalo rin ito sa kulay dilaw na unang

nakilala upang gumawa ng bagong kulay: luntian. Kagaya ng unang pagtuklas sa dilaw,
mapusyaw pa ito, ngunit maaari pang mapatingkad. Nagbukas muli siya ng isa pang aklat

na puno ng taludtod ng isang awit. Nakilala ang mga maharlikang Florante at Laura, at

ang kuwento ng kanilang walang maliw na pag-iibigan na sinusubok ng katauhan ni

Adolfo na balot ng inggit at poot. Natuklasan niya ang kuwento ng tunay na pag-iibigan

na hindi mababali ng kahit anong pagsubok.

Tumingkad ang bughaw nang mabasa ang mga huling taludtod ng awit. Humalo

ang kulay sa dilaw at gumawa pa ng mas matingkad na luntian. Dumarami na ang kulay

na pumipinta sa kanyang paningin at unti-unti nang napapawi ang mga bakas ng itim at

puti na minsang sumakop sa kanyang paningin sa bawat araw na siya’y gumigising.

Pula ang huling kulay na lumitaw sa harap ng paningin. Natuklasan niya ang

pagkakakilanlan ng pula makalipas ang maikling panahong pinintahan ng dilaw at

bughaw. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang pula sa mga pahina ng binabasang

nobela. Mistulang nakasaboy ang kulay sa iba’t ibang bahagi ng iba’t ibang pahina,

kinukulayan ang mga salita, tulad ng “himagsikan,” “pag-ibig,” “bayan,” at mga pangalan,

tulad ng “Ibarra,” “Maria Clara,” “Elias,” at “Sisa.” Sa bawat pahina, parami nang parami

ang mga pulang marka, habang palabis nang palabis ang mga nakikilalang katauhan;

isang binibining naging modernong halimbawa ng isang tradisyonal na Pilipina, isang

ginoong namulat sa kanser ng lipunan na nakapamiminsala sa kinabukasan ng bansa,

isang masintang ina na natulak sa bingit ng kahibangan dulot ng pagkawala ng anak at

isang magsasakang may masidhing pagmamahal para sa bayan at pagnanais ng

reporma’t paghihimagsik para sa ikabubuti ng bansa. Sa lahat ng mga katauhang nakilala

niya, nakakita siya ng pula. Sa mga huling kabanata ng nobela, kinulayan ng pula ang

pangkalahatan ng mga pahina. Pinintahan ng matingkad na pula ang kanyang paningin


matapos niyang basahin ang mga huling salita ng nobela. Nang walang pasubali,

sinimulan na niyang basahin ang kasunod na nobela. Nakakilala ng bagong tauhan.

Nakilala ang nagbagong tauhan ni Crisostomo Ibarra sa persona ni Simoun. Sumidhi ang

laban para sa mga reporma para sa ikabubuti ng minamahal na bayan. Mas tumingkad

ang pulang nakikita sa mga pahina sa bawat kabanata. Sa katapusan ng ikalawang

nobela, nanaig ang pula sa paningin. Humalo sa mga naunang natuklasang kulay at

nagkaroon ng kahel at lila. Patuloy na nanaig ang mga bagong tuklas na kulay laban sa

itim at puti, at sa wakas, sa loob ng mahabang panahong nanaig ang kawalan ng kulay

sa kanyang paningin, nakakita na siya ng kulay.

Itim at puti ang kanyang kinagisnang mundo, subalit, unti-unting nabalot ng kulay

ang kanyang paningin sa paglipas ng panahon, sa bawat aklat na binubuksan upang

pakawalan ang kulay na kanilang tinataglay sa pagitan ng mga pahina. Nagsimula sa

dilaw, ang kulay ng saya, ng pakiramdam ng pagkabata. Sumunod ang bughaw, kulay

ng karunungan, ng unti-unting pagkatuto. Huli ang pula, kulay ng pagmamahal, ng

maalab na pag-ibig para sa kapwa, sa bayan, sa Diyos. Namulat ang kanyang mga mata

sa totoong kulay ng daigdig. Ito ang kanyang kuwento. Ito ang aking kuwento.

Simulan mo ang iyong kuwento. Simulan mong buksan ang aklat upang

pakawalan ang mga kulay na kanyang taglay. Simulan mo na ang pagtuklas ng

imahinasyon, ng karunungan, ng pagmamahal. Itim at puti ang iyong kinagisnang mundo.

Simulan mo na ang pagmulat. Kulayan mo na ang iyong mundo.

You might also like