Reaction Paper #1

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

ANCHETA, MARK JOSEPH M.

BA Journalism 3-1D

BALIK-TANAW: Isang Rebyu sa dokumentaryo ni Mike De Leon ang


“Bayaning 3rd World”

Sa kabila ng maraming sanggunian at babasahin tungkol sa mga akda at buhay ni Jose


Rizal, hindi maipagkakaila na hanggang ngayon marami pa rin sa atin ang hindi pamilyar sa
kwento ng kabayanihan niya. Ang alam lamang ng karamihan, siya ang pambansang bayani ng
Pilipinas, na siya ay nagbuwis siya ng buhay. Natalakay man ang buhay niya sa paaralan, hindi
maiiwasan na ito ay makalimutan ng mga Pilipino. Ganoon pa man, mainam na balikan natin ang
kwento sa likod ng kanyang pangalan at katapangan. Muli nating ipaalaala sa ating sarili na hindi
dapat mawaglit ang kaniyang istorya.

Sa akdang ito hihimayin natin ang isang dokumentaryo ni Mike De Leon, “Jose Rizal:
Bayaning 3rd World.” Ito ay pagbabalik tanaw na rin sa mga kaganapan noong siya ay tahimik na
lumalaban gamit ang papel at pluma.

Ang Bayaning 3rd world ay isang dokyumentaryong ipinalabas noong 2000. Ito ay isa sa
mga matatagumpay na likha ni Miguel Pamintuan de Leon o mas kilala bilang Mike De Leon,
isang tanyag na Pilipinong direktor, manunulat at prodyuser. Ito ay pinagbidahan ng mga sikat na
artista tulad nina Joel Torre, Ricky Davao, Cris Villanueva, Ed Rocha, Cherry Pie Picache, Rio
Locsin at iba pa.

Umikot ang istorya nito sa dalawang manunulat ng pelikula (filmmakers) na nais


makagawa ng isang pelikula o dokumentaryo na sasalamin sa mga tunay na pangyayari sa buhay
at karanasan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Sa kabuuan, layunin ng pelikulang ito na
maantig ang damdamin ng bawat Pilipino at hikayatin ang lahat na suriing muli ang kanilang
pananaw maging ang kanilang posisyon at kaugalian sa pagsamba ng bayani, paglikha ng mito, at
pambabathala.

Buod ng Dokumentaryo

Naging pangunahing tauhan ng dokumentaryong ito ang dalawang manunulat ng


pelikula na kung sana masusi nilang hinimay ang mga nangyari noon sa buhay ni Rizal. Maraming
akda at sanggunian na ang kanilang nabasa ngunit naging hamon sa kanila kung ano ang magiging
pangunahing paksa ng gagawin nilang pelikula.

Una nang naisapelikula ang buhay ni Rizal ng mga banyagang direktor, na kung saan hindi
malinaw na naipakilala at naipakita ang buo at malalim na istorya ng nasabing bayani. Dahil doon,
ayaw ng dalawang manunulat ng pelikula na matulad ang kanilang proyekto sa nauna nang
pelikula. Nais nilang baguhin ang anggulo, mas detalyado at malinaw.

Sa kalagitnaan ng pelikula, naging maliwanag na ang anggulo ng retraksyon ni Rizal. Ang


retraksyon na ito ay isang pahayag na diumano’y isinulat ni Rizal na nagsasabing siya ay
nagbabalik-loob sa pagiging Anak ng Katoliko. Ito ay permado niya at ng saksing pari.

Maraming kwento at argumento ang gumulong sa pelikula. Natalakay din ang kwento ng
iba pang mga taong nasa paligid ni Rizal. Kabilang dito sina, Doña Lolay (ina), Josephine Bracken
(babaeng pinakasalan ni Rizal), Doña Narcisa at Trining (mga babaeng kapatid), Paciano (lalaking
kapatid), Padre Obach (ang pari na nagkasal kina Rizal at Bracken), Padre Balaguer (isa sa mga
pari na nakasama ni Rizal sa kanyang mga huling oras)

Sa bawat paling ng istorya, may interbyu at pagsasadula na siyang sumuporta sa bawat


argumento. Sa mga interbyung iyon lumabas ang marami isyu at tanong. Isa na rito ang tanong
tungkol sa pag-iibigan nina Rizal at Bracken. Si Josephine Bracken ay isang Irish-British na
naging kasintahan ni Rizal. Ang kanilang pagiisang-dibdib sa Fort Santiago, ang lugar kung saan
noo’y nakapiit si Rizal ay napuno ng diskusyon at tanong kung legal ba ang nangyaring kasal.
Pinagtalunan ng maraming tao ang isyung ito. Bukod kasi sa walang natagpuan na mga pagtatala
patungkol sa pagiisang dibdib, umusbong din ang espekulasyon na si Bracken ay maaaring isang
espiya o kasabwat lamang ng mga Espanyol at inatasan na suyuin si Rizal na gawin ang retraksyon.
Maliban sa mga nabanggit, ipinakita rin ng dokyumentaryo ang isang panig na kung saan
nais nilang alamin kung pipiliin pa kaya ni Rizal na isakripisyo ang kanyang sarili para sa bayan
kung alam niyang magiging ganito ang turing sa kaniya ng ilang mga Pilipino? Mababalikan na
hindi naging madali na maideklara si Rizal bilang pambansang bayani. Maraming talakayan ang
nangyari bago pa man mapasa-kanya ang titulo.

Natalakay din nito ang umusbong na relihiyon na kung saan ay itinuring siyang panginoon.

Sa kabuuan naglaman ng maraming interbyu at pagsasadula ang dokyumentaryong ito.


Napuno ng makabuluhang batuhan ng impormasyon at argumento. Dagdag pa ang mga
imbestigasyon at pagsusuri sa mga isyung nabanggit. Malinaw na talagang naging hamon sa
dalawang manunulat ng pelikula na mabuo ang akdang ito. Malinaw din na marami pa ring tanong,
mali at hindi beripikadong impormasyon ang umiikot sa maraming babasahin at sanggunian.

Pagsusuri

Ipinalabas ang pelikulang ito noong Pebrero 16, 2000. Tumakbo ng mahigit isa’t kalahating
oras ang kabuuang dokyu. Nag-umpisa ito sa pagpapakita ng mga pambansang simbolo ng
Pilipinas kabilang na si Dr. Jose Rizal bilang pambansang bayani. Sinundan ito ng introduksyon
ng mga panunahing karakter.

Malinaw na ang pangunahing laman ng dokyumentaryong ito ay ang serye ng mga interbyu
at pagsasadulang may kaugnayan kay Rizal. Ngunit hindi naging madali para sa akin na
maunawaan ang bawat kabanata ng istorya. Hindi naging seryoso at pormal ang kabuuang
presentasyon ng kwento, may halong kakatwan at biruan. Dahil doon may ilang parte ng pelikula
na kung saan hindi ko alam kung matatawa ba ako, maniniwala o hindi. Sa makatuwid may mga
pagkakataon na naguluhan ako.

Sa kabilang banda, naging malaman naman ang batuhan ng mga impormasyon at datos na
may koneksyon sa paksa. Naging masining din ang atake ng pagsasadula. Mula sa mga kasuotan,
lugar at linya ng mga tauhan, masining itong naisagawa. Aaminin ko kahit na luma at black and
white ito napukaw nito ang aking interes. Humanga at naaliw ako. Wari bang bumabalik din ako
sa nakaraan.
Pagdating naman sa aral at istorya, nabusog ako. Maraming punto ang nalinaw at nabigyan
ng paliwanag. Maraming karagdagang impormasyon ang aking nakuha at muling nabalikan.
Malikhain rin ang naging mensahe ng titulo nito na “Jose Rizal: Bayaning 3rd World” na kung saan
ipinakita na sa kabila ng pagiging bayani niya hindi lahat ng tao ay may paki-alam. Maraming tao
ang abala sa paghahanapbuhay at pagaasikaso sa sarili. Dahil nga tayo ay nasa developing country,
marami tayong hinahabol.

Sa perspektibong iyon makikita natin na tunay ngang bayani si Rizal, sa pagkat sa halip
na unahin niya ang sariling kapakanan at buhay nagawa pa niyang bigyan ng oras at kalinga ang
Pilipinas.

Napakalakas ng mensahe ng bandang dulo na bahagi ng pelikula. Na ipinakita ang


dalawang manunulat na ini-interbyu si Jose Rizal, pagkatapos ng kanyang kamatayan.
Nagtatanong sila at sinasagot naman ito ng kathang-isip na si Rizal. Ngunit sa huli, ang
nakakatawang katotohanan ay hindi mismo si Rizal ang sumasagot sa mga tanong nila, kundi
mismong sila rin – imahinasyon nila.

Bilang aral masasabi natin na hindi ganoong naisasa-alang alang ang katumpakan ng mga
datos, sa huli ang mga akdang may kinalaman sa kasaysayan ay maaaring maapektuhan ng
pansariling opinion. Katulad sa dokyumentaryong iyon, isusulat o gagawin nila ang proyekto base
sa kung ano ang gusto nilang makita, base sa kung anong gusto nilang marinig at base sa kanilang
mga opinyon at hindi sa mga totoong pangyayari.

Nakakalungkot isipin pero totoo yun, maganda na naipakita ito sa palabas. Ngayon mas
naunawaan natin na ang hirap balikan ng nakaraan kung sa mismong mga nalimbag na akda at
pelikula ay hindi tiyak ang katumpakan ng mga impormasyon.

Bilang karagdagang pagsusuri, nagsiyasat ako ng iba pang impormasyon tungkol sa


Bayaning 3rd World at nalaman ko na nagkamit ito ng maraming nominasyon at parangal noong
taong 2000 hanggang 2001. Ilan sa mga nakamit nitong pagkilala ang, Pinakamahusay na Pelikula
ng (2000), Pinakamahusay na Sinematograpiya (2000), Pinakamahusay na Direksiyon (2000),
Piankamahusay na Musika (2000) mula sa Gawad Urian Award. Dagdag pa rito ang limang
parangal na mula naman sa Young Critics Circle Award 2001.
Nominado rin ang pelikulang Bayaning 3rd World sa The Filipino Academy of Movie Arts
and Sciences Awards o FAMAS Award.

Ang mga pagkilala at parangal na ito ay patunay na dekalidad ang dokumentaryong ito ni
De Leon. Ipinaalaala nito na hindi dapat mawaglit sa isipan natin ang kwento ni Rizal na bahagi
ng mayaman na kasaysayan ng bansa.

Rekomendasyon

Lagpas dalawang dekada na ang lumipas matapos itong maipalabas, maraming nang
nabago at umunlad sa larangan ng teknolohiya at pelikula. Ganoon pa man nais ko pa ring ipa-abot
sa akdang ito ang mga rekomendasyon ko para mas mapaunlad pa ang obrang ito.

Una, sana maisailalim ito sa film restoration. Para mailinya sa mga pelikula na maaaring
mapanuod ng mga Pilipino na nais magbalik tanaw. Maganda rin na magkaroon ito ng kulay para
makasabay sa mga bagong pelikula.

Sa panahon ngayon na halos lahat na ng kabataan ay lunod na sa mga banyagang palabas,


mainam na isabay natin sa panlasa nila ang dokyumentaryong katulad nito. Kung mabibigyan nga
ng pagkakataon, hiling ko na sana magkaroon ng remake – mga bagong mukha na gaganap. Na
siyang ipapalabas sa mga sikat na online streaming platfroms ngayon. Sa ganitong paraan,
maihahain muli natin sa mga Pilipino ang mga istorya na tiyak na kapupulutan nila ng aral. Kwento
na magbabalik sa kanila sa nakaraan at mga palabas na gigising sa kanilang damdaming
Makabayan.

Muli, tayo’y magbalik-tanaw.

Sanggunian

Pageant A. (2021, October 26). Jose Rizal - Bayaning 3rd World


[Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=xsvkWJDM1sE&t=2008s

Famaous F. - Bayaning 3rd World | Awards. https://www.famousfix.com/topic/bayaning-3rd-


world/awards

You might also like